ni E. San Juan, Jr. University of ConnecticutApolinario Mabini: Paghamon sa Tadhana ng Mapanghimagsik na Kamalayan
It matters not whether we die in the middle or at the end of our painful journey; the generations to come, praying over tombs, will offer their tears of love and gratitude, and not of bitter reproach. (Walang kaibahan kung mamatay tayo sa gitna o dakong huli ng ating mahapding paglalakbay; ang salinlahing darating, nagdarasal sa harap ng ating libingan, ay maghahandog ng kanilang mataimtim na pag-ibig at pasasalamat, hindi mapait na pagsumbat.)
--Apolinario Mabini
Palasak na taguriang “Sublime Paralytic,” o “Dakilang Lumpo,” si Apolinario Mabini, tanyag na bayaning naglingkod sa unang Republika ng Pilipinas na inilunsad sa Malolos, Bulacan, noong Enero 23, 1899. Hinirang siya ni Heneral emilio Aguinaldo na maging tagapayo niya sa pagbuo ng gobyernong rebolusyonaryo sa Dekreto ng Hunyo 18, 1898.
Ngunit hindi si Aguinaldo kundi ang kaaway ang ultimong kumilala sa kanya. Tanyag siya sa naratibo ng imperyalistang gobernador w. Cameron Forbes: “The brilliant and irreconcilable Apolinario Mabini exercised a predominant influence in determining the policy pursued by his chief leading up to and following the rupture of friendly relations with the Americans” (1945, 51). Tila walang ironya ang pagtukoy kay Mabini. Puna naman ni Stuart Creighton Miller na si Mabini ay “ilustrado with lower-class origins with radical ideas of a ‘simultaneous external and internal revolution’ na siyang nakasindak sa elitistang pangkat nina Paterno, Buencamino, atbp. na kumikiling sa isang “oligarchy of intelligence” (1982, 38). Bunyag na ang oligarkong iyon ang tusong pumaslang kay Bonifacio, tagapagtatag ng Katipunan, at kumitil din sa buhay ng masilakbong Heneral Antonio Luna.
Karapat-dapat ang pagdakilang iyon kay Mabini. Subalit hindi iyon ang nagbukod sa kanya bilang pangunahing rebolusyonaryong dalubhasa, ang utak at pilosopo ng rebolusyonaryong lakas ng kolonisadong masa. Ang pambihirang katangian niya ay nasa pagkabatid sa tunay
Social ScienceS and development Review
na katuturan at kahulugan ng pakikibaka para makamit ang mabisang kalayaan/kasarinlan ng sambayanan laban sa mananakop, Kastila man o Amerikano. Ang proseso, bago muna ang natamong layon, ang dapat idiin bilang desideratum.
Pagpapasiya kaagapay ng kolektibong praktika ang pinakamahalaga. Ang makauring kamalayang taglay ni Mabini ay produkto ng pagtambal ng namulatang kapaligiran, angking kakayahan, at malikhaing pagtatalik ng mga sangkap ng karanasan at karakter na nahubog ng mga pangyayari’t kolektibong danas ng inapi’t pinagsamantalahan.
Tatak at Lagda sa Talambuhay
Balik-tanawin natin ang pinanggalingan ni Mabini. isinilang noong Hulyo 23, 1864, sa Tanauan, Batangas, si Mabini ay anak nina Inocencio Mabini at Dionisia Maranan na nagmamay-ari ng maliit na sakahan ng palay, tubo, mais at gulay. Uring pesante, malapit sa uring manggagawa sa kanayunan. Nag-aral sa paaralang lokal. Pagkatapos ng sekundarya sa gabay ni Padre valerio Malabanan, nag-aral si Mabini sa San Juan de Letran (1884-85) habang nagtuturo ng Latin sa isang pribadong institusyon upang matustusan ang mga pangangailangan. Tumigil siya sa Lipa noong 1886-87, nakihalubilo sa karaniwang tao roon.
Noong 1888, kumuha siya ng abogasya sa Unibersidad ng Santo Tomas at nakasulit noong 1894. Dahil sa sakit na polio, naparalisado siya noong Enero 1896 habang aktibo sa kilusang pampropaganda nina Jaena, Del Pilar at Rizal. Dinakip siya dahil sa pakikisangkot sa Katipunan (damay sa kaibigang Adriano) at ibinilanggo sa Ospital ng San Juan de Dios noong Oktubre 1896 (Corpuz 2002, 212).
Di naglaon, kapiling na si Mabini ng insureksiyong lumaganap mula sa mabangis na labanan sa Cavite. Noong Hunyo 1898, hinirang siyang pangulo ng Gabinete ni Hen. Aguinaldo, bukod sa katungkulan bilang kalihim ng kalakarang panlabas. Sinulat niya ang maraming dekreto ng pamahalaang rebolusyonaryo (hanggang Mayo 1899) bago nadakip ng mga Amerikano noong Disyembre 1899. Dalawang taon pagkaraan, sanhi sa paglalathala ng mga artikulo niyang nagtatanggol sa rebolusyon, ipinatapon siya sa Guam noong Enero 1901. Nang bumalik siya sa Pilipinas
146
APOLINARIO MABINI: PAGHAMON SA TADHANA NG MAPANGHIMAGSIK NA KAMALAYAN
dala ang natapos na testimonyong La Revolucion Filipina, nadamay siya sa salot ng kolera’t pumanaw noong Mayo 13, 1903 sa edad na 39 taon.
Si Mabini ay mababansagang isang pangyayaring mapangahas sa kasaysayan ng lahi. Sa pagitan ng kanyang pagsilang at pagkasawi humagibis ang buhawi ng mga pagbabago. walong taong gulang si Mabini nang sumiklab ang aklasan sa Cavite noong 1872, Maraming filibusteros na mestizo’t creole ang ipinatapon sa Marianas, bukod sa pagbitay sa mga paring Burgos, Gomez at Zamora. Dahil doon, lumipat sina Marcelo del Pilar at Graciano Lopez Jaena sa Espanya at nagtatag ng La Solidaridad sa Barcelona noong Disyembre 13, 1888, 24 edad si Mabini noon, kapapasok lamang sa UST (Constantino 1975, 154-55).
Mabilis at matarik ang agos ng kasaysayan. Apat na taon pa, nakisalamuha na siya sa mga kapanlig ng Liga—nina Domingo Franco at Andres Bonifacio—kung saan siya ang sekretaryo ng Supremong Kunseho. Nakagraduweyt na si Mabini sa kurso ng pakikitunggaling anti- kolonyal. Hindi kataka-taka na imungkahi niya pagsabog ng digmaan laban sa Amerika: “Hindi natin makakamit ang kalayaan ng ating bayan kung hindi natin iaalay muna ang ating laya para sa kanya” (Zaide 1970, 285). Maidaragdag dito bilang talababaan: sa interogasyon ni Rizal, sinabi niyang hindi niya kilala si Mabini—walang dudang pag-ilag ito sa lambat ng mga awtoridad (Palma 1949, 278). Kakatwa ang inog ng mga kaganapan na naging malapit si Mabini kay Heneral Paciano Rizal sa kasagsagan ng pagbalikwas laban sa Espanya (Alvarez 1992, 203).
Sa pakiwari ko, si Mabini ang unang kritiko ng sambayanan laban sa rasismong ideolohiya/politika ng imperyalismong U.S. Siya ang anti- imperyalistang diwang patnubay ng mga naghihimagsik. Kaugnay nito, siya ang unang teoretikang kamalayan na lumikha ng konsepto ng bayang naetsa-pwera, ang nagkakaisang hanay (united front) ng inalipusta’t dinuhagi, na tutol sa hirarkya’t makauring kaisipan ng ilustrado’t kolonyalismong inuugitan ng Simbahan. Tutol siya sa pribilehiyo ng mga may-ari ng lupa, ng petiburgesyang kasabwat ng oligarko’t kapitalistang panginoon. Samakatwid, si Mabini ang unang organikong intelektuwal— ayon sa partikular na depinisyon nito ni Gramsci (1971)—ng masang sumasalungat sa pwersang sumusugpo sa makataong adhikain nito. Bagamat taglay ang edukasyong pormal sa abogasya, nakasanib ang sikap
147
Social ScienceS and development Review
at talino sa mapagpalayang kilusang pangmasa, una sa Liga Filipina at sumunod, sa lideratong rebolusyonaryo. Sa gayon, hindi ilustrado sa ugat at tunguhin si Mabini.
Rasismo at Pambansang Kaligtasan
Sa kabila ng inimbentong “sanduguang kasunduan” nina Legaspi at Sikatuna noong Siglo 1600, hindi mahulagpusan ang pagkakaiba ng mga bagay-bagay. Nakukulayan iyon ng hidwaan ng mga uri sa lipunan. Ang hugis ng katawan at mukha ay naging simbolo’t senyas ng ideolohiya, ng pagpapahalagang moral o espirituwal. Sa halip na rasyonalidad, lasa at damdamin ang namagitan. Magayumang talinghaga ang lumpong katawang ginagabayan ng mataray na utak.
Subaybayan ang takbo ng Zeitgeist sa modo ng produksyong materyal sa lipunan. Naglaho na ang Siglo ng Kaliwanagan, lumaganap na ang sensibilidad ng kontra-repormasyon, ang milyu ng Inquisition. Mula pa sa kilusang sekularismo nina Burgos, Gomez at Zamora, noong unang hati ni Siglo 1800, litaw na mahayap ang pakiramdam ng mga sambayanang tinaguriang “indio” sa pagkakabukod ng lipunan ayon sa katangiang pisikal—sa kulay ng balat, ayos ng katawan, marka ng tinig o bigkas, at iba pang makikitang tanda. Umaayon ito sa antropologong kaalaman sa europa: ang imperyong puti ang siyang bukal ng sibilisasyon. Matindi ang sipat at kritika nina Marcelo del Pilar, Isabelo de los Reyes, at Jose Rizal sa rasismo ng Kastila. Natuto si Mabini sa kanilang halimbawa.
Ang pinakamatingkad na pagpapatibay sa mapagpasiyang saloobin ni Mabini hinggil sa rasismo ay makikita sa kanyang reaksyon sa manipesto ni Schurman noong Abril 5, 1899. Nakapaloob sa manifesto ang deklarasyon na di umano’y inilipat sa Estados Unidos ang soberanya ng espanya sa Pilipinas. Puspos ng kasinungalingan at kabulaanan iyan! sambitla ni Mabini. Nais ipataw ng Amerika ang dahas nila sa Pilipinas na noon pa man ay wala na sa kamay nila, dahil sa natalo sila ng armas ng rebolusyon. Paliwanag ni Mabini:
Anong palabas ito na naitambad sa siglong tinawag na sibilisado at may pinag-aralan ang isang bansa na marunong umibig sa kasarinlan at nakapagmamalaki sa kanyang wani sa hustisya ay siya ngayong gagamit ng pinagbuklod na dahas
148
APOLINARIO MABINI: PAGHAMON SA TADHANA NG MAPANGHIMAGSIK NA KAMALAYAN
upang agawin sa isang mahinang bayan ang mga karapatan na, sa kanilang pagtitiwala, ay angkin nila ayon sa batas ng kalikasan. Nalugmok tayo sa matinding kalungkutan sa pagkabatid na ang mga magiting na mga bansa, na binigyan ng Banal na Maykapal ng mahal na misyon at kasangkapan upang mapanitili ang kapayapaan at katarungang unibersal, ay malamig at walang kibo sa harap ng kalapastanganang ito.... Tinutugis tayo ngayon ng perhuwisyong rasista, akalang nakapipinsala na sadyang malalim, malupit at walang humpay mula sa Anglo-Sahon ng Hilagang Amerika (Agoncillo 1974, 231; salin ni ESJ).
Pinagdiinan ni Mabini na ang rasismong gawi’t patakaran ng mananakop ay katumbas ng pag-kaalipin ng lahi. ikinabit niya ito sa kasaysayan ng estados Unidos, sa sistema ng pambubusabos sa mga katutubong indio at mga esklabong inangkat mula sa Aprika. iginiit ni Mabini na ang pagsakop ng Amerika ay “mangangahulugan ng walang patid na kaalipinan sa kamay ng mga taong talagang kaiba sa atin sa asal, kostumbre; mga panginoong ayaw makapiling ang mga taong balat- kayumanggi; mga mananakop na hindi natin matatakasan ng walang madugong pakikibaka” (Agoncillo 1974, 233-34). Kung ayaw nating maulit ang sinaunang kasaysayan, kailangan ang sama-samang interbensiyon.
Dumako tayo sa isa pang komprontasyong makatas sa katalasan ng paghimay sa masalimuot na suliraning pampulitika at katapangan ng diwa ni Mabini. Kaugnay ito ng kanyang pakikipagpalitang-kuro kay Heneral James Franklin Bell ng estados Unidos. Sumulat si Bell kay Mabini upang balewalahin ang gerilyang taktika ng mga Pilipino. Sumbat ni Bell na matatanggap lamang ang digmaan kung maaaring manalo ang mga Pilipino; kung sila’y magpapatuloy, wala silang muwang sa sibilisasyon, sila’y dapat ibukod sa sangkatauhan at sa gayon sila ay kriminal na hindi makapagpapahalaga sa kabutihan ng gobyernong sibil na handog ng estados Unidos. Litaw na rasyonalisasyon ito sa mabangis at walang awang pag-masaker ng mga katutubong nilalang.
Ano ang sagot ng paralitiko? ikinatwiran ni Mabini na ang argumento ni Bell ay walang iba kundi, dahas ay makatwiran. Ang makapangyarihan ay tama at masusunod. Ang sibilisado’t makataong sentimyentong inaangkin ni Bell ay kunwari lamang, madaya’t mapanlinlang. Ang pakikitunggali ng mga Pilipino sa paraang gerilyang estratehiya ay pag-agap sa kahinaan ng rebolusyonaryong hukbo kumpara
149
Social ScienceS and development Review
sa estados Unidos. Gayunpaman, taglay ng kapwa naglalaban ang parehong dami ng panganib sa pakikipagsapalaran. Hindi kalabisan ito ng nagtatanggol sa kanilang tahanan at kanilang kalayaan. Napilit ang maliliit na bayan sa pagpili ng gerilyang pamamaraan sa harap ng panghihimasok ng malalaki’t maunlad na bansa. Bakit mali ito?
Mangahas Magnasa, Mangahas Humangad
Matining ang lohika ng pantas. Giit ni Mabini, ito ay “pagtatanggol sa ating karangalan at mga karapatang natural, mahanga’y pagbintangan tayong walang kabihasnan at walang pananagutan sa isang mabuting gobyerno... Kung tutuusin, ang gerilyang pagsalungat ay sagisag na may sapat na kalinangan ang mga Pilipino.... Ang resistensiyang kilos ng mga Pilipino ay hindi tulak ng pagkutya sa rasa kundi pinapatnubayan ng mga simulaing pinagpala’t binendisyunan din ng dugo ng mga ninuno ng mga sumasalakay sa atin” (Kramer 2006, 135-36; salin ni ESJ).
Hindi mapapasubalian ang tindig ni Mabini. Sa paglagom, maisususog: kung walang kalayaan at kasarinlan, walang identidad at dignidad ang sambayanan. Sa pakikibaka lamang mabubuo ang kaluluwa ng bansa, ang taal at dalisay na pagkatao na tatak ng humanidad. Malayo iyon sa sopistikong lohika ng mga upisyal ng imperyalistang hukbo, tulad nina Bell at MacArthur—ang huli ang siyang nagpatapon kay Mabini sa Guam pagkatapos bigyan siya ng lektura tungkol sa pagsasarili at kalayaan (Miller 1982, 161; San Juan 2004).
Ang dakilang katapatan ni Mabini ay hindi nakakuwadro sa karunungan niya sa agham o sa ibang disiplina. iyon ay kaagpang sa transpormasyon ng kapaligiran. Laging handa si Mabini sa pagbabago, tulad ng pagkaparalisado niya bago lumahok sa pamahalaan ni Aguinaldo. Tanggap ang kapalaran, handang sumabak sa pagsagupa sa tadhana.
Masasalat ang gipit na sitwasyon ng paralisadong intelektuwal sa panahon ng gulo’t ligalig. May kakulangan sa balita, sa kabatiran. Ayon kay Ambeth Ocampo, nagkamali si Mabini sa hinuha niyang tutulong ang Amerika sa pagpapalaya sa Cuba. Sa isang liham niya sa mga rebolusyonaryo noong Abril 1987, nang siya ay nakabimbin sa San Juan de Dios Hospital mula Oktubre 1986 hanggang Hunyo 1987, ipinahatid
150
APOLINARIO MABINI: PAGHAMON SA TADHANA NG MAPANGHIMAGSIK NA KAMALAYAN
niya ang proposisyon na kapag nakitang may malakas at organisadong masa na handang ipagtanggol ang kanyang karangalan at mga batas ng hustisya, mapipilitan silang maghunos-dili at humingi ng mabuting pakikipagpalagayan. inamin ni Ocampo na mas masaklaw ang kaalaman ni Mabini kaysa kay Rizal tungkol sa tendensiyang heopolitikal ng Amerika (isinaad ni Rizal sa akdang “Ang Pilipinas Sa Loob ng Isang Siglo”).
Gayunpaman, hindi nahinto sa kabanatang iyon ang buhay ni Mabini. Nagbago ang pananaw niya pagkaraang masaksihan ang maniobra ng Schurman Commission at mga kakutsaba nito sa Kongreso ng Malolos. At pagkaraang makipagbuno kay Heneral Bell. walang pasubaling nagbabago ang kaisipan alinsunod sa bigat ng daluyong ng mga pangyayari, laluna’t bukas sa diyalektika ng ideolohiya at dinamikong mekanismo ng produksyon na susi sa transpormasyon ng pagsulong ng lipunan. Nasakyan ni Mabini ang masalimuot na problema ng relasyon ng ideolohiya at relasyong panlipunan sa Pilipinas sa gitna ng digmaang Filipino-Amerikano ng 1899-1903.
Salamangkerong Tagapayo?
Nagkaroon ng pagkakataong maisapraktika ni Mabini ang prinsipyong anti-rasismo sa pagtulong sa himagsikang anti-imperyalista. Ano ang problemang hinarap ni Mabini nang siya’y makilahok sa grupo ni Aguinaldo noong tumungo siya sa Kawit, Cavite noong Hunyo 12, 1898? At anong problema ang binuno niya nang mahuli siya ng Amerikanong sumakop sa Cuyapo, Nueva Ecija, noong Disyembre 10, 1899? At, sa wakas, ano ang magagamit sa mapanuring repleksiyon niya tungkol sa karanasan ng pakikilahok sa rebolusyon?
Hindi na kaila sa palaaral ang masilakbong kontradiksiyon ng mga uri sa Cavite at sa Malolos. Bunga iyon ng mga pangyayaring naglunsad sa gobyernong inugitan ng grupo ni Aguinaldo na hango sa prinsipalya’t maykayang uri. Bagamat hindi kasapi sa uring propitaryo, pinili siya ni Aguinaldo dahil sa dunong sa batas at pagtutol sa kolonyalismong espanyol. At dahil din sa katanyagang umakit ng paghanga mula sa mga palaaral na insurekto. Ang pagsapi niya sa rebolusyon ay nagbuhat sa talino, karanasan, at makatwirang kapasiyahan, hindi sa katapatan
151
Social ScienceS and development Review
sa pamilya o uring kinasibulan. Kapasiyahang indibidwal batay sa kolektibong sitwasyon ng lahing kinabilangan niya.
Nang kasangkot na sa administrasyon ni Aguinaldo, tumulong si Mabini sa pagsulat ng mga dekreto sa pagbuo ng mga pangasiwaan ng munisipyo’t probinsya noong Hunyo 23, 1898. Bagamat hindi pa tuluyang napapalaya ang buong kapuluan, intensiyon na ng Asambleang Popular na “ipakahulugan sa matapat na paraan ang layuning popular ng masa.” Ang diktadura ni Aguinaldo ay naghunos sa rebolusyonaryong pamahalaan noon Hunyo 23, 1898. Ang programa ng pamahalaan noon, ayon kay Mabini, ay isa lamang pansamantalang paraan habang hindi pa sumusuko ang espanya: kailangang “makibaka upang matamo ang kasarinlan ng Pilipinas na kikilalanin ng lahat ng bansa, at ihanda ang bayan upang maitatag ang Republika.” Kailangang umiral muna ang awtoridad at poder ng katutubong liderato kaakibat sa paglunsad ng mga institusyong kasangkot dito (Tan 2002, 33).
Dahil dito, bilang tagapagtaguyod ng disiplina ng kilusan, salungat si Mabini sa mapusok na asal ni Heneral Antonio Luna sa simula. Sa pagkatapon sa Guam, nagbago ang pagsipat at pagtimbang ni Mabini sa kontribusyon ni Luna sa pakikibaka nang siya’y paslangin. Ayon kay Agoncillo (1998, 216-223), doble-kara si Mabini. Hindi tumpak ang pagtayang ito sapagkat hindi nakalapat sa pasumalang pagsasanga ng landas ng gumaganap sa dula ng kasaysayan.
Nang sulatin ni Mabini ang gunita niya ng rebolusyon, may malawak at matayog na perspektiba na siya mula sa malahatang pagtanaw niya na inihasa sa Guam. Sa pagsusuma, ginamit ni Mabini ang isang diyalektikang metodo upang matimbang ang halaga ng paglilingkod ni Luna sa kabila ng mga kakulangan sa pakikipagkapuwa sa mga sundalo’t opisyal. Sa pakiwari ko, walang daya o pagkukunwari ang pagkilatis ni Mabini sa pagkatao nina Aguinaldo at Luna sa gitna ng kumplikadong sitwasyon nila.
Sang-ayon ang historyador na si Cesar Adib Majul (1960): batid ni Mabini na ang uring pesanteng bumubuo ng rebolusyonaryong tropang pinamumunuan ni Luna ay laban sa oligarkong orden (kinatawan nina Paterno at Buencamino) humihingi ng awtonomiya sa mga Amerikano. Pumanig si Mabina kay Luna sapagkat ang rebolusyon ay pagbawi ng
152
APOLINARIO MABINI: PAGHAMON SA TADHANA NG MAPANGHIMAGSIK NA KAMALAYAN
soberanya ng masa—sa kataga ni Mabini, “la clase mas numerosa” (Majul 1960, 124)—mula sa kolonyalismong Espanyol (o Amerikano) at kasabwat nitong katutubong oligarko (hacendados).
Himaymayin ang mga Kontradiksiyon
Dalawa ang tangka ng mga dekretong niyari ni Mabini sa panahon ng emerhensiya. Ano ang determinadong paghahanay ng mga puwersang politikal-historikal noon? Bukod sa nais lusawin ang Republikang nadungisan ng Kasunduan sa Biak-na-Bato, hangad ni Aguinaldo na monopolisahin ang kapangyarihan ng lahat ng mga grupong lumalaban sa espanya. isa na rito ang mga tropa ni emilio Jacinto, ang katulong ni Bonifacio sa Katipunan, at ni Paciano Rizal, na hindi pa tuluyang nakipagsunduan sa mga ilustrado.
inanyayahan si Jacinto ni Mabini na umanib na kay Aguinaldo pagkatapos mabuo ang kongreso sa Malolos. Ang pangalawang dahilan, sa puna ni Renato Constantino, ay makauri: ibuod sa personalidad ni Aguinaldo ang magkakahiwalay na lakas sa buong bansa na maaaring magbunsod sa anarkiya (1975, 206). Mungkahi ang hakbang na ito ni Ambrosio Rianzares Bautista, hindi ni Mabini. Sumunod ang proklamasyon ng independensiya sa Kawit, Cavite, noong Hunyo 12, 1898. Ngunit pagkatapos ng kunwaring sagupaan, sumuko ang espanya sa Amerika noong Agosto 13, 1898. Babala na ito ng darating na digmaan.
Katibayan na hindi pa mabisa ang pag-angkin ng kasarinlan sa isang proklamasyon. Sa katunayan, nag-uumpisa pa lamang ang proyekto ng pagbuo ng bansa bilang republika. ito ang dahilan kaya hindi siya sumang-ayon sa mga panukala nina Felipe Calderon at Pedro Paterno na ipataw ang Konstitusyong napagkasunduan sa Malolos sa pangulo (Aguinaldo) sapagkat ang binansagang kongreso sa Barasoain ay hindi tunay na kinatawan ng sambayanan. Ang mayorya ay hinirang ni Aguinaldo at hindi tunay na representatibo ng nakararaming mamamayan. ipinahayag ni Mabini na ang naturang kongreso ay magsilbing tagapayo lamang; kailangan ang malakas, matipuno’t makatuturang liderato na, sa panahong iyon, ay taglay ng pangulo (Aguinaldo). Ang pinakaimportante ay ang nagkakaisang hanay laban sa kolonyalismo, pangalawa na lamang ang kasiping na kontradiksiyon ng mga uring bumubuo ng hanay.
153
Social ScienceS and development Review
Hindi nasunod ang mungkahi ni Mabini. isinaisantabi ang mga egalitaryang mungkahi niya nina Calderon at mga kasabwat (Karnow 1989, 132). Tumiwalag si Mabini sa pamahalaan bilang Unang Kasangguni noong Agosto 23, 1898. Nagpatuloy siyang sumulat ng mga tudling “na pambuhay ng loob” na nailathala sa La Independencia, ang organo ng rebolusyon (Sevilla 2015). Sa naratibo ng kasaysayan, ang paglusob ng pwersang Amerikano ang nakaputol sa pagpapatuloy ng liderato ni Aguinaldo at mga tagapayong humalili kay Mabini: ang pangkat nina Paterno, Calderon, Buencamino, Legarda, Pardo de Tavera, Araneta, atbp. —mga ilustrado’t oligarkong handang makialyado sa imperyalismong Amerikano.
Tila umaalingawngaw sa lagusan ng kasaysayan ang masaklaw at matalas na babala ni Mabini na binitiwan niya nang pumutok ang sagupaan noong Pebrero 1899: “Hindi tayo makapangingibabaw sa araw na ito, ngayon, subalit maari tayong umasa na matatamo ang tagumpay sa kinabukusan kung kasama’t kaakbay natin ang taumbayan. Kung hindi, tiyak na tayo’y magagapi.” Nangyari nga ang hula, at lalong mangyayari pa hanggang hindi naisasaloob ang aral na, sa huling paghatol, ang masa lamang, hindi mga bayani o liderato, ang siyang tunay na humuhubog ng kasaysayan.
Simbuyo ng Makauring Lakas
Balik-tanawin muli natin ang konteksto ng digmaan. wala pang apat na buwan mula nang iproklama ang Republika sa Barasoian noong Enero 23, 1899, nabuo na ang Schurman Commision ng Estado Unidos na inutusang magmungkahi ng awtonomiya sa rebolusyonaryong gobyerno ni Aguinaldo. walang atubili sina Paterno at pangkat nito na tanggapin ang alok ng Schurman Commission, ang mapang-akit na bitag at pain.
Tahasang umayaw si Mabini. Pinalitan siya ni Aguinaldo; si Paterno ang naging pangulo ng gabinete. Ang bunga’t kinahinatnan ng pagsunggab ng kapangyarihan ng mga oligarko ay paghina ng hukbo’t demoralisasyon sa pagpatay kay Heneral Antonio Luna ng grupo ni Buencamino, na sinang- ayunan ni Aguinaldo. Sa gayon, naulit ang pagtataksil ni Aguinaldo na nag-umpisa sa pagpaslang kina Andres Bonifacio at kapatid pagkatapos ng kombensyon sa Tejeros noong Marso 22, 1897. Naulit ang kataksilan.
154
APOLINARIO MABINI: PAGHAMON SA TADHANA NG MAPANGHIMAGSIK NA KAMALAYAN
Hinirang si Mabini bilang puno ng Gabinite ni Aguinaldo noong Enero 2, 1899, pagkaraang magkasundo ang Kongreso sa deklarasyon ng Konstitusyon ng Unang Republika. Nilusaw ni Aguinaldo ang gabineteng ginagabayan ni Mabini, pumalit si Padro Paterno bilang premier. Ang mga kasabwat ni Paterno ang pumaibabaw sa liderato: sina Felipe Buencamino (na nagplano sa pagpatay kay Antonio Luna), Severino de las Alas, Mariano Trias, atbp. Nang mabalitaan ni Mabini na nakikipagtawaran na sina Paterno sa Schurman Commission, nainis siya sa mga taong naghahangad na independensiya ngunit ayaw makibaka. Hinulaan niya na ang mga itong nasuya na sa pakikibaka ay walang silbi kung “isabalikat ang singkaw ng pagkaalipin” (Constantino 1975, 221).
Magkatugma ang komentaryo ni Constantino sa analisis ng historyador na si Teodoro Agoncillo sa Filipino Nationalism 1872-1970. Nabihag ng mga kinatawan ng prinsipalya’t mariwasang mestizo si Aguinaldo. Lumagpak ang gabineteng hawak ni Mabini sapagkat matipuno ang paninindigan niyang huwag magpakabulag sa gayuma ng Schurman Commission. Sinagot ni Mabini ang Manifesto nina Schurman, Dewey, Otis, worcester, Denby & Charles McArthur na isinalin ni Agoncillo sa ingles. walang saysay ang Tratado sa Paris sa pagitan ng U.S. at espanya sapagkat lumipas na ang administrasyon ng espanya sa buong kapuluan. Ngunit di binigyan ng tinig ang mga delegado ng Pilipinas batay sa rason at batas pang-internasyonal. Pakutyang hagod ni Mabini:
What a spectacle it is to see that at the end of the century called enlightened and civilized, a people who know how to love their sovereignty and proud of their sense of justice now would use their accumulated force to wrest from a weak people the very rights which in their case they believe to be inherent in natural law!...Let us fight to our last breath in order to defend our sovereignty, our independence. ....if we lay down our arms our children will be in bondage and will not be able to recover; they will inherit from us nothing but misery and struggle which they will be forced to suffer if we do not continue the present war. If you wallow in poverty, chained to slavery, and then you come to think of what your children will be, do you now think it is sweeter to die? This abject suicide will be the fate of anyone who will allow himself to be duped by the poisonous promises of the North Americans (Agoncillo 1974, 231-32)
155
Social ScienceS and development Review
Kung maiging titimbangin, mas malalim at matalas ang kabatiran ni Mabini sa ideolohiya ng rasismo. iyon ay nakakubli sa mga kabulaanang itinambad ng mga dayuhan tungkol sa demokrasya’t kaunlaran ng sibilisadong Kanluran. Ang rasismong gawi, prehuwisyong mapang-uyam sa katutubo, ang natarok ni Mabini na umuugit sa mabangis na dahas ng Amerika. itong sipat ni Mabini ang pinakamakatuturing persepsiyon niya sa katangian ng mananakop batay sa kanyang malawak na kaalaman sa historya ng estados Unidos, partikular ang negosyo sa mga busabos na bihag mula sa Aprika, at pagmasaker sa mga tribung katutubo, mga taal na nananahan sa kontinente. Dahil dito, maitatanghal kong si Mabini ay siyang walang-kapantay na propetikong dalubhasa ng rebolusyonaryong tradisyon ng lahi. Dinggin ang talakay niya:
...For wherever we turn we are being pursued by race prejudice, which is deep, cruel, and implacable in the North American Anglo Saxon.... Annexations, whatever form it may take, will result in our eternal slavery by a people so different from us in manners and customs, a people who do not want to see a brown people beside them, and a people from whom we cannot separate without resorting to armed conflict (Agoncillo 1974, 233-34)
Sandatang Utak ng Katawan
Sa arkibo ng mga pagkukuro’t interpretasyon hinggil sa kontribusyon ni Mabini sa pagsulong ng masa, ang pinakatagilid at mapanghamak ay iyong tuligsa ni Nick Joaquin sa dalawang kabanata ng A Question of Heroes tungkol sa bayani. Ang argumento ni Joaquin ay maibubuod sa isang pangungusap: Dahil si Mabini ay “Eminence Grise” sa likod ng Pangulo at siyang responsable sa mga dekreto ni Aguinaldo at mga hakbang nito sa pakikipagkapwa sa mga uring prinsipalya, creole at iba pang mariwasang ilustrado, hindi si Aguinaldo o Paterno ang sanhi ng pagkabulusok ng rebolusyon kundi si Mabini mismo. Ang pagkakawatak- watak ng mga pwersang tumututol sa barbarismong Yangki ay kagagawan ni Mabini, hindi ng mga katunggali o kakompitensiya sa larangan ng politika.
Maraming maling desisyon at akto ni Mabini ang sinisi ni Joaquin. Si Mabini raw ang hindi pumayag sa pagpapalaya sa mga bilanggong Kastila, kaya hindi nirespeto ng ibang bansa ang Republika. Si Mabini ang
156
APOLINARIO MABINI: PAGHAMON SA TADHANA NG MAPANGHIMAGSIK NA KAMALAYAN
may kasalanan: hindi niya isinali sa tropa ng rebolusyon ang mga Kastilang sundalong nabihag. Sa huling paghuhukom, ang bukal ng mga kasalanan at pagkabigo ni Mabini ay isa: egotismo, pagkamakasarili, walang modo, lisyang taktika, walang kaparaanan. Sa maikling salita, lumaki ang ulo ni Mabini, na umastang isang Napoleon Bonaparte.
Akusasyon din ni Joaquin na walang prinsipyo si Mabini kundi sariling kapakanan. wala siyang tiwala sa mga manggagawa o magsasaka, wala rin siyang paggalang sa mga kapwa ilustrado. Para kay Joaquin, si Mabini ay isang oportunistang walang interes sa estratehiya ng digmaan, sa mithiin ng mga maralita, o sa pangarap ng mga Creole, prinsipalya’t relihiyoso (bagamat itinaguyod niya sina Gregorio Aglipay at mga kapanalig, mga tagapagmana ng sekularistang kilusan). Mabigat na mga paratang ito—paratang na walang ebidensiya o matinong lohika upang seryosong isaalang-alang.
Sa masinop na pagsisiyasat, ang anti-rasismong kritika ni Mabini ay sumupling sa modernidad ng anti-kolonyalismong proyekto. Hindi lamang katwiran at batas ng kalikasan ang timbulan ng pakikibaka, na inihabi mula sa iskolastikong pilosopiya ni Santo Tomas Aquina at mga klasikong Stoikong pantas ng imperyong Romano. ito ang laging tinatalakay ng mga iskolar (halimbawa, Reyno 1964). Tanggap na nabahiran ang kaisipan niya ng mga ideya nina Cicero, Althusius, Grotius, Spinoza, Hobbes at Locke (Sabine 1937). Maari ring may impluwensiya si Hooker at kilusang masoneria kay Mabini. Ngunit sa aking palagay, mas tumagos ang mga ideya nina Rizal, Del Pilar at mga kapanalig sa Solidaridad. Mahihinuha rin na ang partikularidad ng sirkumstansya ni Mabini ang higit na mabisa sa pag-linang at pag-unlad ng pangangatwiran at pagpapasiya.
Mapagbagong Praktika
inisyatiba sa organisasyon ang idiniin ni Mabini. Nang pansumandaling nakahimpil si Mabini sa Rosales, Pangasinan, noong Oktubre 22, 1899, nagproklama siya ng isang manipestong humihikayat sa mga paring katutubo na magbuo ng isang simbahang pambansa. ito ang naging inspirasyon kina Gregorio Aglipay at isabelo Reyes sa pagtatag ng Iglesia Filipina Independiente (Agoncillo & Alfonso 1967, 279- 281). Natupad ang mga pagsisikap nina Burgos, Gomez at Zamora na
157
Social ScienceS and development Review
isabansa ang relihiyong hiniram sa mga misionero. Ang mga pari ay mamamayang kaagapay ng mga pesante, manggagawa, at karaniwang taumbayan na sinikil at binusabos ng mga prayle. Hindi tutol si Mabini sa pananampalataya, kundi sa abuso’t paglapastangang sinanay ng mga espanyol sa Simbahan sa inihaing likod ng mga paganong bininyagan.
Ang tema o diskurso ng transisyon tungo sa kasarinlang pambansa ay sumasaklaw sa mga institusyong minana sa mga dayuhang umangkin ng katutubong espasyo. iyon ay mga aparato ng ideolohiya, makina sa manipulasyon ng utak at puso, isip at damdamin. Kaya kailangang mabawi ang pagpapalakad ng mga institusyon mula sa kamay ng mga dayuhang mapagsamantala. Nagunita ni Mabini (nakintal sa kabanata tungkol kina Burgos, Gomez at Zamora sa La Revolucion Filipina) ang lakas ng kolektibong damdamin ng pakikiramay nang bitayin ang tatlong martir noong 1872.
Pagtuunan ng pansin ang tema ng politika ng kalumbayan at pakikiramay na inilarawan ni Mabini. Ang hapdi at pagkahabag, ang pighati’t pagsusumakit sa kahirapan ng mga nasawi, ang siyang pumukaw sa madla at bumigkis dito:
Lumikha ng mirakulo ang hapis; sa kauna-unahang pagkakataon nagkamalay ang Filipino sa kanyang kondisyon. Nagkamalay sa sakit, at samakatwid gumising sa katotohanan ng buhay, itinanong nila kung anong klase ng pamumuhay ang dinaranas nila. Ang pagkamulat ay masakit, at nagsusumikap manatiling buhay, lalong sumidhi ang kirot, subalit kailangang mabuhay. Paano? Hindi nila alam, at ang paghahangad na malaman kung paano, ang pagkabalisa sa pagtuklas ng kasagutan, ay siyang sumaklot sa kaluluwa ng mga kabataan sa atin. Ang kurtinan ng ignoransiya na inihabi ng ilang siglo ay biglang napunit sa wakas. Fiat lux, batiin ang liwanag, hindi na ito magtatagal, ang bukang-liwayway ng bagong panahon ay sumapit na (1969, 23; tingnan si Ileto 1998, 13-14).
Totoong nalugmok sa pighati ang nakiramay, nasindak at tuloy nag-isip. Umaahon na tayo sa larangan ng maramdaming pagpapasiya ni Rousseau at nasa bingit ng anarkistang haka-haka nina Nietzsche at Bakunin. Salungat sa haka-haka ng mga subalternistang historyador, bagamat maramdamin ang taumbayan, hindi sila napatangay sa sinumang panatikong mesiyas, kaya hindi naging terorista tulad ng mga Rusong
158
APOLINARIO MABINI: PAGHAMON SA TADHANA NG MAPANGHIMAGSIK NA KAMALAYAN
pumaslang sa mga tsar noong siglo 1800. Bakit? Dahil may kolektibong kamalayan, hindi makasarili, taglay ang disiplina ng pesanteng umaangkop sa daloy ng panahon, klima, hangin, ulan. ekolohikal ang etika ng rebolusyong ibinalangkas ni Mabini sa isip at gawa.
Sanay siya sa pagmamasid sa takbo ng kapaligiran, sa masalimuot na daluyong ng mga pangyayari. Nagpamalas si Mabini ng pagkamaramdaming pagbubulay-bulay noon pa mang pinangasiwaan niya ang Cuerpo de Compromisarios noong Oktubre 1893 hanggang kalagitnaan ng 1894. Naramdaman niyang hindi na uubra ang mapayapang iskema ng Solidaridad. Kailangan nang lumukso sa yugto ng Katipunan. Pagdaramdam lang ba ito? O masusi’t matiyagang analisis at pagtatasa ng mga kilos, salita, tono, ritmo at iba pang senyas ng katawan ng kapanlig (mga 50 miyembro ng kapisanan) sa lansangan, sa pagpupulong, sa karaniwang pakikipagkapuwa? Nahinuha ni Mabini noon: “Hindi karaniwan ang mga araw ngayon, bagamat hindi makasisiguro kung ang lagay ngayon ay hudyat ng isang kagimbal-gimbal na lindol o isang simpleng pagbabago sa kapanatagan ng atmospera” (sinipi sa Mojares 2006, 464). Binalasa niya ang aksidente at katiyakan, sinubok kung saan makasisingit ang interbensiyon ng masa sa pagsasakatuparan ng programa ng himagsikan.
Managot Tayo sa Katotohanan
Totoong naging abogado si Mabini sa kanyang sariling pagsisikap, tiyaga at angking talino. Ngunit ang ipangalandakan na nabuyo’t nahumaling lamang sa legalidad ang kamalayan ni Mabini ay isang kalabisang sakdal. iyon ang haka-haka ng mga kritiko.
Hindi porma o istruktura ng pangyayari ang inasikaso kundi ang laman at sigla nito. Bago natapos ni Mabini ang kurso sa batas sa Unibersidad ng Santo Tomas noong 1894, maigting na ang kanyang pagkasangkot sa kilusang mapagpalaya. Sa unang pagkakataon, kasapi siya sa Liga Filipina na inilunsad ni Rizal noong gabi ng Hulyo 3, 1892. Humalili siya kay Deodato Arellano sa pagka-sekretaryo ng Liga. Nang unti-unting maglaho ang Liga sa pagkatapon kay Rizal sa Dapitan, napalitan ito ng Cuerpo de Compromisarios upang ipagpatuloy ang pagtulong sa Solidaridad. Kalahok pa rin si Mabini sa gawaing iyon.
159
Social ScienceS and development Review
Nabuo ang sekretong organisasyon ng Katipunan nina Bonifacio at iba pang dating kasapi sa Liga. Dapat idiin na hindi itinakwil ni Mabini ang Katipunan na dagling nagpatuloy sa malikhaing transpormasyon ng mga simulain ng Liga, laluna ang pag-isahin ang lahat ng mga tao sa buong sangkapuluan, ang masang kinabibilangan ng pesante o magbubukid at trabahador, ang nakararaming sinisikil. Dagdag sa adhikain iyon ang dalawa pang prinsipyo: pasiglahin ang kolektibong pagtutulungan at maiging ipagtanggol ang lahat laban sa karahasan at inhustisya. Ang Katipunan ang siyang unang samahang nagbuklod sa nakararaming uri sa isang nagkakaisang hanay laban sa kolonyalismong espanyol at mga institusyong piyudal at teokratikong kasanib nito. iyon ang kanyang tunay na edukasyon, ang pagkatuto sa metamorposis ng realidad.
Nang mabunyag ang lihim na kilusan ng Katipunan, nabilanggo si Mabini at mga kasapi sa Liga noong Oktubre 11, 1896. Kabilang ang abogadong Numeriano Adriano na pinagsilbihan ni Mabini bilang katulong, at naging matalik na kaibigan. ibinitay ng espanya sina Adriano, Domingo Franco, Moises Salvador, at iba pang subersibong nadamay sa Katipunan. Dahil lumpo si Mabini (nagkasakit noong 1896 dalawang taon pagkatamo ng titulo sa abogasya), inilipat siya sa San Juan de Dios Ospital; at nang mapalaya, nanirahan siya sa Los Banos at sa Bay, Laguna. Kapiling muli ang taumbayan.
Muling Pagsilang
Ano ang pahiwatig ng unang yugtong ito sa buhay ng “dakilang lumpo”?
Mahihinuha na bagamat traumatiko kay Mabini ang nangyari sa mga martir ng Liga’t Katipunan, kailanma’y hindi itinakwil ni Mabini ang mithiing nagtulak sa maraming kababayan na sumama sa Katipunan at ialay ang buhay sa ikaliligtas ng dangal at dignidad ng mga kapwa o kanayong pinagsasamantalahan. Nailagom ang buod ng mithiing iyon sa kanyang Dekalogo na naggigiit na “hindi natin makakamit ang kalayaan ng ating bayan nang hindi tayo nagsasakripisyo ng ating sariling kalayaan (para sa kabutihan ng lahat) sa pagtahak sa landas ng karangalan at birtud.” Ang identidad ay nakukuyom sa puso ng mga kapwa api.
160
APOLINARIO MABINI: PAGHAMON SA TADHANA NG MAPANGHIMAGSIK NA KAMALAYAN
Bawat sakuna ay naging aralin. Nang makulong si Mabini noong Disyembre 10, 1899 at mapalaya noong Setyembre 23, 1900, isang yugto ng karanasan iyon na nagpatibay sa ideya niya tungkol sa barbarismong Anglo-Saxon. Hindi sumumpa si Mabini na tanggapin ang soberanya ng U.S. Di naglaon, binira niya ang patakarang pandigmaan ni Heneral Arthur MacArthur, gobernador militar ng bayan. inilathala ang pagtuligsa niyang may pamagat na “El Simul de Alejandro” sa El Liberal noong enero 5, 1901. Dali-dali siyang pinadakip at ipinatapon sa Guam, kasama ang makabayang Pablo Ocampo (tungkol sa komentaryo ni Mabini sa pandaraya ng mga Amerikano, konsultahin ang ulat ni Lilia Laurel [1989]).
Dalawang taon siyang naghirap, kimkim ang pananalig na maipagpapatuloy ang panatang tumupad ng makabayang tungkulin. Hindi naman siya bulag o matigas ang ulo. Sa kalaunan, batid na ang mga dating alagad ng Republika ay pumailalim na sa kapangyarihan ng mananakop—hindi ito legalidad kundi realidad—napilitang sumumpa ni Mabini noong Pebrero 26, 1903. Wala pang tatlong buwan ang nakalipas nang siya’y maigupo ng kolera noong Mayo 13, 1903.
Lagda ng Kalikasan
Maipapanukala na sa buong panahon ng pakikisangkot ni Mabini, hindi legalidad ang gumabay sa kanya. Manapa’y komitment o paninindigan sa batas natural na itinuro ng mga humanitikong pilosopo ng Kaliwanagan at Rebolusyong Pranses—sina voltaire, Rousseau, Montesqieu, atbp.—at ginamit nina Balagtas, Rizal, Marcelo del Pilar, Bonifacio at Jacinto sa kanilang pedagohiya’t propaganda.
Stoikong pilosopiya ang nakataya rito. Hindi ito formalistikong legalidad kundi teorya’t praktika ng dignidad at karapatan ng bawa’t tao sa santinakpan na hugot di lamang sa kabihasnang Griyego’t Romano kundi mula sa pilosopiya’t kaalamang sekular ng India at Tsina. Mapipisil ang buod ng humanistikong pangitain ni Mabini sa Dekalogo kung saan ang sariling puri, karangalan at pagkamakatwiran ng budhi ang kaakibat sa pagsamba sa Bathala. Bukod dito, ang pangalawang sentro ng turo ni Mabini ay pag-ibig sa republikang niyayari, laluna sa proseso ng pagyari.
161
Social ScienceS and development Review
Makitid at mali ang paratang ni Joaquin na naulol si Mabini sa pagsamba sa legalidad ng bawat bagay. Matalas ang kamalayan niya tungkol sa karakter at sikolohiya ng mga tao sa kanyang paligid. Marunong siyang makipagkapwa at maglapat ng alintunin sa iba’t ibang okasyon. Alam niya na may mga sangkap ng kalikasan ng tao’t lipunan na di saklaw ng regulasyong tradisyonal. Batid niya na may mga pagbabagong nagaganap bunga ng bagong karanasan; sa gayon, sumusulong ang kasaysayan at buhay, naiiba rin ang panuntunan o sistema ng mga alituntuning kailangan upang lutasin ang mga bagong suliranin.
Patunay sa angking galing at dunong ni Mabini ang pagtitiwala sa kanya ng guro niyang si Fr. valerio Malabanan, at nina Melchor very (sa paaralan ni very naglinkod si Mabini) at Numeriano Adriano, Kawaning taga-sulat si Mabini sa upisina ni Adriano habang siya’y nag-aaral sa UST. Napagtiwalaan din siya ng mga kasapi sa Liga. Lubos na sumangguni si Aguinaldo sa kanya—hanggang sa manaig ang kasike’t oligarkong oryentasyon ni Aguinaldo batay sa tuso’t oportunistikong estilo ng mga kasike’t negosyante, na siyang mikrobyo ng kapitalismong sakit na ipapataw ng imperyalismong Kano sa buong kapuluan.
Bagamat produkto si Mabini ng institusyong tradisyonal (San Juan de Letran; UST), tulad nina Rizal at iba pang antikolonyalista, sumabak si Mabini sa pagsasapraktika ng pilosopiya ng Griyego-Romanong hurisprudensiya. Nakasalig iyon sa doktrina ng batas natural na hango naman sa turo nina Socrates, Aristotel at mga pilosopong Stoiko hanggang kina Spinoza, Leibniz at Descartes.
Siyentipiko’t humanistikong pangitain ang natutunan ni Mabini sa pag-aaral niya ng hurisprudensiya. Umaayon iyon sa maligoy na agos ng karanasan at kasaysayan. Kaya kung pagninilaying masinop, ang prinsipyong pumatnubay kay Mabini sa panahong aktibo siya sa pamunuan ni Aguinaldo ay hindi legalidad kundi isang diwa’t puntodebista ng pagkakapantay-pantay. Naisaloob niya ang etika ng pakikiramay sa diwa’t damdamin, karanasan at pangarap at pangangailangan, ng nakararaming taong hindi maisakatuparan dahil walang kalayaan at kasarinlan ang lipunan. Kasudlong ito ng gawi ng magbubukid na nagtutulungan, ng
162
APOLINARIO MABINI: PAGHAMON SA TADHANA NG MAPANGHIMAGSIK NA KAMALAYAN
mga mangingisda’t mangangaso—ang modo ng produksiyong umiiral habang karamihan ay nasa poder ng Simbahang may hawak ng lupain. Sa pusod ng agrikulturang pamamayan sumungaw ang kasike’t negosyante ng mga produkto ng maralitang taga-nayon.
Diyalektika ng Pakikipagsapalaran
Sa malas, ang ambag ni Mabini sa ating estratehiya ng pagbaklas sa imperyalismong global ay matatas at matining. Nakapaloob ito sa kanyang paniniwala sa kapangyarihan ng pinagsamang lakas ng taumbayan. Nabanggit na niya sa La Revolucion Filipina ang metamorposis ng kilusan. Napansin niya na sa simula, binuhos ni Bonifacio ang panahon at sikap sa paglaki ng miyembro ng Liga ni Rizal simula pa sa pagtatag nito noong 1892. Sa kalaunan, natuklasan ni Bonifacio na wala nang kapakinabangan ang mapayapang hakbang.
Ang isa’y nagiging dalawa, tatlo; nag-iiba ang mundo. Sa isang antas ng padalumat sa takbo ng mga pangyayari, ulat ni Mabini, naliwanagan ang mga namumuno ng Liga na ang masa, na sa tingin ng mga espanyol ay hangal at walang muwang, ay nagkaroon na ng inisyatiba. Nahati ang Liga sa Cuerpo de Compromisarios at alagad ng Katipunan (Mabini 1931, 297-299). Nagbabago ang sitwasyon, nagbabago rin ang pagtingin o sensibilidad ng tao at kanyang gawi, ugali, saloobin.
Maipaglilirip na ang paghahati sa dalawa at marami pang saray ng dalumat ay bugso ng diyalektika ng lipunan noon. Mahigpit na kaugnay ito sa kahulugan ng libertad o kalayaan. Sa turing ni Mabini, ang kalayaan ay hindi pagkilos nang walang balakid o sagka, anuman ang gustong gawin. Ang kalayaan ay laging nakaangkla sa rason, sa makandiling konsiyensiya, sa makatarungang budhi. wika niya: “Ang kalayaan ay pagsunod sa taong inaakala nating may kakayahang mamatnugot; sa gayon, sumusunod lamang tayo sa ating rason... Ang isang pulutong ng mga mamamayan ay hindi makagagawa ng anuman kung walang kaisahan sa pagkilos at adhika” (sinipi sa De la Costa 1965, 243). Saan nagmumula ang kaisahan ng kamalayan at gawa, ang praktika at mentalidad? Sa bayanihan, sa pakikiramay, sa kolektibong paraan ng pamumuhay sa kanayunan.
163
Social ScienceS and development Review
Bukal iyon sa pagkakawing ng panloob at panlabas na transpormasyon. ipinahiwatig niya ito sa pagsisiyasat sa kalamnan at mithiin ng rebolusyon. Tagubilin niya: “Kung nais nating itayo muli ang ating lipunan sa isang matipunong saligan, dapat nating itaguyod ang isang repormang radikal hindi lamang sa ating mga institusyon kundi sa ating ugali sa kaisipan at gawain. Hindi lamang panlabas kundi panloob din ang ating rebolusyon” (sipi ni De la Costa 1965, 243). Magkasabay ang transpormasyong panloob at panlabas, edukasyon ng edukador ang nasasaksihan, sapagkat magkasuklob ang damdamin at kaisipan kapag kumikilos ang masa sa mapagpalayang pagsulong.
Masinop na tinalakay ni Cesar Majul ang batayang simulain ng pilosopiyang pampulitika ni Mabini sa kanyang diskurso. Magkatalik ang rebolusyong panloob at pagbabagong panlabas upang makabuo ng komunidad pambansa na nakasalig sa likas na rason o katuwiran ng mamamayan. iyon ang lohika ng rebolusyon. Ang kalayaan ay nagmumula sa ating pagsunod sa ating likas na rason o katuwiran, na siyang saligan ng disiplina’t katarungan sa larangang sekular. Masidhing isapuso ang pinakamabigat na makasaysayang pahiwatig ni Mabini hinggil sa rebolusyon natin. itinuring niya itong isang kilusan na “taglay ang natatangi’t pinakamalalim na layon na panatilihing buhay at dakila ang sulo ng kalayaan sa Oceania, upang tanglawan ang gabi kung saan ang lahing Malay ay inalipusta’t dinuhagi, upang sa gayon mahikayat ito sa landas ng kasarinlang panlipunan” (Majul 1960, 275).
Kinakailangan ang pagbabago ng kalooban, ng saloobing ayos ng pagkatao, katugma sa pangangailangan ng realidad. ito tila ang mabagsik na payo at turo ni Mabini. Dapat pawiin natin ang minanang ugali, gawi, balangkas ng ating pamumuhay, na isiningkaw ng kolonyalismong espanyol. Kung hindi, mapapariwara ang buong bayan sa giyera sibil at awayan, na maski na ang dugong ibinubo ng ating mga bayani ay hindi makapagliligtas sa atin sa kamatayan.
Tumayo’t Lumakad, Humakbang
Para kanino ang katuturan ng buhay mo? Tinutukoy ni Mabini ang kamatayan ng katawang pampolitika. Alalalong baga, kung walang kaisahan ng adhikain, patakaran, simulain, na siyang sagisag at katibayan
164
APOLINARIO MABINI: PAGHAMON SA TADHANA NG MAPANGHIMAGSIK NA KAMALAYAN
ng humanidad ng bansa, malayong maisakatuparan ang layon ng rebolusyon. Malayo nga sa harap ng indibidwalismong konsumerismo, kompetisyo, makahayup na pagtatagisan upang magkamal ng salapi, titulo, pabuya, aliw, pansumandaling yabang, atbp.
PAGLALAGOM (CONCLUSION)
Sa pagsusuma, matatarok ang nakapatnubay na prinsipyo ng diwa ni Mabini sa dedikasyon ng La Rebolucion Filipina sa kanyang ina. iyon ay pag-aalaga sa komunikasyon sa isang minamahal, sa isang taong kinilala niyang bukal ng kanyang puso’t kaluluwa. Nais ng ina niyang maging pari ang anak. Ngunit dahil sa kasalatan, hindi naging pari si Mabini. Namatay ang ina sa hirap ng trabahong nakapagtawid sa pamilya. Bagamat hindi naging pari, kumpisal ni Mabini sa ina niyang siyang umaktong nakikinig—na tila sikologong dulot ang gamot sa birtud ng salitaan o komunikasyon—ang tunay na ministro ng Diyos ay yaong nagpapatalastas ng kanyang kadakilaan sa pamamagitan ng kawanggawa, ng paglilingkod sa nakararaming nilalang (alingawngaw ni Bentham at utilitaryang pilosopo tula ni John Stuart Mill). isinumpa ni Mabini na siya ay mananatiling tapat sa kagustuhan ng ina habang may sigla.
Anong maihahandog ng pulubing anak, ng paralisadong katawan? Natutong sumulat, natutong magsalita. Hindi dasal kundi kumbersasyon, balitaan, pakikipagtalastasan. Sa piling ng mga kapwa nilalang, hindi panginoon o bathala. Kaya iniaalay ni Mabini ang kanyang panitik sa memorya ng ina, isang bagay na hindi katumbas ng pagkatao ng ina, ngunit isang bagay na hinabi ng taos-pusong pagsisikap ng kanyang anak. Sa bulong ng anak sa ina, at sa pagdugtong sa dalawang mundong iyon, sa komunidad ng nag-alaga at inalagaan, nakatambad ang ulirang halimbawa ni Mabini, ang konsiyensiya ng kanyang lahi. Ang sakripisyo sa pakikibaka ang siyang matibay na pundasyon ng maunlad at nagsasariling bansa na nagkakaintindihan at nagkakaunawaan.
165
Social ScienceS and development Review
SANGGUNIAN (REFERENCES)
Agoncillo, Teodoro A. 1974. Filipino Nationalism 1972-1970. Quezon City: R.P. Garcia Publishing Co.
_________. 1998. Bahaghari’t Bulalakaw. Quezon City: University of the Philippines Press.
Agoncillo, Teodoro and Alfonso, Oscar. 1967. History of the Filipino People. Quezon City: Malaya Books
Alvarez, Santiago V. 1992. The Katipunan ang the Revolution. Quezon City: Ateneo de Manila University Press.
Constantino, Renato. 1975. The Philippines: A Past Revisited. Quezon City: Tala Publishing Services.
Corpuz, O.D. 2002. Saga and Triumph: The Filipino Revolution Against Spain. Quezon City: University of the Philippines Press.
de la Costa, Horacio. 1965. Readings in Philippine History. Manila: Bookmark. Forbes, W. Cameron. 1945. The Philippine Islands. Revised ed. Cambridge,
Mass: Harvard University Press.
Gramsci, Antonio. 1971. Selections from the Prison Notebooks. New York: international Publishers.
Ileto, Reynaldo C. 1998. Filipinos and their Revolution. Quezon City: Ateneo de Manila University Press.
Joaquin, Nick. 1977. A Question of Heroes. Makati: Ayala Museum. Karnow, Stanley. 1989. In Our Image: America’s Empire in the Philippines.
New York: Random House.
Kramer, Paul. 2006. The Blood of Government. Chapel Hill: The University of North Carolina Press.
Laurel, Lilia H. 1989. “The Legacy of Apolinario Mabini.” Midweek (August 16): 11-13.
166
APOLINARIO MABINI: PAGHAMON SA TADHANA NG MAPANGHIMAGSIK NA KAMALAYAN
Mabini, Apolinario. 1931. La revolucion filipina, con otros documentos de la epoca. (2 vols. Manila: Bureau of Printing).
_________. 1969. The Philippine Revolution. Tr. by Leon Maria Guerrero. Manila: National Historical Commission.
Majul, Cesar Adib. 1960. Mabini and the Philippine Revolution. Quezon City: University of the Philippines Press.
_________. 1973. “The Relevance of Mabini’s Social Ideas to Our Times.”Asian Studies xi.1 (April): 28-36.
Miller, Stuart Creighton Miller. 1982. “Benevolent Assimilation”: The American Conquest of the Philippines, 1899-1903.” New Haven: Yale University Press.
Mojares, Resil B. 2006. Brains of the Nation. Quezon City: Ateneo de Manila University Press.
Ocampo, Ambeth R. 1998. The Centennial Countdown. Manila: Anvil Publishing Co.
Palma, Rafael. 1949. The Pride of the Malay Race. New York: Prentice Hall. Reyno, Adriano C. 1964. The Political, Social, and Moral Philosophy of
Apolinario Mabini. Cebu: San Carlos Publications.
Sabine, George. 1937. A History of Political Theory. New York: Henry Holt
Co.
San Juan, E. 2007. Working Through the Contradictions. Lewisburg, PA: Bucknell University Press.
Sevilla, Jose N. 2015. “Apolinario Mabini.” Nasa sa Sa Langit ng Bayang Pilipinas: Mga Dakilang Pilipino. Maynila: Limbagan nina Sevilla at mga Kapatid. ebook from The Project Gutenberg.
Tan, Samuel K. 2002. The Filipino-American War, 189-1913. Quezon City: University of the Philippines.
Zaide, Gregorio. 1970. Great Filipinos in History. Manila: vere Books.
167
No comments:
Post a Comment