Others have given their lives, without doubt or heed...Scaffold or open plain, combat or martyrdom's plight, 'Tis ever the same, to serve our home and country's need. -- JOSE RIZAL, "My Last Farewell" // Sapagkat ang mundo'y bayan ng hinagpis Mamamaya'y sukat tibayan ang dibdib... -- FRANCISCO BALAGTAS, "Florante at Laura" //
Sunday, July 01, 2018
BALIKBAYANG SINTA
BALIKBAYANG. SINTA
—E. San Juan, Jr.
I.
Lumipad ka na patungong Roma at London
Balisang nakalingon sa ulap lulan ng naglaboy na panaginip
Lubog sa alaala ng kinabukasang unti-unting nalulunod
Lumipad ka na patungong Riyadh at Qatar
Sa pagkamulat kukurap-kurap sa pagtulog puso'y nagsisikip
Binabagabag ng sumpang naligaw sa salawahang paglalakbay
Lumipad ka na patungong Toronto at New York
Tinutugis ang biyayang mailap nabulusok sa patibong ng banyaga
Sa ulilang pugad anong maamong pag-asa ang nabulabog
Lumipad ka na patungong Chicago at San Francisco
Kumakaway ka pa tiwalang may katuparang babati ng "Mabuhay!"
Alinlangang luha'y naglambitin sa bahag-hari ng bawat yapos
Lumipad ka na patungong Hong Kong at Tokyo
"Di kita malilimot"--pumaimbulog ang tukso ng nabitiwang paalam
Nabakling pakpak usok sa bagwis inalagwang talulot ng bituing nasunog
Lumipad ka na patungong Sydney at Taipeh
Ay naku, anong panganib ng gayumang sa pangarap nagkupkop
Ibon kang nagpumiglas alay mo'y talim ng paglayang nilalangit
Lumipad ka, O sintang mahal, ngunit saang kandungan ka lalapag?
Bumabalik sa dalampasigang hulog ng iyong hinasang pagtitiis
Aking kaluluwang hiniwa't ikinalat sa bawat sulok ng daigdig.
II.
Huli na raw ang lahat. Huli na, umalis na ang tren lulan ang gunita't pangarap.
Huli na, lumipas na ang kamusmusan ng balikbayang naglagalag.
Huli na, naiwan na tayo ng eruplanong patungong Tokyo at Los Angeles.
Huli na, nakaraan na ang oras ng kagampan at pagsisiyam.
Tumulak na, malayo na ang bapor patungong Hong Kong at Singapore.
Nagbabakasakaling aabot pa ang kable—
Sayang, di biro, nakapanghihinayang.
Huli ka na sa pangakong pinutakti ng agam-agam at pag-uulik-ulik.
Huli na, nahulog na ang araw.
Itikom ang labi, itiim ang bagang.
Kahuluga'y naanod-lumubog sa dagat Sargasso ng pagpapakumbaba't pagtitiis--
Pahabol ay di na magbubuhol—
Tapos na ang pagsisisi't pagpapatawad.
Walang taga-ligtas ang lalapag sa tarmak mula sa lobo ng iyong pangarap.
Huli na nga, nakaraos na ang kasukdulan, di na maisasauli ang naibigay.
Sinong manlalakbay ang magkakaila upang mahuli ang katotohanan?
Mailap pa sa mabangis na hayop na nasukol, bumabalandra sa rehas---
Mailap pa sa hibong nagpupumiglas—
Saan ka nanggaling? Saan pupunta?
Paos, hapo, dayukdok, gasgas ang siko't tuhod, gumagapang mula sa guwang--
Maghulihan tayo ng loob, Estranghera,
hinihintay ang ligayang walang
kahulilip.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
APOLINARIO MABINI--PAGPUPUGAY
SAN JUAN: Ang Mapagpalayang Praxis ng Rebolusyonaryong UNITAS 52 APOLINARIO MABINI: Ang Mapagpalayang Praxis ng Rebolusyonaryong Sambayanan ...
-
PAGSUBO K SA ISANG MAPAGPALAYANG PAGKILALA'T PAGTAYA SA SINING NI JOSE CORAZON DE JESUS by E. SAN JUAN, Jr. Dahil sa ma...
-
KONTRA-MODERNIDAD: PAKIKIPAGSAPALARAN SA PAGTUKLAS NG SARILI NATING MAPAGPALAYANG KABIHASNAN Kung ang katotohanan ay matatagpu...
-
ULIRANG HALIMBAWA NI EFREN ABUEG: Tungo sa Mapagpalayang Sining ni E. San Juan, Jr. Kamakailan, bago ipinawalan ang “Morong 43” na biktima...
No comments:
Post a Comment