Monday, November 30, 2020

On Lualhati Bautista's nobel, DESAPARESIDOS / Komentaryo tungkol sa Nobela ni Lualhati Bautista, DESAPARESIDOS

 


DESAPARESIDOS ni Lualhati Bautista: Ideolohiya, Praktika, Rebolusyon 


Isang Metakomentaryo ni

 E. San Juan, Jr

Professorial Lecturer, Polytechnic University of the Philippines






Pambungad


    Sa unang malas, umaayaw na o natatabangan ang marami sa pagkasulyap sa salitang "ideolohiya." Ano ba ito, propaganda o chika tungkol sa politika na hindi bagay sa okasyong itong pagsunod sa binagong K-12 curriculum. Kung inyong nabasa ang Batas at Memo ni Dir. Licuanan, nais daw hasain ang estudyante sa kritikal at malikhaing pag-iisip upang itransporma ang sarili at kapaligiran. Naku, bigating layunin ito. Idiniin din na kailangan daw iakma o iayon ang turo't aralin sa global istandard (tingnan ang Department of Education Webpage).

 

   Isa sa required reading sa mga kolehiyo sa Europa & mga bansa sa Aprika at Amerika ang The German Ideology nina Marx at Engels. Tiyak na alam ng lahat na bawal ang komunistang lathalai't usapan sa mga klasrum, laluna sa panahon ng "Cold War." Tapos na ito sa buong mundo, pero patuloy pa rin tayo sa mentalidad ng pagbabawal (San Juan, U.S. Imperialism). Kung sa bagay, ngayon ang panahon ng "total surveillance," & hanggang ngayon, ang premyadong pelikulang "Orapronobis" ni Lino Brocka ay hindi pinahihintulutang maipalabas sa publiko.


Sa ano't anuman, ang "ideolohiya" ay salitang laganap na sa iba't ibang sangay ng aralin sa humanidades at siyensiyang sosyal. Hindi na dapat pagtalunan kung bakit mahalagang siyasatin ang kaugnayan nito sa pagtuturo. Halimbawa na nga ang inyong pagtaka o pagkamangha, kung nangyari nga, sa paglitaw nito sa programa.


    Isa pang halimbawa: Malimit nating pasalamatan ang mga burokratang upisyal sa pagtustos sa pagpupulong tulad nito. Sa katunayan, ang dapat pasalamatan ay mga manggagawa, magbubukid at empleyadong tulad ninyo na siyang yumayari ng kayamanan ng bansa. Ang lakas-paggawa ng karaniwang mamamayan ang nagbubuwis ng halaga upang mangyari ang miting na ito, kaya sa kanila ang pasasalamat natin--hindi sa mga politiko at kanilang "pork-barrel" na nakaw sa pagod ng mga anak-pawis, bukal ng anumang kabihasnan.


Pagkakaiba ng Indibidwal at Sabjek


  Sa gayon, ang ideolohiya ay hindi lamang pumapatnubay na ideya o paniniwala kundi kilos, gawi, praktika. Ito'y mga institusyong siyang gumagawa ng sabjek sa bawat indibidwal (Eagleton). Ang sabjek ang siyang aktor na kinikilala, nagpapasiya, kumikilos, may pananagutan.


Makikita sa relasyon ng titser at estudyante: "Hoy, makinig kayo!" giit ng guro. Awtoridad ang titser, kinatawan ng Estado at siyang nagdedeposito ng kaalaman sa basyong utak ng mga kabataan. Ito ang "banking method" ng edukasyon na tinuligsa ni Paulo Freire. Galing ito sa mahabang karanasan natin sa disiplinang pedagohikal ng kolonyalismong Espanyol at Amerikano.  

    

Sa pagsakop ng ekonomiyang nakaangkla sa "exchange value" ng trabaho, wikang Ingles ang instrumento sa paghulma ng sabjek ng malayang pamilihan--ipagbili ang lakas-paggawa kung may bibili.  Bagamat ang hangarin ng makabagong sistema ay indibidwal na may nagsasariling katwiran ("autonomous rational mind," naisaad ni Immanuel Kant), kaiba ang resulta: ginagawang masunuring sabjek ang indibidwal sa posisyon niya sa istruktura ng lipunan.


Ang lipunan ay katumbas sa ugnayan o relasyon ng mga sabjek. Hindi ito kumpol lamang ng hiwa-hiwalay na inbidwal. Bawat identidad/kaakuhan--halimbawa, sabjek bilang awtor, mambabasa, guro, atbp.--ay nabubuo lamang sa loob ng ugnayang panlipunan. Samakatuwid, ang sabjek ay produkto ng pagkilala, pagtawag, interpelasyon ng diskurso, praktika, institusyon.


Hindi kaakuhan/identidad ng awtor ang pinagmumulan ng kahulugan ng akda. Iyon ay bunga ng diskurso, ng tekstong binubuo ng magkasalungatang puwersang nagsusulong sa kasayaysan.  Ang indibidwal ay ginagawang sabjek ng wika sa diskursong gamit ng mga institusyong ideolohikal (primaryang referens dito sina Balibar at Macherey; konsultahin din si Althusser). 


Makapangyarihan ang asignatura sa panitikang Filipino sa paglalantad ng sitwasyon kung saan ang wikang Ingles ay dominante pa rin, tanda ng poder ng modernisadong oligarkiya, na bunyag nga sa paggamit ng "mother tongue" sa unang baytang ng iskwela. Pahiwatig na sa kompitensiya ng wika, nananaig pa rin ang poder ng bangko't korporasyong global ng U.S., Europa, Hapon, at sirkulo ng industriyalisadong bansa.  Ang poder ay naisakatawan sa wikang Ingles, o sa mga "englishes," na bumubuhay sa gahum o hegemonya nito sa buong daigdig (Lecercle; San Juan, Toward Filipino Self-Determination).


Sa pamamagitan ng mga institusyon at operasyong praktikal nito, kinikilalang sabjek ang sinuman upang makaganap ng takdang tungkulin sa isang tiyak na lugar sa kasaysayan ng lipunan. Gayundin ang awtor: batay sa institusyonalisadong praktika, ang identidad ng awtor at gawa niya ay nakasalig sa pagtawag at pagkilala sa kanya ng namamayaning pananaw--ang normatibong paniniwalang operasyonal sa gawi, batas, atbp. kung saan nakasandig ang kapangyarihan ng dominanteng uri sa hinating lipunan.


Perspektiba ng Materyalismong Pangkasaysayan


  Walang sitwasyon na permanente sa kasaysayan. Lapatan natin ng historikal na panimbang ang pabago-bagong pagtingin sa awtor at akdang itinuturo natin (ikompara ang mga punto-de-bistang itinala ni Reyes sa Kritisismo).


Namihasa tayong ipalagay na ang isang akda ay bunga ng henyo o talino ng awtor. Iba noong sinaunang panahon: ang awtor ng epiko, korido, pasyon, atbp. ay kabilang sa pangkat na naglilingkod sa lider ng tribu, ng simbahan o aristokrasya (tulad ni Balagtas). Ginagabayan sila ng kombensiyon, determinadong kodigo, at panuntunang institusyonal. 


Nag-iba ito paglipas ng Renaissance; tuluyang humiwalay ang artisano't naging negosyante ng kanyang dunong sa sinumang bibili nito. Malaya na siya sa malas, pero alipin naman ng pamilihan. Ganito pa rin ang sitwasyon ng awtor  o sinumang intelektwal (guro, peryodista, atbp) na walang pag-aari ng kailangang kagamitan upang mabuhay.


Noong ika-19 siglo, umaklas ang mga artista laban sa burgesyang orden ng kapitalismong industriyal. Batay sa romantikong pananaw, ang awtentikong galing ng manunulat ay tiwalag sa burgesyang lipunan at indibidwalistikong pamantayan nito. Itinuring na doon nagmumula ang kahulugan at katuturan ng akda.  Kalaunan, pinatingkad ito ng ideolohiya ng sistemang kapitalismo, bagamat ang normatibong mapang-angkin ay tinuligsa nina Flaubert, Zola, Dostoevsky, Gorki, Dreiser, Hemingway, atbp.


Ang rebelyon nina Villa, Abadilla, Amado Hernanez, at mga modernistang sumunod ay sintomas ng krisis ng sitwasyon ng petiburgesyang intelektwal sa neokolonyang predikamentong tumitingkad at lumalala ngayon.


Sa pagsipat at pagkilatis ng diskurso, mapapansin na impluwensiyal pa rin ang klasikong pamantayan nina  Regalado, Balmaseda, Panganiban: ang "dulce et utile" ni Horace pinatining ng romantikong ideyalismo.  Nitong dekada 70 at 80 pumasok ang formalismo, feminismo, istrakturalismo't iba pang tatak postmodernistang perspektibo, sa neoliberalismong bandila ng "end of ideology" o tandisang tagumpay ng kapitalismo pagbulusok ng Unyon Sobyet at alternatibong radikal. 


Diyalektikang  Paghimay at Pagpapakahulugan  


Tatlong lapit ang resulta ng panunuring sintomatika.


Una, ang didaktikong motibasyon: birtud ng literatura ang pumukaw ng diwa o damdamin at magbigay ng aral na mapapakinabangan. Masisinag ang utilitaryanismong ugit sa dokumentong nabanggit. Pangalawa, ang empirisistikong hilig na sa reyalistikong pamamaraan nailalahad ng akda ang katotohanan, tiwalag sa anumang paniniwalang moral o etikal ng awtor. Pangatlo, aliw ang dulot ng ayos o porma ng sining; kariktan o kagandahan ang mahalagang katangian nito para sa esklusibo't sopistikadong sensibilidad. 


Matatarok na sintomas ito ng kontradiksiyon ng mga grupo sa lipunan: ang awtoridad ng mga naghaharing uring may mala-pyudal na pangitain, laban sa komprador-burokratang saray na tutok sa pamantayang global at siyentipikong pamantayan. May panggitnang oryentasyon din. 


Ngunit hinahanap pa, dili kaya'y hinihitay pa, ang pagtinging sumasalungat ng mga nakararami, ang interpretasyong nagsisiwalat ng pagtatagisan ng samutsaring sektor ng lipunan at pagkakabuhol ng mga ito. Sa madaling salita, ang katotohanan ng kasalukuyan sitwasyon at kalakaran ng tunggalian ng mga uri.


Batay sa kuro-kurong naisaad, atupagin natin ang pangunahing tanong: Sa tawag ng nobela ni Bautista (Desaparesidos, 2006), anong sabjek ang nabubuo mula sa karanasan ng pagbasa? Upang matugon ito, marahil dapat usisain muna ang ating sitwasyon at kinalalagyan. Anong kondisyon ng ating lipunan sa ngayon?  Bilang guro at estudyante, saan tayo nakapwesto sa kasalukuyang krisis ng kapitalismong global at alitang rehiyonal?  Ano ang tungkulin natin sa institusyong inutusan ng Estado na hubugin ang isip at damdamin ng kabataan? Para sa anong layon o adhikain?


Sipat, Kilatis at Timbang


Ang literaturang itinuturo ay isang sangay ng kabihasnan na kagamitan sa paghulma ng isip at kilos ayon sa dominanteng pangitain ng namumunong uri. Anong pangitain ang gumagana't nanaig?  


Indibidwalismong makapamilya o makauri ang istandard, hinaluan ng ilang demokratikong islogan. Inatasan ang guro upang itanim sa utak at puso ang indibidwalismong makasarili kaagapay ng pagsunod sa batas. Hindi bulgar na pangungurakot sapagkat may kaunting aral tungkol sa pakikipagkapwa-tao at pagtulong o pagdamay sa di-kamag-anak, at pagmamahal sa bansa.  


Sa tradisyonal na ugali, idinidiin ng guro ang aral o ulirang halimbawang mahuhugot sa tula, kuwento, nobela, dula na magsisilbing gabay sa araw-araw na pamumuhay.


  Sa ganitong pagtingin, ang guro ay gumaganap ng papel ng isang awtoridad, tulad ng pulis o pari. Masunuring estudyante, hindi nagtatanong—ito ba ang hangad natin? Hindi ba kabaligtaran iyon ng nais natin: isang responsableng taong may sariling pangangatwiran? Paano maitatanim at mapapaunlad ang kakayahang mag-isip nang walang alalay, ang maging taong taglay ang kasarinlan at rasong independiyente (autonomous reason) na ideal ng demokrasyang orden, hindi diktadurya o pasistang sosyedad?


Ang panitikan ay produkto ng mga kontradiksiyong sosyal at siya ring nagpapaulit-ulit nito.  Hindi nasa tinig ng diwa o guniguni ang kahulugan ng akda, kundi nasa pag-antig o pagpukaw ng saloobing nakatugma sa polarisasyon ng mga tauhan at pangyayari. Ang akda ay hindi ekspresyon ng nangungulilang diwa o malay kundi artikulasyon ng senyas o salitang taglay ang magulo't maligalig na ugnayan ng bawat tao sa lipunan. 


Sa retorika ng teksto at pagbabalangkas ng naratibo, nakalilikha ng posisyon para sa mga sabjek na kumakatawan sa sistemang nabibiyak, tigib ng nakabibighaning katangian. Ang matingkad na karanasan o reyalidad ay bunga ng diskurso na humuhudyat o tumatawag sa atin upang makisangkot o lumahok sa tunggalian ng mga lakas (taglay ang ilang analohiya sa karanasan ng mismong awtor, ayon sa testimonyo niyang ibinahagi kay Rose Torres-Yu). 


Bumungad sa dalumat ang interogasyon o interpelasyon ng akda. Saan tayo lalagay? Saan tayo papanig, saan makikisanib?


Mula Teksto hanggang Kontekstong Historikal


Paano susuriin ang ideolohiyang hugis o banghay ng nobela ni Bautista?  


Sa biglang sipat, mahihinuha na iyon ay nakasalig sa makatotohanang dating at epekto ng tila-realistikong detalye ng paglalarawan, laluna ang eksena ng tortyur, ng maramdaming pagtatalik nina Ana at Roy, atbp. Hindi kailangang magduda na peke o eksaherasyon ang mga pangyayari. Matalas at masinop ang paglalarawan ng malagim na karanasan na nakasentro sa mga rebolusyonaryong Ana, Roy, Karla, Jingki, at kanilang pamilya. Ano ang hinihiling sa atin? Ano ang demanda ng nasubaybayang eksena't pangyayari?


Nakaaantig ang pagsisiwalat ng matinding kahirapan ng mga aktibista, ng mabangis na kalupitan ng mga sundalo ng diktaturya, ng matinding galit at kalungkutang sinapit ng mga protagonista. Taglay ng akda ang makasaysayang kakintalang mahirap iwaglit sa kolektibong gunita. 


  Ating ungkatin ang ideolohiya ng teksto sa makinarya ng paghahanay ng mga insidente: Paano nalutas ang problemang gumulo sa buhay ng mga tauhan? Paano nairesolba ang mga kontradiksiyong prinsipal (diktadurya versus demokratikong masa at representatibong partido nito) sa pamamagitan ng imahinaryong paraan, sa pantasya o nais-kaganapan (wish-fulfillment)?


Pansinin na ang suliranin ng kontradiksiyon ng oligarkong pangkat suportado ng imperyalistang Estados Unidos at mga partisano ng demokrasyang pambansa ay naipaloob sa isang kompromisong antas. Ibig sabihin, naisalin iyon sa kuwadro ng problema ng inang nawalan ng anak at sakunang naranasan ng mga aktibistang pinahirapan. 


Sa sakripisyo ni Karla, sa kanyang pagmamalasakit, na bunga ng pangingibang-bayan (paglipat sa Canada) at pagkalinga ng pamilya, nakuhang ipagtapat sa anak ang katotohanan ng nakalipas. Sumunod naman si Malaya sa paniniwalang ang pagka-ina (maternidad) ay biyolohikal, hindi sosyal; at pagtanggap sa kanya ni Ana bilang simbolo ng kanyang pagsisikap at gantimpala sa pagmamahal sa sarili.


Sa kasukdulan, umabot sa pagkakakilanlan at pagbabalik ng kaginhawahan, bagama't ironikal ang alingawngaw sa dulo. Na wari baga'y may kutob na walang tunay na pagbabagong naganap, may kutob na nasayang ang pawis at dugong ibinuhos ng mga nakipagsapalaran, at bumabalik muli ang sinugpong nakalipas. Ano ba talaga ang kanilang mithiin? Ang katarungan ba'y nakasalalay sa hatol ng hukuman sa Estados Unidos, hindi sa Filipinas? Tila malabo pagdating natin sa dulo. 


Palaisipan ng Pakikibaka


  Sa panig ni Roy naman, ang interogasyon ng Komiteng nagsisiyasat tungkol sa mga biktima ng martial-law kaugnay ng kasong ilalapit sa korte sa U.S., ay nagsilbing katarsis upang maibilad niya ang nasugpong yugto ng kanyang buhay, laluna ang pagkitil ng buhay ni Jingki ayon sa atas ng partido, na paghihiganti sa pagkasawi ng buong pamilya niya. Sa tulong ng mga abogadong Filipino at Amerikano, ang katarungan ay natamo, nagkaisa muli ang ina't anak, at nakamit ni Lorie ang kabatiran tungkol sa madugo't lihim na talambuhay ng kanyang magulang. Narekober ang nakalipas, nabuo ang totalidad ng kasaysayan, umabot tayo sa masayang wakas, bagama't may babala na baka maulit muli ang diktadurya sa proklamasyon ni Arroyo sa huling pahina.


  Samakatwid, ang tunay na problemang hinarap ng nobela ay nalutas sa imahinaryong paraan, sa paglilipat nito sa isang lunan o palapag na madaling maaayos ang lahat sa paraang pagtawag sa tradisyonal na paniniwala, sukatan o prehuwisyong bumubuo sa lumang kaayusan na siyang pinagmulan ng krisis na sinuong ng mga karakter sa nobela.


Nabuo ang sabjek sa pagtuklas na gumagana pa rin ang tradisyonal na moralidad na batayan ng kilos, isip at damdamin ng tipikal na tauhan sa nobela: pamilya batay sa awtoridad ng magulang, sindak ng militar laban sa rebeldeng pangkat na dapat katakutan, atbp. 


Matingkad ang paglalarawan sa problema ng mga anak at magulang, ngunit tila pansamantala lamang ang yugtong iyon, limitado sa ilang tauhan, hindi saklaw ang buong bansa. Lumilitaw na ang diktadurya ay tila anomalya lamang, at ang krisis ay pansamantalang emerhensiya. Ganoon din ang kalabisan ng mga kaliwang puwersa na siyang nagpakilos sa mga aktibista, ngunit hindi sumaklolo o tumulong sa kanilang kahirapan.


Sinapupunan ng Transpormasyon


Sa namamayagpag na "culture of impunity," tila patuloy ang predikamento ng mga ina (konsultahin si Rose Torres-Yu, "Re-Imahinasyon ng Ina"). Testigo ang ina ni Jonas Burgos, ang mga magulang nina Karen Empeno at Sherlyn Cadapan, at marami pang iba. Baka maging "desaparecidos" ang buong bansa sa paglabas ng migranteng contract-workers--mahigit 10 milyon na--pati likas-yaman, mga islang lulubog o mawawasak sa bagsik ng napipinsalang kalikasan ng planeta.

Ang pagkawala ng anak ay mistulang sagisag sa pagkawala ng soberanya, kalayaan, integridad ng bansa.  Simbolo kaya ng resureksiyon o muling pagsilang ang pagbabalik ng anak? Sino ang sabjek ng kinabukasang ipinahihiwatig ng pagbuo muli ng pamilya? 


  Kung hindi kayo sang-ayon sa metakomentaryong nailahad, patunay iyon na nangingibabaw pa rin ang tradisyonal na paraan ng pagsusuri't pagpapahalaga sa literatura (hinggil sa metakomentaryo, konsultahin si Jameson). Kung nabagabag man kayo, tumalab kahit paano ang proposisyong nailatag dito, maaaring simulang baguhin ang modo ng pagturing sa panitikan bilang repleksiyon ng tinatanggap na realidad o kaya'y ekspresyon ng kaluluwa ng salamangkero ng wika. 


Simula ring maghuhunos ang pagkilala sa estudyante at guro bilang mga sabjek ng naghaharing paradigma o kwadro ng pagkilatis at pagpapahalaga. Sa gayo'y pwedeng mag-umpisa ang kumbersasyon ng mga komunidad sa impetus ng diyalektikal at materyalismong pagsusuring naibalangkas dito (makatutulong ang ilang halimbawa sa antolohiya ni Rose Torres-Yu, Kilates).


Pangkalahatang Lagom at Pansamantalang Gahum


Sa paglagom, maitanong: taglay ba ng lahat ng akda o diskurso ang hugis ng ideolohiyang nahimay rito? Kung ganoon, walang dapat alalahanin. Walang panganib ang magbasa ng diskursong nag-uulat ng nakaririmarim na mga tagpo, ng mga nakasisindak na pangyayari. Sandaling nagimbal ang kalooban ng mambabasa. 


Sa pag-igkas ng imbestigasyon hinggil sa mga biktima ng diktadurya, sa pag-inog ng mga insidente, maidadala lahat ng mga masalimuot na kontradiksiyon sa isang lugar na madaling maipapaliwanag ang lahat, at saka maiuugnay sa mapayapa't makabuluhang paraan ang mga nagtutunggaling puwersa upang sa gayon maisauli ang dating status quo at mapatahimik ang lahat. Kung tutuusin, walang dapat ikabahala sa masinop na pag-aaral ng nobelang puno ng madugo't marahas na tagpo.


Sa Kanlurang arkibo ng araling kultural, ang genre ng modernong nobela ay nakatuon sa pakikipagsapalaran ng naligaw na kaluluwa sa mundong walang diyos. Ang bayani ay masikhay na naghahanap ng kahulugan o katuturan sa buhay, biktima ng alyenasyon sa daigdig ng komoditi at ipinagbibiling bagay sa mega-mall saanman, napapaligiran ng walang tigil na sigalot, terorismo, digmaan ng mga uri't sari-saring lakas ng nagbubuhat sa gunita ng nakalipas at takot sa malagim na hinaharap. 


Sa Filipinas, ang nobela ay nakaugat sa krisis ng pyudal at patriyarkal na orden. Naitampok sa pagsasalaysay ng buhay nina Ana at Roy ang predikamento ng pamilyang nabuwag at mga kabataang napahamak sa pakikibaka sa ngalan ng kalayaan at hustisya, sa kalakaran ng krisis ng neokolonyal na rehimen, kung saan natuklasan ng mambabasa ang tunay na pagkatao ng mga sabjek sa proseso ng pagtataguyod ng rebolusyonaryong balak (muling itinalakay sa San Juan, Between Empire & Insurgency).


Makapagtuturo kaya ito ng mabuting halimbawa upang ang sabjek na imbensiyon ng diskurso, resulta ng wika ng likhang-sining, ay maitransporma sa mapagpalayang direksiyon?  Magagamit kaya ang pormang ideolohikal ng literaturang pinaparangalan ngayon sa makatao't progresibong layunin?  Tiyak na ito'y isang kolektibong proyekto na dumudulog sa lahat at humahamon sa ating budhi, puso, katapangan at katapatan.


[Ang unang borador ng papel na ito ay binasa bilang panayam sa Ateneo University, 14 Pebrero 2014]

SANGGUNIAN


Althusser, Louis.  Essays on Ideology.  New York: Verso, 1971.  Nakalimbag.

Balibar, Etienne and Pierre Macherey. "On Literature as an Ideological Form." Nasa sa Marxist Literary Theory. Ed. Terry Eagleton and Drew Milne. New York: Blackwell, 1996.  275-295.  Nakalimbag.

Bautista, Lualhati.  Desaparesidos. Mandaluyong, MetroManila:  Cacho Publishing House, 2006.  Nakalimbag.  

---.  "Lualahati Bautista."  Nasa sa Sarilaysay ni Rosario Torres-Yu.  Manila: Anvil, 2000.  114-127.  Nakalimbag.

Department of Education. "Discussion Paper on the Enhanced K+12 Basic Education Program." DepEd Online.  05 Oktubre 2010.  .  <http://www.deped.gov.ph /cpanel/uploads/issuanceImg /K12new.pdf>  Web. Date accessed: 29 Disyembre 2013.

Eagleton, Terry.  Literary Theory.  Minneapolis, MN: University of Minnesota Press, 1983. Nakalimbag.

Freire, Paulo.  Pedagogy of the Oppressed.  New York: Herder and Herder, 1972.  Nakalimbag.

Jameson, Fredric.   The Jameson Reader.  Ed. Michael Hardt and Kathi Weeks.  New York:  Blackwell, 2000.  Nakalimbag.

Lecercle, Jean-Jacques.  A Marxist Philosophy of Language. Chicago, Illinois: Haymarket Books, 2009.  Nakalimbag.

Marx, Karl & Frederick Engels. The German Ideology.  New York: International Publishers, 1960.  Nakalimbag.

San Juan, E.  U.S. Imperialism and Revolution in the Philippines.  New York: Palgrave, 2007.  Nakalimbag.

-----.  Toward Filipino Self-Determination.  Albany, NY: SUNY Press, 2009.  Nakalimbag.

----.  Between Empire and Insurgency: The Philippines in the New Milllennium.  Quezon City: Philippines, 2014.  Nakalimbag.

Torres-Yu, Rose.  "Re-imahinasyon ng Ina sa Panitikan ng Kababaihan: Isang Imbestigasyon sa Ideolohiyang Maternal sa Panitikan." Nasa sa Kilates. Quezon City: University of the Philippines Press, 2006.  333-350.  Nakalimbag.

Reyes, Soledad.  Kritisismo.  Manila: Anvil, 1992.  Nakalimbag.


###


TUNGKOL SA AWTOR



           Kilalang kritiko at manlilikha sa larangang internasyonal, si E. SAN JUAN, Jr. ay dating Fellow ng W.E. B. Du Bois Institute, Harvard University at Humanities Center, Wesleyan Uniersity. Emeritus professor of English, Comparative Literature & Ethnic Studies, siya ay naging fellow ng Harry Ransom Center, University of Texas, Austin. Kasalukuyang professorial lecturer sa Polytechnic University of the Philippines, Manila.


Si San Juan ay awtor ng maraming libro, kabilang na ang Balikbayang Sinta: An E. San Juan Reader (Ateneo University Press), Sapagkat Iniibig Kita (University of the Philippines Press), Tinik sa Kaluluwa; Rizal In Our Time (Anvil Publishing), Alay Sa Paglikha ng Bukang-Liwayway (Ateneo University Press), Salud Algabre (University of San Agustin Publishing House), Balikbayang Mahal:  Passages from Exile, Sutrang Kayumanggi  & Bukas Luwalhating Kay Ganda (amazon.com), Ulikba (UST Publishing House) at Kundiman sa Gitna ng Karimlan (U.P. Press).


Inireprint kamakailan ng U.P. Press ang kalipunan ng mga panunuring pampanitikan niya. Toward a People’s Literature.  Inilathala ng Lambert Academic Publishing Co., Saarbrucken, Germany, ang kanyang Critical Interventions: From Joyce and Ibsen to Peirce and Kingston, kasunod ng In the Wake of Terror (Lexington) at US Imperialism and Revolution in the Philippines (Palgrave). Ang pinakabagong libro niya ay: Ambil (Philippines Research Center), Lupang Hinirang, Lupang Tinubuan (De La Salle University Publishing House) at Between Empire and Insurgency: The Philippines n the New Millennium (University of the Philippines Press).--###





Monday, November 09, 2020

3 TULA SA PANAHON NG KRISIS

 



ELEHIYANG NABUKING BINIGKAS NG BATANG 

TUBONG BLUMENTRITT

                                                                         Ni E. San Juan, Jr.


Oo, tapos na, di na tayo pupunta sa Tondo ng ating kamusmosan—

Kung saan sabi mo mahal mo ako, di malilimutan—Tapos na iyon!

Di na tayo babalik doon-- Oo, sa Bangkusay o Plaza Moriones—


Hindi ko na matandaan kung sa Tayuman o Bambang tayo unang nagkita

O baka sa tren sa Tutuban o sa loobang sanglaan sa Divisoria….

Oo, di na tayo babalik sa Tondo, doon sa lumundong dulo ng buhay—


…..Hindi ko na nga maalala kung saang liko sa Juan Luna ang daan….


Oo, tapos na, ngayong gabi nagpasiya kang tapos na ang pagsuyo—

Gabing kay lungkot, umaapaw hanggang sa estero ng Binondo

Hindi na tayo babalik doon tulad nang nakalipas— Ay, hindi na!


Hindi ko na magunita kung saang sulok sa Tondo tayo nagtapo 

Tapos na, hindi na tayo babalik sa Gagalangin—mundong kaylupit!

Kung saan ang sumpang binitiwan ay naligaw sa tulay ng Dimasalang


…..Hindi ko na nga matandaan kung saang liko sa Dapitan lumisan….


Oo, di na tayo babalik sa pook ng lambingang ngayo’y Smokey Mountain….

Di ko na nga maalala kung saan kita naiwan, saang lugar babalikan—

Kapus-palad na pag-ibig, ay, nasawi sa mundong nagsalabit sa pangako—


Ay tapos na, di ko na nga matandaan ang daang papunta sa Tondo—

Di ko na magunita ang tipanan sa Quiapo? Sa Mendiola ba o sa Luneta?

Oo, tapos na, di na tayo babalik sa tinding niyapos, ay, kumilig sa pag-sinta—


…Dito na lang kayo muna sa Blumentritt pagkagaling sa Culi-Culi, 

Nakalimutan ko na ang ruta papunta sa sementeryong La Loma—


Oo, hindi na tayo babalik, hindi na, tapos na, magpakailanman—

Pagkasiyahin ang pira-pirasong pulutang napanis sa gabi ng sumpaan….


______________________________________________________________
BETRAYED ELEGY RECITED BY A BLUMENTRITT NATIVE



Yes, it’s over, we’ll not go to the Tondo of our childhood

Where you said you loved me, never to be forgotten—That’s finished!

We’ll never return to that spot—Yes, Bangkusay or Plaza Moriones—


I can’t recall whether it’s Tayuman or Bambang where we first met,

Perhaps in a Tutuban train or an indoor pawnshop in Divisoria…

Yes, we will not go back to Tondo, there where life’s horizon-line sagged—


…I can’t remember now which street-turn in Juan Luna marked our path….


Yes, all over, tonight you decided that our dalliance is ended—

A night so wretched, overflowing up to the stinking canal of Binondo…

We will not go back there as we did before—Aie, no more!


I cannot remember at which corner in Tondo we first met,

It’s finished, we’ll not retreat to Gagalangin—a world utterly ruthless!

Where our promises, disavowed, got lost in the bridge in Dimasalang…


Indeed, I cannot remember which street-corner in Dapitan I fled from….


Yes, we will not withdraw to the place of caressing, now Smokey Mountain….

I can’t recall now where exactly I left you, where I should retrieve you—

Curse-stricken love, Aie, victimized in a world bewildered by promises—


Aie, it’s done, I can’t remember the streets leading to Tondo—

I can’t find in memory our trysting spot in Quiapo? Or Mendiola or Luneta?

Yes, it’s finished, we’ll not go back to the pain we embraced, amorous shudder—


Let’s stay here, linger in Blumentritt after visiting Cull-Culi,

Anyway I have forgotten the route debouching to the La Loma cemetery—


Yes, we will not go back, no more, it’s over, forever and ever—

Let the fragments of this appetizer suffice, spoiled in the night of avowals

and disavowals….

______________________________________________________________



LAKBAY NG BAGUNTAONG NAGLAGALAG



Pumalaot na, walang tiyak na daungan o dalampasigan—

Kung saan ko naisip makarating, wala ako roon, humantong man….


Sandaling sumungaw sa butas ng aking himlayan, bulalakaw!


Nakabalik ka rin mula sa Taormina, sintang balikbayan,

Tumupad sa pangakong magbabalik kung kinakailangan


“Kusang binangga kami ng Intsik, di kami tinulungan—

Umikot muna upan tiyaking lumubog na, tapos tumakbo!”


Batid mong ngayon ay inaanod, napapadpad sa kinabukasan

Kaya hindi ka na tumigil sa Thessaloniki, naibsan ang pighati—

Sabi ng pilosopo, ang gumugulong ay di hihinto hanggang di pinipigil….


Umiiwas ka sa unos o sigwa, di mo akalaing babanggain ka….


“Oo, umikot sila, nilente kami, nang matantong lubog na,

Dagling sumibat, tumakbong palayo! Walang awang mga hayup!”

[Testimonyo ng kapitan ng GEM VIRI, 6/14/2019]


Nakabalik na mula sa Colombo, Sri Lanka, taglay sa pusong nawindang

Ang memorabilya ng Tigreng Tamil, mandirigmang nakaligtas….


Kung hindi ikaw, sino ang sasagip sa nasawing manlalayag?

Umiwas ka sa lagim ng sakuna, sa tukso ng Mutya ng Bali,

Kundi ngayon, kailan pa? Saan isusugod ang katawang naipit?


Binangga kaming pumalaot, lumayag, tinawid ang panahong masungit….


Binangga nga—Gulat, nasindak, daigdig mo’y abot lamang sa hiyaw

Ng saklolo sa dalampasigan ng Davao, Jolo, o Zamboanga—

Buti’t di ka napikot ng aswang sa Siquijor o tokhang sa Mindoro—


Binangga ka ng maamo’t mailap na buwitre ng imperyong sumasakop—


Di na kailangang humibik, ngitngit ng himagsik sa kapalarang nasapit—

Bakit nga ba tumawid ang hayop sa kabilang ibayo?

Tanaw mo na sa pinto ng San Agustin ang kumakaway na bisig—

Sa Balwarte ng San Diego naglalamay armadong kaluluwang lagalag….





JOURNEY OF THE YONG MAN WHO WANDERED


[From the Philippine Customs Declaration Form No.117, Item #7: “Materials advocating or inciting treason, rebellion, insurrection, sedition against the government of the Philippines”]


Shipped out, no definite pier to reach or shoreline—

Where I thought of arriving, I am not there, even if the drift compels the traveler….


For an instant, through a hole in my sleeping quarter, flashed a shooting star!


So you’ve returned from Taormina, beloved expatriate,

Fulfilling the promise that you’ll come back if needed—


“We were rammed by the Chinese, they didn’t help us—

They circled first to make sure we’ve sunk, then scrammed!”


You know now you’re being carried away, floating toward tomorrow

So, therefore, you did not tarry at Thessaloniki, with grief subsiding—

The philosopher taught: what is rolling will not stop until it is impeded…


You were trying to elude squalls or storms, you didn’t suspect they will strike….


“Yes, they turned around, spotlighted us, when sure we were sunk,

Swiftly they fled, sped away! Beasts devoid of pity or mercy!”

[Testimony of the captain of the fishing boat GEM VIRI, 4/14/2019]


You’ve returned from Colombo, Sri Lanka, bearing in your bruised heart

Memorabilia from the Tamil Tigers, guerilla warriors who survived….


If not you, who else will save the disaster-stricken voyagers?

You evaded the misery of accident, seduced by the Muse of Bali,

If not now, when? What will the wrecked body assault?


We were rammed, far out in the ocean, defying the miserable weather….


They hit us—Shocked, panicked, your world touched only by the shout

Of succor at the shores of Davao, Jolo, or Zamboanga—

Lucky you were not tempted by the Siquijor witch or police-killers in Mindoro—


You were rammed by gentle but sneaking vultures of the colonizing empire—


No need to cry out for help, rebellious anger at the fortune encountered—

Why indeed did the animal cross the road to the other side?

You can glimpse from the door of St Agustin’s church those arms waving—

At the San Diego rampart, in nightlong vigil, armed souls wandering….###


__________________________________________________________






“MAGKASIPING BUONG GABI”

[Hiwa mula sa awit ni Rico Puno]



Magkatabi lang—di magkayakap— silang nasawi sa engkuwentro

sa Nagsugbu, Batangas,

nireport sa TV, radyo, 28 Nobyembre 2017…


Magkatabi sina Josephine Anne Lapira at Glen Aytona, nakahandusay….

Ewan kung magkasuyo magdamag….


Pahayag ni Kumander Patnubay de Guia: “Oo, amin sila….”

Inangkin ng ina ang walang kislap na mata ni Glen Aytona,

Umahon ang mga bodhisattva mula sa liblib na purok ng Samsara—

Sa paglipat nawindang ang duguang blusa ni Kamila Mangan—


Magkatabi ang mga bangkay, daing natin, patungong Nirvana

mula sa masukal na sitio ng Batulan at Pinamintasan….


Magkayap na kaya sila sa buong magdamag ng paglalamay?


Sambitin mo, Kumander, kung hindi nawaldas ang alay nila….

Naumid ang dila, nabingi, sumikip ang agwat

ng Samsara at Nirvana, ng sandaling ito at magdamag….


Di lang isa ang kandila, batid natin ang mga pangalan: 

Josephine, Kamila, Glen—

“Magkasuyo buong gabi” ang mga magulang, asawa, katipan….

Ito ba ang ating daigdig? Patuloy ba tayong maglalambingan

sa awit ng mga sirena sa TV, radyo, midya?


Wala nang tinig kundi sikdo’t kabog ng dibdib, 

umaangil, sumasabog sa daigdig na gumuho’t nawarak.



__________________________________________________________________


ENTWINED TOGETHER THROUGHOUT THE NIGHT




Beside each other—not embracing—witness now the slain bodies

from the encounter at Nasugbu, Batangas,

reported by TV, radio, almost three years ago…


Lying together are Josephine Anne Lapira and Glen Aytona, flung there….

Don’t know if they will fondle each other all night….


Declared Kumander Patnubay de Guia: “Yes, they’re ours….”

Glen’s sparkless eyes were claimed by his mother, the others….

Bodhisattvas surged forth from Samsara”s clandestine groves—

Transported, the bloody blouse of Kamila Mangan was ripped apart—


Corpses close to each other, we cried, edging toward Nirvana

from the wild ravines of Batulan and Pinamintasan….


Are they now caressing each other throughout the mourning vigil?


Confess it, Kumander, if their offerings were futile, wasted….

Tongue frozen, deafened, the chasm between Samsara and Nirvana,

between this moment and the abundant night, overflowed….


Not just one candle, we knew their names: Josephine, Kamila….

“Clasping each other nightlong,” their parents, spouses, inamoratas….

“Is this our world?” Do we plod on with amorous rituals

spewed out in the songs of sirens in TV, radio, media?


Voices exhausted, only the throb and pounding of the breast

seething in fury, exploding in this world blown apart, smithereens—









APOLINARIO MABINI--PAGPUPUGAY

SAN JUAN: Ang Mapagpalayang Praxis ng Rebolusyonaryong UNITAS 52 APOLINARIO MABINI: Ang Mapagpalayang Praxis ng Rebolusyonaryong Sambayanan ...