Sunday, July 15, 2018

TAGUBILIN SA MGA ANARKISTA

ASIGNATURA PARA SA MGA ANARKISTA
(Hinangong ambil mula kay Yoko Ono)




A. Gupit-gupitin ang lahat ng inilimbag na kopya ng mga pasyon nina Gaspar Aquino de Belen, Luis Guian, Mariano Pilapil at Aniceto de la Merced, pati na ang Urbana at Feliza ni Padre Modesto de Castro.

A1, Ipamudmod ang pira-pirasong labi sa lahat ng mabahong estero ng Metro Maynila at kanugnog na pook.

B. Punitin at gulanitin ang Parnasong Tagalog ni Alejandro Abadilla, pati mga aklat ng mga tula nina Jose Garcia Villa & mga premyadong/lawreyadong mambeberso sa Ingles.

B1. Ikalat iyon sa bukana ng Mall of Asia, SM, Trinoma, Ultra Mall, Market Market, at ilan pang pamilihan sa Reina Regente, Binondo & Dibisorya.

C. Tipunin lahat ng librong nagkukunwaring siyang pinakamabuting balarila o gramatika ng wika, pati lahat ng mga arte poetika mula sa Vocabulario nina Noceda at Sanlucar hanggang mga turo nina Lope K Santos at Julian Cruz Balmaseda, pati na lahat ng tulang may tugma't sukat ayon sa regla ng mga awtoridad at premyadong pantas.

C1. Ilagay sa isang trak, dalhin sa Payatas, buhusan ng ilang balde ng gasolina, at sunugin.

C2. Kung nais gawing panggatong o hilaw na materyal sa pagyari ng ibang produktong maibebenta ng mga pulubing nakatira sa Payatas, itabi iyon at ang iba'y sindihan upang maging halimbawa sa salinlahing dapat magpunla ng pagbabago sa birheng lupain.

C3. Kung nais, gamiting pampatabang-lupa ang abong inani sa siga, at kolektibong ipagdiwang ang nangyari via iskrip ng nagampanan, video, snapshots, ritwal ng memoryal, at iba pang instrumentong pang-dokumentaryo.

______________

Monday, July 02, 2018

ANG DARLING DAMUNENENG KO




ANG DARLING KASIPING KO
(halaw sa matandang Soliranin sa Pamamangka)

Ni E. San Juan, Jr.



Ang Darling Tsika ko’y lumuha sa bundok
Kasabay ang singaw ng luha’t himutok
Luha’y naging baha, almoranas na sumasalpok
Ang tanging timbulan ko’y sadyang napalaot.

Ako namang ito’y nagpuslit ng daong
At walang pakundanga'y tumugpa sa alon
Natagpu-tagpuan: basura, tae, polusyon
Ang tsikabaybes ko’y kung saan nataboy.

Suhol dito’t doon, humampas ang hangin
Dini sa pusod ko na nahihilahil
Kaya pala bnuwang, mataray na giliw
Nasa aking puso’t doon humihilik.

Hayo, ‘nak ng tupa, ako’y tulungan
Sa dagat itawid itong kalibugan
Kung tayo’y palaring sumadsad sa pampang
Ang pagkabusalsal ating kalangitan.

Hala, gaod tayo, paglililo’y tiisin
Kabuktutan ng Estado’y huwag palagpasin
Palayu-layo man ang Yungib kung ating suriin
Daig ang paraisong ayaw lakbayin.



Sunday, July 01, 2018

BALIKBAYANG SINTA



BALIKBAYANG. SINTA

—E. San Juan, Jr.

I.

Lumipad ka na patungong Roma at London
Balisang nakalingon sa ulap lulan ng naglaboy na panaginip
Lubog sa alaala ng kinabukasang unti-unting nalulunod


Lumipad ka na patungong Riyadh at Qatar
Sa pagkamulat kukurap-kurap sa pagtulog puso'y nagsisikip
Binabagabag ng sumpang naligaw sa salawahang paglalakbay


Lumipad ka na patungong Toronto at New York
Tinutugis ang biyayang mailap nabulusok sa patibong ng banyaga
Sa ulilang pugad anong maamong pag-asa ang nabulabog


Lumipad ka na patungong Chicago at San Francisco
Kumakaway ka pa tiwalang may katuparang babati ng "Mabuhay!"
Alinlangang luha'y naglambitin sa bahag-hari ng bawat yapos


Lumipad ka na patungong Hong Kong at Tokyo
"Di kita malilimot"--pumaimbulog ang tukso ng nabitiwang paalam
Nabakling pakpak usok sa bagwis inalagwang talulot ng bituing nasunog


Lumipad ka na patungong Sydney at Taipeh
Ay naku, anong panganib ng gayumang sa pangarap nagkupkop
Ibon kang nagpumiglas alay mo'y talim ng paglayang nilalangit


Lumipad ka, O sintang mahal, ngunit saang kandungan ka lalapag?
Bumabalik sa dalampasigang hulog ng iyong hinasang pagtitiis
Aking kaluluwang hiniwa't ikinalat sa bawat sulok ng daigdig.

II.


Huli na raw ang lahat. Huli na, umalis na ang tren lulan ang gunita't pangarap.
Huli na, lumipas na ang kamusmusan ng balikbayang naglagalag.

Huli na, naiwan na tayo ng eruplanong patungong Tokyo at Los Angeles.
Huli na, nakaraan na ang oras ng kagampan at pagsisiyam.

Tumulak na, malayo na ang bapor patungong Hong Kong at Singapore.
Nagbabakasakaling aabot pa ang kable—
Sayang, di biro, nakapanghihinayang.

Huli ka na sa pangakong pinutakti ng agam-agam at pag-uulik-ulik.
Huli na, nahulog na ang araw.
Itikom ang labi, itiim ang bagang.

Kahuluga'y naanod-lumubog sa dagat Sargasso ng pagpapakumbaba't pagtitiis--
Pahabol ay di na magbubuhol—
Tapos na ang pagsisisi't pagpapatawad.

Walang taga-ligtas ang lalapag sa tarmak mula sa lobo ng iyong pangarap.
Huli na nga, nakaraos na ang kasukdulan, di na maisasauli ang naibigay.

Sinong manlalakbay ang magkakaila upang mahuli ang katotohanan?
Mailap pa sa mabangis na hayop na nasukol, bumabalandra sa rehas---

Mailap pa sa hibong nagpupumiglas—
Saan ka nanggaling? Saan pupunta?

Paos, hapo, dayukdok, gasgas ang siko't tuhod, gumagapang mula sa guwang--

Maghulihan tayo ng loob, Estranghera,
hinihintay ang ligayang walang
kahulilip.

APOLINARIO MABINI: SA PAGITAN NG DALAWANG IMPERYO

kritike 18, 1 (2024)--UST E-JOURNAL Sa Pagitan ng Dalawang Imperyo: Pilosopiya at Politika sa Ang Rebolusyong Filipino ni Apolinario Mab...