Others have given their lives, without doubt or heed...Scaffold or open plain, combat or martyrdom's plight, 'Tis ever the same, to serve our home and country's need. -- JOSE RIZAL, "My Last Farewell" // Sapagkat ang mundo'y bayan ng hinagpis Mamamaya'y sukat tibayan ang dibdib... -- FRANCISCO BALAGTAS, "Florante at Laura" //
Tuesday, March 21, 2023
SURI NG NOBELANG DESAPARESIDOS NI LUALHATI BAUTISTA
GUNITA, PAGSUSUMAKIT, PAGKILALA, KATUBUSAN
Isang Pagbasa’t Suri sa Sining ng Desaparesidos ni Lualhati Bautista
E. San Juan, Jr. University of Connecticut philcsc@gmail.com
Abstrak
Sinikap ng hermenyutikang suri rito na ilahad ang politikang seksuwal na nakapaloob sa karanasan ng mga aktibista sa panahon ng diktaduryang Marcos at kapaligirang sirkumstansya. Sa sakunang sinapit nila, nakatambad ang barbarikong dahas ng sistemang patriyarko’t piyudal at imperyalismo. Sa paghahanap sa nawalang anak, at nawaglit na pagka-magulang, naisagisag dito ang pinsalang dinanas ng marami, di lamang ang mga desaparesidos. Nakapagitna rin ang dangal ng ama/kalalakihan sa krisis na sumira sa ritwal ng kasal at partido, naipagsanib ang kapalaran ng mamamayan at kapalaran ng bansa. Nalikha sa partikular na danas ang isang pambansang alegorya mula sa testimonya ng mga biktima, kung saan ang trauma o hilakbot ay simbolo ng krisis ng buong bansa. Naging talinghaga ang tungkulin ng gunita sa sitwasyon ng mga anak, na magpapatuloy sa napatid na historya ng mapagpalayang pagpupunyagi— pahiwatig na malulutas ang kontradiksiyon ng panahon at lugar sa kolektibong pagsisikap ng mga salinlahi upang makamit ang pambansang demokrasya at soberanya ng bansa.
Susing Salita
Batas Militar, desaparesidos, ina, neokolonya, rebolusyon, sakripisyo
Kritika Kultura 40 (2023): 29–057 © Ateneo de Manila University
San Juan, Jr. / Gunita, Pagsusumakit, Pagkilala, Katubusan 30
Abstract
This hermeneutical critique seeks to articulate the sexual politics submerged in the experiences of selected activists during and after the period of the Marcos dictatorship. In the disasters they suffered, we find revealed the barbaric violence of imperialism and the patriarchal- feudal system. In the quest for the missing child and their own kidnapped self-recognition, the narrative symbolized the damage suffered by whole communities, not just the forcibly disappeared. The plot center-stages the ordeal of oligarchic honor in the crisis that destroyed the rituals of marriage and party discipline. In the process, the fate of individual citizens and the fate of the nation coalesced. Embodied in manifold experiences, the interwoven testimonies of the families involved function as a national allegory in which the traumatic terror of the Martial Law regime becomes a concrete universal for all. Memory/recollection as protagonist becomes a key mediation for the children’s predicament, serving as an analogical figure for the disrupted dialectic of the historical project for the people’s liberation. It serves as a trope that the contradictions of time and space, body and soul, ethics and geopolitics, will be resolved by the collective effort of organic people’s agencies to achieve the goals of national democracy and sovereignty.
Keywords
Martial law, desaparecidos, mother, neocolonialism, revolution, sacrifice
About the Author
E. SAN JUAN, Jr., emeritus professor of English, Comparative Literature, and Ethnic Studies, was previously a fellow of the W.E.B. Du Bois Institute, Harvard University, and Fulbright professor of American Studies, Katholieke Universitat Leuven, Belgium. He also taught recently at Polytechnic University of the Philippines and the University of the Philippines, Diliman, Quezon City. His recent books are Faustino Aguilar (UST Press), Maelstrom over the Killing Fields (Pantax Press), Kontra-Modernidad (UP Press) and Peirce’s Pragmaticism: A Radical Perspective (Lexington Press). His critical study of all the novels of Lualhati Bautista is scheduled to be launched this year 2023.
Kritika Kultura 40 (2023): 30–057 © Ateneo de Manila University
San Juan, Jr. / Gunita, Pagsusumakit, Pagkilala, Katubusan 31
INTRODUCTION
No one shall be subjected to torture or to cruel, inhuman or degrading treatment or punishment.
—United Nations, Universal Declaration of Human Rights, Article 5
Hahanapin kita sa angil ng punglo/ Sa tinik ng gubat silahis ng sulo /Ipagtatanong ka sa libong kamao /Sa kawa’y ng bandera’t dagundong ng maso/ Hahanapin kita sa lunting bukirin / Sa ngiti ng sanggol, sa ihip ng hangin/ Kung sa paglaya na ang inyong pagdating / At wala ka roo’y hahanapin pa rin.
—Adora Faye de Vera
Hangga’t maaari, makisama kayong mabuti sa lahat ng tao. Mga minamahal huwag kayong maghiganti; ipaubaya ninyo iyon sa Diyos. Sapagkat nasusulat, “Akin ang paghihiganti, ako ang gaganti, sabi ng Panginoon.” Kaya “Kung nagugutom ang iyong kaaway, pakanin mo; kung nauuhaw, painumin mo; sa gayon, mapapahiya siya sa kanyang sarili.”
—Ang Sulat ni Pablo sa Mga Taga-Roma, 12:17-19
Ang Bagong Tipan
Ang malikhaing pagbasa ng panitikan ay isang pagpapakahulugan, isang sining o agham ng interpretasyon na tinaguriang hermenyutika. Mula pa sa klasikang siglo ng Antiquity, nina San Agustin at patristikong komentarista, mga exegesis ng Koran at Lumang Tipan ng mga Hebreo, napagkayarian ang wastong teksto at pag-unawa sa apat na aspekto ng Scripture: 1) anagohikal (kolektibo at politikal na kahulugan ng historya); 2) moral (sikolohiyang pagtarok sa indibidwal); 3) alegorikal (susi sa kodigo ng kahulugan); at 4) literal (reperensiya sa karaniwang danas). Kahit magsimula sa literal na antas ang pagtunton sa sirkulo ng hermenyutika, maiintidihan natin ang ugnayan ng lahat ng dimensiyong nabanggit sa isang makabuluhang totalidad.
Nilinaw ni Fredric Jameson na ginamit ito ng mga pantas ng Simbahan upang mabigyan-katuturan para sa mga di-binyag ang kulturang minana sa mga Hebreo: habang nakasalig sa obhetibong datos ng kasaysayan, bukas ito sa pagdulot ng sistema ng metapora o alegorikong pagpapakahulugan. Pahayag ni Jameson: “Allegory is here the opening up of the text to multiple meanings, to successive rewritings and overwritings which are generated as so many levels and as so many supplementary interpretations” (29-30). Batay sa perspektibong ito, susuriin natin ang ugnayan ng pigura at ideya, sagisag at konsepto, penomena at hiwatig na umuugit sa mga tauhan at pangyayari, na siyang bukal ng masusing “kritisismo ng buhay” ng nobela bilang likhang-sining.
Kritika Kultura 40 (2023): 31–057 © Ateneo de Manila University
San Juan, Jr. / Gunita, Pagsusumakit, Pagkilala, Katubusan 32
Isang halimbawa ng estratehiyang gamit dito ay mapapansin sa diskurso ni Mary Aileen Diez-Bacalso, pangulo ng International Coalition Against Enforced Disappearances. Inihahanay niya ang dawalang pangyayari: ang pasinaya ni Pangulong Bongbong Marcos, anak ng diktador Ferdinand Marcos, at pagdiriwang sa ala-ala ng mga biktima noong panahon ng “martial law” sa Bantayog ng mga Bayani noong Hunyo 30, 2022. Walang imik si Marcos Jr. ukol sa mga biktima ng kaniyang ama, habang itinampok ng mga kamag-anak ng mga biktima ang kilabot ng diktadurya (1972-86). Nirepaso ang malupit na paglapastangan at pagpaslang sa ilan-libong aktibista nina Loretta Ann Rosales at Bonifacio Ilagan. Ipinaaabot nila sa anak ng diktador na “we do not absolve you of historical responsibility” sa mga naturang krimen, at tinambuli ang sumpa nila na “to continue to sacrifice our lives to destroy the distortions” na lantad sa pagbibida ni Marcos Jr. ng mga di- umano’y kabutihan at kaunlarang dulot ng malagim na yugto ng ating kasaysayan (Diez-Bacalso).
Nakasiksik sa pagtatambal sa dalawang tagpo ang apat na kategorya ng pagpapakahulugan: mula sa realistikong pangyayari (pagdurusang pisikal ng mga biktima), alegorikong pahiwatig (kasalanang hindi makakalimutan), hanggang sa moralidad (responsibilidad ng nagkasala) at analohikal na kahulugan (impak ng nangyari sa kapalaran at kinabukasan ng bansa). Masasalamin sa nobela ang pagsasanib ng mga kontradiksiyong kalakip sa kahirapang dinanas ng mga magulang, ang magkatunggaling reaksyon ng mga anak, at pagkakatahi ng katotohanan at kabulaanan sa pakikipagsapalaran ng mga kapanalig sa panahon ng batas militar at sumunod na pagsusuma nito.
Hanggang ngayon, ang sugat o trauma ng “martial law” ay hindi pa naghihilom. Patunay rito ang babala ng United Nations Human Rights Committee ukol sa “widespread practice of torture and ill-treatment in places of detention” (2022 Meeting). Pananagutan ng lahat na makialam sa eskandalong ito. Noong 2018, naging tanyag ang pagsasalin ng nobela sa teatro ni Guelan Luarca—walang espasyo rito upang asikasuhin ang pagkakaiba nito sa sining ni Bautista (konsultahin ang rebyu ni Tariman). Sa ngayon, tangka nating mailahad ang halaga ng pagsisikap mahulagpusan ang sakripisyong naisadula sa paraang pasalaysay. Nilunggati ng nobelista na maipadama sa bagong henerasyon ang kumplikadong buod at responsibilidad ng kanilang pagka-Filipino na nakaugat sa madugong bahagi ng ating kasaysayan.
Kritika Kultura 40 (2023): 32–057 © Ateneo de Manila University
San Juan, Jr. / Gunita, Pagsusumakit, Pagkilala, Katubusan 33
KRONIKA NG BANSAG AT KONTEKSTO NG PAGLAPAT
Halaw ang salitang “desaparesidos” mula sa Kastilang “desaparecidos,” o mga taong nawala. Naimbestigahan na ito ni Bautista sa naunang nobela niyang Bata, Bata... Pa’no Ka Ginawa? at Dekada ‘70 (San Juan, “Paano Ginawa”; San Juan, “Lakas”). Noong panahon ng “dirty war” sa Argentina noong dekada 1970, inilapat ang etiketang ito sa 10,000-30,000 dinukot at pinatay ng mga kawal ng sandatahang militar ng Estado, pulisya at mga galamay ng Estado. “Operation Condor” ang tawag sa sistematikong pagsugpo sa mga aktibistang estudyante at unyonista sa Southern Cone (Chile, Argentina, Bolivia, Brazil, Uruguay) ng Latin Amerika suportado ng
U.S. tulad ng pag-suporta kay Ferdinand Marcos.
Maraming patalastas noon ay nakulapulan ng bansag na “sapilitang pagkawala”— hindi kusang nawala, o nagtago lamang—ng mga biktimang tinortyur at pinatay upang patahimikin sila o pigilang makapagsalita. Sinugpo ang karapatang pantaong lumahok sa pampublikong aktibidad (San Juan, U.S. Imperialism 163-80). Ang pagbabawal na ito ay tandisang paglabag sa doktrina ng mga karapatang pantaong pinagkasunduan sa UN Charter. Pinagkayarian iyon ng lahat ng bansang kasapi sa U.N., kabilang ang Pilipinas, kaya obligadong sundin lahat ng nagpatibay dito.
SUBAYBAYAN ANG BAKAS
Ngunit alam ng lahat ang kabalintunaan: iba ang nakasulat sa papel at iba naman ang masasaksihan sa realidad. Ang pinakaunang desaparesidong natukoy ay si Charlie del Rosario, estudyante sa Polytechnic University of the Philippines, na dinukot noong 13 Marso 1971, sa loob ng Lepanto Compound. Sinapantahang Task Force Lawin ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang responsable. Bago pa ito ipataw ang proklamasyong 1081 ng batas militar noong Setyembre 1972 (Javate-de Dios, Daroy, Kalaw-Tirol; McCoy). Paunawa ng sigwang umaalimbukay sa panganoring abot-tanaw ang kudetang lumansag sa republikang sistema ng politika at administrasyon.
Sa panahon ng batas militar nangyari ang pinakamasahol na sapilitang pagkawala, ang Southern Tagalog 10, mga aktibistang dinukot, tinortyur at pinatay. Pagkaraan ng ilang taon, apat na labi ng mga bangkay ng sampung biktima ang nadiskubre, na napagkilala, na sina Rizalina Ilagan, Cristina Catalla, Gerardo Faustino, at Modesto Sison. Dalawa pang mga buto nina Virgilio Silva at Salvador Panganiban ang nahukay sa Tagaytay, Cavite. Bago pa sa kanila, tatlong aktibista ang unang sinalvage
Kritika Kultura 40 (2023): 33–057 © Ateneo de Manila University
San Juan, Jr. / Gunita, Pagsusumakit, Pagkilala, Katubusan 34
(“salvage” ang idyomang nauso upang ipahiwatig ang pagpaslang, kabaligtaran ng ibig sabihin sa Ingles): sina Rolando Federis, Flora Coronacion, at Adora Faye de Vera—pinatay sina Federis at Coronacion, ngunit si de Vera ay nakaligtas (sa anong himala!) at nakapagsalaysay ng pagtampalasan sa kaniya. Iyon ang isa sa basehan ng testimonya nina Anna at Roy sa nobela (Ilagan 18-28).
Sa panahong sumunod, ang mga bantog na desaparesidos—sa ilandaang nakalista—ay sina Jonas Burgos, Karen Empeno, at Sherlyn Cadapan. Ang matinding kahirapang dinanas ng dalawang babaeng estudyante ay nakatala sa testimonya ni Raymond Manalo (294-314). Matingkad na alingawngaw o pag-uulit iyon ng mga nangyari kina Anna at Roy, protagonista sa nobela. Naging tunay ang katha. Subalit mapaglilimi na hindi naman tahasang “desaparesidos” ang mga pangunahing tauhan—sila’y dinakip at pinarusahan ng militar. Makahulugan ang pagkawala ng magulang, laluna ang ina, sa buhay nina Lorena at Malaya, na maituturing na manaka-nakang pagliban o kawalan. Iyon ang dobleng hiwatig na “desaparesidos,” na nawalan ng magulang ang dalawang anak (Mendiola). Nagsalikop ang literal at alegorikal na kahulugan sa interpretasyon ng karanasan ng mag-asawa, hindi nawaglit ang masaklap na realidad sa likod ng metapora o sagisag na nagpasiwalat ng matining na katuturan ng mga penomenang puwedeng isaisantabi kung walang kaagapay na figurang retorikal.
Hindi lang isang dimensyon ang masisipat sa talinghaga ng pagkawala. Idagdag pa natin ang mahuhugot na analohiya: ang pagkawala sa sarili nina Roy at Anna. Ito ang aspektong moral at anagohikal. Naturol ni Roy na “gusto niyang umuwi sa kanyang sarili” (Desaparesidos 209). Umuwi sa pinanggalingan? Nawala ang anak ni Anna, kambal ng sarili bilang ina. Parikala nito’y nabiyak ang mga sarili, nahati o nasibak, kaya kailangang pagkabitin at itahi muli ang mga pragmentong nahiwalay upang mabuo ang pagkatao at kilalanin ang dalisay na sarili o identidad. Gayundin ang pamilya at ang partidong naging kapalit ng iniwang pamilya ng mga aktibista. Ito ang temang sentral: ang paghagilap ng koneksiyon ng nakalipas at ngayon upang makabuo ng mas makatotohana’t makatuwirang hinaharap. Tinahi at tinuhog ng nobela ang sumabog at nagkawatak-watak na kabuuan ng buhay ng mga protagonista.
Ano ba talaga ang umuukilkil sa malay ng mga protagonista? Pagbabalik sa dati o paghahanap sa nawalang bahagi? Ang buong naratibo ay pagpupunyaging isalaysay ang proseso ng pagsasanib ng sabog na sangkap ng pagkatao nina Roy at Anna, ang mga kontradiksiyong nagpasalimuot sa pakikipagsapalarang ito, sampu ng kontekstong sosyo-politikal. Isinalig ang partikular na buhay ng mga karakter dito sa kasaysayan ng sambayanan ng panahon ng batas militar ng diktaduryang Marcos at humaliling rehimen nina Aquino, Ramos, Estrada, at Arroyo (tungkol sa mga katampalasang naganap ng rehimeng Cory Aquino, konsultahin si Maglipon;
Kritika Kultura 40 (2023): 34–057 © Ateneo de Manila University
San Juan, Jr. / Gunita, Pagsusumakit, Pagkilala, Katubusan 35
Nemenzo). Ito ang anagohikal na palapag ng ating pagdukal sa sapin-saping kahulugan ng nobela.
PATAWID SA LUBAK AT BANGIN
Mapanghimasok ang sinumang magsusuri sa signipikasyong etikal-politikal ng mga tagpong nagbunsod sa pagkawala ng anak. Sino ang responsable sa mga desaparesidos? Mapagbirong palaisipan ba ito?
Sa pangkalahatang tanaw, ang nawalang bagay o tao rito ay si Malaya, ang anak ni Anna, na iniwan kay Karla, buntis na asawa ni Jinky, isang kasama sa kilusan. Nawala ang mag-ina. Nakatira iyon sa tahanan ng pamilya ni Roy na pinatay ng militar sa isang raid, ngunit nakuhang itakas ng ama. Hindi malaman kung saan napunta sina Karla at Malaya sa gitna ng ligalig at gulong bumalot sa mga nayong sumiklab sa labanan. Iyon ang naging obsesyon ni Anna mula nang sila’y mapalaya nang pumutok ang Pebrero 1986 People Power Revolution. Isang sindak na puminsala sa kaluluwa, higit pa sa pagtorture sa kaniya, dahil ang sugat noon ay hindi gagaling hanggang hindi bumabalik ang nawalang sanggol. Sa alegorikal na paghulo, ang tinutugis ay ang nawaglit na damdaming nagbubuklod sa mag-asawa at mga anak dahil sa pakikisangkot sa rebolusyon, sa isang dakilang adhikaing may layong higit pa sa pansariling kaabalahan ng karaniwang mamamayan.
Isang lunas ang nakuhang mapursigihan. Humilig si Anna sa kulto ng mga ina, wangis babaylan ng mga balo o nasawing asawa. Kaakibat nito ang sakripisyo ng anak bilang alay upang malunasan ang pagkakasala: ang paglabag sa totemikong awtoridad ng kalalakihan. Sa ilang kababaihan, ang babaylan ay naging sentro ng kulto sa paniniwalang senyas iyon ng sinaunang matriyarkal na lipunan. Sa kritisismo ni Paula Webster, mito o mistipikasyon iyon. At bagamat isinuob at sinamba ang mga diyosa sa altar, sa kongkretong kondisyon, inilagak lang sila sa tahanan na walang kapangyarihan (Webster 141-56). Mapanlinlang at mabighani ang maternidad at domestisidad, na siyang haligi at pundasyon ng patriyarkong paghahari ng kalalakihan. Subalit sa pagkawala ng rebolusyonaryong aktibidad (sinagisag ng pagkawala ng anak), ano ang alternatibong solusyon upang malunasan ang trauma?
Kung ama (diktadurya nina Marcos at mga heneral) ang bumuwag sa katarungan, sino ang liligtas sa mga nabiktimang mamamayan? Sa maternidad ng ina, na lumikha ng pagkatao ng komunidad, nakasalalay ang kaligtasan ng mga
Kritika Kultura 40 (2023): 35–057 © Ateneo de Manila University
San Juan, Jr. / Gunita, Pagsusumakit, Pagkilala, Katubusan 36
makatarungang bayani. Sa baligho’t ironikal na pag-ikot ng banghay, nakataya ito sa pagsulong ng mga pangyayaring di lubos na mapangangasiwaan. Ang tema ng nobela ay kalakip ng pagsisiyasat sa anong kahulugan ng paglalarawan ng inang tanging layon sa buhay niya, na ibinuhos sa rebolusyonaryong kilusan, ang hanapin ang nawawalang anak. Iyon ay pagtuklas sa kabuluhan at halaga ng kanilang rebolusyonaryong sikap at pasakit.
Pagtunton din iyon sa kabuluhan ng pakikisangkot. Bakit mahalaga iyon? At ano ang ipinahihiwatig nito sa konteksto ng krisis ng bayan mula nang bumagsak ang diktadurya at humalili ang rehimeng Aquino na kalauna’y higit pang mabagsik at malupit kaysa sa pinalitang halimaw? Bakit itinampok ang problema ng ina, kalakip ang linggatong ni Lorena, bilang sentro ng ulat tungkol sa kapalaran ng mga miyembro ng Partido Komunista/Bagong Hukbong Bayan, at kanilang kamag- anakan? Bakit pinagtuunan ng pansin ang pagkagulumihanan, ang pinsalang gumagambala sa kamalayan nina Anna at Roy, na sadyang nakakahilakbot at lubhang kalunos-lunos?
Sa ultimong pagsusuri ng kritiko, salungat ba o sang-ayon ang daloy ng mga pangyayari sa mapang iginuhit ng mga lider ng rebolusyonaryong kilusan? Ano ang relasyon ng ideya at aktuwal na pangyayari? Tumanggi ba ang karanasan na makatas sa hulmahan ng konsepto ng simbolo at talinghaga? O ipinagkanulo ba sila ng metapora’t palamuting retorikal? Matutugon ito sa diskursong idudulog.
PALIGSAHAN NG PANUNTUNAN AT PRAKTIKA
Sa dokumento ng partido (Communist Party) hinggil sa “On the Relations of the Sexes” na nirebisa sa “On Marriage,” walang patakaran sa pag-aalaga ng anak o pamamahala sa pamilya. Mabusisi ang dokumento tungkol sa panliligaw, pagtatalik, diborsiyo, atbp. Pinuna na ng maraming iskolar ang konserbatibo’t “androcentric” na pananaw ng dokumento na di-umano’y tinalaban ng “sexual panic” (Abinales 282). Sa pakiwari ko, lihis ang dogmatikong panukalang nabanggit sa tradisyon ng Yenan sa Tsina. Iyon ay bukas sa mga peministang tulad ni Ding Ling, na nabigyan ng inspirasyon nina Clara Zetkin at Rosa Luxemburg (Duyanevskaya 108-09). Kung sabagay, maski itong dalawang babaeng nagpasimuno ng peministang daloy sa kilusang sosyalismong pang-internasyonal ay limitado rin sanhi sa historikong pangangailangan (Zaretsky 96-97).
Kritika Kultura 40 (2023): 36–057 © Ateneo de Manila University
San Juan, Jr. / Gunita, Pagsusumakit, Pagkilala, Katubusan 37
Palibhasa’y nasa buntot tayo, batid natin ang mga kamalian ng nasa una, kaya hindi matino o matapat ang paghusgang mali o wasto ang kaisipan ng mga kontemporaneong kalahok sa pakikibaka. Ibitin natin ang ating pagtatasa muna.
Dagdag pang tanong: trahedya ba itong mga nangyaring puwedeng makapagbunsod ng katarsis o kaluwagan? O masokistang paglalarawan ng nakaduduwal na gahasa ni Anna at lalong nakaririmarim na pagpapahirap kay Roy? Hindi tuwa kundi alibadbad, hindi galak kundi hilakbot at suklam, ang ihahain nito sa dalumat ng mambabasa. Umabot sa naturalistikong estilo ang pagtatambad sa ritwal ng torture nakulayan ng banal o mala-sakramental na “aura” tulad ng mga hayup na kinakatay sa altar ng mga paganong bathala. Sa kabilang dako, mungkahi ni Susan Sontag, mapagmumuni ang obserbasyon ni Edmund Burke na lapat sa modernong kultura ng espetakulo: “I am convinced we have a degree of delight, and that no small one, in the real misfortunes and pains of others” (97). Alalaong baga, walang inosenteng mambabasa o kritiko.
Pagnilayan natin ang ilang proposiyong ito at mga konsekwensiyang mahihinuha mula rito. Paghahanap sa anak ni Anna, si Malaya, ang litaw na motor ng mga pangyayaring sumunod sa pagkapuksa ng pamilya ni Roy kung saan inilagak sina Karla at Malaya. Kalangkap nito ang torture ni Roy at karanasan pagkatapos. Ngunit ang motibasyon ng mga ideyang nakapaloob sa mga tauhan at relasyon nila ay sangkot sa kasaysayan ng bansa noong dekada 1970-1990. Ang motibasyon ng krisis ng mga tauhan ay kalakip sa sitwasyong nagbunsod sa pakikibaka (tungkol sa dramatistikong konseptong ginamit dito, tingnan si Burke 3-120). Paano masisilo at maiintindihan ang ugnayan ng kahapon at kinabukasan, ang mapait na mga nangyari at inaasahang lunas at kakamting ginhawa?
Sa ibang pagsasaayos ng ungkat natin, ano ang kahulugan at katuturan ng mga nangyari noong panahon ng karahasan bago ipataw ang batas militar at pagkaraan? Paano matatarok ang padron, iskema, o estruktura ng mga pangyayaring naganap simula mapatay si Nonong, unang asawa ni Anna at ama ni Malaya, hanggang sa magkatagpo muli ang mag-ina sa huling kabanata? Taglay ba ng mga hinabing pangyayari sa buhay ng ilang aktbista at kamag-anak nila ang makahulugang balangkas ng kasaysayan ng bansa, sampu ng panghihimasok ng U.S. sa diktaduryang Marcos at humaliling rehimen ni Corazon Aquino?
Sa maikling tugon, ang aral na mahuhugot ay walang absolutong kontrol ang tao sa takbo ng mga pangyayari. Ang pagkatuto sa paniwalang ito ay inilarawan ni Bautista sa mga katha sa Bayan Ko! (“Giyera,” halimbawa). Pag-angkop o pagtugma ng ninanais at pinapayagan ng nesesidad ang masasaksihan, partikular sa kuwentong “Ang Pag-ibig ay Isang Tula” (Bayan Ko! 1-118), o sa nobelang Sixty in the City at Sonata. Sa ibang parirala, pangangailangang gawad ng kasaysayan—sa
Kritika Kultura 40 (2023): 37–057 © Ateneo de Manila University
San Juan, Jr. / Gunita, Pagsusumakit, Pagkilala, Katubusan 38
mga relihiyoso, ang Diyos o mga bathala—ang nagdidikta ng kapalaran ng tao, ang tadhana ng mga lipi, lahi, at bansa. Ang kalayaan ay malalasap sa pagkilala at pagdalumat sa nesesidad (Marx 84).
Ngunit ang nobela ay may hain na natatanging kasagutan: nasa ating kolektibong pagpapasiya ang interpretasyon ng kahulugan ng mga pangyayari sa ating buhay na nagdudulot ng kalayaan sa gitna ng tadhana. Ayon kay Marx, dalawang magkatambal na panig (aktibo at pasibo) ang dapat pahalagahan: “Man as an objective, sensuous being is therefore a suffering being—and because he feels what he suffers, a passionate being. Passion is the essential force of man energetically bent on its object” (Manuscripts 182). Sa pakiwari ko, ang Desaparesidos ay pagtatampok sa maigting na sagupaan ng mga “passion” o masimbuyong damdamin ng mga tauhang nakikilahok sa isang pangmatagalang proyekto ng pagbabago’t liberasyon ng buong sambayanan.
PAGTALOS SA MITHI NG LIKHANG-SINING
Ang sumusunod na kuro-kuro ay puna sa mga pangunahing karakter at kanilang sikolohiya—lalo na, ang masimbuyong damdamin—na mahigpit kalangkap ng kanilang kilos at ugnayan sa kapaligiran. Higit dito, ilalapag ang isang komentaryo tungkol sa kung paano ang motibong nagpapagalaw sa mga tauhan ay nagkukubli sa lohika ng patriyarkong ideolohiya at nagsisiwalat ng limitasyon ng burgesyang pananaw sa pagtuklas ng ugat ng mga suliraning sumaklot sa buhay nina Anna at Roy, Jinky at Karla, Lorena at Malaya. Mula sa “katayuang “desaparesidos” (Karla at Malaya), lumitaw at lumabas ang katotohanan: ang “reunion” o pagsasama muli ng ina at anak ay nakapupukaw na paalala na ito ay alibi o pansamantalang lunas sa mahapdi’t malalang krisis ng buong bansa. Senyal ang balita sa huling pahina ng nobela ng Proklamasyon 1017 ni Arroyo, “martial law” muli. Hindi pa man nailibing si Marcos, bumabalik na ang multo ng nakalipas na dapat mapurga sa sikmura ng kaluluwa at lubos na mapalis, mapawi, mapanaw. Malikmata ba o bigwas ng katotohanang hindi pa tapos ang pakikibaka?
Tambad na ang nobela ay pagsaliksik sa karanasang historikal ng bayan noong panahong humantong sa batas militar at kinahinatnan. Isinakatawan iyon sa mga pakikipagsapalaran ng mga taong kalahok sa pakikibaka at kanilang mga kadugo’t kasama. Iniulat ni Leonard Davis ang papel ng kababaihan sa pag-ugit at pagsulong sa kasaysayan ng buong Filipinas—samakatwid, hindi matatarok ang papel ng kababaihan tiwalag sa krisis ng sambayanan (San Juan, Between Empire 167-93;
Kritika Kultura 40 (2023): 38–057 © Ateneo de Manila University
San Juan, Jr. / Gunita, Pagsusumakit, Pagkilala, Katubusan 39
Aguilar 42-58; Santos Maranan 42-50). Karamihan sa bagong henerasyon ay halos walang alam tungkol sa diktaduryang Marcos at pagdurusang inihasik nito sa buong bayan. Patibay ang positibong opinyon ng marami kina Marcos, at ang di umano’y popularidad ng kandidatong Bongbong Marcos Jr. sa halalang Mayo 2022. Tiyak na bunga ito ng maling ulat o propaganda ng panig ng mga dinastiyang oligarkong kasabwat ng diktador, lalo na ang rehimeng Arroyo at Duterte. Hindi lahat ay sanhi sa mahinang gunita o makalimot na gawi ng millennials.
Biro-biro ba ang bantang bumalik ang mga anak ni Marcos upang maningil ng ganting-pabuya sa bayan? Bakit tayo muling nabingit sa ganitong kapahamakan? Ito ba’y malisyang laro ng tadhana, o bunga ng kolonisadong mentalidad ng nakararami na lubog sa pagkaduhagi, sa konsumerismo at pagkaalipin sa kapitalistang kultura ng egotismo’t pag-iimbot? Tinugon ito ni Bautista sa pag-inog ng predikamento ng mga tauhan sa nobela.
PAGKINTAL NG HILAHIL AT BALISA
Kasaliw din ang sumaryo ng dekada ng batas militar sa gitna ng nobela, sa pagitan ng Kabanata 9 at 10, pahina 85-104. Ang unang siyam na kabanata ay nagtapos sa pag-iisang-dibdib nina Anna at Roy; ang kasunod na mga kabanata ay nakapokus sa pagsisiyasat sa problema nina Lorena, Roy, Karla, at Malaya. Makatutulong kung sisipiin natin bilang saligang plataporma ng akda ang repaso ng awtor hinggil sa kapaligiran noon. Sa pagunita ng nobelista:
Tumindi nang husto ang mga protesta laban kay Marcos at sa U.S. imperialism. Naging magulo ang kalagayan. Naganap ang tinatawag na first quarter storm, January 1970, na nilahukan ng libu-libong kabataan. Pinagbabaril ng tropa ng gubyerno—PC (Philippine Constabulary) at Metrocom (Metropolitan Command) ang mga nagrarally sa Mendiola, apat na estudyante ang patay. Sinundan ng Labor Day massacre kaugnay ng rally noong May 1, 1971; pinagbabaril ng Metrocom ang mga nagra-rally, anim ang patay. Bukod pa ito sa mga nauna nang dinukot at hindi na nakita pa. Habang sa mga kanayunan, nagkakaroon na ng armadong sagupaan sa pagitan ng tropa ng gubyerno at New People’s Army, ang military arm ng Communist Party. [Sumunod ang deklarasyon ng batas- militar noong Setyembre 21, 1972, ang pagpataw ng pasistang dahas na pinalamutiang “awtoritaryanismong konstitusyonal”]
Gulantang ang taong bayan (pero ‘yung mga aktibista, hindi; expected na nila iyon.)… Naglipana ang mga sundalo, rumonda sa kalaliman ng gabi, nagsona sa mga komunidad… Tumago ang mga aktibista. Ilang buwan din silang nagpalipat-lipat sa bahay ng mga
Kritika Kultura 40 (2023): 39–057 © Ateneo de Manila University
San Juan, Jr. / Gunita, Pagsusumakit, Pagkilala, Katubusan 40
kamag-anak at kaibigan habang inaayos kung saang larangan sila pupunta at kung ano ang kanilang magiging gawain—sa propaganda ba o sa armadong pakikibaka?—marami sa kanila ang itinulak mismo ng martial law sa tuluyang pagpaloob sa kilusan at paglaban sa rehimeng Marcos. (Bautista, Hinugot 190-94)
Sa dalawang kabanatang nagbukas sa nobela, saksi na tayo sa resulta ng digmaang “people’s war,” giyerang sibil, na kung saan ang Estado ay suportado ng imperyalistang
U.S. Bakit inuungkat pa ito? Hinihingi ng kaso ng mga biktima ng batas militar ang paglilikom ng maraming testimoniya na isasama sa “class suit” laban kay Marcos upang makakuha ng indemnity. Isinuma ni Alfred McCoy ang kaso ng 9,541 biktima na ginawaran ng $2 bilyon bayad-pinsala ng Honolulu U.S. District Court noong Setyembre 1992 (129-44). Ilan lamang iyong nagkaroon ng tentatibong “closure” sa 79,000 inaresto, 30,000 pinahirapan, at 1,000 desaparesidos (Pforr). Napilitan ang mga biktimang yumari ng imbentaryo ng kanilang pinsala at iba pang kahirapang maibibintang sa diktadurya kakawing sa kalamidad na tiniis ng buong sambayanan.
Ang eksena ng imbestigasyon tungkol sa paglabag sa “human rights” ng Amnesty International at iba pang organisasyon, kaugnay ng “class action suit,” ay siyang naging pretext sa pangangalap ng testimoniya. Pagtuklap ito sa sugat na hindi pa lubos na naghilom, paghiwa sa pilat ng kapahamakan at di-maibsang trauma. Sindak tayo sa larawan ng dalagitang ginahasa ng vigilante, winarak ang dibdib upang kainin at magdulot ng “virility” o maskulinistang lakas. Patungkol ito sa Alsa Masa na pinamunuan noon ni Col. Franco Calida, ang “Rambo” ng Davao, kung saan sumibol ang mahilakbot na poder ni Rodrigo Duterte.
Tinutukoy din ito ng Amerikanong peryodistang si Stanley Karnow: “In 1986, when I visited Davao, the Communists controlled a slum district called Agdao. Calida cleaned out the area within two years with his three thousand men, numbers of them Communist defectors. But his and other groups, acting without official supervision, summarily killed suspects and settled old feuds. Some, like the Tadtad, which means ‘chop,’ were mystical cannibalistic cults that beheaded their victims and ate their livers” (427). Kakila-kilabot na paghulog sa barbarismo ang nasaksihan ng buong mundo. Gayunman, sapin-saping kahulugan ang masisipat sa pangyayaring iyon.
PAGHIMAY SA SINDROMA NG HILAKBOT
Bumalik tayo sa masaligutgot na suliranin ng mga pamilya. Wala pang kaganapan sina Roy at Anna. Bumalong sa alaala ni Anna ang nakalipas sa itinambad na
Kritika Kultura 40 (2023): 40–057 © Ateneo de Manila University
San Juan, Jr. / Gunita, Pagsusumakit, Pagkilala, Katubusan 41
bangkay ng kaniyang asawang si Nonong, gerilyang napuksa. Hindi siya makakibo. “Kaya na ba talaga niyang magsalita nang hindi nagsisikip-nagsisiklab ang loob? Dalawampung taon na—kaya na ba niya talagang ikuwento kung paano ibinilad ng mga sundalo sa plasa ang bangkay ng kanyang asawa, kasama ng bangkay…ng tatlong iba pa na pawang napatay daw sa engkuwentro? Mag-aanak lang iyon ng mahabang-mahabang kuwento na kakabit ng kanyang kasalukuyan” (Desaparesidos 3).
Nang pahintulutan si Anna ng kaniyang yunit sa New People’s Army (NPA) na patunayan kung asawa nga niya ang naibilad sa plasa, naipakita ang bigat ng pagpigil sa bugso ng damdamin—ang disiplina ng mandirigma—na mananatili habang hinahanap ang nawawalang anak na si Malaya: “Kailangan niyang magpakabato, timpiin ang sarili, mag-isip ng masaya. Sa harap ng bangkay ng kanyang asawa, sinikap niyang ilipad ang isip sa masayang sandali ng kanilang kasal, sa alaala no’ng unang gabi…” (Bautista, Desaparesidos 5). Isinalin niya ang realidad sa palapag ng alegorya at etikal-politikal na pagpapakahulugan—isang paraan sa unibersalisasyon ng partikular na bagay. Magugunita ang mga pinagbuhatang karakter ni Anna sa panitik ni Bautista: sina Amanda Bartolome sa Dekada ‘70 at Lea Bustamente sa Bata, Bata... Pa’no Ka Ginawa?—dumanas ng metamorposis at naging Anna o Karla (tungkol sa metodolohiya ng representasyon sa kababaihan, konsultahin sina Siapno, Libed, San Juan, Maelstrom 157-83).
Balighong pihit ng kapalaran! Ang payo ni Anna sa magulang na angkinin ang bangkay ay nagresulta lamang sa pagkapatay kay Tatay Dencio. Naging pahamak ang magandang intensiyon. Sa maniobra ng gunita, sinugpo ni Anna ang simbuyo ng matinding dalamhati. Sinawata niya ang lungkot at pinagpilitang lusawin iyon sa galit at ala-ala ng pangalan ng berdugong Tinyente Balmaceda “para sa araw ng pagtutuos.” Nakatutok sa kinabukasan ang pagsusulit ng lahat, ang pagpataw ng parusa sa mga malupit na sukab na umalipusta sa mga kasama. Ang sukling ganti ay babala sa mga buhong na lumigpit na at huwag tumulad sa mga taksil at palamarang kasama. Magbubunga ng mabuti ang pagpaparusa sa mga berdugo.
Masahol ang nakagigimbal na pagmasaker sa pamilya ni Roy, pati mga musmos na halos ikinasira-ng-bait ng lalaki. Hindi mapalis ang ulit-ulit na sumpang “Putang ina nila!” na tanda ng pagkapoot ng mga gerilya. Ay naku! Lalaking sundalo ang mga berdugo, pero ang mga ina ang sinisisi! Kahit ibulyaw na gaganti sila, mga pulang mandirigmang di-umano’y disiplinado, “hindi na sila kumbinsido sa sarili nilang mga salita. Hanggang sa kinalimutan na nila ang diwa ng pagganti. Kinalimutan na nila ang diwa ng pisikal ng paghahanap sa nawalang mga magulang, anak, kapatid. Patuloy na hinahanap na lang nila ang mga iyon sa loob ng kanilang mga duguang puso. Hinahanap sa pagod na isip nila…kahit na lang ang libingan ng kanilang mga mahal” (Bautista, Desaparesidos 29). Umiinog ang mga iba’t ibang palapag
Kritika Kultura 40 (2023): 41–057 © Ateneo de Manila University
San Juan, Jr. / Gunita, Pagsusumakit, Pagkilala, Katubusan 42
ng hermenyutika sa kanilang ulirat. Sa hangaring hanapin kung saan napadpad sina Karla at Malaya, bumaba sina Roy, Anna, at Jinky na nagbunsod sa kanilang pagdakip at pagtorture. Magandang balak at pakay, kay lupit na resulta.
Sa Kabanata 5 naikintal ang kinagawiang paghalay sa mga babaeng biktima ng militar. Lahat ng paglapastangan ay nagsulsol sa ganitong isip ni Anna: “Hindi niya mapapatawad ang pag-aglahi sa buong pagkatao niya. Higit kaysa pisikal na pagpapahirap sa kanya, mamamatay siya’y hindi niya mapapatawad ang pag- aglahi sa pagkatao niya. Years later, paulit-ulit pa ring dadalaw sa isip niya ang mga pag-aglahing ito at hindi pa rin siya makatugon gaano man kasuyo at kalambing ang pakikipagtalik sa kanya ni Roy” (Bautista, Desaparesidos 44). Naibsan lang itong malalim na sugat sa hinagap na buhay pa ang kaniyang anak sa kabila ng paglapastangan ng mga barbarikong sundalo: “Hindi magsisinungaling, hindi lang ang kitib ng suso niya, kundi higit sa lahat, ang tibok ng kanyang puso.” Pagmamahal sa anak ang bumura sa poot, sa di-masukat na pagkamuhi sa mga sundalo ni Marcos. Hindi biyaya o paumanhin iyon sa nagkasala kundi regalo ng inang taglay ang kapangyarihang maglunsad ng panibagong ugnayan, isang malasakiting transpormasyon ng kalikasan at santinakpan.
Ang sakripisyo ni Anna ay organikong dagok na bumiyak at halos dumurog sa rasyonal na personalidad. Nagkapira-piraso ang ulirat ng babae: sa isang panig, ang aglahing tanda ng pagtrato sa kaniya bilang isang bagay o gamit lamang; sa kabilang panig, ang pag-asam na nakaligtas ang kaniyang anak. Maipapasok dito ang mga kaso nina Trinidad Herrera (Bonner 191-93) at Angie Bisuna-Ipong, kapuwa nilapastangan ng militar ng Estado. Napako ang isip ni Anna sa unang anak, na ginawang simbolo ng lahat ng mabuti at maganda sa panahong bago bumagsak ang lagim, na hindi makasasapat ibuod. Kaya walang patid ang pauli-ulit ng nakaraan sa isip ni Anna, isang sintomas ng neurotikong pighati. Gayunman, kahanga-hangang hindi kumpletong naagnas ang kaniyang bait at budhi.
Walang pasubaling trauma nga sa depinisyon ni Richard Crownshaw ang idinulog sa atin ng predikamento ni Anna: ang tinawag na trauma ay insidente “that which defies witnessing, cognition, conscious recall and representation—generating the belated or deferred and disruptive experience of the event not felt at the time of witnessing” (167). Lumipat sa birtud ng katawan ang pagsuko ng isip. Saklob pa rin ng ideolohiya ng maternidad ang dalumat ni Anna, na nakatuon sa katawan (suso, tiyan, at matris). Batay ito sa anatomiya ng sanggol na kailangan ng mahabang aruga ng ina, o sinomang tutupad ng responsibilidad ng pagkalinga sa musmos. Itinakda ng biyolohiya ang panganganak na papel ng kababaihan, kaya ang pagiging ina at pangangalaga sa anak ay itinuring na esensiya ng pagkababae (sangguniin ang talakay sa paksang ito ni Torres-Yu; Aguilar; Eviota). Iyon ang tradisyonal na
Kritika Kultura 40 (2023): 42–057 © Ateneo de Manila University
San Juan, Jr. / Gunita, Pagsusumakit, Pagkilala, Katubusan 43
paniwala, ang ideolohiya at praktika ng maternidad, na may positibo at negatibong bisa.
HAMON SA PATRIYARKONG DANGAL
Sa Kabanata 6, nailarawan ang kahindik-hindik na torture ni Roy. Kapansin-pansin na hindi si Malaya ang bumabalisa sa ama kundi ang pagkawala ng kaniyang dangal. Kalunos-lunos ang kaniyang tinig na nagmamakaawa, humihingi ng atensiyon mula sa mga kasama o sinumang dudulog: “Kukumbinsihin na lang niya ang sarili na may naiiwan pa rin naman siyang dangal, meron pa naman siyang maipagmamalaki. Dahil at least hindi siya nagturo, hindi siya bumigay…Kasama, may dangal pa rin ako. Dahil kahit ano ang ginawa sa akin, hindi ako nagturo at hindi ako bumigay” (Bautista, Desaparesidos 33). Masalimuot ang danas sa mahapding pagdurusa. Nabusisi ng antropologong si Talal Asad ang paksang ito: “The instability of the concept of physical suffering is at one and the same time the source of ideological contradictions and of strategies available for evading them” (118). Sa isang anggulo, eksplorasyon ng paksang ito ang nobela ni Bautista.
Kamangha-mangha ang saloobin ni Roy. Maiintindihan iyon bilang palatandaan ng masalimuot na paglalangkap ng barbariko, piyudal, at mala-burgesyang sensibilidad sa isang neokolonya na walang matatag na industriya at nakasadlak pa rin sa agrikulturang ekonomya at kalakalang pang-komprador. Asimetrikal at di- sinkronisado ang maraming bahagi ng totalidad. Masasabing nilagom ng nobelista dito sa sintomas ng trauma/sugat sa pagkatao ni Roy ang krisis ng sistemang tiwali, ang paghahari ng minoryang oligarkiya, ng uring patriyarkong maylupa, burukrata-kapitalista, at komprador-kasabwat ng imperyo. Magkatiklop ang apat na dimensiyon ng hermenyutika sa anatomyang sikolohikal ni Roy.
“Dangal” ng pagkalalaki, hindi si Malaya, ang obsesyon ni Roy, hayag na kaiba kay Anna. Bagamat maka-kaliwa kundi man Marxista, ang sukat ng halagahan sa mga lalaking kasangkot sa rebolusyon ay piyudal pa rin. Hindi ito mahiwaga. Sa pangkat ng aristokrasya at kabalyerong maharlika sa Europa bago sumiklab ang rebolusyong burgesya sa Pransiya, ang dangal ay katangian ng panginoong may-lupa. “Honor” at amor-propio ang salik ng minanang ugali ng katapatan sa tradisyon ng mga mayamang ginoong dumadakila sa birtud ng katapangan sa labanan (Ossowska 131-54). Maharlikang puri ang nakapusta sa giyera. Kakatwa na hindi nagapi itong lumang tradisyon sa kampanya ng “rectification” ng partidong nakasalig sa simulain ng pagkakapantay-pantay, hustisyang panlipunan, at demokratikong patakaran.
Kritika Kultura 40 (2023): 43–057 © Ateneo de Manila University
San Juan, Jr. / Gunita, Pagsusumakit, Pagkilala, Katubusan 44
Ibig sabihin, matagal at mahaba ang proseso ng transpormasyon ng gawi/ugali ng lipunan.
Marahil, lubhang nalukob sa pangungulila si Roy dahil sa sinapit ng pamilya. Sapagkat walang ibang lalaki sa naratibo na susukli sa kaniyang nagawa—na magdudulot ng tingin ng pagkakilala sa kaniyang halaga bilang taong malaya’t makatwiran. Ang nalalabing resolusyon sa malubhang sugat sa pagkatao ni Roy ay isang babae, si Karla. Nakuhang isakripisyo ni Karla si Malaya at unawain ang simbolikong kinalaman nito sa pagsulong ng kapalaran ng sambayanan. Maituturing na ito ang mabisang gamot sa sakit ng mga lalaki nang hukayin muli ni Roy sa burol ng mga alaala ang pagtataksil niya kay Lito sa bilangguan, at pagsunod sa utos “galing sa itaas”—mahigit 20 taon na ang nagdaan:
Pero ito’y pangungumpisal at wala nang dapat ilihim. Wala nang dapat iwanan na hindi nasasabi.
“Isa pa, galit na galit ako. Pinatay ng mga sundalo ang pamilya ko, at hindi ko kayang patawarin…at least noon…hindi ko kayang patawarin pati kahit sinong makipagkutsaba sa kanila. Nagpapakamatay akong ubusin din ang lahi nila. Nagpapakamatay akong makaganti!”
. . . “Sa iba ko sinisisi pati ang sarili kong kahinaan. Gusto kong patunayan na iba ako kay Jinky. Kahit nasubukan ko na rin kung hanggang saan lang ang tapang ko. Hindi ako matapang…duwag ako!”
At tuluyan nang sumabog ng iyak si Roy. Dito mismo, sa harap ni Karla. Sa harap ng asawa na pinatay niya.
Masuyong kinabig ni Karla si Roy ang lalaking pumatay sa asawa niya. Sa tahimik na paraan, sa paraan na wala ni isang patak na luha, kinabig niya sa balikat niya si Roy at hinayaan niya kahit mabasa nang basang-basa ang kanyang dibdib sa luha nito. (Bautista, Desaparesidos 213)
Kritika Kultura 40 (2023): 44–057 © Ateneo de Manila University
San Juan, Jr. / Gunita, Pagsusumakit, Pagkilala, Katubusan 45
BABAYLAN NG KATUBUSAN
Lubhang nakapupukaw ang tagpong iyon, sinematikong eksena na nakatutuksong hindi isalin sa pelikula. Si Karla ang nagsilbing ahensiya sa paglilinis ng konsiyensiya ng lalaki, katarsis na sa ultimong analisis ay mediyasyon ng diyalektika ng ideolohiya at ekonomiyang pampolitika. Himalang nahugasan ang pagkakasala ni Roy sa isang maantig na tagpo. Maitatanong lang kung ito’y pagpapahinuhod o wagas na kabatiran na walang malisya sa nagawang pagkitil ng buhay ng kasama. Nasabi na ni Karla na dapat kalimutan na ang nangyari nang “mamatay” ang anak ni Anna. Humihingi ng kapatawaran si Anna sa anak na kaniyang iniwan kay Karla dahil hindi niya iniwan ang kilusan. Sa balik-tanaw na sana’y naghanap ng ibang paraan, pakli ni Karla, batid niyang limitado ang pagkakataong idinulot ng conjuncture ng mga pangyayari. Ito ang iginuhit na eksena ng nobelista:
“Walang ibang paraan!” Maigting na ngayon, mariin ang tinig ni Karla. Inilayo niya sa kanya si Anna na para tiyakin na kaya niyang salubungin din ni Anna ang mga mata niya.” Sapalaran ang buhay natin; sino ang makapagsasabi ng tama at maling paraan? Maski ang kilusan mismo, maraming pagkakamali! Mga pagkakamali na nagsanhi ng maraming kamatayan!” (Bautista, Desaparesidos 200)
Sumaksi ang sandali ng pagkilala sa kapuwa, pagkakakilanlan, nagbuhat sa sakripisyo ng bawat kalahok. Nakita ni Anna “sa unang pagkakataon, ang mga latay ng kirot na hindi rin ganap na binura ng panahon sa mukha ni Karla.” Magkayapos at magkahalikan halos, isang imahen ng kapatiran o solidaridad, ito ang katarsis na inaabangan natin bago pa man maibunyag ni Karla sa huling kabanata ang tunay na nangyari sa kaniya. Pagliripin ang tila melodramatikong pagkasal ng dalawa: “Wala nang nagsasalita, wala nang naririnig kundi ang hininga ng isa’t isa, dinadama ang init ng luha ng bawa’t isa sa kanilang mga pisngi…silang dalawang babaing minsa’y nagsukob sa iisang bandila ng pakikibaka” (Bautista, Desaparesidos 200). Nakatahi ang literal, moral, alegorikal, at anagohikal na aspekto ng teksto dito sa siniping talata.
Maingat tayong lumundag sa dakong wakas, ang pagtatapat ni Karla kay Malaya, anak ni Anna, sa tunay na nangyari—ang katotohanan na nagpalaya kay Roy na di matatalikuran. Amin ni Karla ang pananagutang ibunyag—isiwalat o ibulatlat— ang talagang nangyari na hindi alam ng anak. Sa tulay ng anak maipahahatid ang katotohanan. Determinadong iligtas ang supling ni Anna, kaya maski kailanman, hindi binitiwan ni Karla habang siya’y nakunan. Ipinagdasal niyang maisagip si Malaya. Kumpisal niya sa dalagang 20 taong gulang na ikakasal na: “Hindi ko binalak na angkinin ka…pero hindi na kita magagawang ibalik sa mga taong walang katiyakan ang buhay” (Bautista, Desaparesidos 217). Tumpak na desisyon kaya iyon o rasyonalisasyon?
Kritika Kultura 40 (2023): 45–057 © Ateneo de Manila University
San Juan, Jr. / Gunita, Pagsusumakit, Pagkilala, Katubusan 46
Sa ano’t anuman, pinalaki ang bata at itinuro ang landas upang makabalik sa tinubuang lupa at maging bahagi muli ng dati’y napariwarang kabuuan na ngayo’y unti-unting bumabangon. Sinikap dito na pagdugtungin ang nakalipas at kasalukuyan, punan ang nawaglit/kinalimutang yugto sa buhay, upang magpatuloy ang kaginhawaan ng buong lipunan. Hindi lang ito personal na desisyon kundi simbolo ng kolektibong pagpapasiyang mailigtas ang mga sugatang biktima ng diktaduryang Marcos. Nakakawing dito ang lohika at rason ng pagyari ng hugpungan ng mga karanasan na isinagawa ng tagapag-salaysay.
Sa huling kabanata, naganap kaya ang rekonsilyasyon ng kahapon, ngayon, at kinabukasan? Nagkasudlong kaya ang nahiwalay na bahagi ng mga buhay nina Anna, Roy, at Karla, pati na sina Lorena at Malaya? Paglimiin natin ang hiwatig ng pagtatapat ni Malaya na siya ang kadugo ni Anna, batay sa kumpisal ng inang umaruga sa kaniya. Ibig idiin rito na ang kusang nagdurugtong ng lumipas at ngayon ay ang anak na nawaglit, nawala, at ngayo’y lumitaw upang likhain ang hinaharap. Higing dito na lumayo si Karla, naglaho na tulad ni Roy mula sa inilawang entablado ng dula: “No’ng magkasunog daw ho sa baryong pinagdalhan sa kanya ng tatay ng asawa n’yo, ako raw ho ang nabuhay. Namatay daw ho ‘yong anak niya” (Desaparesidos 218). Maiisip ang mala-bibliyang kawikaan: “Kung hindi mamamatay ang binhi, hindi sisibol at mamumukadkad ang palay.”
Nabigla si Anna. Di akalaing makikita ang hinahanap. Pinakadiin niya ang talim ng kuko niya sa kaniyang braso—upang siguraduhin na hindi iyon panaginip o bangungot? Dugtong ni Malaya: “Kaya n’yo ho bang patawarin ang mama ko? Kasi, naging mabuting ina naman siya sa akin. Ni minsan man, hindi ko naramdaman na hindi niya ako tunay na anak.” Dama ang ambiguwidad, parikala, balighong katuparan, kakatwang ambil sa reaksiyon ni Anna. Samot-saring damdamin ang naghalo rito. Masinop nating namnamin ang dating ng makahulugang engkuwentro ng nawala at taong naghahanap na naikintal sa pinakasasabikang tagpo sa nobela:
Nang ibaba ni Anna ang kamay niya ay hindi para yakapin si Malaya kundi para yakapin ang sarili. Tumatawa-umiiyak siyang yakap at inuugoy-ugoy ang sarili na parang dalawang tao siya: isang kumokonsola at isang kinokonsola. Hanggang sa si Malaya ang yumakap sa kanya, niyakap, niyakap siya nang mahigpit, buong higpit, na parang sa yakap na iyon ay sinisikap ibalik ang dalawampu’t isang taon. (Bautista, Desaparesidos 220)
Matagumpay kaya ang pagkakabit ng nabiyak na buhay o kamalayan? Hindi komprontasyon ito ng dalawang ina kundi ina at isang taong may dalawang pusod o tali sa matris (pasaring sa “woman who had two navels” ni Nick Joaquin). Maibabalik kaya ang nakalipas? Mabubuo kaya ang nadurog na padron ng pamilyang nukleyar— ama, ina, anak—ng gitnang uri? Tiyak na oo, sapagkat sa metodo ng interpretasyon
Kritika Kultura 40 (2023): 46–057 © Ateneo de Manila University
San Juan, Jr. / Gunita, Pagsusumakit, Pagkilala, Katubusan 47
naipagkakabit ang apat na antas ng kahulugan sa hermenyutikang komentaryo sa punto de bista ng materyalismong historikal.
Sa pakiwari ko, ang tungkulin ni Karla bilang bukal ng paglitaw ng nawala ay mamagitan sa mga kontradiksiyong nahalungkat. Siya ang gumaganap ng mediyasyon sa mga magkakontrang puwersa. Nahinog sa kaniyang pagtatapat ang katarsis ng pagkilala sa suliranin ni Anna, at tuloy pagkilala sa traumang dinanas ni Anna. Silang dalawang ina ang nagpabisa sa papel ni Malaya bilang lumutang na kaganapan na maghihilom sa sugat ng mga magulang. Si Malaya ang nagsilbing kawing upang mapunan ang kakulangan, ang nawalang gunita ng nakalipas.
Susog ko ang thought-experiment na ito. Maipapalagay ito na pigura o analohiya ng pagpapalitan ng mga babae (“exchange of women” sa saliksik ni Claude Levi- Strauss na maiging binatikos ni Gayle Rubin; tingnan din si Webster) na ugat ng “incest taboo” na nagpasinaya sa sibilisadong lipunan. Taglay nito ang mensahe na ang identidad ninuman ay nakasalalay sa pagkilala o pagtanggap ng Iba/Kaibhan, ang negasyon o negatibidad sa loob ng pagkatao. Maipagsasanib ang lahat kung may kasunduang batay sa isang adhikain, panata o mithiing pinapatnubayan ng buong sambayanan.
MATERYALISTIKONG URIAN
Isang problematikong bagay ang dapat linawin. Bago natin tunghayan ang kalagayan nina Lorena at Eman, at paglalapit nina Lorena at Malaya, nais kong igiit dito ang isang sagot sa tanong tungkol sa pagbuo ng pagkatao at pagtuklas ng kahulugan ng partikular na buhay sa konteksto ng kasaysayan ng buong lipunan. Ito ang temang naturol sa unahan. Maidiriin dito na sa bagsik ng krisis, nayanig ang kanayunan at nawasak ang panatag na buhay ng pesanteng pamilya. Nasira ang luma’t walang katarungang kontrata sosyal. Sina Roy at Jinky ay nakaugat sa piyudal na ordeng patriyarkal na unti-unting nabubuwag ng pagdaralita at paglisan ng kabataan upang maghanap-buhay sa siyudad. Nakataya ang halaga ng dangal ng kalalakihan.
Samantala, ang petiburgesyang saligan nina Anna at Karla ay mapanganib. Nakadepende iyon sa lagay ng ekonomiya na natigatig ng krisis ng batas militar, korapsyon, kumpitensiya ng mga oligarkong pangkat ng mga komprador at burukratang kasabwat ng dayuhang korporasyon at imperyalistang Amerika. Bulnerable ang patriyarkong pundasyon ng pamilya na naka-angkla sa produktibong
Kritika Kultura 40 (2023): 47–057 © Ateneo de Manila University
San Juan, Jr. / Gunita, Pagsusumakit, Pagkilala, Katubusan 48
gawain ng kalalakihan at walang bayad na trabaho ng kababaihan sa pagsustina sa reproduktibong relasyon ng kabuhayan ng buong lipunan.
Bago natin bulatlatin at tistisin ang huling yugto ng kasaysayan, nais kong isingit dito ang lagom ng mga kuro-kurong nailatag na. Walang pasubali na ang mga tauhan at pangyayari ay maipapakahulugan na representasyon ng ilang ideya at hinuha, konsepto at paniniwala, na kakabit ng ating kasaysayan. Hinihingi ito ng hermenyutikang pagbasa rito. Ang mga tauhan dito ay sumasagisag sa ugali o gawing tipikal ng mga uri, lalo na ang uring anak-pawis (Roy, Jinky) na sa paglipat sa kapaligiran ng kalunsuran ay nagkaroon ng petiburgesyang kilos at pananaw. Dahil dito, ang naratibo at diskurso ay magkalakip sa proyekto ng “national allegory,” sa depinisyon ni Fredric Jameson: “the story of the private individual destiny is always an allegory of the embattled situation of the public third world culture and society”(Allegory 165). Bahagi ito ng hermenyutika ni Jameson na nabanggit sa umpisa.
Sa gayon, ang partikular na buhay ay nailipat sa mataas na palapag ng konkretong unibersal na masisipat sa mga tauhang nakikipagsapalaran. Malimit maisakatuparan ito sa pamamagitan ng testimonyal, o testimonya ng mga biktimang nilikom sa umpisa—isang demokratiko’t egalitaryang porma ng salaysay ng masang bumabangon, tulad ng testimonya ni Rigoberta Menchu (Larsen 9-10). Kahawig kay Menchu sina Maria Lorena Barros, Nelia Sancho, Adora Faye de Vera, Angie Ipong, Resteta Fernandez, Luisa Posa Dominado, Judy Taguiwalo, at marami pang kapanalig (Chapman 120, 151; Davis 127-31).
Ang protagonistang Anna, Roy, Jinky, at mga anak ay kumakatawan sa “public third world society.” Sina Anna, Karla, Lorena, at Eman ay produkto ng urbanidad, partikular ang kapaligiran ng gitnang-saray na dinaliri ni Amado Guerrero/Jose Maria Sison sa klasikong teksto ng mapagpalayang kilusan, Lipunan at Rebolusyong Pilipino (271-77). Ang iba’y representatibo ng proletaryo’t pesante. Sa okasyong ito, baka magamit ang diyagramang ito sa pagsasaayos ng interpretasyon ng tema’t estruktura ng nobela alinsunod sa semiotikang historikal:
Kritika Kultura 40 (2023): 48–057 © Ateneo de Manila University
San Juan, Jr. / Gunita, Pagsusumakit, Pagkilala, Katubusan 49
Balangkas ng mga Konseptong Uminog sa Banghay ng Nobela bilang Pambansang Alegorya
Kritika Kultura 40 (2023): 49–057 © Ateneo de Manila University
San Juan, Jr. / Gunita, Pagsusumakit, Pagkilala, Katubusan 50
DIYALEKTIKA NG PAMANAGUTAN AT HIYA
Sa gitna ng krisis, bumukana ang mahalagang gawain ng kababaihan sa domestikong larang: pag-aalaga ng bata, pag-aayos ng tahanan, pagpaplano, pagtugon sa pangangailangang seksuwal ng ama/asawa, atbp. Sandaling umatras ang salaysay sa yugto ng pangangalap ng pagkain, pangangaso ng lalaki na umaktong armadong amang tanggulan ng tribu bago bumalik sa larang ng ugaling piyudal at mala- esklabo (Gough 51-76). Sa halip na indibidwalistikong pagkayod upang mabuhay, kailangan ang pagbubuklod upang mapanatili ang kalusugan at mapaunlad ang kapakanan ng komunidad. Simbolo ang partido at hukbo ng pulang mandirigma, kaalyansiya ng mga aktibistang mobilisado sa kilusan ng Nagkakaisang Hanay ng National Democratic Front.
Natupad kaya ang pagpunla ng kolektibong pagpupunyagi sa mga sakripisyo nina Anna at Roy, nina Karla at Jinky? Sina Lorena, Malaya, at Eman ba ang matipunong salinlahing huhugot ng aral sa nakalipas? Sila ba ang nag-angkin ng katungkulang magtatapon ng masama upang konserbahin ang mabuti, at magtatayo ng masagana’t mapagpalayang lipunan? Sila ba, hindi ang partido o masang sunud- sunuran, ang makapagpapatnubay sa transpormasyon ng buong sambayanan? May himig retorikal ang mga tanong na naipahayag dito, at hinuhang nasagot ito ng mga tagpong naisadula sa nobela.
Magugunita na si Lorena ay nawaglit sa kamalayan nina Anna at Roy habang tumutupad ng kanilang tungkulin. Lubhang bumuhos ang sigla ni Anna sa paghahanap kay Malaya. Samantala, si Roy ay saklot ng balisa sa kaniyang sekretong pagtataksil kay Lito, at pansamantalang pagkukubli ng pananagutan sa pagpatay kay Jinky—dalawang desaparesidong bagay. Napawi ang trauma sa kaniyang pagkumpisal at pagpapatawad ni Karla na tila naging babaylang taga- purga sa lason ng nakalipas. Mapapansin na lumabo ang pagtingin niya kay Roy pagkatapos mabigo sa pagdalaw sa mga magulang ni Jinky at naging mapaghinala siya. Nakabaon sa obhetibong kaganapan ang etikal-moral na kahulugan, at implikasyon nito sa takbo ng buong lipunan.
Sa katunayan, hindi kasalanan kundi hiya ang problema ni Roy, hiya na panlipunang pakiramdam—hiya sa harap ni Lito at mga kapanalig. Hindi guilt o saloobing nagkasala ang argumento rito. Hindi iyon kasalanan sa paglabag sa utos ng simbahan o relihiyon kundi kabiguan sa magilas na pagpapasikat ng dangal, tapang, mapangahas na asta o atitudo sa harap ng hamon ng mga kaaway. Muli, nais kong salungguhitan, hindi guilt kundi shame ang usapan dito. Bagamat maitutulad ang asta ni Roy sa amor propio, hindi naman egotistiko sapagkat ang konsepto ng sarili (makasariling malay) ay nakapaloob sa pagmamalasakit sa mga inaapi’t
Kritika Kultura 40 (2023): 50–057 © Ateneo de Manila University
San Juan, Jr. / Gunita, Pagsusumakit, Pagkilala, Katubusan 51
pinagsasamantalahan—sa madaling salita, ang hiya ay nakalakip sa damayan at pasakit sa ngalan ng kolektibong interes ng bayan na ipinaglalaban.
Sa historiko-materyalistikong pananaw, ang hidwaan ng karapatan at obligasyon ay nakapaloob sa tunggalian ng mga uri sa isang tiyak na panahon at lugar. Sa kabilang dako, ang abstraktong konsepto ng kalayaan, ang indibidwalistikong karapatan sa ordeng neokolonyal, ay hungkag at laging pinabubulaanan ng kapangyarihan ng salapi at pribadong pag-uuri (Kamenka). Wasto ang pagkitil sa buhay ng kaaway kung iyon ang taktikang kailangan upang maipagwagi ang paggiba sa kapitalistang sistemang sumusupil sa mayorya. Pasiya iyon ng partidong sinumpang sundin ni Roy bilang kasapi. Ang politika ng pakikibaka ang mananaig. Hindi matatawaran ang disiplina at pakikisangkot ni Roy bilang miyembro ng partidong rebolusyonaryo. Ngunit ang kaluluwa niya ay hindi disiplinado ng partido, nangibabaw ang afirmasyon niya ng ganti o personal na pagsingil sa buhay ng mga pumaslang sa kadugo. Malakas pa rin sa ulirat/damdamin ang ideolohiya o habitus ng tradisyong piyudal.
Subalit dapat pagmuniin na hindi simple at uni-dimensiyonal ang usapin. Kung ano ang epekto ng aksiyon ni Roy o sinopamang aktor sa konsensiya, malay, o sensibilidad ng aktor—iyon ay tanong na hindi malilinaw kung hindi sisiyasatin sa konkretong suri ng sitwasyon. Dapat sikaping ilugar ang anomang kilos sa isang tiyak at takdang sirkumstansiyang pangkasaysayan kasangkot ng napakaraming puwersang nagtatagisan. Sa masinop na pagkilatis, pinakamahalaga ang resulta at kinahinatnan ng anomang ginanap. Tiwalag sa rebolusyonaryong pamantayan, ang ganting ginawa ni Roy ay saklaw sa kategorya ng “retributive justice.” Hindi iyon ispesimen ng pagtalima sa “categorical imperative” ni Immanuel Kant o etika ng birtud pangkalalakihan nina Aristoteles at mga Romanong pilosopo’t mambabatas, o maski na sa utilitaryanistikong kodigo ng kapitalismong industriyal at komersiyal.
Mabigat na pangangatuwiran ang matitimbang sa repleksiyon ni Agnes Heller hinggil sa palaisipang ito: “The modern concept of retribution excludes revenge. Yet if the norms and rules of a society include revenge, the form of revenge carried out in terms of the norms and rules is retribution proper. The modern concept of retribution excludes collective retribution for the simple reason that we ascribe the act solely and exclusively to the individual (its actor)…But the idea of collective retribution has not completely withered. Balzac’s question, ‘Who is responsible for collective crimes?’ has been repeatedly raised in our century” (156). Ang sagot ng nobela ay walang pasubali o alinlangan: sa malupit na rehimeng pasista ni Ferdinand Marcos at mga sundalo-pulis na instrumento ng pagmamalupit at paniniil, suportado ng mga amo nila sa Washington, USA, at sa kapitalismong pinansiyal ng World Bank-International Monetary Fund.
Kritika Kultura 40 (2023): 51–057 © Ateneo de Manila University
San Juan, Jr. / Gunita, Pagsusumakit, Pagkilala, Katubusan 52
HERMENYUTIKANG PAGSASANAY
Sa kontrobersyang ito, maligoy ang mga argumento at hindi malulutas ang suliranin sa pormalistikong paraan. Naisusog na ni Marx (“Kant”) ang kakulangan ng burgesyang sumilang sa Alemanya noong siglo 1800, na mababakas sa metapisikang lohika ni Kant sa aksyom ng “categorical imperative.” Hindi nakamit ng marupok na burgesya ang kapangyarihan sa Alemanya, kaya nagkasiya na lang sa kanila ang aral ni Kant sa Critique of Practical Reason (ikumpara ang argumento ni Marcuse [133-47]). Indibidwalistiko at abstrakto ang pormula ni Kant na taliwas sa konkretong sitwasyon ng tao sa kasaysayan.
Gayundin ang apolohiya sa rehimeng Marcos ni Leon Maria Guerrero ng intelihensiyang ilustrado. Ikinumpara pa ang diktador kay Cromwell at pinahalimuyak ng mga reperensiya kina Rizal at Mabini. Sa kaniyang “Today Began Yesterday,” pinuri ni Guerrero ang diktador at ang tinaguriang “New Society” na taglay di-umano ang “high moral consciousness” (53). Ang punto-de-bista ni Guerrero ay nakaugat sa oportunistang lahi nina Paterno, Tavera, at Buencamino, na tuwirang ipinagkanulo ang rebolusyonaryong Republika nang sakupin tayo ng U.S. Mahigit ilang milyong biktima ang bunga ng pagsuko sa kolonyalista, hanggang sa administrasyon nina Quezon, Osmena, Roxas, Quirino, Magsaysay, at Macapagal. Sina Guerrero, Ople, Cristobal, O. D. Corpuz, at kanilang alipores ay gumapas ng 3,275 bangkay at higit 3,000 bilanggong tinortyur, bukod sa 1,000 desaparesidos. Wala pang husga mula sa sambayanang sinalanta ng terorismo ng batas militar, isang kalamidad na hanggang ngayon ay umaani ng di-matingkalang kahirapan at pambubusabos. Basahin muli ang mga ulat ng peryodiko at iskolar ukol sa malagim na rehimeng hindi na desaparesido kundi lumabas na’t narito na sanhi sa pagbabalik ng anak ng despotikong berdugo (Ferdinand Marcos Sr.) sa Malakanyang.
Napipinto na naman tayo sa malubhang krisis sa inaugurasyon ni Marcos Jr. Wala kaya tayong natutuhan sa nakalipas? Natuyot ba ang memorya o nagumon lamang sa konsumerismo at sa nakalalangong simulakra ng megamall at milagrosang malikmata ng Internet? Ano kaya ang mamanahin ng mga “martial law babies” (tulad ni Lorena) at mga milenyal kung muling mamaslang ang angkang Marcos at magmulto ang batas militar? Noong una trahedya raw, ngunit sa pangalawa, sasaksi ba tayo ng isang nakatatawang komedya, o madugo’t kakila-kilabot na interlude? Siguro makatutulong ang pagbasa sa nobelang ito.
Kritika Kultura 40 (2023): 52–057 © Ateneo de Manila University
San Juan, Jr. / Gunita, Pagsusumakit, Pagkilala, Katubusan 53
SUBALIT HINDI IGINUHIT NG TADHANA
Kakawing ng usapin ng hustisya ang problema ng pananagutan. Sa gerang sibil sa neokolonyang bayan, kung saan ang imperyo ay sumusulsol sa Estadong mapanupil, kumplikado ang tanong: sino ang dapat managot? Hindi lang etikal-moral na isyu ito kundi sosyo-politikal (Asad 100-26; Sontag 74-126). Hindi rin ito maihihiwalay sa espesipikong lugar at panahon. Halimbawa ang pagtrato nina Anna at Roy kay Lorena. Sa Kabanata 10 inilarawan ang dalumat ng anak: “Dinala ni Lorena sa puso niya ang feeling na ‘taga-labas’ at walang tunay na sense of belonging” (Bautista, Desaparesidos 105).
Napanood ni Lorie ang “coup” nina Enrile at Honasan laban kay Cory Aquino nang siya ay sampung taon pa lamang. Bumalik si Roy, na bumubulalas na “Ako ang tatay mo!” Pero salita lamang iyon. Si Lorena ay patuloy na galit at ayaw papasukin ang magulang sa kaniyang silid. Sinabi sa kaniya ni Eman ang tungkol kay Lorena Barros. Natakot siyang mawala si Eman, na iiwan siya tulad ng ginawa ng kaniyang tatay at nanay. Sa Kabanata 14, nagalit si Lorena nang umalis ang magulang upang mahanap muli ang nawawalang anak: “Laos na ang rebolusyon, tigilan na dapat iyan. Paulit-ulit lang ang kuwento ng panahon.” Kontra sa kaniyang katukayo ang opinyong nasambit, magiting na bayani na pinagtaksilan ng unang asawang tumalikod sa partido—isang insidenteng nakatatak din sa motibasyon ng nobelista (Hernando 65-100; Chapman 214-62).
Isa pang interpretasyon ang maihaharap dito. Maari ring ipakahulugan ang pabaling-baling na hilig ni Lorena sa mga pabagu-bagong alyansiya ng mga puwersang politikal kagyat na mapatay si Senador Aquino noong Agosto 21, 1983 (Diokno 132-75; Maglipon). Integral na salik ito ng isang ekspresyon ng pambansang alegoryang natukoy natin, kung saan ang partikular ay salamin ng konkretong unibersal ng komunikasyon ng mga lumalahok sa ugnayang panlipunan. Ang aspektong reperensiyal ay saligan ng mapanuring elaborasyon tungo sa alegorikal at anagohikal na kahulugan. Ulirang birtud ito ng sirkulo o bilog ng hermenyutikang proseso.
Tunghayan natin ang nangyari sa Kabanata 21 bilang paglilinaw. Isiniwalat ni Anna ang kaniyang damdamin kay Lorena: “Mahal kita kahit habambuhay ko, hindi hihiwalay sa isip ko ang anak kong panganay…Dahil ina ako at anak ko rin iyon. Naiintindihan mo, Lorie?” Nawala ang espasyong nakapagitan sa dalawa: “Ito ang unang pagkakataon na damang-dama niya ang nanay niya. Na parang siya at ito ay iisa.” Sa bisa nito, niyakap niya sa Eman sa kanilang muling pagkikita: “...Hindi lang ito ang niyayakap niya kundi pati ang nanay niya at ang tatay niya at ang nanay nito at ang tatay nito at ang buong saysay at kahulugan ng kanilang mga buhay” (Bautista, Desaparesidos 207-08). Sa malas, humihingi ito ng alegorikal at
Kritika Kultura 40 (2023): 53–057 © Ateneo de Manila University
San Juan, Jr. / Gunita, Pagsusumakit, Pagkilala, Katubusan 54
anagohikal na interpretasyon dahil ang mga indibidwal ay representasyon na ng yugto ng kasaysayan ng buong lipunan. Sinalungguhitan ito ng nobelista sa ritmo at indayog ng salita at sa himig-orasyon o dasal ng pangungusap.
PAGSUBOK SA PAGSULIT
Karapat-dapat nang magwakas ang salaysay sa pagsasama ng ina at anak, ng anak at kaibigan. Buo na ang mga pamilya. Sa wakas, kusang nagpakita ang nawala. Ngunit mapupunan ba ang panahon ng sakuna, ang konkretong realidad ng pagsakripisyo ng pagkatao, puri, dangal, hapdi, mahapding pasakit ng kaluluwa? Unawain natin kung iyong unang imahen o signos ng babaeng ginahasa’t pinatay ay mabubura’t mapapalitan ng magandang litrato ng dalagang ikakasal na ipagbubunyi ng mga magulang, kapatid, at masuyong kapanalig. Mahirap paniwalaan ito.
Nagkaroon na ng ugnayan sina Lorie at Roy. Kulang na lang ang panganay na kapatid, si Malaya, na lilitaw muli sa entablado bilang emblematiko ng di-mabilang na desaparesidos. Sa huling eksena, naipagtapat ni Lorie na gustong-gusto niyang makilala si Malaya buhat noong itinakas si Marcos ng U.S. at inilipad sa Hawaii. Bitbit ni Lorie ang isang album na walang laman: “Gusto kong makilala noon dahil kapatid kita, dugtong pa ni Lorie. Ngayon, gusto kitang makilala dahil gusto kong makilala ang panahong pinagdaanan ng ating mga magulang. Ang kanilang mga karanasan na ang anino ay parati pa ring nakapatong sa ating mga likod” (Desaparesidos 220-21). Tumugon si Malaya na nais din niyang makilala si Lorie, “ang sarili kong ugat at ang dugong dumadaloy sa mga ito.” Dugo hindi lamang ng pamilya kundi ng buong lahi, ng sambayanang lumawig sa daloy ng kasaysayan, mga magkakaibang komunidad na nakabuklod sa iisang tadhana.
Mga mambabasa, itigil natin sandali ang paggulong ng montage ng dula at magbulay-bulay tayo. Kilatisin at suriin kung ang alegoryang pambansa ay usapin ng dugo at lupa, o usapin ng mga paninindigan at adhikaing ipinaglalaban. Marahil, madaling sagutin na magkasanib iyon, hindi maibubukod. Sina Malaya at Lorena ay kinatawan ng magkabigkis na tagpo ng nagdaang kahapon, ng nakaharap na ngayon, at inaantabayanang pagdating ng inaasam-asam. Ito rin ang turo ng hermenyutikang nailapat natin sa pagbasa.
Panghimasukan natin ang paglilirip na ito. Nakasiksik sa maramdaming indayog ng mga pangungusap ng talambuhay ang susi sa palaisipan kung ang mga pangyayaring naiulat ay nakatugon sa mga tanong na inilahad sa unahan: “At sa umaga
Kritika Kultura 40 (2023): 54–057 © Ateneo de Manila University
San Juan, Jr. / Gunita, Pagsusumakit, Pagkilala, Katubusan 55
ng kanyang kasal, mataimtim na ikinakasal din ni Malaya ang sarili sa nakaraan at kinabukasan ng kanyang bayan. Sa kasalukuyang pag-uugnay sa dalawang panahong ito. Sa mga binhi ng pangarap na walang sawang itinatanim sa lupang kakulay ng kanyang balat. Sa bawa’t isang kasukob sa kasaysayan” (Desaparesidos 220-21; tingnan din San Juan, “Panimulang Pagsubok”; at San Juan, Maelstrom; Mendiola). Panahon, binhi, lupa, balat, kasaysayan—maiging ipinagkabit-kabit sa pangungusap ang lahat ng palapag ng hermenyutikang nasubok dito. Magkabunga kaya ng kasaganaan, katarungan, at kasarinlan ang naipunlang binhi ng nobela? Nasa sa mambabasa ang kasagutan.
Kritika Kultura 40 (2023): 55–057 © Ateneo de Manila University
San Juan, Jr. / Gunita, Pagsusumakit, Pagkilala, Katubusan 56
SANGGUNIAN
Abinales, Patricio. “Pag-ibig, Pagtatalik at Pakikibaka.” Southeast Asia: Over Three Generations, inedit nina James Siegel and Audrey Kahin, Southeast Asia Program, 2003.
Aguilar, Delia D. Toward a Nationalist Feminism. Giraffe, 1998. Asad, Talal. Formations of the Secular. Stanford UP.
Bautista, Lualhati. Bayan Ko! Dekada Publishing Co., 2019.
———. Bata, Bata... Pa’no Ka Ginawa? n.p. 1993
———. Desaparesidos. Cacho Publishing House, 2007.
———. Dekada ‘70. Carmelo and Bauerman Publishers, 1988.
———. Hinugot sa Tadyang. Dekada Publishing Co., 2014.
———. Sixty in the City. Dekada Publishing Co., 2015.
———. Sonata. Dekada Publishing Co., 2017.
Bonner, Ramond. Waltzing with a Dictator. Random House, 1987. Burke, Kenneth. The Philosophy of Literary Form. Vintage Books, 1957. Chapman, William. Inside the Philippine Revolution. Norton Co., 1987.
Crownshaw, Richard. “Trauma Studies.” The Routledge Companion to Critical and Cultural Theory, edited by Simon Malpas and Paul Wake, Routledge, 2013. pp. 167-76.
Davis, Leonard. Revolutionary Struggle in the Philippines. Macmillan, 1989.
De Vera, Faye. “Desaparesidos.” Pagtatagpo sa Kabilang Dulo, Amado V. Hernandez Resource Center, 2009.
Diez-Bacalso, Mary Aileen. “Remembering two Filipino priests who disappeared without a trace.“ UCA News, July 2022,
Diokno, Ma. Serena. “Unity and Struggle.” Dictatorship and Revolution, edited by Aurora Javate de Dios et al, Conspectus, 1988, pp. 132-75.
Dunayevskaya, Raya. Rosa Luxemburg, Women’s Liberation, and Marx’s Philosophy of Revolution. Humanities Press, 1981.
Eviota, Elizabeth. The Political Economy of Gender. Zed Books, 1992.
Guerrero, Leon Maria. Today Began Yesterday. National Media Production Center, 1975. Heller, Agnes. Beyond Justice. Basil Blackwell, 1987.
Hernando, Pauline Mari. Lorena: Isang Tulambuhay. U of the Philippines P, 2018. Jameson, Fredric. The Political Unconscious. Cornell UP, 1981.
———. Allegory and Ideology. Verso, 2019.
Javate De Dios, Aurora, et al. Dictatorship and Revolution : Roots of People’s Power.
Conspectus, 1988.
Ilagan, Bonifacio. “Alingawngaw ng Southern Tagalog.” Pagtatagpo sa Kabilang Dulo, inedit ni Aurora Batnag, Amado V. Hernandez Resource Center, 2009.
Kamenka, Eugene. Marxism and Ethics. Macmillan, 1969. Karnow, Stanley. In Our Image. Random House, 1989.
Larsen, Neil. Reading North by South. U of Minnesota P, 1995.
Libed, Bibeth-Pamela. Dekada ’70 and Activist Mothers: A New Look at Mothering, Militarism, and Philippine Martial Law. 2010. San Diego State University, MA Thesis.
Kritika Kultura 40 (2023): 56–057 © Ateneo de Manila University
San Juan, Jr. / Gunita, Pagsusumakit, Pagkilala, Katubusan 57
Maglipon, Jo-Ann. The Mendiola Tragedy. National Council of Churches in the Philippines, 1987.
Manalo, Raymond. “Tinig sa Kawalan.” Pagtatagpo sa Kabilang Dulo. Amado V. Hernandez Resource Center, 2009.
Marcuse, Herbert. “Ethics and Revolution.” Ethics and Society, edited by Richard de George, Anchor Books, 1966, pp. 133-47.
Marx, Karl. The Economic and Philosophic Manuscripts of 1844. International Publishers, 1964.
———. “Kant and Political Liberalism.” From Hegel to Marx, edited by Sidney Hook, U of Michigan P, 1968.
———. The Marx-Engels Reader, edited by Robert Tucker. Norton, 1978.
McCoy, Alfred. “Dark Legacy: Human Rights Under the Marcos Regime.” Memory, Truth Telling and the Pursuit of Justice, Ateneo UP, 2001, pp. 129-44.
Mendiola, Darwin. “Desaparesidos: The Untold Story of Martial Law: A
Review of Bautista’s Latest Novel.” Asian Federation Against Involuntary Disappearance.
2008. .
Nemenzo, Francisco. “From Autocracy to Elite Democracy.” Dictatorship and Revolution, Conspectus Foundation, 1988, pp. 221-68.
Ossowska, Maria. Social Determinants of Moral Ideas. U of Pennsylvania P, 1970. Pforr, Chris. Coca-Cola, Krags and Uncle Sam. Ken Incorporated, 2013.
Rubin, Gayle. “The Traffic in Women: Notes on the ‘Political Economy’ of Sex.” Toward an Anthropology of Women, Monthly Review Press, 1975, pp. 157-210.
San Juan, E. Between Empire and Insurgency. U of the Philippines P, 2015.
———. U.S. Imperialism and Revolution in the Philippines. Palgrave, 2017.
———. “Panimulang Pagsubok sa Interpretasyon ng Panulat ni Lualhati Bautista.” Daluyan, tomo xxvii, blg. I, 2021, pp. 60-79.
———. “Paano Ginawa ang Bata, Bata.” Likhaan, tomo 15, 2021, pp. 19-38.
———.“Lakas ng Feministang Makabayan Laban sa Patriarkang Diktadurya ng Imperyo.”
Akda, tomo 2, blg. 1, 2022, pp. 1-18.
———. Maelstrom Over the Killing Fields. Pantax, 2021.
Santos-Maranan, Aida. “Do Women Really Hold Up Half the Sky?” Diliman Review, tomo 32, blg.3-4, May-June, July-August 1984, pp. 42-50.
Sontag, Susan. Regarding the Pain of Others. Picador, 2003.
Tariman, Pablo. “In Desaparesidos, a chance to purge the dictator’s lies from our history.” Philippine Daily Inquirer, 11 July 2018.
Torres-Yu, Rose. Alinagnag: Sanaysay ng mga Panlipunang Panunuri sa Panitikan. UST
Publishing House, 2011.
United Nations Human Rights Committee. “Concluding Observations of the fifth periodic report of the Philippines.” International Drug Policy
Consortium.3 Nov. 2022. Webster, Paula. “Matriarchy: A Vision of Power.” Toward an Anthropology of Women,
edited by Rayna Reiter, Monthly Review Press, 1975.
Zaretsky, Eli. Capitalism, The Family and Personal Life. Harper, 1973.
Kritika Kultura 40 (2023): 57–057 © Ateneo de Manila University
Subscribe to:
Posts (Atom)
APOLINARIO MABINI--PAGPUPUGAY
SAN JUAN: Ang Mapagpalayang Praxis ng Rebolusyonaryong UNITAS 52 APOLINARIO MABINI: Ang Mapagpalayang Praxis ng Rebolusyonaryong Sambayanan ...
-
PAGSUBO K SA ISANG MAPAGPALAYANG PAGKILALA'T PAGTAYA SA SINING NI JOSE CORAZON DE JESUS by E. SAN JUAN, Jr. Dahil sa ma...
-
KONTRA-MODERNIDAD: PAKIKIPAGSAPALARAN SA PAGTUKLAS NG SARILI NATING MAPAGPALAYANG KABIHASNAN Kung ang katotohanan ay matatagpu...
-
ULIRANG HALIMBAWA NI EFREN ABUEG: Tungo sa Mapagpalayang Sining ni E. San Juan, Jr. Kamakailan, bago ipinawalan ang “Morong 43” na biktima...