PROYEKTO SA PAGBUO NG KOLEKTIBONG MEMORYA NG NAGKAKAISANG-HANAY
O, BAKIT WALANG PAHINGA ANG PAKIKIBAKA KAHIT NAGAYUMA SA INTERLUDE NG AWIT?
Ilang Pagninilay sa “Bakas” ni E. San Juan, Jr.
Sa puwang ng ilang pahina, hiniling ng patnugot na ipahayag ko ang ars poetikang nakatalik sa tulang “Bakas.” Balighong hinuha, ngunit sa tangkang paunlakan, sinubok ng makata ang interpretasyong sumusunod na bukas sa anumang pasubali, pagwawasto, at pagpapabulaan.
Pambungad na gabay muna: Huwag kalimutan na nakapaloob sa kolonyalismong orden ang lahat ng intelektwal sa ating bayan, mula 1899 hanggang 1946, at sa neokolonyalistang istrukturang saligan ng Estadong nakapailalim sa imperyalismong U.S. Dahil sa kapangyarihan ng pribadong pag-aari (kapitalista, piyudal) at di-makatarungang dibisyon ng trabaho, patuloy ang digmaan ng mga uri’t iba’t ibang sektor ng lipunan. Mistipikasyon at obskurantismo ang namayani sa klima ng panahon ng pagkagulang ng makata (1938-1948), at utilitaryanismong neoliberal mula 1949 hanggang sa ngayon. Samantala, maigting din ang paglago ng mga puwersang sumasalungat sa hegemonya ng kapitalismong global.
Walang tabula rasa sa naratibo ng talambuhay. Masasaksihan doon ang suliranin ng “Unhappy Consciousness” (Hegel) na diyalektika ng ugnayan ng alipin at panginoon sa islang sinakop. Kolonyalisadong mentalidad ang minana ng makata hanggang magkaroon ng kabatiran sa panahon ng anti-imperyalismong pag-aalsa laban sa U.S. interbensiyon sa Vietnam at pagsuporta sa diktaduryang Marcos (1972-1986). Ang katotohanan ng kolonisasyon/neokolonisasyon ng isang subalterno at kung paano maitatakwil ito’t makahuhulagpos sa nakasusukang bangungot ng pang-aapi’t dominasyon—ito ang tema ng “Bakas.” Sa trabaho ng negasyon, sa pamamagitan ng gawaing subersyon ng umiiral, bumubukal ang kinabukasan na siyang katubusan ng nakalipas. Ililigtas din nito ang Rason/Ideyang ipinagtanggol ng mga bayaning nagbuwis ng buhay upang mapalaya ang sambayanang lumilikha ng pagkataong Filipino at kalinangang batayan ng sosyalismong hinaharap.
Mapa ng Salaysay
Di na dapat sabihin na matatarok lamang ang buod ng karanasan kung pagdurugtungin sa banghay ng naratibo ang proseso ng pagsulong at kinahinatnan. Mauunawaan sa gayon ang Konsepto (Begriff) ng kolektibong kamalayang nagbabanyuhay. Kaya susubaybayan natin ang detalye ng panahon at lugar na sumasagisag dito. Bawat nilalang ay nakaangkla sa isang espasyong partikular, lunan o pook kung saan nakaluklok ang Ideyang Unibersal (“Geist,” bansag ni Hegel; ang kooperatibang humanidad, sa isip ni Marx-Engels). Ngunit walang kabuluhan ito kung hindi nailalakip sa daloy ng kasaysayan.
Naimungkahi ni Henri Lefebvre na ang produksiyon ng espasyo ay isang usaping kaugnay ng buhay o kamatayan para sa bawat lahi. Naisusog niya na walang makaiilag sa “trial by space—an ordeal which is the modern world’s answer to the judgment of God or the classical conception of fate” (The Production of Space, 1991, p. 416). Adhikain ng tula ang himaymayin ang ideolohiyang minana sa kolonisadong kultura ng Commonwealth at neokolonyang Republika sa paraan ng paghahalo’t pag-uugnay ng iba’t ibang kontradiksiyon ng karanasan, paghahalintulad ng pira-pirasong yagit ng gunita, alanganin, pagsisisi, panimdim, pangarap, pagkabigo, mapangahas na pagsabak sa daluyong ng pakikipagsapalaran. Makikilatis ang tunguhin ng bawat tagpo sa tula: ang balak na lumikha ng identidad mula sa metapisikal na indibidwalistikong ego tungo sa isang konsepto ng budhi ng pagkatao. Sa kabilang dako, layon din na makalinang ng isang diwa o matris ng kolektibong ahensiya ng uring gumagawa o yumayari—sa ibang salita, ang ahensiyang istorikal ng mga manggagawa’t pesante, ang bayang pumipiglas sa kadena ng imperyalismo’t burokratang kapitalismong namamayani hanggang ngayon. Ito ang protagonistang uugit sa transpormasyong radikal ng bansa.
Sinikap dito na isatinig ang kolektibong memorya sa pagbabay sa mga kontradiksiyong masisinag sa karanasan ng makata. Kailangang ilugar ang nangungusap na aktor sa isang takdang yugto ng kasaysayan. Kung walang katawan, walang mararamdamang pangyayari, walang bisa’t katuturan ang pontensiyal ng kaluluwa—ang birtud ng inkarnasyon. Sino ang bumulong ng balitang isisilang na ang Mesiyas? Kinakasangkapan ng sining ang ilusyon ng anyo o hitsurang nadarama upang maibunyag ang katotohanan, ang sintesis ng sangkap at kaakibat na totalidad. Sa gayon, hindi matatakasan ang araw-araw na pakikihamok, tuwa’t daing ng mga katawang magkabalikat. Bawat pulso ng wika’y siya ring pulso ng body politic, ang komunidad na kinabibilangan ng makata. Artikulasyon ng katutubong wika (hindi Ingles) ang mabisa’t mabungang medyasyon ng bahagi at kabuuan.
Mobilisasyon ng Pagnanasa
Nasaan tayo ngayon? Patungo saan? Balitang nakatambad sa Internet: Martial law sa Mindanao, patayan sa Marawi City ngayon, mistulang katuparan ng binhing naipunla noong dekada 1972-1986 kung saan namulat ang makata sa realidad. Paano maipangangatwiran ang sining/panitikan sa gitna ng gulo’t ligalig, malagim at nakasisindak na paghahari ng terorismong gawad ng imperyalistang globalisasyon? Paano maikikintal sa konsiyensiya ng lahi ang balangkas ng buhay na nakagapos sa anomie at alyenasyong naibunsod ng komodipikasyon ng bawat bagay—panggagahis o pagbebenta sa karanasan, pag-ibig, seks, panaginip? Lahat ay nalusaw sa fantasmagorya ng salapi at bilihing lumamon sa dugo’t espiritu ng bawat tao. Saan ang lunas sa malubhang salot na nagbuhat pa sa pagsakop ng Estados Unidos nang mabuwag ang proyekto ng himagsikan ng 1896 at nalubog tayo sa barbarismong laganap ngayon? Nabalaho ang kasaysayan natin sa gayuma ng komoditi/bilihin, sa diskursong burgis ng pamilihan/salapi at indibidwalistikong pagpapayaman.
Ituring na alegorya ang imahen, tayutay o talinghagang ikinabit dito sa ilang pook ng MetroManila kung saan nagkaroon ng kamalayang sosyal ang makata. Isinilang bago pumutok ang WW2, nasagap pa ang huling bugso ng nasyonalismo ng Philippine Commonwealth (Avenida Rizal). Nagbinata noong panahon ng Cold War, panahon ng Korean War at pagsugpo sa Huk rebelyon—rehimen nina Quirino, Magsaysay at Carlos Garcia (Montalban, Rizal). Tinalunton ang landas tungo sa pagpasok sa Jose Abad Santos High School noong nakatira sa Balintawak; at sa paglipat sa Craig, Sampaloc, nasabit sa mga anarkistang pulutong sa Unibersidad ng Pilipinas.
Di sinasadya itong makitid na ruta ng uring petiburgis. Paniwala ito ng aktor/suheto ng pansaliring pagnanais. Natambad sa positibismong pilosopiya nina Dr. Ricardo Pascual at mga kapanalig—sina Cesar Majul at Armando Bonifacio—at nakisangkot ang awtor sa kampanya nina Recto-Tanada noong dekada 1954-58. Nakilahok din sa praxis ng diskursong sekular laban sa panghihimasok ng ilang reaksyonaryong kleriko sa akademya. Nakakawing sa mga pook na naitala ang ilang pangyayaring nagsilbing konteksto sa paghubog ng diwang mapagpalaya’t makabayan, diwang tumututol sa umiiral na ordeng puspos ng pagsasamantala’t korapsiyon, ng walang tigil na tunggalian ng uri, kaalinsabay sa pagsigla ng pambansang pagsisikap makalaya’t makamit ang tunay na kasarinlan at pambansang demokrasya.
Salungat sa pormalistikong estetikong iginigiit ng akademikong institusyon ang buhay ng makatang tinalunton dito. Litaw na nagbago ang kamalayan sa pamamagitan ng ugnayan ng praktika at teorya, hindi lang pragmatikong pakikilahok at pakikiramay. Maraming balakid, natural, ang ruta ng gitnang klase sa lipunan. Tubo sa petiburgesyang uri—guro sa haiskul at pamantasan ang mga magulang, na naging kamag-aral nina Loreto Paras-Sulit at henerasyon nina Jose Garcia Villa at Salvador P. Lppez—naging huwaran ang mga intelektuwal sa milyu ng Komonwelt. Unang pumukaw sa imahinasyon sng mga pelikulang Hollywood, mga huntahahan ng tiyo’t tiya sa Blumentritt, ang mga kuwento ng kaiskuwela sa Jose Abad Santos High School sa Meisic, Reina Regente, na ngayo’y higanteng mall sa Binondo. Nagpasigla rin si Manuel Viray, tanyag na kritiko, at naglaon sina Franz Arcellana, Rony Diaz, Ernie Manalo, Pete Daroy, Gerardo Acay, Carlos Platon, Ruben Garcia, atbp. Huwag nang banggitin ang palasintahing pagpaparaos ng panahon na pwedeng suriin sa isang nobelang education sentimental—tila kalabisan na ito, mangyari pa.
Naligaw na Mapa ng Paglalagalag
Bagamat kabilang sa mga petiburgesyang etsa-puwera, hindi biglang naging maka-kaliwa ang awtor—matinding impluwensiya sa simula ang Existentialismong naisadula nina Sartre, Camus, Marcel, Nietzsche, Kierkegaard. Ginagad sina Villa, T.S. Eliot, Wynhdam Lewis (tingnan ang “Man is a Political Animal” at iba pang detalye sa Kritika Kultura #26 ) at mga awtor na tinangkilik ng mga kaibigang kalaro sa bilyaran at kainuman sa Soler, Sta. Cruz, Quiapo at Balara. Tanda ko na laging bitbit ko noong katulong ako sa Collegian ang libro ni Sartre, What is Literature? Hihintayin pa ang dekada 1965-1975 bago mapag-aralan sina Mao, Lenin, Lukacs, Marx, Engels, Gramsci, atbp. Nauna si Mao noong huling dako ng dekada 1960, at sumunod si Georg Lukacs sa antolohiya kong Marxism and Human Liberation (1972). Mapapansin ang indibiduwalistikong himig ng tula, na hango kina T.S. Eliot, Ezra Pound, at W.B. Yeats, mga manunulat na naging ulirang padron noong aktibo sa UP Writers Club at sa krusadang anti-obskurantismong pinamunuan nina Pascual, Alfredo Lagmay, Augstin Rodolfo, Leopoldo Yabes, Elmer Ordonez, at iba pang guro sa pamantasan. Nakaimpluwensiya ang mga sallita’t kilos ng mga iskolar-ng-bayan, at naging tulay ang tradisyong humanistikong iyon sa pakikipagtulungan ko kina Amado V. Hernandez at Alejandro Abadilla noong mga dekada 1960-1967. Hindi dapat kaligtaan ang pakikisama ng awtor kina Ben Medina Jr., Rogelio Mangahas, Ave Perez Jacob, Efren Abueg, at ibang kapanalig sa kilusang makabayan.
Bakit panitik o sining ang napiling instrumento upang maisatinig ang mailap na katuturan/kahulugan ng buhay? Anong saysay ng tula sa harap ng mabilis na transpormasyon ng lipunan—ang pag-unlad nito o pagbulusok sa lusak ng barbarismo ni Duterte at oligarkong kasabwat? Noon, masasambit bigla ang pormularyo ng Talks at the Yenan Forum ni Mao. Sapantaha kong nakausad na tayo mula sa dogmatikong gawi. Sukat nang sipiin ang bigkas ni Amado Hernandez sa panayam niya tungkol sa sitwasyon ng mga manunulat noong 1968: “Ang kanilang mga katha ay hindi na bungangtulog kundi mga katotohanang nadarama, kaugnay at kasangkot sa mga pakikibaka ng lipunan at taongbayan at ng pagbabalikwas ng uring dukha laban sa inhustisya sosyal ng mga manghuhuthot at mapanlagom” (Panata sa Kalayaan ni Ka Amado, ed. Andres Cristobal Cruz, 1970).
Salungguhitan ang Sangandaan
Nasa kalagitnaan na tayo ng pagtawid sa ibayong pampang, bagamat naudlot ang usapang pangkapayaan sa pagitan ng gobyerno at National Democratic Front (NDFP). . Inaasahan kong naisaulo na natin ang prinsipyo ng materyalismong istorikal: ang konkretong analisis ng masalimuot na paglalangkap ng sari-saring dimensiyon ng anumang krisis sa kasaysayan. Umpisahan natin ang mapanuring pagtalakay ng kasaysayan sa metodong Marksista: malawak ang imbak na posibilidad ng sambayanan, ngunit ito’y binhi pa lamang ng kinabukasang nahihimbing sa pusod ng kasalukuyan (ayon kay Ernst Bloch). Gayunpaman, hindi natin mahuhulaaan ang tiyak na oras o sandali ng kagyat na pagsalimbay at pagdagit ng anghel ng Katubusan.
Ito ang dahilan sa pagdiin ng makata sa kontradiksiyon ng di-maiiwasang pangangailan at libertad, ang larangan ng contingency at ng nesesidad. Naitanghal na ito ng mga suryalistikong artista at nina Pablo Neruda, Bertolt Brecht, Lu Hsun, Aime Cesaire, atbp. At naipaliwanag din ito sa pilosopiya nii C.S. Peirce (ang polarisasyon ng tadhana at aksidente; tychism, synechism). Sa paglagom, ang kalayaan ay nagmumula sa pagkabatid sa batas ng kalikasan (tendensiya, hindi istriktong batas, batay sa galaw o kilos ng produktibong lakas ng komunidad).
Sa masinop na imbestigasyon, masisilip din ito sa Tao Te Ching, o sa akda nina Clausewitz at Sun Tzu hinggil sa arte ng digmaan. Kaugnay nito, pag-isipan din natin ang turo na ang sining ay hindi tuwirang salamin ng realidad kundi simbolikong praktika. Sa pamamagitan ng retorika, talinghaga, sagisag, binibigyan ng solusyong ideolohikal o pang-imahinasyon ang kongkretong kontradiksiyong pulitikal-sosyal sa lipunan. Tungkulun ng manapanuring aktibista ang pagsiyasat at pagsaliksik sa subtexto na mga kontradiksiyong pinoproblema sa karaniwang buhay ng madla sa lipunan.
Pahimakas sa Patnubay ng mga Bathala
Sa larangan ng malikhaing panulat, desideratum sa makata ang paghabi ng makabagong artikulasyon sa loob ng parametro ng sistemang lingguwistika, at sa musikero ang pagyari ng baryasyon sa tema sa loob ng kumbensyonal na kuwadrong sonata o fugue, halimbawa. Lumisan na ang Musang maipagbubunyi. Naiwan na lamang ang gumuhong labi ng malungkuting alingawngaw ni Maria Makiling sa Pinagbuhayan ng bundok Banahaw. Marahil, bukas, makikipag-ulayaw tayo sa mga Pulang Mandirigmang nagdiriwang sa liberated zone ng Sierra Madre.
Balik-aralin ang proposisyon ni Sartre: Kanino mananagot ang manunulat? O sa pagtatasa ni Brecht: dapat bang mang-aliw o magturo ang manunulat? Maari bang pag-isahin ang naihiwalay sa aksyomang klasikong dulce et decorum, ang responsibilidad na magpataas ng kamalayan habang nagliliwaliw at nagsasaya? Maibabalik ba ang gintong panahon nina Balagtas at Lope K. Santos?
Sa panahon ng kapitalismong neoliberal, at madugong militarisasyon ng bansa (sa ironikal na taguring Oplan Pangkapayapaan), paano maisasakatuparan ang pagbabalikwas sa lumang rehimen at pagtatag ng makatarungang orden? Paano mapupukaw ang manhid na sensibilidad ng gitnang-uri na nabulok na sa walang-habas na komodipikasyon? Hindi na matutularan ang huwarang kontra-modernismo ng makatang Charles Baudelaire, halimbawa, na nagsiwalat ng kabulukan ng burgesyang lipunan noong ika-1800 siglo (ayon kay Walter Benjamin,The Writer of Modern Life, 2006).
Ano ang dapat gawin? Malayo na tayo sa milyung inilarawan ni Ka Amado noong 1968. Sa ngayon, ang katungkulan ng mandirigmang makata (mithiin ng awtor ng “Bakas”) ay makisangkot sa pagbuo ng hegemonya ng proletaryo’t magbubukid bilang organikong intelektuwal ng nagkakaisang-hanay (tagubilin ni Gramsci) sa panahon ng imperyalismong sumasagka sa pagtatamasa ng kasarinlan at kaunlaran ng bansa. Huwag kalimutan ang Balanggiga? Oo, subalit huwag ding kalimutan ang Maliwalu, Escalante, Mendiola, Marawi! Itampok ang bumabangong kapangyarihan ng sambayanan! Sa halip na mag-fokus sa egotistikang talambuhay, ibaling ang isip sa mabalasik na bugso’t pilantik ng kolektibong gunita na mauulinigan sa musika ng “Bakas.” Sukat na itong magsilbing pahimakas sa kabanatang ito ng paglalakbay ng manlilikha sa mapanganib na pakikisalamuha (hindi pakikipagkapwa) sa digmaang-bayang rumaragasa’t patuloy na gumigimbal at bumabalantok sa buhay ng bawat nilalang sa milenyong ito. —##
Others have given their lives, without doubt or heed...Scaffold or open plain, combat or martyrdom's plight, 'Tis ever the same, to serve our home and country's need. -- JOSE RIZAL, "My Last Farewell" // Sapagkat ang mundo'y bayan ng hinagpis Mamamaya'y sukat tibayan ang dibdib... -- FRANCISCO BALAGTAS, "Florante at Laura" //
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
APOLINARIO MABINI--PAGPUPUGAY
SAN JUAN: Ang Mapagpalayang Praxis ng Rebolusyonaryong UNITAS 52 APOLINARIO MABINI: Ang Mapagpalayang Praxis ng Rebolusyonaryong Sambayanan ...
-
PAGSUBO K SA ISANG MAPAGPALAYANG PAGKILALA'T PAGTAYA SA SINING NI JOSE CORAZON DE JESUS by E. SAN JUAN, Jr. Dahil sa ma...
-
KONTRA-MODERNIDAD: PAKIKIPAGSAPALARAN SA PAGTUKLAS NG SARILI NATING MAPAGPALAYANG KABIHASNAN Kung ang katotohanan ay matatagpu...
-
ULIRANG HALIMBAWA NI EFREN ABUEG: Tungo sa Mapagpalayang Sining ni E. San Juan, Jr. Kamakailan, bago ipinawalan ang “Morong 43” na biktima...
No comments:
Post a Comment