Others have given their lives, without doubt or heed...Scaffold or open plain, combat or martyrdom's plight, 'Tis ever the same, to serve our home and country's need. -- JOSE RIZAL, "My Last Farewell" // Sapagkat ang mundo'y bayan ng hinagpis Mamamaya'y sukat tibayan ang dibdib... -- FRANCISCO BALAGTAS, "Florante at Laura" //
Tuesday, June 04, 2024
DALUMAT SA ESTETIKA NI LUALHATI BAUTISTA
Dalumat sa Pagsulong ng Feministang Estetikang Makabayan: Metakomentaryo hinggil sa Sining ng mga akdang In Sisterhood—Lea at Lualhati at Sonata ni Lualhati Bautista
E. San Juan, Jr.
philcsc@sbcglobal.net
ABSTRAK (ABSTRACT)
Sinubok sa kritikang ito na ilahad ang tipo ng feministang estetika na isinadula ni Bautista sa dalawang huling akda bago siya pumanaw. Nailarawan ang pagkasira ng pamilya- maternal na sabjek ng kababaihan sanhi sa malalim na pagbabago ng lipunan mula dekada 1970—panahon ng Cold War—hanggang dekada 1990 at bukana ng bagong milenyo. Nabuwag ang patriyarkong pamilya dahil sa pulitiko-ekonomikong krisis mula diktadurang Marcos hanggang neoliberalisasyon ng rehimeng sumunod. Sinuri ang transpormasyon ng diwa/kamalayan ng mga protagonista at punto-de-bista sa In Sisterhood at Sonata. Sa analisis ng babaeng sabjek, sinikap linawin ang paghahalo ng tinig ng awtor at kaniyang inimbentong
1
SAN JUAN, Jr. | Dalumat sa Pagsulong ng Feministang Estetikang Makabayan: Metakomentaryo hinggil sa Sining ng mga akdang In Sisterhood—Lea at Lualhati at Sonata ni Lualhati Bautista
2
tauhan upang pasabugin ang makasariling ugali/ paniniwala. Tangka ng awtor na usisain ang batayan ng awtoridad ng burgis na pamilya, ng magulang-ama, at buong ordeng neokolonyalismo, sa pamamagitan ng pagbuwag sa tradisyonal na dibisyon ng lakas-paggawa na saligan nito. Intensiyon din na ilagay sa alanganin ang postmodernong karnabal ng In Sisterhood sa mapanuring masid ng protagonista sa Sonata. Si Kathleen ang simbolo ng babaeng nais lutasin ang kontradiksiyon ng sarili/ pamilya sa paraang diyalektikal. Nilagom ni Bautista sa dalawang akda ang problema at metodo ng babaeng manunulat na nakikibaka para sa kapakanan ng komunidad na siyang susi sa pagpapalaya ng kababaihan sa pagka- alipin sa ilalim ng patriyarko-kapitalismong sumisikil sa buong sambayanan.
(This critique attempts to describe the type of feminist esthetics dramatized by Bautista in her last two works before she died. The critic focuses on the dissolution of the family-centered, maternal subject of female characters caused by the profound social changes beginning in 1970—the height of the Cold War—up to the 1990 decade and the advent of the new millennium. The patriarchal family was eroded due to the political-economic crisis of the Marcos dictatorship up to the neoliberalizing regimes that followed. This essay seeks to analyze the psychic transformations of the protago- nists, their viewpoints, in both In Sisterhood and Sonata. It strives to deineate how the author explored the basis of bourgeois author- ity in the family and the neocolonial order, by way of deconstructing the traditional division of social labor. It also ex- amines Bautista’s intent to question Kathleen’s endeavor to re- solve the contradiction between family/self in a dialectical man- ner. In these two works, Bautista condensed the problems and methods of the female artist struggling for her own freedom, and for the community’s welfare as the key to liberating women from servitude to the dictates of the patriarchal-capitalist hegemony that continues to oppress the entire nation.)
Susing Salita (Keywords): kasarian, patriyarko, neokolonyalismo, kontradiksiyon, diyalektika, neoliberal
DILIMAN REVIEW | Vol. 66 No. 2 (2022)
3
SAN JUAN, Jr. | Dalumat sa Pagsulong ng Feministang Estetikang Makabayan: Metakomentaryo hinggil sa Sining ng mga akdang In Sisterhood—Lea at Lualhati at Sonata ni Lualhati Bautista
4
.....Kung kinailangan pa nina Mulan ng Tsina at Joan of Arc ng Pransya na magbalatkayong lalaki para makalahok sa digmaan laban sa mananakop, sa Pilipinas ay marami ang kababaihang naging mga mandirigma o pinunong pandigma laban sa kolonyalistang Espanyol nang hindi itinatago, bagkus ay mas pinatitingkad pa nga, ang kanilang pagiging babae....Ayon kay Juliet de Lima, dumaranas ang higit na nakararaming mayorya ng kababaihang Pilipino ng tatlong suson ng pang-aapi at pagsasamantala ng uring kumprador-panginoong maylupa; at paghahari ng kalalakihan nd dinaranas din ng kababaihan ng nagsasamantalang uri.
- Adora Faye de Vera, “Ang Hindi Tradisyunal na Tradisyon ni
Kasamang Maita”
Ngunit ano ang isang / komunistang ina? / Maapoy na tanglaw / tungo sa liwayway
Sandigang bato / Lupang bukal ng lakas / sa digma, katagi sa labanan at /alalay sa tagumpay / Ang ina ko.
- Maria Lorena Barros, “Ina”.
Prologo
Masalimuot ang trayektorya ng sining ni Lualhati Bautista mula pa sa paglalathala ng unang nobelang Gapo (1988) hanggang sa huling akda niyang Sonata (2017). Bunsod iyon ng makasaysayang pagbabago sa bansa, mula sa diktadurang Marcos, 1986 “People Power Revolt,” sigalot sa administrasyon ni Cory Aquino, hanggang sa madugong terorismong inilunsad ng rehimeng Estrada-Arroyo. Ang peministang estetikang tumuhog sa mga nobelang Gapo, Dekada 70, Bata Bata, Bulaklak sa City Jail, at Desparesidos, ay bunga ng malawakang pakikibaka ng sambayanang nagpatuloy sa 1896 himagsikan laban sa kolonyalismo’t imperyalismo, at nagbubunga ngayon ng makabuluhang transpormasyon sa araw-araw na buhay ng bawat mamamayan.
Nawasak na ang simbolikong figura ni Maria Clara sa gitna ng ekonomiyang parasitiko sa base militar ng U.S noong panahon ng giyera sa Korea at Vietnam. Naging migrante na ang “hostess” sa Olongapo. Ang empleyadong sumasayaw bilang “sabjek” ay biktima ng komersiyo/ kontraktwal na paglilingkod ng diktadurang Marcos sa Washington at IMF- World Bank. Nasira ang pagsulong ng agrikultura at kalakalan, at tuluyang lumubha ang lagay ng kababaihang trabahador sa kanayunan, ayon sa saliksik nina Aida Santos-Maranan at Ligaya Lindio-McGovern. Sa pagbuwag ng pamilyang tradisyonal, ang dating masunuring “sabjek” ay kumalas at nakisangkot sa kilusang humuhubog sa kabuhayan ng nakararaming mamamayan. Narehistro ito sa magusot na sikolohiya ng mga tauhan ni Bautista.
Naging masahol ang lagay ng kababaihan nang pumasok ang programang neoliberalisasyon nina Cory Aguino, Ramos, Estrada at Arroyo. Bagamat inilunsad ni Marcos ang “Labor Export Policy” noong panahon ng “martial law” at dumagsa ang migranteng kababaihan sa iba’t ibang lupalop ng daigdig, sa dekada 1990, malaking porsiyento (55%) pa rin ang kinakabig ng mayayamang 20% ng populasyon kompara sa 10% para sa maralitang 40% (Eviota, “The Context,” 53). Masasalat ito sa magusot na pamumuhay ng mga kasambahay sa Desaparesidos at Sonata—ang away ng anak at magulang, ng mga salinlahi, ay sintomas ng transpormasyon ng diwa o physiognomy ng mga babaeng protagonista.
5
DILIMAN REVIEW | Vol. 66 No. 2 (2022)
SAN JUAN, Jr. | Dalumat sa Pagsulong ng Feministang Estetikang Makabayan: Metakomentaryo hinggil sa Sining ng mga akdang In Sisterhood—Lea at Lualhati at Sonata ni Lualhati Bautista
Ang diyalektikang proseso ng babaeng “sabjek” na nagdurugtong sa mga akda ni Bautista ay mamamasid sa engkuwentro ng awtor at kaniyang mga inimbentong karakter sa In Sisterhood. Sa borador ng estetikang binilangkas doon, sinikap ding ipagtambal ang modernistang awtor- dalagang anak at pamilyang tradisyonal sa Sonata. Kung matagumpay ang rekonsilyasyon ng tradisyonal na magulang/pamilya at nasugatan o napinsalang sabjek (anak/asawa), ang tanong na ito ay matutugon sa pagsusuri ng ugnayan ng kapasiyahan ng protagonista at sari-saring determinasyong dikta ng historya at balanse ng nagtatagisang puwersa sa lipunan. Masukal at matinik na tema ito na susubukang hawanin dito. Sisikapin din sa maikling sipat dito na himayin ang lohika ng pagsasalaysay mula realistiko’t naturalistikong paraan hanggang sa simboliko’t alegorikang moda ng In Sisterhood at Sonata.
Pagtistis sa Palaisipan ng Kasarian
Simula pa sa Gapo at mga unang kuwento ni Lualhati Bautista, naiakma na ang kaniyang pagkatao bilang alagad ng sining sa masalimuot na situwasyon ng kababaihan (San Juan, “Panimulang Pagsubok”). Kasangkot dito ang krisis ng kabuhayan/kalusugan ng buong bansa. Hindi lang ito isyu ng kasarian kundi suliranin ng dibisyong seksuwal ng trabahong produktibo at ugnayang panlipunan ng reproduksiyon ng katawan-diwa ng tao—ang dalawang kategorya ay dapat isakonteksto sa mga praktikang politikal-ideolohikal, sa ordinaryong pakikipagkapwa. Ito ay isyu ng pagpapatuloy ng buhay at kaganapan ng galing at kakayahan ng bawat tao sa daigdig. Usapin din ito ng pagligtas sa mga biktima ng eksplotasyon at opresyon ng imperyalismo/kapitalismong sumakop sa atin at nangingibabaw pa rin hanggang ngayon. Kilala ito ngayon sa neoliberalismong giyera ng kapitalismong global laban sa “terorismo” (“extremism”).
Maimumungkahi sa umpisa na ang ugnayang pangkasarian ay tandisang ugnayan ng produksiyon. Ang sitwasyon ng kababaihan ay kasangkot dito. Iginiit ni Frigga Haug: “All practices, norms, values, authorities, institutions, language, culture, etc., are coded in gender relations” (“Thirteen Theses,” 2020). Gayunman, dapat ilagay ito sa yugto ng moda ng produksiyong sosyal at reproduksiyon nito sa isang tiyak ng antas ng
6
DILIMAN REVIEW | Vol. 66 No. 2 (2022)
kasayayan. Materyalismong-historikal ang ating pananaw batay sa ating kultura. Sa gayon, mababatid na ang dominasyon at subordinasyon ng kababaihan ay hindi natural kundi niyari at pinagana ng mga relasyong materyal sa produksiyon ng buhay, sampu ng minanang mga ugali, gawi, damdamin at paniniwala. Maling sapantaha na isipin na biyolohiya o pisiolohiya ang nagtatakda sa ating kakayahan at disposisyon ng kalooban. Hindi na kailangang ipaghiwalay dito tulad ng ipotesis ng dual economy at gawaing domestiko, dominasyon at eksplotasyon (Vogel; Haug, “Gender Relations”).
Isang prinsipyo ng mapagpalayang kaisipan ang paghanap ng dahilan sa ating kalagayan sa materyal na kondisyon ng buhay at ideolohiyang supling nito. Nakasalig ang kamalayan sa katalagahang pangkabuhayan at ugnayang panlipunan. Sa gayon, ang kaalaman o kamalayan natin ay limitado ng ating panlipunang oryentasyon sa isang partikular na yugto ng kasaysayan. Ang asal at paniniwala ng bawat tao ay hinulma’t hinubog ng kaniyang kongkretong lagay sa lipunan. Sa kabaligtaran, mabisang naiiba’t nababago ang kapaligiran sa bisa ng mga ideya’t dalumat ng mga taong nais baguhin ang nagisnang kalagayan (Eviota; Aguilar, Nationalist Feminism).
Sa paglalarawan ng ating kapaligiran, kailangang alamin natin kung saang lugar o posisyon ipinipinta iyon at kung kaninong sentido o saloobin ang lenteng ginamit upang itanghal ang iba’t ibang detalye ng mga pangyayari’t gumaganap na karakter. Sa Sonata, halimbawa, dalawang posisyon ang ipinagsalisi: ang batang Kathleen at gunita ng kaniyang reaksiyon sa ama’t ina na primaryang inasikaso sa banghay ng nobela, at ang bihasang Kathleen na nagdadalamhati sa pagpanaw ng ama at nagagalak sa reunyon o muling pagsasama ng mga taong umunawa sa makatuturang punksiyon ng ama—ang imahe ng mala-utopikong pagsasalu-salo sa wakas. Sa pagkakawing ng dalawang posisyon, nilutas ang kontradiksiyon ng herarkiya sa pamilya at indibidwalismong sumupling at kumuwestiyon doon, marka ng transisyon mula piyudalismo patungong komprador- petiburgesyang kaayusan.
7
SAN JUAN, Jr. | Dalumat sa Pagsulong ng Feministang Estetikang Makabayan: Metakomentaryo hinggil sa Sining ng mga akdang In Sisterhood—Lea at Lualhati at Sonata ni Lualhati Bautista
Imbestigasyon sa Punto-de-Bista
Sa sining ng narasyon (nobela o kuwento), ang teknikong bansag sa lenteng gamit ay “point of view” punto-de-bista. Susubukin ng nobelista kung ano ang pinakamabisang paraan upang maipahatid niya ang kaniyang mensahe—layon na makapukaw ng damdamin, makaaliw, sampu ng komunikasyon ng dunong o kaalaman (sa doktrina ni Horace, dulce et utilis). Banggitin natin ang ilang metodo. Ang gamit ng pangunahing persona, first- person, ay mabisa sa pagbunyag sa malay ng karakter, sa mga sekretong isip at damdamin. Mahusay na naibibilad ang matimtimang daloy sa “stream- of-consciousness” teknik. Sa kabilang dako, hindi nito maisisiwalat ang isip at damdamin ng iba, na makukuha sa ibang paraan: liham, tsimis, diyaryo o magasin.
Ang mas uso’t pinakamasaklaw na paraan ay ang “third-person” na halos nagdudulot ng “omniscience” sa awtor. Masining na hinawakan ni Flaubert ang paraang ito sa Madame Bovary. Upang makahulgapos sa limitasyon ng dalawang ito, puwedeng gamitin ang pagpapalipat-lipat (tulad sa Bleak House ni Dickens o The Sound and Fury ni Faulkner). Ganito nga ang paraang ginamit ni Bautista sa Desaparesidos at Sixty in the City (San Juan, Maelstrom), sa ilang kuwento sa kalipunang Buwan, Buwan, Hulugan Mo ako ng Sundang, at sa In Sisterhood. Mula sa sapin-saping tanaw sa eksena, inaasahan ng tagapagsalaysay na mailarawan ang totalidad o panorama ng karanasan ng mga tauhang kasangkot na talagang masaklaw at makatotohanan.
Sa pagsusuri ng mga katha ni Bautista, maaring siyasatin kung paano pinili ang tauhan na gaganap sa punksiyon ng kamalayang tumatanaw. Gamit ang perspektiba o anggulo ng pananaw ng tagapag-salaysay, naisasadula ang iba’t ibang aspekto ng problema o predikamentong etikal o moral ng mga tauhan. Madaling nasakyan ito sa nobelang Bata, Bata P’ano Ka Ginawa? at Dekada 70 kung saan ang mga ina ang naitampok na pangunahing protagonista (San Juan, “Paano Ginawa”; San Juan, “Lakas”). Sa Gapo, halimbawa, ang punto-de-bista ni Michael Taylor Jr. ang nananaig, samantalang ang iba ay nasa gilid lamang, tulad niba Magda o Modesto. Ipinagpasiya ng awtor na sapat na ang piniling punto-de-bista upang matarok ang kahulugan ng mga karanasan sa konteksto ng pambansang krisis.
8
DILIMAN REVIEW | Vol. 66 No. 2 (2022)
Malasin ang kaibahan ng narasyon. Sa In Sisterhood, ang diyalogo nina Lea at awtor ang nakasentro, samantalang sa Sonata, si Kathleen ay nagdadalaga sa memorya (diyegetikong sangkap ng naratibo) at matalinong ina’t tagasuporta ng pamilya (mimetikong sangkap na nagpopokus at bumabalangkas sa nakapaloob na mga gunita)—magkasudlong na mimetikong tagpong nagmumuwestra, at diegetikong pagsalaysay (Rimmon- Kenan 91-95).
Transisyon Patungong Post-modernidad
Masasabi na sa yugtong ito, makabago ang estilo ng narasyon sa dalawang kathang tinutukoy rito. Naihimatong na sa una ang udyok ng intertextuality (Kristeva 37, 111; Bakhtin, Dialogic) o diayalogikong prosesong malilinang sa In Sisterhood. Halimbawa: nang balik-tanawin ng awtor ang akda noong Pebrero 14,1993, lumitaw si Magda-No-Name sa maikling pagkilala nila ni Lea. Pagnilayin ang kapaligiran ng engkuwentro: ang pagputok ng Bulkang Pinatubo na puminsala sa maraming nayon at probinsiya, lalo na ang mga tribung naninirahan sa bundok, hanggang mapamahak din ang baseng Clark Field Air Base at Subic Naval Base ng U.S. at tuloy nawalan ng trabaho at negosyo ang Olongapo, lalo na ang mga hostes o bar girls. “Cross-cutting” at “montage” ng mga pangyayari ang ginamit upang maipamalas ang pagbibigkis ng detalyeng partikular at halagang unibersal sa isang tipikal na sitwasyon.
Kasabay ng kalamidad, nagpasiya rin ang Senado na “tanggihan ang panibagong pakikipagkasunduan sa Amerika tungkol sa mga base militar” (Sisterhood 80). Gayunman, nakabalik din ang mga imperyalista sa pamamagitan ng Visting Forces Agreement. Nagbayanihan ang mga taga- Olongapo upang maitaguyod muli ang dating kalakal sa Subic Bay Free Port Zone. Dito pumasok ang mga naiwang anak at asawa ng mga Kano, kabilang na ang abandonadong anak ni Magda, na nagkapag-asawa ng retiradong Kano—ito ang sequel ng Gapo—at hindi na sila nagkita ni Michael Taylor Jr. Hilig ng awtor na hulaan ang konsekwensiya ng kaniyang panagimpan sa nobelang sinulat noong dekada 1975-1985.
9
SAN JUAN, Jr. | Dalumat sa Pagsulong ng Feministang Estetikang Makabayan: Metakomentaryo hinggil sa Sining ng mga akdang In Sisterhood—Lea at Lualhati at Sonata ni Lualhati Bautista
Tinahing masinsin ang partikular at unibersal sa tipikal na tagpo. Binigyan ng panoramang historikal ang partikular na insidenteng itinala na kailangan upang mabuo ang totalidad na nagdudulot ng kahulugan sa samot- saring detalyeng empirikal. Dahil dito, hindi lamang angkop sa liberalismong aktitud ang pagtuon ni Bautista sa damdamin at kalooban ng tao, kundi abala rin siya sa pagsusuri sa puwersang pampolitika’t pang-ekonomiyang umaayos sa hugis at birtud ng karanasan. Iyon ay magkatambal na pakay ng sosyalistang feminismo (Kaplan; sinagisag ni Cassandra, ayon kay Wolf). Mas importante ang inilatag na mga pangyayring pinagdugtong kaysa sa limitadong pagkaalam ng mga tauhang palaboy.
Pag-inog ng Panahon at Ahensiya
Umaandar ang forma ng sining ni Bautista sa tema ng panahon at transpormasyon ng karakter sa baryasyon ng relasyong panlipunan. Subalit hindi simpleng salamin ng ekonomiya ang kilos ng tao. Sari-saring mediyasyon ng kultura (luma, umiiral, sumusulpot) ang tumatalab sa representasyon. Mababanggit na sa mitong klasiko ang nangangasiwa sa tadhana ng tao ay tatlong mahiwagang babae magkapatid (Hornstein et al 187). May paramdam kaya na ang mga babaeng makakasalubong natin ay kahawig nila, o ng mga kabarong Cassandra o Medusa?
Sa In Sisterhood, napag-usapan ng dalawang karakter ang awtor. At sa tanong ni Lea kung bakit hindi hanga si Magda, maigting ang paghahangad ng ibang wakas sa banghay ng istoryang kinamulatan niya “Hindi. Hindi ko gusto ang ending niya sa kuwento ko. Sana, ang ending masaya...Pag sumusulat siya sa Valentine Romances, laging happy ending. Nang sulatin niya ako, malungkot na buhay ang ibinigay niya sa akin” (88- 89). Nagbago ang kapaligiran, kaya nag-iba rin ang paningin, saloobin, at husga ng awtor.
Naisiwalat ang istorya ng paglikha ng nobela na di batid ng mga karakter. Sumbat ni Magda na istorya din niya ang nangyari kay Michael Taylor, Jr. Ang taga-sulid ay siya ring taga-sukat at taga-putol ng lubid ng buhay. Payo ni Lea na patawarin na ang awtor, “Kung ang Diyos nagpapatawad, ikaw pang tauhan lang?” (90). Ano ang pagkukulang ng
10
DILIMAN REVIEW | Vol. 66 No. 2 (2022)
awtor? Mas importante ba ang nilalang ng imahinasyon kaysa sa mismong bukal nito? Bakit gustong dugtungan ng awtor ang nobelang natapos sa pagkabilanggo ni Michael Taylor Jr. at buhayin muli si Magda? Dumating na tayo sa pagsusulit sa heteroglossia (Bakhtin, Dialogic 426-28; San Juan, “Pagdulog sa Gapo”), ang interpolasyon ng nagsalimbayang tinig, na paraang sinanay sa In Sisterhood, ay masidhing senyas ng ecriture feminine (Jones; Moi).
Walang tangka rito na gumaya sa Kanlurang padron. Hindi idiosynkratiko ang eksperimento ni Bautista na humabi ng makabagong peministang angkop sa katutubong sitwasyon. Kabilang sa mga awtor na may hilig buhayin ang kanilang inimbentong tauhan, si Alice Walker, Afrikano-Amerikanong nobelista, ang tanyag (Casella). Sa akdang The Temple of my Familiar (1989), halimbawa, tinawag niya ang ilang tauhan mula sa premyadong aklat The Color Purple (1982). Dumadalaw ang kaniyang tauhan upang magdaos ng kumbersasyon (Flood). Magkadaupang-palad tila ang mga karakter sa kanilang adhikaing isapraktika ang kanilang paninindigan sa kanilang likas na karapatan at kakayahan.
Interpolasyon ng Mga Tinig
Sa pakiwari ni Bautista, multi-dimensiyonal ang kakayahan ng mga nagtatrabahong babae—ina, asawa, anak. Ang bumibigkis kina Lea Bustamente, Magda, Ojie, Maya at iba pa, ay ang argumento na sadyang pagkamalikhain ang babaeng responsable sa pagtatalik ng mapagkalingang guniguni at mapag-imbot na realidad. Sa dulo ng reklamo ni Lea, naisaad niya ang lohika ng katha: “Masuwerte na lang kayong mga manunulat, sumbat niya. “Nakapaglalabas kayo ng sama ng loob. Puwede n’yong isulat lahat ng mga pinagdaanan n’yo, hindi n’yo kailangang sarilinin. Puwede n’yo pa ngang gawing karanasan ng mga tauhan n’yo ang sarili n’yong mga karanasan” (177). Nahipo rito ang pagbabago ng narsisitikong bersiyon ng pagkamakasarili—reaksiyon ni Kathleen laban sa malupit na ama’t kasiping—tungo sa maramdami’t mapag-arugang pakikitungo na siyang motibasyon sa pista ng komunidad sa wakas ng nobela.
11
SAN JUAN, Jr. | Dalumat sa Pagsulong ng Feministang Estetikang Makabayan: Metakomentaryo hinggil sa Sining ng mga akdang In Sisterhood—Lea at Lualhati at Sonata ni Lualhati Bautista
Ang hinuha na inilipat ang karanasan ng awtor sa kaniyang mga nilikhang tauhan ay hindi kamangha-mangha. Buhat pa kina Sappho hanggang kina George Eliot at Virginia Woolf, nakuhang ipakatawan ng mga manunulat ang mga pantastikong anyo ng karanasang bumukal sa guni- guni. Binubura ang bakod na humihiwalay sa suhetibong kamalayan at obhetibong katalagahan. Matutunghayan ito sa obra nina Cervantes, Dostoevsky, Pinter, Achebe, Toni Morrison, at lalo na sa pabula ng pamilyang Buendia mula kay Melquiades, ang punto-de-bista sa One Hundred Years of Solitude ni Gabriel Marquez. Puwedeng ihambing ito sa ecriture feminine nina Helen Cixous at Luce Irigaray (binatikos ni Monique Witting, ulat ni Moi; tingnan din si Kaplan, “Radical Feminism”).
Mamasid din ang peministant praktis sa panitik nina Genoveva Edtroza Mature, Liwayway Arceo, Rosario Guzman-Lingat, Joi Barrios, atbp. Taglay nila ang estilong repleksibo, maramdamin, mapagsuri. Tumutukoy iyon sa iskemang eksperimental ng panulat, lumalabag sa patriyarkong kodigo ng autotelikong arte at batas ng patriyarkong moralidad. Tahasang gumigiit iyon sa pagkakaiba ng babae sa diskursong ipinataw ng Estado at haka-hakang kumbensiyonal. Magkahalong polemika, pantastikong salamisim, panaginip, balisang pagbubulay-bulay, bulalas ng baliw, paghuhulong lagalag, nomadikong repleksiyon, atbp. ang naikintal sa In Sisterhood. Iyon ang palatandaan ng orihinalidad nito. Mababanggit dito ang puna ni Soledad Reyes hinggil sa estilo ni Virginia Woolf na tangkang “wakasan ang identidad batay sa kasarian” sa pamamagitan ng “pauntol- untol at pagbugso-bugsong naratibo na ginamitan ng iba’t ibang pananaw” (128).
Hindi bagong imbensiyon ang estratehiya ng paglalarawang ito. Ang sabayang pag-uusap, palitang-kuro, huntahan ay tinawag ni Mikhail Bakhtin na “heteroglossia” (428). Pinaiibabaw ang halaga ng konteksto sa teksto, ang mga kondisyong sosyal at pulitikal na siyang puwersang nagpapakahulugan sa anomang salita o pangungusap. Ayon kay Bakhtin, lahat ng pahayag o binigkas na salita ay heteroglotik dahil sila ay “functions of a matrix of forces pratically impossible to recoup, and therefore impossible to resolve” (428).
12
DILIMAN REVIEW | Vol. 66 No. 2 (2022)
Sa metodolohiya ni Bautista, litaw ang heteroglotikang estratehiya. Nagsalisihan ang ilusyon at reyalidad. Nagbunsod iyon ng katarsis sa pagiging obhetibo ng dati’y suhetibong damdamin o dalumat—diyalektikang proseso ng paglikha ng tipikal na aksiyon/tagpo. Ito ang reyalisasyon ni Bautista na kinuha sa paghunos ni Lea (sa halip na si Amanda Bartolome mula sa Dekada 70), na kinatawan din ng feministang pampulitika ng mga kapanahon. Di lang iyon, tiniyak pa ng avatar ang petsa ng pagtitik nito, “Marso 8, 2013, Araw ng Kababaihan”). Ito na marahil ang ars poetica ng manlilikha na dinulutan ng masidhing artikulasyon sa Sonata. Sinikap doong iangkop ang malay sa reyalidad sa paraan ng pagtimbang ng kolektibong pagpapasiya. Isinakonteksto ang narsisitikong pakikipagsalaparan ng batang Kathleen sa daigdig ng maskulinistang “Valentine Romances”:
....Na minsan, ang manunulat ay hindi lang ang manunulat kundi ang tauhan din ng kanyang kuwento. Ang tauhan ay ang puso’t kaluluwa, ang sarili, ng isang manunulat....
Huwag ka nang magreklamo sa mga sugat at kalungkutan na pinagdadaanan mo sa loob ng isang nobela. HIndi mabait ang manunulat na ang gustong ihain sa mambabasa ay hindi lang isang kuwento kundi isang kumpletong karanasan, kumpletong komentaryo sa ugnayan ng mga tao sa loob ng kanyang lipunan at pahanon. Ang manunulat ang kunsensiya ng kanyang bayan.... (177-79)
Binigyan ng parametro ang anarkikong daloy ng simbuyo sa loob ng mga nilikhang tauhan.Taktika ng awtor ang nasunod: inalo’t hinimas- himasan ang reklamo ni Magda na hindi nadulutan ng masayang katapusan ang Gapo. Kasi nga ang biyak-na-malay ni Michael Taylor Jr. ang nakataya roon. Gayunman, pinilit lunasan ang pagsabog ng identidad sa iba’t ibang maskara ng tauhan at likumin ang mga pira-pirasong aspekto ng budhi’t diwa sa likhang-sining. Ang banghay ng kuwento ang bagong padron ng kasal kay Bautista na negasyon ng “kasal” niya kina Rio at Carlo: “At natagpuan mo ang iyong sarili sa loob ng isang kuwento, isang tula, isang awit, isang dasal. Dito mo matutuklasan na minahal ka rin pala niya at ikinasal ang kanyang sarili sa iyo, iniangat ka rin pala niya sa altar ng kanyang kaluluwa, at binigyan ng pagpupugay ng kanyang mga bituin” (178).
13
SAN JUAN, Jr. | Dalumat sa Pagsulong ng Feministang Estetikang Makabayan: Metakomentaryo hinggil sa Sining ng mga akdang In Sisterhood—Lea at Lualhati at Sonata ni Lualhati Bautista
Mapapasubalian na baka ito’y kompensasyon lamang sa miserableng kondisyon ng kapaligiran. Maaari, kung ang dating identidad, o malay-sa-sarili, ay sinira’t pinasabog ng krisis panlipunan. Nagkawatak- watak ang batayan ng egosentrikong personalidad, pati na ang awtoridad ng patriyarkong puno ng pamilya/angkan na umaalalay sa mga subordinadong kasambahay, sa panahon ng pag-salungat sa diktadurya, sa rebelyon ng anak-pawis, kabahaihan, Moro at Lumad, laban sa pang-aapi’t pagsasamantala. Ipinadama ito ni Bautista sa gulo’t ligalig na gumiyagis sa mga pamilya sa Gapo, Dekada 70, Bata Bata, Desaparesidos, atbp.
Maitanong kung ang renobasyon ng lumang sabjek ang alternatibo sa disintegrasyong sumaklot sa madla. Bumalik ba tayo sa romantikong pilosopiya ng sining mula kay Longinus hanggang kina Schiller, Coleridge at Shelley (Wimsatt & Brooks)? Hindi, sapagkat nailapat ni Bautista ang distansiyang artistiko na nagpahintulot sa pagbadya ng ironya, pagpapatawa, pagtuya sa sarili, at masayang biruan sa bitak at lamat ng salaysay. Tila hindi lubusang nalustay ang pagkatao ng kababaihan. Bagamat ang estetikang feminista ni Bautista ay negatibong kritika ng kapitalistang lipunan, taglay nito ang pag-udyok sa tendensiyang salungatin ang komodifikasyon at reipikasyon ng buhay (Donovan). Kaalinsabay ng negasyon ng status quo, may masiglang pahiwatig iyon sa aktuwalidad ng isang sakramentong espasyo ng lugod at kaganapan. Matinding kakontra iyon sa mundo ng salapi, kalakal, at mabangis na digmaan sa pagsambot ng tubong kapital at kapangyarihan.
Maungkat muli natin: bakit binuhay muli si Lea at ginawa siyang alter-ego o representatibo ng awtor sa tangkang isulat ang kaniyang memoir? Hindi na ang batang Lea sa sumunod na engkwentro dahil sa pagkatuto sa naranasan. Ipinahayag ni Bautista na sa In Sisterhood, naititik niya ang kaniyang “mga paninindigan bilang manunulat at bilang babae. Marahil, pati na ang sarili kong patunay sa walang hanggang posibilidad ng imahinasyon.” Sa kuro-kuro ko, ito ang masustansiyang tema ng libro: ang mapanlikhang pwersa ng imahinasyon. Ngunit bago talakayin iyon sa huling bahagi, pahina i-xv, detour muna tayo sa pagpapatuloy ng buhay ni Lea pagkaraang matapos ang nobela, nang siya ay treynta’ dos anos noon- ”taglibog ng babae”—di umano’y intuwisyon ni Ricky Lee, kaibigang artista (3).
14
DILIMAN REVIEW | Vol. 66 No. 2 (2022) Disimulasyon at Interpelasyon
Nirepaso ni Lea ang nangyari sa nobelang Bata, Bata P’ano ka Ginawa (Torres-Yu). Ang nangingibabaw ay pagtatalik niya kay Raffy, banggit sa “umaatikabong yarian” na hindi tungkol sa pisikal na ugnayan kundi sa paghuli kay Johnny, isang katulong ni Lea sa NGO. Ang pagdukot at pagpaslang kay Johnny, tulad ng pagkamatay ni Gabe sa Sonata, ay senyas ng pagpihit ng pagkilala, kapwa peripeteia, pagpapalit ng kapalaran, at anagnorisis, pagkatalos at pagkawatas ng katotohanan. Alam ni Lea na baka maibulgar ni Raffy kay Elinor ang kanilang “yarian,” na hindi “akma sa isang pagkakataon o pangyayari. ‘Nagyarian’ kung pulos katawan lang; nagtalik kung kasama ang puso” (5). Nagtulak ito sa muni tungkol sa paggamit ng salita ayon sa situwasyon, hindi ito kabastusan. Kung tutuusin, hindi iyon “pagsasamantala ng lalaki sa kahinaanng babae,” na (kumpisal ni Lea) “di ko matatanggap dahil gusto rin naman, gusto ko rin, ang pakikipagtalik. Sa kundisyon nga lang na gusto ko ang makakatalik ko” (6). Binawi ng babae ang karapatan/kakayahang magpasiya, hindi magpatianod o magpahinuhod sa sumpong o pagbabakasali.
Feministang konsepto ng jouissance at gamot sa narsisismong makalalaki ang naitampok dito. Sa ano’t anuman, ang pagpapalaya sa imahinasyon ang marubdob na hangarin ni Lea—hindi kasimbagsik ng kagustuhang makipagtalik—na “lumabas sa kanyang libro at mabuhay bilang tunay na tao at hindi tauhan lang...tuntunin ang sarili kong direksiyon, gumawa ng sarili kong pasiya. Gusto kong magpakita” (7; hinggil sa ulirang halimbawa nina Charlotte Bronte, George Eliot, Florence Nightingale, atbp., bumaling kay Figes).
Ang hangaring “magpakita” at makilala ay dumaan muna sa balakid ng mga kontemporaryong pangyayari at figura: sina Isabel Allende at Leo Dee Rogierro, mga taguan ng awtor sa Annapolis, Cubao at sa Sikatuna, mga laro sa kompyuter, pornograpikong palabas, ang formula ng romance novel at sistemang kerida, at ang sinapit ni Jules, karakter sa Dekada 70. Katartiko ang talab ng huli. Napunta sa libro ni Albert Goldman, “The Lives of John Lennon,” si Lennon at ang “uugoy-ugoy na ari” nito, at ang pagbalewala kay Yoko Ono.
15
SAN JUAN, Jr. | Dalumat sa Pagsulong ng Feministang Estetikang Makabayan: Metakomentaryo hinggil sa Sining ng mga akdang In Sisterhood—Lea at Lualhati at Sonata ni Lualhati Bautista
Ang bantog na artistang Haponesa, na pangunahing lider ng grupong Flux, ay sagisag ng mapangengganyong imahinasyon na naturol na (Higgins 120-21). Sa pakikipag-usap ni Lea kay Yoko Ono, nabanggit ang prehuwisyo na “Ang dangal ng babae....ay walang ibang pinagkakabitan kundi ang pananatiling buo ng kanyang hymen....Pag dalaga ka at nasira ng nobyo mo ang virginity mo? Patay ka sa tatay mo!...parang tatay mo ang may-ari ng pekpek mo...bago pa mabenta sa magiging asawa mo. O, di ba nagkakabilihan naman talaga ng pekpek? Prostitusyon ka diyan. Hindi...dowry...Pag virgin, malaki ang bayad, me kasama pang kalabaw. Pag hindi na virgin, mura na lang, manok na lang ang kasama....(61).
Sa konteksto ng saliksik at husga ni Gayle Rubin hinggil sa trapiko ng mga babae, naputol na ang pagpapalitan sa pagpanaw ni Anton. At sa Sonata, nasira ang patriyarkong poder sa soberanya ni Kathleen, ipinagbunying awtor, at sa kolektibong pista/karnabal na lumusaw sa personal hiya at kasalanan. Sa imahinaryong paglutas ng kontradiksiyon sa pagitan ng patriyarkong awtoridad at indibiduwalistikong doktrina ng artista, naisakatuparan ng nobela bilang isang pormang ideolohikal na kumakatawan sa burgesyang paniniwala, na lantad sa kritisismong oposisyonal/radikal (Balibar & Macherey 289-93).
Demistipikasyon ang proseso ng pagtalakay ni Bautista sa kontekstong historikal ng sining. Matinik at mapangahas din ang diskurso tungkol sa ari ng babae, na tuwirang tinukoy sa salitang “puke” na hindi dapat ipagkamali sa puri o dangal (In Sisterhood vii). Biolohiya versus panuntunang etika-moral ang kategoryang kasangkot dito. Pwedeng ituring ito na pasaring sa gayuma ng “Vagina Monologue” ni Eve Ensler sa mga nahumaling alagad ng Gabriela. Napuna na ni Bautista, sa kaniyang Hinugot sa Tadyang, ang maling pagtrato sa kasarian batay sa argumentong biolohikal/anatomikal, hindi sa ugnayang panlipunan. Sa patriyarkong orden, minamaliit ang reproduktibong gawain ng babae sa tahanan at sa pagsustento sa populasyon ng mga manggagawa (Barrett & McIntosh; Vogel). Marahil, ang pagsipi sa nobela ni Chart Kobjitti at tauhang Mai Somsong ay isang paraan upang ipakita na kahit ang isang baliw na babae ay may sariling pagpapasiya at katapatan na wala sa ibang karakter tulad ni Lea.
16
DILIMAN REVIEW | Vol. 66 No. 2 (2022)
Pinaglangkap ni Bautista ang piksiyonal at materyal na salik ng akda. Dapat unawain din na hindi magkapareho sina Yoko Ono at Mai Somsong, isa ay tunay na nilalang at isa ay kathang-isip lamang. Ngunit magkasanib ang punksiyon nila bilang babaeng taglay ang makasariling determinasyon. Sa nobela, si Lea ay nakabitin sa pagitan nina Ding at Raffy, ang dalawang lalaking umugit ng kaniyang kapalaran. Sa Sonata, baligtad ang sitwasyon: parang kinapon sina Rio at Carlo, at tuloy natunaw ang penis- envy ni Freud at phallocentrism ni Lacan.
Hinalungkat ni Bautista ang hiwaga ng kasarian: hindi ito depende sa anatomya kundi sa relasyong sosyal, sa dibisyon ng trabaho sa lipunan. Sa dalawang libro, hiniwa at tinabas ang “ari” ng kalalakihan at sa gayon, nabuksan ang pakikipagsabwatan sa ina/babaeng kapatid/lola, kahit hindi alinsunod sa siko-analitikong iskema nina Horney at Mitchell. Magkapantay sa wakas sina Kathleen at Aling Auring at Komadrona Ata; naiwaksi ang paghahanap sa sino ang magdadala ng pangalan ng ama sapagkat sumaibabaw ang kabutihan ng komunidad.
Sandigan at Lagusan
Pinaglaro’t pinainog ni Bautista, sa Sonata, ang mga kontradiksiyon sa diyalektika ng karnabal ng paglalamay sa burol ng ama. Maituturing iyon na sirkulasyon ng mga boses kahambing sa polyphony nina Rabelais at Dostoevsky (Bakhtin, Problems; Dialogic). Tinugon nito kung bakit hinabi ang mahabang kuwento tungkol kay Anton. Kumpara kina Ding at Raffy, si Anton ang naging tagapamagitan o mediyasyon sa diyalektika ng damdamin/pagnanais ni Lea/Bautista. Kahawig siya na ama sa Sonata: lumabas, pumasok—alipin ng contingency, biktima ng anarkistang galaw ng merkado at akumulasyon ng tubo/kapital. Si Anton ang naghirap, nagdusa at nag-alay ng buhay para malutas ang sistemang kerida at malinaw ang tadhana ng babae bilang kasangkapan lamang na pinagpapalitan ng paterfamilias, awtoridad sa disposisyon ng miyembro ng pamilya. Tulad ng amang pumanaw sa Sonata, si Anton ay sakripisyong inialay ng feministang sensibilidad upang purgahin ang kabuktutan ng patriyarkong rehimen.
17
SAN JUAN, Jr. | Dalumat sa Pagsulong ng Feministang Estetikang Makabayan: Metakomentaryo hinggil sa Sining ng mga akdang In Sisterhood—Lea at Lualhati at Sonata ni Lualhati Bautista
Dumating na tayo sa kasukdulang bahagi ng naratibo. Pagtuunan natin ng suri ang eksena ng paghihiwalay nina Anton at Lea. Kilatesin at intindihin kung ito ay halimbawa ng kalabisang melodramatiko o sadyang pagsusog ng pathos/simbuyong pamukaw-habag. Nag-umpisa ang komprontasyon sa hikayat ni Anton kay Lea na lumayo sila at magkasamang maglakbay kahit saan:
Nabitin siya sa pagitan ng kagustuhang umiyak. Ganyan pala ang magiging dating sa ‘yo pag narinig mo ang mga gano’ng salita sa bibig ng isang lalaki. HIndi mo malaman kung ano ang gagawin mo.
Tumindig siya. Hahakbang ba siya pasulong, paurong, pakanan, pakaliwa? Ang daming retrato sa dingding na nakatitig sa kanya, o! Parang binabantayan siya, inaantay ang kanyang sagot. Tumutok ang mga mata niya, hindi na naalis, sa retrato ng dalawang kamay na magkahawak, marahil ay close-up shot ng mga kamay ng isang bagong kasal. Never let the hand that holds you, hold you down.— Author unknown.
Napakumpas ang mga kamay niya sa palibot ng maliit na opisina. Ang dami niyang gustong sabihin, mga paliwanag na hindi niya kayang isatinig (123-24).
Sumingit ang payo ng awtor kay Lea upang mapahinahon ang kalooban. Bukod dito, parang naging magkasuyo ang dalawang babae, magkatalik. Lumubog o pumailanlang ang lalaki, si Anton, biglang nabura. Nasa bukana ang dalawang babaeng nangungusap. Ilang pahina bago rito, natigilan si Lea kay Nadine, asawa ni Anton, at naibulong sa sarili: “Hindi natin kailangang magpalit pa ng kalagayan. Iisa lang ang kalagayan natin, nagkaiba lang tayo sa tatak. Asawa ka, kerida ako, pero pareho din iyon....Nakikita niya ang sarili niya kay Nadine” (122). Iyon ang husga ng patriyarkong hukuman: kapwa sila laruan/ari-arian ng isang panginoon: Lalaking May-ari. Natigil ang trapiko ng mga babaeng pambayad sa utang, o pag-iwas sa incest taboo sa kapatiran at solidaridad ng kababaihan.
18
DILIMAN REVIEW | Vol. 66 No. 2 (2022)
Totoo bang patag o pantay ang tayo ng kerida at legal na asawa?Ipinagpatuloy ng awtor ang tendensiyang empathy o pagdamay sa kapwa babae: “Sa mga sandaling ito, kung saan nakadamit man tayo ay ganap pa rin ang ating kahubaran, di man magkadaop ang ating mga katawan ay nagtatalik tayo sa pinakamatalik na paraan. Hinihingi ng pagkakataon na harapin natin ang ating mga lakas at kahinaan at alalayan natin ang isa’t isa” (124). Ipinaalala kay Lea ang tugon niya kay Raffy sa nobela: “Pag sumama ako sa ‘yo ay iiwan ko naman ang aking sarili. Paano ka liligaya sa isang babaing walang sarili” (124). Ibig sabihin ng “sarili”: tayong mga inapi, mga biktima, na kailangang magkabuklod upang mailigtas ang ating kaluluwa. Komunistang feminismo ang destinasyon nito.
Isang antinomya o aporia ang masusulyapan dito: pagsasariling angkin ang alay ng iba o pakikipagtalik na walang pananagutan. Paano mangyayaring sabay iyon? Lumalabas na ang gantimpala sa paligsahan ay ang “sarili” ng awtor/babae/kababaihan. Sa pagpaalam sa kalaguyo, sambit ni Lea/Bautista: “May iba pa tayong magagawa. Magagawa nating umuwi sa sarili nating lugar” (125), isang pagtiwalag sa pagnanais/kagustuhang seksuwal, at pagluhog sa proyekto ng eksplorasyon at pagtuklas ng sarling kakayahan. Nakaharap tayo sa isang palaisipan: tumiwalag sa heteronormatibong batas na nagkukulong sa babae bilang asawa/ina, o tumakas sa herarkiyang ipinataw ng patriyarkong orden at pumalaot sa dagat ng bagong karanasan. Aling direksiyon ang atas ng feministang makabayan?
Sarili Muna o Bayan Muna?
Tampok ang problematikong kuwadro ng sarili, ang tatag ng egosentrikong sabjek na biniyak at nilansag ng krisis panlipunan. Ang pagbabalik sa sarili ay pagbawi ng dignidad ng babae, bigay ng tinalikdang kasuyo. Iyon ang pagtutuwid ni Emi sa 1979 kuwentong “Anton” ni Bautista (“Buwan, buwan” 127-46). Ayaw niyang kerida lamang na pangalawa sa legal na asawa, ipinagtibay nang “Isang araw ay ‘nalaglag ang anak ni Anton kay Emi. ‘Ika nga ng kano: Hell knows no fury than a woman scorned!” (142).
19
SAN JUAN, Jr. | Dalumat sa Pagsulong ng Feministang Estetikang Makabayan: Metakomentaryo hinggil sa Sining ng mga akdang In Sisterhood—Lea at Lualhati at Sonata ni Lualhati Bautista
Sa ultimong pasiya, sinubukang bawiin at kontrolin ng babae ang reproduktibong kapasidad ng katawan. Sa pangangasiwa ng katawan, ipinagtibay ni Emi na siya pa rin ang huling magpapasiya sa kaniyang kapalaran, hindi ang lalaking walang pagpapahalaga sa kaniyang identidad bilang manunulat; ayaw niya ang kasiping lamang sa banig. Samakatwid, tulad ni Juliana sa 1991 kuwentong “Ang Pag-ibig ay Isang Tula”(Bayan Ko!) at ni Guia sa Sixty in the City, ang papel na ginampanan ni Emi ay sumasagisag sa mapagpalayang birtud at malikhaing diwa ng kababaihan. Nakabuod sa pantayan ng kababaihan=imahinasyon ang sumusulong at nagpapasigla sa erotikang pagkiling ng prosa ng awtor. Nakaigpaw ito sa dating hulmahan ng sabjek na nakasentro sa sariling pakinabang at ginhawa.
Malaking pagsulong ng perspektiba ng awtor mula sa protagonista ng libido o walang limitasyong pagnanais. Umaapaw pa rin ang silakbo ng hangarin at lunggati. Maaaring mabuking ang drama ng mga kontradiksiyon sa mungkahi ng awtor na ang mga tauhan niya ay “ang puso’t kaluluwa, ang sarili, ng isang manunulat” (142). Samakatwid, wala talagang matatag na hidwaan o tunggalian—malikmata lang iyon. Bago pa ang anekdota tungkol kay Anton at Nadine, naitambuli na ng awtor ang sabwatan at pagkakaisa ng kababaihan, kahit iba-iba ang kanilang katayuan o personalidad: “Makikita mo ang iyong sarili sa kapwa mo babae...Nakaguhit din sa kanyang mukha ang sarili mong mga pangarap at pagkabigo, ang iyong mga kaligayahan at kalungkutan. Dahil pareho kayong babae. Pare- pareho kayong mga babae...marami ngunit iisa” (98). Halimbawa ito ng diyalektika ng isa-naging-dalawa’t umakyat sa matingkad na antas: sintesis ng bawat sangkap sa mas mabisa’t matalab na kaayusan.
Sa henerikong panukat ng alegorya, lahat ng babae ay si Flor Contemplacion din (sa burol niya nakilala ni Lea si Anton). Subalit bakit ba nagkaroon ng kagalitan o oposisyon kina Lea at Elinor, Lea at Nadine, Magda at asawa ni Steve Taylor? Siguro, ang sagot dito ay walang iba kundi ang pagkakapuwesto nila sa daidig ng mga ama, ng patriyarkong panginoon ng pamilya’t tahanan, ng paterfamilia, na siyang pinakaugat ng dominasyon at eksplotasyon ng kababaihan bilang grupong natatangi. Iugnay na rin ang pagsikil ng mga babaeng migrante/OFW (Overseas Filipino Workers) bilang “global servants” sa iba’t ibang lupalop ng daigdig, isang tipo ng kolonyalismong kinulayan ng positibong etiketang “bagong bayani” ni Cory Aquino (Aguilar, “Questionable Claims”).
20
DILIMAN REVIEW | Vol. 66 No. 2 (2022) Sonata: Pagkilates at Pagtatasa
Ayon sa antropolohiya ng sinaunang panahon, napailalim na ang kabaihan sa paghahari ng herontokrasya ng mga nakatatandang lalaki. Ang patriyarko ang umuugit sa “matrimonial management” (Rehmann 246). Naging “incest” ang asawahan sa loob ng tribu; nagkaroon ng tabu at prohibisyong seksuwal. Kontrolado ng mga ama ang lakas-paggawa ng kababaihan. Ang simbolikong representasyon ng kasarian ay nakapaloob sa pamilya bilang paraan ng pagtatanghal ng subordinasyon/dominasyon sa isang emosyonal at pantastikong paraan. Nagkakasundo ang lahat na ang paghahari ng totemikong Ama, patriyarkong panginoon ng angkan o hinlog, ay siyang pundasyon ng pagkalugami ng kababaihan. Ano ang dapat gawin?
Isang paraan sa pagtakas sa bilangguan ng patriyarko ay makikita sa pagtuligsa kay Albert Goldman. Idagdag rin ang pagburol kay Felipe Maramag at paglibing kay Anton. Marami pa ring uri ng pagpaslang o pagkitil sa lalaking lapastangan o salaula—halimbawa, sa mga burokratang Enrile, Ping Lacson, Ampatuan, sa Cybercrime Law ni Sotto, atbp. Nilagom sila sa tauhan ng magulang—Nanay at Tatay—at sa kalaguyong Rio at Carlo sa Sonata. Naging anitong inspirasyon ang Tatay bilang guro at matalinghagang uliran.
Malakas ang banat ng awtor ng In Sisterhood sa sistema ng pagmamalabis laban sa kababaihan. Sumidhi ang malay-taong pagtutol sa sawing kalagayan ng pagkababae sa epilogo: “Dampot-dampot, pira- pirasong bahagi ng hindi matapus-tapos na memoirs.” Tila pagsubok sa pagyari ng postmodernong pastiche ang resulta. Itinampok ang krimen ng gahasa, na pinakalapastangang akto, kalangkap ng dahas ng salita— pinagtambal na tingin ni Bautista sa relasyon ng sining at realidad, wika/ salita at kilos/aksiyon. Nakakintal dito ang prinsipyo ng feministang estetikang nagsilbing lehitimasyon ng kaniyang metier bilang babaeng manunulat :
Ginamit ko ang mga salitang libog at kantutan sa “Desaparesidos” sa pinaka-kasuklam-suklam na eksena ng nobela, hindi lang para patibayan na ang panggagahasa ay paglapastangan sa pagkatao ng biktima, kundi upang
21
SAN JUAN, Jr. | Dalumat sa Pagsulong ng Feministang Estetikang Makabayan: Metakomentaryo hinggil sa Sining ng mga akdang In Sisterhood—Lea at Lualhati at Sonata ni Lualhati Bautista
bigyang-diin din ang dahas ng panahong pinagdaanan ng aming henerasyon: “ ‘Tong mga putang inang ‘to, nakukuha pa palang magkantutan at magkaanak! Ano ang ‘sinisigaw n’yo pag nilalabasan kayo, ha? Mabuhay ang rebolusyon?”
Hindi ko kayang alisin ang mga salitang ito dahil kung wala ng mga salitang iyon ay hindi magiging ganap ang karahasan ng gusto kong ilarawan, hindi magiging gano’n kasumpa-sumpang isipin ang krimen ng panggagahasa, partikular ang panggagahasa ng mga sundalo sa mga aktibista sa loob ng batas-militar. Sapagkat hindi lang ang pisikal na pagpapahirap ang instrumento ng dahas sa pagmamalupit kundi gayundin ang mga salita. Ang mga salita’y nagtataglay din ng buong kapangyarihan para ang isang biktima’y mandiri at mahubaran ng galang sa kanyang sarili.
....Nanatili ang paninindigan ko na ang mahalaga’y gamitin ang salita, kahit ang pinakamagaspang na salita, sa pinakadapat at pinakasensitibong pagkakataon, dahil ang salita’y mahalaga sa pagpapatotoo ng isang karanasan....Ang paninindigan ko ay hindi ang ‘puki’ kundi puri ng isang babae. Ang puki at puri ay dalawang magkaibang bagay. Hindi ang una ang nagtatakda sa pangalawa at kailanman, sa anumang paraan, ay hindi dapat ituring ng bandila ng pananagumpay ng isang lalaki (In Sisterhood vi-vii).
Pinagtatalunan dito ay hindi lang bokabularyo kundi konsepto, katarungan, etika at moralidad. Sa pinakahuling nobela ni Bautista, Sonata, sa palagay ko’y naisakatuparan ang pagsulat ng “memoir” o talambuhay ng isang matagumpay na manunulat, si Kathleen (kinaltas niya ang apelyido ng paterfamilias [tungkol sa kategorya, konsultahin si Finley]). Sa mga gunita ng pagkadalaga ni Kathleen, lalo na sa rebelyon niya sa awtoridad ng magulang, sinikap niyang isadula ang lusaw, madulas at magusot na ugnayan ng anak at magulang. Ang amang musikero, na laging nagsasanla ng
22
DILIMAN REVIEW | Vol. 66 No. 2 (2022)
kaniyang biyulin at gitara, ang unang nagturo kay Kathleen ng lakas ng isip, ang potensiyal ng imahinasyon, sa gitna ng pangamba’t panganib ng kanilang kahirapan. Natuto siyang lumikha ng bagong daidig sa utak, sa guni-guni kung saan “maliit na salita ay sapat na para magbukas ng pinto ng mga alaala” (Sonata 60).
Naisadula ni Bautista ang transpormasyon ng patriyarko sa amang nagtuturo’t nagpapasigla. Naimulat ng kaniyang ama ang sensibilidad niya sa mga bulaklak, mga pantastikong retorika ng tikbalang at imaheng gawa ng mahiya; sa buwan at bituin na kanilang minamasdan mula sa bubong ng kanilang bahay; sa mabighaning tula ng lukaluka (na simbolo ng babaylan o babaeng propeta), at sa buhay ng mga gamu-gamo na naging “national anthem” ng magkakapatid: “Pare-pareho silang natutong kumuha ng inspirasyon sa tapang at paninindigan ng gamu-gamo” (88). Di makalimutan ni Kathleen ang payo ng amang minahal at kinamuhian: “Pag-buo ang loob mo at hindi mo iniinda ang sakit, mararating mo ang mga bituin” (90).
Maipapanukala rito na ang bahay-sanglaan, na pangalawang tirahan ng ama na bukal ng panustos nila, ay simbolo ng palitan ng halaga (cash-nexus). Madalas mawala-mabawi ang biyulin. Inulit sa pagtakas ni Kathleen sa bahay at pagkadiskubre sa kaniya ng ama. Sa Kristiyanidad, hindi kakatwang ituring ang buhay na sangla lamang mula sa diyos. Gumaganap na isang bangko o gusing panlipunan ang sanglaan para sa proletaryong uri, isang metaporang mailalapat sa ritmo ng pasok-labas ng mga lalaki sa buhay ni Kathleen.
Sa ultimong analisis, isinakatuparan ng ama ni Kathleen ang pagbuwag sa komoditi-petisismo, sa pagsuob sa salapi o pag-aari. Sinuway niya ang batas ng pag-iimbot, at umigpaw sa bihag ng reipikasyon kung saan ang mga bagay-bagay, alyenadong produkto ng komunidad, ay humahadlang sa makataong pagtrato ng mamamayan sa kapwa. Ibinalik ng ama ni Kathleen ang humanistikong milyu na kailangan upang makamit ang tunay na kasarinlan at kaunlaran ng buong sambayanan.
23
SAN JUAN, Jr. | Dalumat sa Pagsulong ng Feministang Estetikang Makabayan: Metakomentaryo hinggil sa Sining ng mga akdang In Sisterhood—Lea at Lualhati at Sonata ni Lualhati Bautista
Paghulagpos sa Bilangguan
Ang buong nobelang Sonata ay elehiya sa burol ng ama, isang paglibing sa totemiko ng kalalakihan. Subalit sa pagdaralita at proletaryong istatus ng ama, na kundi sa pananahi ng asawa ay walang ipakakain sa pamilya, hindi maituturing na tiyak na patriyarkong puno ang tatay—walang permanenteng hanapbuhay, halos walang kapangyarihan. Napanglumo siya ng sintomas ng pagka-api bilang proletaryo/anak-pawis sa mentalidad at ugali.
Nang mamatay ang tanging lalaking anak na si Gabriel/Gabe, tumindi ang sigalot sa pamilya (Kabanata 18-19), ayon kay Kathleen. Nagsimula ang deteriorasyon ang buhay nilang mag-anak. Ang tadhana ng babae ay nasikil sa pananagutan niya sa iba, kaya hindi kagyat natutulog: “Dahil sa simpleng dahilan na naghihintay siya. Naghihintay. Sa kanyang asawa. Sa kanyang kalaguyo. Maari ding sa kanyang anak...o sa bangkay nito? (127). Nang hindi umuwi ang siyam-na-taong Kathleen mula sa eskwela, sampal, sabunot, tadyak at hagupit ng sinturon ang inabot niya kay Aling Auring, nanay na mula noon ay siyang naging dahilan ng “pagkatiwalag” ni Kathleen sa magulang. Doon tandisang naglaho ang dakilang bantayog ng maternidad, “motherhood,” na pinuntirya ng mga babaeng aktibista (Aguilar, Eviota).
Si Gabe ang nawawalang bagay (“missing object”). Kataka-taka na sa lahat ng sigawan at murahan, walang banggit tungkol kay Gabe: “Hinintay niyang mabanggit si Gabe, ang pagkamatay nito, ang kasalanan dito ng tatay niya” (136). Sa burol ng ama niya, ipinagtapat ng nanay ni Kathleen na naghirap din ang ama niya sa pagkakasala sa pagkamatay ng anak at matinding pagdurusa nito, umabot sa antas na kinailangang mapahinahon siya ng asawa na patawarin niya ang sarili niya. Nagdamdam din si Aling Auring na napabayaan niya ang asawa: “Na minsan, kailangang tulungan ng babae ang lalaki na matutong umiyak...Higit kanino pa man, kailangang matutunan ng tao na patawarin ang sarilli niya. Para matutunan niyang patawarin din ng iba” (315). Mahihinuha na kahalintulad ito ng pagpapalitan ng babae sa tribu upang mapanatili ang linya ng lahi at maiwaksi ang tukso ng incest-taboo.
24
DILIMAN REVIEW | Vol. 66 No. 2 (2022)
Pansinin ang papel ng panganay na lalaking-anak na inakalang “taga-pagdala ng pangalan” ng ama. Naghati sa salaysay ang pagkamatay ni Gabe (Kabanata 16-18), sentral na krisis sa buhay ni Kathleen. Pumasok ang dalawang kontra-tema ng pagpaparusa sa kaniya ng ama at ina, na humantong sa kapanapanabik na eksena sa Kabata 22, abentura ni Kathleen sa siyudad, na nagtapos sa pagsagip sa kaniya ng tatay niya, na pumasok muli ang malamyos, mapagmahal, naninikluhod” na tunog ng biyulin. Hindi na muli madidinig ang musika hanggang hindi tayo makarating sa burol at pista ng komunidad na magliligtas sa sakuna’t pasakit ng lahat. Nalunasan sa publikong pakikbahagi sa nobela ang traumatikong memorya ni Kathleen, tulad ng dating ng mga “true fictions” sa mga pelikula ng nasawing OFW, The Flor Contemplacion Story, o inabusong biktima sa The Fatima Buen Story (Lim).
Salungatin ang Poder Patrimonyal
Bagamat lubhang melodramatiko ang tagpong naghilom sa sama- ng-loob ni Kathleen sa ina, hindi na maibabalik pa ang dating sitwasyon. Hindi mabura ang memorya nang buntis ang nanay niya “pero wala siyang pakialam...Natutuwa siyang isipin na mawawalan ng katulong ang nanay niya at sa gano’n, maigaganti niya ang siyam na taong gulang na bata na walang humpay na hinagupit nito ng sinturon dahil maghapong nagbabad sa library at nagsulat ng kanyang kwento” (153). Kombinasyong sado- masokista ang maaaninaw dito. Kung napigtal ang damdamin ni Kathleen sa ina, lumala ang hinanakit niya sa ama. Ang himagsik ng dalagang kinse- anyos sa awtoridad ng paterfamilia ay masisinag sa Kabanata 21. Nang hindi siya nakabalik sa isang bakasyon sa tamang oras, masungit ang ama na naghinalang “nagalaw siya ng lalaki,” kaya sapilitang paeegksamin siya. Mabagsik ang protesta ni Kathleen, pagtutol na isasatinig ng modernong kababaihan sa matapang na pagtatanggol sa karapatan ng pagmaneho sa kanilang katawan—ang “reproductive rights” (abortion, diborsiyo, atbp [Haug,”Thirteen”):
...Ibig sabihin, bubukaka siya, ipakikita niya ang pekpek niya para dutdutin ni Komadrona Paz? Hindi siya makapapayag! Anak ng putsa, bakit? Sasabihin n’yo,
25
SAN JUAN, Jr. | Dalumat sa Pagsulong ng Feministang Estetikang Makabayan: Metakomentaryo hinggil sa Sining ng mga akdang In Sisterhood—Lea at Lualhati at Sonata ni Lualhati Bautista
ipagkatagu-tago ng babae ang pekpek niya, tapos, pag gusto n’yo, ibibihadhad n’yo kahit kanino?...
“E ano, kung nagalaw!” Galit na galit na sagot niya, lumalaban na siya talaga. “E ano kung napasok na ng lalaki! Pekpek n’yo ba ‘to? Hindi n’yo pekpek ang pekpek ko! Akin ‘to, wala kayong pakialam sa pekpek ko!”
....Hinarap siyang muli ng tatay niya. “Tangina mo, kung makasagot ka, parang hindi mo ako ama.”...
...Yun mismong bantaan siya ng gano’n, ‘yun mismong idea na ipapaeksamin daw ang pekpek niya, ay sapat nang magdulot sa kanya ng abot-langit na galit. At nang gabing iyon, habang paulit-ulit niyang nire-review sa isip ang kalagayan niya, habang iniisip niya na tulad ng pagkakagagulpi sa kanya ng nanay niya noong siyam na taon siya, ay kakalat na naman sa buong kapitbahayan ang insidenteng ito at magiging paksa na naman siya ng mga bintang at tsismis, nagdedisisyon siya na hindi na niya kaya ang kahihiyan, hindi na niya kaya ang buong sitwasyong ito. Utang niya sa sarili na baguhin ang buhay niya at humanap ng sariling kinabukasan na malayo at ganap na hiwalay sa pamilyang ito (162-64).
Sintomatikong Polaridad
“The die is cast,” wika nga. Maitataya na ang desisyon ni Kathleen ay sagisag ng pagtakas ng kababaihan mula sa diktadurya ng mga ama, ng tradisyonal na awtoridad ng patriyarkong orden. Iyon din ang manifesto ng kababaihan laban sa negasyon ng kanilang likas na karapatan (natural rights) na pamatnugutan ang kanilang katawan, saloobin, isip, udyok o simbuyong pagnanais, at pagpapasiya, tulad ng ginawa ni Antigone, Medea, Cassandra at iba pang babaeng humamon sa paghahari ng maskulinistang estruktura ng kapangyarihan pampulitika. Ang monogamyang pamilyang nakagisnan ay nagsilbing kuta ng dahas ng patriyarkong sumisikil sa galing at talino ng
26
DILIMAN REVIEW | Vol. 66 No. 2 (2022) kababaihan mula pa noong yugto ng barbarismo hanggang ngayon buhat
nang magapi ang Mother-Right (Engels).
Ang pagkabuntis ni Kathleen at panganganak mag-isa (dalawang beses) ay testimonya ng indibidwalistikong gawi ng kalalakihan. Unang ebidensiya ito ng salaula’t bulagsak na mga lalaki: panguna si Rio na walang kahit kaunting kalinga kay Egay at nakuha lamang magpaalam sa ama ni Kathleen bago tumungo sa Canada. Sumbat ni Kathleen sa kasapakatan ng ama at lalaking asawa: “Lintik din naman. Nagpaalam ka sa kanya. Bakit sa kanya, bakit hindi sa akin? Ang tatay ko ba ang asawa mo? Humingi ka sa kanya ng paumanhim na binigo mo siya, gano’n?” (306). Mula sa kumpisal ni Rio, natuklasan ni Kathleen na “sa kabila ng mga ‘baltik,’ pagrerebelde, paglayo at pagwawalambahala, buong-buo ang pananalig na tatay niya sa kanya” (307).
Ang pangalawang lalaking ginawa siyang pansamantalang “kerida” ay si Carlo. Hindi nakuha ng lalaki na magtapat na nakabalik na siya sa dating asawa, kaya nakikiapid lang si Kathleen (244-46). Hindi nakuha ni Kathleen na ipalaglag ang anak na si Ainee; naawa siya sa bata. Nang pagalitan siya ng ama dahil hindi siya kasal kay Rio at walang pangalan ng ama ang mga anak, marahas ang pakli ng babae: “Hindi namin ikinakabit sa kasal ang pagsasama ng mga tao” (205). Itinakwil ang kasal bilang tradisyonal na paggapos ng babae sa ilalim ng lalaking asawa. Nagngitngit si Kathleen na bagamat humiwalay na siya sa pamilya, patuloy ang pakikialam: “Sinasabi nila na mahirap maging magulang, pero sa totoo, mas mahirap maging anak” na babae (206). Hindi pa nakahulagpos ang anak mula sa dualistikong kuwadro ng pag-iisip na minana sa lipunang kinagisnan.
Di kalaunan, naparalisado ang tatay ni Kathleen sa isang stroke sa puso. Nang manganak si Kathleen kay Ainee, dinalaw siya ng amang may sakit sa isang tagpo (Kabanata 33). Mababasa iyon na isang mala-simbolikong pag-akyat sa silid ng anak sa itaas ng garahe, kung saan narinig muli ni Kathleen ang himig ng pagsuyo ng ama sa dayuhang wika: “I’ll take you home again, Kathleen” (260). Matalinghagang referens iyon sa mga kuwento ng ama sa kaniya hinggil sa pag-akyat sa bituin at sa lukalukang hindi nakakaramdam ng sakit, at sa aksidente nitong mahulog sa hagdan dahil sa maling akala na ang pinto ay sarado.
27
SAN JUAN, Jr. | Dalumat sa Pagsulong ng Feministang Estetikang Makabayan: Metakomentaryo hinggil sa Sining ng mga akdang In Sisterhood—Lea at Lualhati at Sonata ni Lualhati Bautista
Isang paraang maisingit ang alienation-effect sa bisa ng taga- Irlandang pangalan. Maituturing itong isang biro o tudyong ipinapatlang sa mga tiyempong naiinis o dumadabog si Kathleen. Kapansin-pansin na ang awit sa Ingles, itinuring na “Irish ballad,” ay gawa ng isang Aleman- Amerikanong kompositor circa 1975. Pinatanyag nina Bing Crosby at Elvis Presley at pelikulang “Rio Grande” (1950), ang awit ay pangakong tatawirin ang dagat at iuuwi ang mahal na asawa sa dating tahanan (O’Dowd). Subalit ang tirahan ni Kathleen ay di na isang sulok kundi ang daigdig ng dalumat, guniguni, pangarap at panaginip na inani sa masukal at mapanganib na bukid ng buhay. Balintuna subalit angkop sa layon ng naratibo ang banyagang awit/pangalan.
Maniobra ng Komadrona
Sa bansag ng awit, batid na natin ang denouement ng salaysay. Sa gitna ng mga eksenang naghatid ng kumpletong konteksto ng pagkamatay ni Gabe at pagpanaw ng ama, dumating ang banaag ng kasarinlan. Nang tumakas si Rio papuntang Canada, binura ni Kathleen ang apelyido ni Rio sa pangalan niya, pati ang apelyido ng tatay. Mga tali o kadena iyon ng pagkaalipin. Sa panimdim, pinalagay na patay na si Rio para hindi na maghintay (bagaman bumalik si Rio sa burol ng ama).
Namuhi din si Kathleen sa insulto ng ina ni Rio. Yamang nabawasan ang bigat ng pangangailangan, natulak si Kathleen na “salungatin ang pormula” ng mga romansa,”baguhin ang kinasayanang pananaw” (239). Nang dalawin siya ng kaniyang amang halos mapinsala sa pag-akyat sa kuwarto niya, doon nagkaroon ng distansiya upang tasahin ang “mga istoryang nagsusulsol sa kanila na patuloy na magkulong sa kanilang mga ilusyon at pantasiya.” Lumuwang ang makipot na silid ng kamalayan ng artistang nakikipag-sapalaran sa lipunang burgis. Sa wakas, nagpanata si Kathleen na tumalunton sa bagong landas tungo sa bagong adhika:
28
...Ang tao, lalo na ang babae, ay kailangang lumabas mula sa kuwadrong pinagsidlan sa kanila, sa silid kung saan ikinulong sa lahat ng panahon. Buksan ang mga mata at iharap sa salamin, at ipakita sa kanila, hindi lang ang luha
DILIMAN REVIEW | Vol. 66 No. 2 (2022)
at ngiti ng sariling mga mata kundi pati iba’t ibang mukha ng pangarap at pangitain, pagdurusa at pakikipagtuos, ng di-mabilang na anak at magulang at mamamayan ng kanyang lipunan. .. May iba pang ugnayan ang mga tao na dapat mabasa at maintindihan, dahil ang mundo ng tao ay hindi lang ang sarili niyang bahay o ang sariling silid. Ang mundo ng tao ay ang kanyang kasaysayan, lipunan, ang kanyang kultura, ang kanyang kaapihan at pagpupunyagi. Bahagi siya ng mundo (263-64).
Sa mithiing isingkaw ang partikular sa panlahatang muni, lumukso si Kathleen sa dakong bahagi ng nobela mula sa “differential feminism” nina Cixou, Irigaray at Kristeva tungo sa radikal-demokratikong pananaw nina Rosa Luxemburg, Alexandra Kollontai, Dolores Feria, Maria Lorena Barros, Maita Gomez, Nelia Sancho, atbp. Naabot niya ang antas ng unibersalidad sa etiko-politikong larang, ang antas ng kapatiran sa komunidad (Mills 82- 83).
Pagmuniin ang tulang epigrap ng Kabanata 35. Ikinintal doon ni Bautista ang bukod-tanging konsepto ng kasal, na bunga ng kaniyang pag- uwi sa tahanan na ngayo’y bukas, hindi lamang para sa mga hinlog o kadugo, bagkus anyaya sa protagonistang biktima at nilalang ng imahinasyon: “Ikinakasal ko ang aking sarili sa aking mga kahawak-kamay, sa lahat ng aking katabi at kaakbay, sa aking mga lantad at lihim na pag-ibig, sa lahat ng katalik ng puso ko’t isip” (265). Unti-unting matatarok na walang demarkasyon o hanggahan ang teritoryong sakop ng diwa ng malayang kababaihan, isang tagumpay sa paglinang ng “new forms of productivity, rationality, and if necessary (which it is) aggression” (Bovenschen 36). Binuwag ang mga bakod ng tahanan, sanglaan, kwarto ng lambingan, silid ng awayan, sa makabayang jouissance ng kababaihan.
Naihimatong sa siniping parirala ni Adora Faye de Vera na ang pag-tugma ng feminismo’t marxistang etiko-politika ay naging wastong direksiyon ng bagong anyo ng mapagpalayang mobilisasyon ng masa. Hindi lang pagdiin sa karapatan ng kababaihan o egalitaryanismo ang layon nito. Ang pangunahing tungkulin ng feministang makauri ay pagtaguyod sa kapakanan ng komunidad, kung saan ang materyal at espirtuwal na
29
SAN JUAN, Jr. | Dalumat sa Pagsulong ng Feministang Estetikang Makabayan: Metakomentaryo hinggil sa Sining ng mga akdang In Sisterhood—Lea at Lualhati at Sonata ni Lualhati Bautista
pangangailan (“struggle over needs” na agenda ng sosyalistang feminismo, ayon kay Nancy Fraser; iginiit din ito nina Santos-Maranan, Torres-Yu, “Ang Sarili”; Sison & De Lima), mula’t sapul, ay prinsipyong pundamental na gagabay sa rebolusyonaryong teorya at programa ng nagkakaisang alyansiya ng kababaihan.
Deklarasyon ng Kasarinlan
Ang dalawang librong sinuri dito, In Sisterhood at Sonata, ay testigo na ang mithiing obsesyonal sa feministang sining ay pagtuklas sa identidad ng babaeng nakikibaka. Bagaman iniluwal ng Kanluraning matris, makabuluhan ang lagom ni Judith Kegan Gardiner sa antolohiyang Writing and Sexual Difference: “Female identity is a process,...more flexible and relational than for men...Twentieth-century women writers express the experience of their own identity in what and how they write” (184). Kailangang isakonteksto ito sa espesidad panghistorikal ng Pilipinas sa dekada mula 1972-86 diktadurya ni Marcos hanggang sa rehimeng Duterte kung ilalapat sa panitik ni Bautista at kabarong manunulat.
Oo, mapangahas na pananalakay ang kontribusyon ni Bautista sa katutubong panitikan, sa pag-unlad ng kulturang pambakya, kulturang popular. Naagnas ang bakod na naghihiwalay dito sanhi ng bagong teknolohiya at elektronik komunikasyon: Ipad & Iphone, Tiktok, Facebook, atbp. Hindi lamang mataray o makulit na salita kundi paghawan ng hardin sa gubat ng komersiyalisadong sakuna, ang ambag ni Bautista. Bukod dito, ang munakala sa pagtangkilik sa politikang seksuwal—ang kumplikadong relasyon ng babae’t lalaki, mag-asawa o magkalaguyo—ay natatangi sa prangka, radikal at konstruktibong kritisismo sa kuta ng konserbatismo, ang pamilyang tradisyonal (Barrett &McIntosh). Sa mapagliming galugad ng nobelista, ang pamilyang tradisyonal ay unti-unting nilulusaw ng utilitaryanismong burgis at rebolusyonaryong inisyatiba ng mulat na kababaihan mula sa uring panggitna at uring manggagawa. Kabilang sa hanay ng mga liderato ng kampanyang ito si Bautista.
Sa paglagom ng komentaryo, ilang obserbasyon ang ihahain dito tungkol sa istruktura ng narasyon sa Sonata. Sa lawak ng tagpo o entabladong
30
DILIMAN REVIEW | Vol. 66 No. 2 (2022)
pinagdausan ng iba’t ibang eksena, masisipat na isinaayos ang nobela sa tatlong kategorya ng ritmo sa klasikong sonata, na inihimatong ng titulo. Magaspang na balangkas lang ang iginuhit dito. Una, ang masiglang exposisyon ng tema, at kontra-tema; pangalawa, ang kontrapuntong paglinang sa baryasyon ng tema at masalimuot na sayaw ng magkakaibang tono at indayog; pangatlo, rekapitulasyon at tangkang resolusyon ng kaigtingan. Mula sa panimulang tema ng kamusmusan at pagdadalaga ni Kathleen, ang birtud sa musika ng ama—sa biyulin, gitara, awit, kuwento— at paghahanap ng panustos, ay kapwa nagpunla ng binhi sa sensibilidad ni Kathleen. Kaakit-akit na pagpupunyagi ito upang maaliw at mapanatag ang kasambahay, subalit nakagagambala at nakapanghihimasok din.
Sa huling bahagi ng nobela, babalik ang memorya ng parusang naranasan ni Kathleen, ngunit iyon ay ikinawing sa pagdurusa ng ama’t ina sa pagkamatay ni Gabe, kapwa nagkasala, na sa pagdating ni Noel, ang tanging lalaki, ay nalutas ang problema ng ama kung sino ang magdadala ng kaniyang pangalan. Kaipala, ito ang senyal na hindi maisuko ang pribilehiyo maski sa gitna ng malubhang paghihikahos at pagkawala ng makasariling pagpapasiya. Pagkukunwari at pagbabalat-kayo ang panagano at atmosferang sinalansang ni Kathleen.
Sa wakas, natalos ni Kathleen na ang magulang ay biktima rin ng kahirapan at minang ugali, kapwa walang laban sa sirkumtansiyang nagisnan. Bagamat namuhi siya sa kanilang pagtratong marahas sa kaniya, natutunan ni Kathleen ang kontradiksiyon ng sarili at lipunan—hindi dualistikong analisis kundi diyalektikal. Natutunan niya na ang kasarinlan ng sarili ay hindi soberanyang karapatan tiwalag sa ibang tao, kundi galing na nakasalig sa isang balag ng obligasyon sa iba. Ang konsepto ng sarili ay kalakip sa ugnayang panlipunang umaalalay dito. Magkasanib dito ang pagkilala sa atin ng iba, at proteksiyon ng sanktwaryo ng “imaginary domain as a matter of right” (Cornell 22, 62). Nabanggit ni Rio sa huling pagkikita nila ni Kathleen na natakot ding umuwi ang tatay niya dahil sa pagkamatay ni Gabe, subalit umuwi din: “Ang tao daw, malao’t madali, uuwi at uuwi kung nasaan ang puso niya” (307). Naisatinig ng amang nagsisi ang transpormatibong panata at simulaing nagpapakilos sa makina ng makababaeng estetika ni Bautista.
31
SAN JUAN, Jr. | Dalumat sa Pagsulong ng Feministang Estetikang Makabayan: Metakomentaryo hinggil sa Sining ng mga akdang In Sisterhood—Lea at Lualhati at Sonata ni Lualhati Bautista
Ang Karnabal ng Babaylan
Ang forma ng nobela ay isang Bildungsroman ng batang artista at nobela ng edukasyon ng isang manunulat. Naipatalastas ang durasyon ng aralin sa mga piniling alaala ni Kathleen na isinalansan sa kronolohiyang pila. Nadulutan ito ng bumabalot na iskema ng pagbunyi kay Kathleen bilang matagumpay na alagad ng sining sa gitna ng pagkamatay ng ama at pagburol nito. Masinop na nailarawan ang doble-karang danas ng paglalamay at kapanglawan (melancholia; Freud 587-89) sa pagbitaw sa poot ni Kathleen sa magulang—sugat na masarap kamutin ngunit mahapdi—nang mabatid ang tunay na disposisyon nila kay Gabe. Ang nawalang bagay, ugat na cathexis ng libido, senyal ng narsisismo, ay nilusaw sa pagbawi sa tunay na pagmamahal ng magulang, alalaong baga’y nabigyan niya ng puso ang mga kontrabida, ayon sa payo ng patnugot ng Lunggati, ang surrogate na awtoridad na humalili sa ama.
Sa gayon, ang jouissance (Lacan 158-60) o kaganapan/katuparan ni Kathleen, na dati’y kakabit ng nabasag na trophy (283-84), ay naisalin sa video ng kaniyang maligayang kabataan. Kasanib din ito sa musikang idinulot nina Tiyo Ipe, partikular ang kaisa-isang plaka ng ama. Sa wakas, “walang pagsisisi,” kusang nakauwi si Kathleen sa “pangunahing tahanan ng kanyang puso: ang kanyang pamilya” (327). Ngunit hindi nanatili ang dating ayos sanhi sa pagpanaw ng ama (na hindi nakuhang maging awtentikong paterfamilia, kung aalagatain na sa gitna ng selebrasyon, ang konstruksiyon ng “pamilya” ay naganap sa loob ng komunidad, ng kapatiran at damayan na larangan ng etikong unibersal.
Sa usapin kung sino ang taga-pagdala ng pangalan ng ama, ang iskandalosong “Name-of-the-Father”(ni Lacan) sa simbolikong dimension ng semiotika, hindi si Kathleen na walang apelyido, o si Noel, lalaking kapatid.Tapos na ang rehimen ng paterfamilia. Ang taga-pagdala ay ang salusalong tinig ng nagpipista, ang jouissance ng naglalamay. Musika ng komunidad, kasiyahan sa pagdamay at pagtutulungan, ang espiritung bumubuklod sa bawat taong kasali sa afirmasyon ng buhay laban sa tadhana.
Ang pagdadalamhati ay siya ring pagdiriwang ng pamayanan. Ito ay hindi pagdakila sa isang tao kundi pagkilala’t paggalang sa personalidad
32
DILIMAN REVIEW | Vol. 66 No. 2 (2022) ng bawat taong lumalahok at nag-aambag para sa kabutihan at kagalingan
ng sambayanan. Okasyon din ito ng pagbabanyuhay ng komunidad.
Sa masinsinang pagtaya, ang Sonata ay elehiya o pagdiriwang sa ama/magulag hindi bilang patriyarko kundi guro, patnubay sa edukasyon ng sensibilidad. Ang ama ay nagsilbing tagapayo sa isang babaeng sumabak sa pakikipagsapalaran bilang manunulat taglay ang komitment sa katotohanan at kalayaan, na lubusang maglilingkod sa kapakanan ng sambayanan. Pambihirang pagtanggap ito sa isang mapanghamong pananagutan. Sa maingat na pagtatasa, kinatha ni Bautista ang huling nobela (na maipapalagay na burador ng talambuhay niya) mula sa mga samut-saring pagdidili-dili’t gunam-gunam halaw sa In Sisterhood, Hinugot sa Tadyang, at iba pang akda. Ang katibayan nito ay masasalat sa epigrap sa Kabanata 39 na karapat-dapat na coda sa diskursong ito:
Kung titignan mo raw, ang manunulat, walang harang ang silid, bukas iyon at malayang napapasok ng kanyang mga tauhan. Niyayakap ng manunulat ang buhay ng mga tauhan niya; ang kanilang karanasan, tuwa, lungkot, kabiguan at tagumpay. Pero ang totoo, minsan, kung sino pa ang sariling pamilya niya, siya pang di-sinasadyang napagsarhan ng pinto ng manunulat; di-sinasadyang naihihiwalay niya ang sarili sa kanila. Siguro, dahil para sa kanya, ando’n lang naman sila lagi. Mapupuntahan pag kailangan, mababalikan bago ituloy ang biyahe patungo sa iba pang paroroonan (309).
E. San Juan, Jr. is emeritus professor of English, Compara- tive Literature and Ethnic Studies, Washington State Univer- sity & University of Connecticut. His latest books are Kontra- modernidad (U.P. Press), Maelstrom over the Killing Fields (Pantax Press), The Armed Paramour in a Time of Terror (U.S.T. Publishing House), and Peirce’s Pragmaticism: A Radical Perspective (Lexington Press). He was a fellow of W.E.B. Du Bois Institute, Harvard University, and a visiting professor of cultural studies, Polytechnic University of the Philippines.
33
SAN JUAN, Jr. | Dalumat sa Pagsulong ng Feministang Estetikang Makabayan: Metakomentaryo hinggil sa Sining ng mga akdang In Sisterhood—Lea at Lualhati at Sonata ni Lualhati Bautista
SANGGUNIAN
Aguilar, D. Toward a Nationalist Feminism. Quezon City: Giraffe Books, 1998.
__________. “Questionable Claims: Colonialism Redux, Feminist Style.” Nasa sa Women and Globalization, ed. Delia Aguilar and Anne Lacsamana. Amherst, NY: Humanity Books, 2004.
Bakhtin, M. The Dialogic Imagination. Austin, TX: University of Texas Press, 1981.
__________. Problems of Dostoevsky’s Poetics. Minneapols, MN:University of Minnesota Press, 1984.
Balibar, E. & Macherey, P . “On Literature as an Ideological Form.” In Marxist Literary Theory, ed. Terry Eagleton and Drew Milner. UK: Blackwell, I996.
Barrett, M. & McIntosh, M. The Anti-social Family. London: Verso, 1982.
Barros, ML. “Mga Tula ni Lorena Barros.” Lorena: Isang Tulambuhay ni Pauline Mari Hernando. Quezon City: University of the Philippines, 2018.
Bautista, L. Buwan, Buwan, Hulugan Mo Ako ng Sundang. Manila: Cacho Publishing House, 1991.
__________. In Sisterhood—Lea at Luhalti. Quezon City: n.p., 2013.
__________. Hinugot sa Tadyang. Quezon City: Dekada Publishing, 2016.
__________. Sonata. Quezon City: Dekada Publishing, 2017.
__________. Bayan Ko! Quezon City: Dekada Publishing, 2019.
Bovenschen, S. “Is There a Feminine Aesthetic?” Nasa sa Feminist Aesthetics, ed. Gisela Ecker. Boston: Beacon Press, 1985.
Cornell, D. At the Heart of Freedom: Feminism, Sex, and Equality. Princeton: Princeton University Press. 1998.
de Vera, AF. “Introduction: Ang Hindi Tradisyunal na Tradisyon ni Kasamang Maita.” Maita Remembering Ka Dolor. Quezon City:Tanggol Bayi, 2013.
Donovan, J. “Everyday Use and Moments of Being: Toward a Non-Denominative Aesthetic.” Nasa sa Aesthetics in Feminist Perspective, ed. Hilde Hein and Carolyn Korsmeir. Bloomington, Ind: Indiana University Press, 1993.
Engels, F. “”The Origin of the Family, Private Property, and the State.” Nasa sa The Marx-Engels Reader, ed. Robert Tucker. New York: W.W. Norton, 1978.
34
DILIMAN REVIEW | Vol. 66 No. 2 (2022) Eviota, E. The Political Economy of Gender. London: Zed Books, 1992.
__________. “The Context of Gender and Globalization in the Philippines.” In Women and Globalization, ed. Delia Aguilar and Anne Lacsamana. Amherst, NY: Humanity Books, 2004.
Finley, M.I. Aspects of Antiquity. New York: Penguin Books, 1977.
Flood, A. “Majority of authors ‘hear’ their characters speaking, finds study.” The Guardian (17 April 2020).
Fraser, N. Unruly Practices. Minneapolis: University of Minnesota Press, 1989.
Freud, S. “Mourning and Melancholia.” The Freud Reader, ed. Peter Gay. New York: W.W. Norton, 1989.
Gardiner, JK. “On Female Identity and Writing by Women.” Nasa sa Writing and Sexual Difference, ed. Elizabeth Abel. Chicago: University of Chicago Press, 1982.
Haug, F. “Gender Relations.” Nasa sa Marxism and Feminism, ed. Shahrzad Mojab. London: Zed, 2015.
__________. “Thirteen Theses of Marxism-Feminism.” Transform Europe (16 Nov. 2020), posted in MRonline.
Higgins, H. Fluxus Experience. Berkeley: University of California Press, 2002.
Horney, K. Feminine Psychology. New York: W.W. Norton, 1967.
Hornstein, Lilian et al. The Reader’s Companion to World Literature. New York: Mentor, 1973.
Jones, AR. “Inscribing feminity: French theories of the feminine.” Nasa sa Making a Difference: Feminist Literary Criticism, ed. Gayle Greene and Copellia Kahn. New York:Methuen, 1985.
Kaplan, C. “Pandora’s Box: subjectivity, class and sexuality in socialist feminist criticism.” Nasa sa Making a Difference: Feminist Literary Criticism. New York: Methuen, 1985.
__________. “Radical Feminism and Literature: Rethinking Millett’s Sexual Politics.” Nasa sa Feminist Literary Criticism, ed. Mary Eagleton. London: Longman, 1991.
35
SAN JUAN, Jr. | Dalumat sa Pagsulong ng Feministang Estetikang Makabayan: Metakomentaryo hinggil sa Sining ng mga akdang In Sisterhood—Lea at Lualhati at Sonata ni Lualhati Bautista
Kristeva, J. The Kristeva Reader, ed. Toril Moi. New York: Columbia University Press, 1968.
Lacan, J. Feminine Sexuality. New York: W.W.Norton, 1985.
Lim, BC. “True Fictions: Women’s Narratives and Historical Trauma.” The Velvet Light Trap 45 (Spring 2000): 62-75.
Lindio-McGovern, L. Filipino Peasant Women. Philadelphia: U of Pennsylvania P., 1997.
Martinez, J. L. “Social Reproduction Feminism or Socialist Feminism?” Left Voice (May 2021).
Rehmann, J. Theories of Ideology. Chicago: Haymarket Books, 2014.
Reyes, S. Kritisismo. Manila: Anvil, 1992.
Rimmon-Kenan, S. Narrative Fiction. London: Methuen, 1983.
Rubin, G. “The Traffic in Women: Notes on the “Political Economy of Sex’.” Nasa sa Toward an Anthropology of Women, ed.
Reiter, R. New York: Monthly Review Press,1975.
San Juan, E. “Pagdulog sa Gapo ni Lualhati Bautista: Rasismo, Maskulinistang Ideolohiya, at Himagsik ng Anakpawis sa Isang Alegoryang Pambansa.” Malay xxxiv, 2 (2022): 1-15.
__________. Maelstrom Over the Killing Fields. Quezon City: Pantas Press, 2022.
__________. “Paano Ginawa ang Bata, Bata...: Likhaan 15 (2021), 19-38.
__________. “Panimulang Pagsubok sa Interpretasyon ng Panulat ni Lualhati Bautista.”Daluyan xxvii, 1 (2021): 60-79.
36
DILIMAN REVIEW | Vol. 66 No. 2 (2022)
__________. “Lakas ng Feministang Makabayan Laban sa Patriyarkang Diktadurya ng Imperyo: Pagsubok sa Interpretasyon ng Dekada ’70 ni Lualhati Bautista.” Akda 2.1 (April 2022): 1-18.
Santos-Maranan, A. “Do Women Really Hold Up Half the Sky?” Diliman Review 32.3- 4 (May-August 1984): 42-50.
Sison, JM. and Lima de, J. Philippine Economy and Politics. Quezon City: Aklat ng Bayan Publishing House, 1998.
Torres-Yu, LR. Alinagnag. Manila: U.S.T. Press, 2011.
Vogel, L. Woman Questions: Essays for a Materialist Feminism. New York: Routledge, 1995.
Wimsatt, W. and Brooks, C. Literary Criticism: A Short History. New York: Vintage Books, 1967.
Wolf, C. “A Letter about Unequivocal and Ambiguous Meaning, Definiteness and Indefiniteness; About Ancient Conditions and New Viewscopes; about Objectivity.” Nasa sa Feminist Aesthetics, ed Gisela Ecker. Boston: Beacon Press, 1985.
37
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
APOLINARIO MABINI--PAGPUPUGAY
SAN JUAN: Ang Mapagpalayang Praxis ng Rebolusyonaryong UNITAS 52 APOLINARIO MABINI: Ang Mapagpalayang Praxis ng Rebolusyonaryong Sambayanan ...
-
PAGSUBO K SA ISANG MAPAGPALAYANG PAGKILALA'T PAGTAYA SA SINING NI JOSE CORAZON DE JESUS by E. SAN JUAN, Jr. Dahil sa ma...
-
KONTRA-MODERNIDAD: PAKIKIPAGSAPALARAN SA PAGTUKLAS NG SARILI NATING MAPAGPALAYANG KABIHASNAN Kung ang katotohanan ay matatagpu...
-
ULIRANG HALIMBAWA NI EFREN ABUEG: Tungo sa Mapagpalayang Sining ni E. San Juan, Jr. Kamakailan, bago ipinawalan ang “Morong 43” na biktima...
No comments:
Post a Comment