Wednesday, August 09, 2006




HINTAY, SANDALI LAMANG, O BIRHENG WALANG AWA

Verweile doch, du bist so schon…..
--J. W. GOETHE, Faust II



Nakabibighaning dilag, pwede ba?
Habang nakasalampak sa bakod ng sangandaang di malusutan
Naritong hampas-lupang nabalaho’t sinibasib ng matinding pagnanais—
Anong sungit ng langit, napakamaramot.

Nakatutuksong dilag, talang unti-unting naglalaho:
Sabik na sabik na ‘kong mapakiramdaman ang bugso ng dugong mailap—

Bakit nagmamadali?

Unawain sana kahit di kaawaan
Itong sugalerong napasabak sa laro ng diyablong pitang gumigiyagis sa ulirat.


Saan mahahagilap ang matimtimang dilag? Hintay, kahit ‘sang sulyap lamang….
Sa pilantik ng iyong mata nagsalubong, sa aking panimdim,
Ang katawang naluray at guniguning alumpihit, di maramot sa awa—
Sinusubukang makilatis ang kariktan ng nimpang nalusaw sa panaginip.


Hintay…Anong kakintalang dagling naglaho’t tumimo sa diwa?
Mataimtim ang pagnanasa, O birheng kay bangis—

isusuka ko ang asim at pait
Ng ilanlibong pagsisisi’t panibugho
upang sa bakod ng sangandaan

Makapiling ka, lumilikas sa sumandaling halik
ng iyong buhok-ahas.



--ni E. San Juan, Jr.

No comments:

APOLINARIO MABINI: SA PAGITAN NG DALAWANG IMPERYO

kritike 18, 1 (2024)--UST E-JOURNAL Sa Pagitan ng Dalawang Imperyo: Pilosopiya at Politika sa Ang Rebolusyong Filipino ni Apolinario Mab...