PAKSIW NA BARAKUDA
Proseso sa Pagbabalangkas ng isang Likhang-Sining.
Ni E. San Juan, Jr.
SIKMATIN
SAKMALIN
SAGPANGIN SINAGPANG
KAGATIN
KABKABIN
UKABIN INUKAB
NGATNGATIN NGINATNGAT
NGUYAIN
NGALUTIN
NGATAIN NGINATA
LUNUKIN
LULUNIN NILULON
ILUWA
ISUKA ISINUKA
_________________________________
MALAMANG NASILIP SA BUTAS NG BUBONG NG SELDA
SA CAMP BAGONG DIWA, TAGUIG, RIZAL
Ni E. San Juan, Jr.
Hindi laging nahihimbing
ang mga bituin sa langit
Hindi laging nakatigil sila
habang bumabangon sa dilim
Panagimpang gumigising
silahis ng pag-asa
sa bawat dibdib
ARKO NG NILAMBUNGANG BAHAG-HARI
Ni E. San Juan, Jr.
Sikaping ipakahulugan ang nasaksihang lihim
Saan? kailan?
Nangyaring di-sinasadya
Nasira’t nawasak sa katahimikan ng gabi
Dito: bato sa lansangan
Baka-sakaling idinala sa ibang lugar, ginamit
Sa ibang paraan, inilipat sa biro ng tadhana
Nasaksihan sa di-sinasadyang pagkakataon
Doon: kapalaran ng bantay-tumana
Binuhat sa ibabaw, ibinagsak sa daan
Nangyaring aksidente baka-sakaling sinadya
Mahulog man walang palugit sa taning
Ngayon: kapalaran ng hampas-lupa
Nabalaho’t napariwara sa nabakling ruta
Biyak ng buwang bahag-buntot ang giya
Natuklasan ang lihim sa nilambungang hagdan
Alsa-balutan: kwalta na’y naging bato pa
Kapus-palad, bilasa, nagluksang likaw ng bituka
Puyo sa talampakan ng talu-sirang naligaw
Akalang may patutunguhan habang tumatawid
Itaga sa bato ang bulahaw ng madaling-araw
HANGGANG SA KABILANG DULO NG HANGGAHAN
Ni E. San Juan, Jr.
Kailan? Saan? Sa ‘sang kisap-mata, pinagtakluban
Gaano man sikaping di gumalaw
bumabalik ang hanggahang abot-tanaw
sa pagitan ng langit at lupa
Saanmang lugar kailan man
labas-masok
sa pagitan ng ilalim at ibabaw
Pinira-piraso ang tapayan
pinagtabi-tabi ang mga bahagi upang mabuo muli ang dating anyo
Umapaw sa labi ng balintataw
kumindat sa dilim abot-tanaw
Kailan man at saan man tayo makikipagtagpo
tinakluban sa ‘sang kisap-mata
humantong man sa gilid
Bumabalik pa rin
bumabalatay
hanggang sa puno’t dulo ng hanggahan
PARABULA NG BUTO NG MUSTASA
Nagalit si Malunkya Putta sa di-pagtugon ni Buda
sa sandamak na mga tanong
tungkol sa usaping metapisikal—
Halimbawa: Wala bang katapusan ang mundo?
Pagkalagot ng hininga, may libog pa ba ang kaluluwa?
Sinagot siya ni Siddhartha na tinaguriang Buda:
“Walang saysay ang mga usisa mo.
Hindi ba ibinuhos ko na ang panahon at lakas sa pagpapalliwanag
kung bakit tayo nagdurusa?
Itinuro ko paano natin mababawasan ang kahirapan.
Di ba itinuro ko kung paano malulunasan ang ugaling
nagbubunga ng sakit at pighati?
Bakit ka nahuhumaling sa mga kaabalahang walang saysay—
kababalaghang walang anghang?
Sige, Malunkya Putta, hale ka na’t dalhan mo ako
ng isang dakot ng buto ng mustasa….
Manlimos ka sa mga tahanang walang namatayan.
Hayo ka na’t baka abutin ka nang gabing magayuma ang dilim
at tuloy maligaw ka sa daan.”
—E. SAN JUAN, Jr.
PAGBUBULAY-BULAY NG ISANG PETIBURGIS NA INTELEKTWAL
Nang ika-10 gulang, nagnais akong matuto’t maging marunong
Nang ika-15 gulang, nabatid kong tama ang gurong Mang Andoy
Nang ika-21 gulang, natiyak ko na ang daan
Nang ika-30 gulang, nasulyapan ko na ang guhit-tagpuang abot-tanaw
Nang ika-36 gulang, nabilibid ako sa kasong pakikiapid (natiklo, ay malas!)
Nang ika-40 gulang, nagpasiya akong pwede nang makipag-sapalarang mag-isa
Nang ika-50 gulang, bayad na ako sa mga utang at butaw
Handa na akong umakyat sa bundok—
Napaglirip sa panahon ng paglalakbay hanggang dito, palipat-lipat ang diwa Sa pagitan ng ibong makulay ang bagwis
nakatuon sa panaginip at pantasiya
At isdang nagtatampisaw sa putik, matimtimang dumaranas
ng udyok at simbuyo ng damdamin….
Hinahangad ko mula ngayon, sa kabila ng gulo’t panganib ng kapaligiran,
Sundin ang dragon ng isip, matimyas na pagnanais makahulagpos
Upang sa gayon makaigpaw sa bangin at makatawid
sa talampas at matarik na dalisdis ng bundok
Yapos ang ibong pumailanlang at isdang sumisid
sa pusod ng kaluluwa—
Makaabot pa kaya ang diwa sa kasukdulang biyaya ni Maria Makiling
nabighani sa salimbayan
ng mga kalapating dumaragit?.
—E. SAN JUAN, Jr.
_____###
No comments:
Post a Comment