Wednesday, May 16, 2018

7  KATHA 



PAGBUBULAY-BULAY NG ISANG PETIBURGIS-INTELEKTWAL


Nang ika-10 gulang, nagnais akong matuto’t maging marunong

Nang ika-15 gulang, nabatid kong tama ang gurong Mang Andoy

Nang ika-21 gulang, natiyak ko na ang daan

Nang ika-30 gulang, nasulyapan ko na ang guhit-tagpuang abot-tanaw

Nang ika-36 gulang, nabilibid ako sa kasong pakikiapid (natiklo, ay malas!)

Nang ika-40 gulang, nagpasiya akong pwede nang makipag-sapalarang mag-isa

Nang ika-50 gulang, bayad na ako sa mga utang at butaw

Handa na akong umakyat sa bundok—

Napaglirip sa panahon ng paglalakbay hanggang dito, palipat-lipat ang diwa

Sa pagitan ng ibong makulay ang bagwis
nakatuon sa panaginip at pantasiya

At isdang nagtatampisaw sa putik, matimtimang dumaranas
ng udyok at simbuyo ng damdamin…
.
Hinahangad ko mula ngayon, sa kabila ng gulo’t panganib ng kapaligiran,

Sundin ang dragon ng isip, matimyas na pagnanais makahulagpos

Upang sa gayon makaigpaw sa bangin at makatawid

sa talampas at matarik na dalisdis ng bundok

Yapos ang ibong pumailanlang at isdang sumisid

sa pusod ng kaluluwa.

DATING
"Sufficient unto the day is the evil thereof"


Darating ang takdang araw sa dulo ng tulay

Dati rin ang pagdating

Tumatawid sa tulay na dapat tawirin ng nagdatingan

Dumating na ba?

Tumatawid na sa dating lugar

Dumarating ang itinadhanang oras

Lahat ay lumilipas

Pagdating ng itinakdang sandali

Darating pa

Magpasiya ka kung di pa batid ang datingan

Dumarating na
....habang tumatawid ng tulay lumilipas

Dumating na ba? Nakarating na?

Nadatnan sa gitna ng landas ng nakalipas

Sinong dinatingan

Nabitin sa dating daan di na marating

Baka hindi na makarating.... 

paratingin na lamang....


ALINGAWNGAW

Payapang lugar walang tili bulahaw hiyaw kulog dagundong
walang imik

Tahimik

Walang tinig taghoy halinghing sigaw saklolo tahol tugtog palakpak iyak

Walang bigkas atungal palahaw tanguyngoy usap ngalngal tagulaylay

Walang ingay ungol haginghing himutok irit hibik hagulgol angil

Payapa
walang ingay

Walang hikbi daldal haluyhoy lagaslas alingawngaw saklolo

Walang huni sipol pagaspas lawiswis halakhak agas-as

Walang siyap sutsot bulong alatiit kuliling kaluskos paswit

Tahimik
walang imik
walang kibo talagang naumid

Piping lahat--ngunit bakit may kumakatok humihingi ng saklolo

ugong sa sulok dumudulas

anasan tumatahip pumupulas bumubulong ...

bulong buntong-hininga— 

sa butas ng bungo…..sssssst—
Walang imik tahimik


AMBIL NG SALAWAHANG GUNI-GUNI



“Anong kamatayan ang nais mo?”
Tanong ng babae: “Isang pagkasirang tanso na nagbubukas 
Ng isang kumbento para sa puso; o kaya

Isang batas na pahintulot para sa isang higante, isang pinilakang pagpanaw;
O iyong uring dapat pagsikapang matamo;
Isang sakramento, isang paglisang ginintuan?”

Ay lintik, paano makapipili ang may pakay?
Lagi na lamang may sumisingasing na apoy--
Sa aking leeg gumagapang ang salamander!

Ngunit dito sa matatag na larangan,
Lupang kinabuwalan ng mga magiting na mandirigma,
Ang mga dwende’y umaawit ng isang tumbagang himnong handog sa iyo.

Subalit kung maaari lamang sana’y makalikha ako para sa sarili
Ng isang ulo ng higante, malayo sa pangungulila’t pag-iisa--
Oo, totoong aapaw ang tawa ng nimpa ng dagat

At malulunod ang aking pinilakang libingan. Sapagkat ito’y tadhana
Mula sa bangin, sa pagitan ng matatarik na bundok
Na nagdudulot sa atin ng bagwis na sadyang akma sa peregrinasyon.

At ikaw na sumasayaw tulad ng isang masanghayang anghel
Sa himapapawid ay ipinagkaitan, talagang dahop
Sa gintong katangian ng biyayang alindog

At kung sakaling ipagdarasal mo ako upang makamit ang
“Isang mainam at liblib na burol” na itinakda para sa aking
Pagpanaw, aking kamatayang tunay na ginto;

Nauukol sa iyo, tanging sa iyo lamang, iniaalay ko ang aking pangalan.
“O, ano ngayon, anong uring kamatayan ang ninanasa mo?”
Sabi ng babae: “Walang iba kundi ang iyong yapos.”





DISKARTENG  PAG-URIRAT SA COGITO-ERGO-SUM NI  DESCARTES 

Nagkamalay ako, samakatwid ako ay

Naghinala ako, samakatwid ako ay

Naghanggad  ako, samakatwid ako ay

Nagulat  ako, samakatwid ako ay

Natuliro ako, samakatwid ako ay

Nagmura ako, samakatwid ako ay

Nanaginip ako, samakatwid ako ay

Nalibugan ako, samakatwid ako ay

Nadaya ako, samakatwid ako ay

Nainggit  ako, samakatwid ako ay

Nagsinungaling ako, samakatwid ako ay

Nakipagdyugdyugan ako, samakatwid  ako ay

Kinilabutan ako, samakatwid ako ay

Nalamangan ako, samakatwid ako ay

Tumutol ako't nakibaka, samakatwid ako ay

Nakulam ako, samakatwid ako ay

Naghihingalo, samakatwid ako 

Humingi ng saklolo, samakatwid 

Wala nang hininga, sama  ka  


PARABULA NG BUTO NG MUSTASA


Nagalit si Malunkya Putta sa di-pagtugon ni Buda
sa sandamak na mga tanong
tungkol sa usaping metapisikal—

Halimbawa: Wala bang katapusan ang mundo?
Pagkalagot ng hininga, may libog pa ba ang kaluluwa?

Sinagot siya ni Siddhartha na tinaguriang Buda:

“Walang saysay ang mga usisa mo.

Hindi ba ibinuhos ko na ang panahon at lakas sa pagpapalliwanag
kung bakit tayo nagdurusa?

Itinuro ko paano natin mababawasan ang kahirapan.

Di ba itinuro ko kung paano malulunasan ang ugaling
nagbubunga ng sakit at pighati?

Bakit ka nahuhumaling sa mga kaabalahang walang saysay?

Sige, Malunkya Putta, hale ka na’t dalhan mo ako
ng isang dakot ng buto ng mustasa….

Manlimos ka sa mga tahanang walang namatayan.

Hayo ka na’t baka abutin ka nang gabing magayuma ang dilim

at tuloy maligaw ka sa daan.”


BAKAS:  Dalumat ng Gunita’t Hinagap, Memorya ng Kinabukasan

— ni  E. SAN JUAN, Jr.



 AVENIDA RIZAL, STA. CRUZ (1938-1944)


Buhay ay pakikipagsapalaran, lihis sa iyong pagnanais o pagnanasa
Pook na dinatnan ay hindi nakaguhit sa dibdib, balintunang hinala
Pook na binagwis ng alaala’t pag-aasam
Tumatawid sa agwat/puwang ng panahong gumugulong sa buhangin
Nakalingon habang dumudukwang sa agos ng alon—
anong kahulugan ng pagsubok at pangakong itinalaga ng panahon? 
Tayo ba ang umuugit sa daluyong ng kapalaran?


Lumilihis sa bawat liko, sa bawat sandali nag-iiwan ng bakas ang katawan
Sa bawat sulok, matatagpuan ang uling/alabok ng buong kasaysayan—
Bumabagtas sa bawa’t yugto ang tunggalian ng uri, saan kang panig makikisangkot, kaya kailangang magpasiya
Upang masunggaban ang sungay ng tadhana, ikawing ito 
sa ating adhika’t pangangailangan ng komunidad—

Tanong mo’y saan? Sagot ko’y kailan?  Bibingka ng hari, di mahati-hati….

Tuwing umaga’y nalalanghap ang anghot ng ihi’t dumi ng kabayo
     sa kuwadra ng San Lazaro tabi ng Oroquieta Ospital ang kinagisnan—
Agwat/puwang ng panahon, kaluluwang humibik
     sa pagitan ng Tayabas at Batangas, bininyagan sa Iglesiya Espiritu Santo

Kapagkwa’y tumawid at naipit sa riles ng Blumentritt at estero ng Dimasalang
malapit sa pugad ng pampang si Marina noong 1945….
—“dala-dala’y buslo…pagdating sa dulo”—
Sa mga eskinita lumalagos ang bango ng piniritong isda’t ginisang bawang sibuyas kamatis  luya
Sa bingguhan asaran biruan ng mga kamag-anak  

Amoy ng dura’t pawis masangsang na putik sa harap ng 2121 Avenida Rizal
    kung saan napanood ang prusisyon ng libing ni Manuel Quezon

Kakatwang estranghero ang sumaksi sa tahanang 
ginawang motel para sa ‘short-time” tipanan ng magtatalik—

Agwat ng umaga’t dapithapon sa naghihintay na musmos, binibilang ang patak ng ulan
Puwang ng paglalaro sa lansangan ng Tayuman at Bambang, inaabangan—

Sakaling wala ang ina’t ama, “buhok ni Adan hindi mabilang,” 
himutok ng ulilang musmos
Sagisag na walang lakas hubugin ang daloy ng karanasan, biktima ng pangyayaring
    matagal ang panahon ng pagkagulang, nabulabog sa bawat gulong ng trapik….

Gayunpaman, nabaluktot sa balisa’t di-pagkakapalagay, stigmata sa gunita:

Unti-unting nahuhulog kumpol-kumpol ang dilawang bulaklak ng punong-akasya
     sa harap ng dungawang tila masamyong dibdib ni Nena, nag-alagang katulong, mangyaring pagpalain  ng Inang Kalikasan 
ang kaniyang mairuging kaluluwa.



2.   MONTALBAN, RIZAL (1945-1950)


Bukal ang kinabukasan sa iyong gunita, sa tukso ng pag-asa
Sa guni-guni, tila huni ng ibon sa bulaos ng kalabaw tungo sa ilog Pasig
Bumubuhos sa Montalban, agos ng panahong sumusukat sa isip
Tinutugis ang kaganapang bulong at anasan ng mga nagdarasal
sa sementeryo ng La Loma…

Lalakarin daw ang haba ng dinulang, doon masusulyapan ang Irog
bago manampalok—Sinampal muna bago inalok?

Halinghing ng kabayo sa gubat  ungol ng baboy aso’t manukan
Pangarap ng paglalayag habang nakadukwang sa estero ng Reina Regente
gumagapang  gumagala sa Binondo San Nicolas Dibisorya

Takas, pumipiglas—
Pinaulanan ng bala ng gerilyang Huk ang PC istasyon sa munisipyo ng Montalban
—hindi lamang pito ang baril nila, di lamang siyam ang sundang—
Taginting ng salapi’y hungkag sa hinagap ng Boddhisatvang umakyat
sa lambak doon sa Wawa kung saan
nagkublli sina Andres Bonifacio’t at mga gerilyang Katipunan….

Umahon mula sa kabilang ibayo ang kamalayang sumasagap sa tinig ng panata
     hindi mula sa Benares o Herusalem kundi sa Sierra Madre
upang humabi ng sutrang kayumanggi mula sa tadhanang gumugulong….

Sunggaban ang suwag ng kapalarang naligaw sa rumaragasang unos
Malayo na sa kilabot ng mga Hapong umurong sa Wawa
Pinaligiran ng tropang Amerikano, sindak ng imperyalismong sumasabog…

Gumising doon sa bukang-liwayway ng Liberasyon at tuloy sa dagundong
   ng magulong Maynila, sunog sa Korea at Arayat
  mabilis pa sa alaskuwatrong tumungo sa sinehang Lotus at Noli
Kung saan narinig ang “Fascination” nina Dinah Shore at Belle Gonzales—

Bigkasin mo ang pangalan ng mga kolaboreytor at bayaning nagbuwis ng buhay….

Ngayon ay alingawngaw ng panahong 
Lumikha sa mga pangyayaring
Lihis sa iyong pangarap at panimdim
Kapwa ninais at pinilit
Kapwa tinaggap at tinanggihan: kailan? saan?
Sa pag-inog ng pakikipagsapalarang tila walang simula’t katapusan.




3.  BALINTAWAK, QUEZON CITY  (1951-54)


Pangangailangan  ang umuusig sa pagkikipagsapalaran, gumaganap ang bulag na simbuyo
Sa daluhong ng kasaysayan, hindi maiiwasan o maitatakwil
Kaya ang sumunod sa nesesidad ay malaya’t magpapalaya
sa kahinugan ng panahon, pahiwatig ng mga pantas….

Sumisingit sa baklad ng gunitang balintuwad:
Minsan tinapos ko ang Crime and Punishment ni Dostoevsky
isang hapong maalinsangan
Di ko malilimutan ito, gabi na ng ibaling ang paningin sa bintana
Lihim na pagkahumaling ko kay Esther Deniega (lumisan na) ay iburol sa balong
malalim, punong-puno ng patalim, balong hindi malingon
Tulad ng pagsasama namin nina Ernie at Pete Daroy
Sa limbo ng mga pagliliwaliw, sa impiyerno ng mga pag-aalinlangan at agam-agam


Mabuhay kayong mga itinapon,
Nakarating na kayo sa ipinangakong himpilan, ipinaginip na himlayan.
“Dalawang pipit, nagtitimbangan sa isang siit, sumusungit ng bituin”
Di nagluwat, sumabak sa pakikibaka laban sa US-Marcos diktadurya—

Minagaling ang basag kaysa baong walang lamat

Sapagkat sa kaibuturan ng aksidente, pagbabakasakali, namumutawi
ang siglang pagbubuhatan ng tagumpay ng ating minimithi,
Hindi salita kundi hibo’t hikayat ng panaginip at guniguni, matris ng himagsikan, 
ang lugar ng panahong nahinog sa yapos at aruga 
ng mga magulang at mga gurong nagmalasakit…

Huwang mong basahin ito
Tatak ng titik  titik ng tiktik
Huwag tingnan  huwag sipatin
Huwag silipin  huwag sulyapan
Tatak ng titik  titik ng tiktik
Huwag mong titigan  baka ka malikmata’t maalimpungatan….


Asul ang kulay ng langit sa parang at lambak ng Diliman—
Aso ko sa pantalan, lumukad ng pitong balon, humugos sa pitong gubat
bago natanaw ang dagat—

Walang katuturan ang panahon kung walang pangarap o pag-asa
Pagnanais ang matris ng pangyayari, pagnanasa ang ina ng katuparan
Kabiyak na niyog, magdamag na kinayod,
Naghasik ng mais, pagkaumaga ay palis—

Huli ng balintataw ang mailap na buntala ng iyong mithing talinghaga,
pangarap ng pithayang alumpihit pumaimbulog sa kawalan.



4.  CRAIG, SAMPALOC, MAYNILA (1955-60)


….Subalit ang kalayaang magpasiya’y nagkabisa 
Sa isang tiyak na pook at itinakdang pagkakataon
Bagamat limitado ang kapangyarihang umalsa’t bumalikwas
Walang pangyayaring magaganap kung wala ka,
Sintang itinapon sa gitna ng maburak na Pasig.

Bumagsak ang eruplano ni Magsaysay ngunit nkalimutan
na ang CiA ahenteng Lansdale, sa gayon
Neokolonyang teritoryo pa rin tayo hanggang ngayon….

Agos de pataranta sa Palomares at Gardeniang dinalaw ng mga GI
pagkatapos sumuko si Aguinaldo’t nawala si David Fagen

Magkabalikat kami nina Ernie at David Bunao sa bilyaran sa Quiapo
Di inalintana kung may hirap, hanapin ang ginhawa  
Aralin ng pakikipag-ugnayan sa Culi-Culi, Marikina, massage parlor sa Raon
Walang matimtimang birhen sa lagalag na kaluluwang naghuhunos
Di bumibilang ng bukas-makalawa upang paraanin ang nagparaan—

Walang matiyagang hayup sa magayumang kalapating sumasayad sa pampang….

Shantih   Shantih      Weiilala  leia        Wallala  leialala   

Bago umakyat sa Baguio, tumawid kami sa Tayug, Pangasinan, nina Mario Alcantara
at Pablo Ocampo, kumakampanya para kina Recto-Tanada
Hindi ko batid noon na malapit sa Binalonan, bayan ni Carlos Bulosan….
Noong 1972 ko na lang napag-alaman ito sa lilim ng Pulang Bandila

Lumangoy at lumutang sa usok sa Luneta’t daungan ng Manila Bay
Tudyo’t halakhak ng mga kaibigang nakausad mula sa Tundo hanggang Sta Cruz & Quiapo

Tatlong bundok ang tinibag bago dumating nang dagat

Walastik, para kina T.S. Eliot Joyce Nietzsche Sartre, tapos ang boksing sa Sarili
Walastik, naghalo ang balat at tinalupan sa turo ng pilosopong galing sa Popular Bookstore 

Di naglaon, tumubo ang sungay at tumindi ang pagnanasang makahulagpos
—“karga nang karga, kahit walang upa” ang islogan ng anarkista
bago sa engkuwentro kina Marx Engels Lenin Lukacs noong dekada 1965-72…


Pumalaot na mula sa daungan ng Subic Bay
Lupa’t tubig ang nakalunsad
Apog at asin sa lagusan
Tinalunton ang landas pabulaos mula sa Ilog Montalban
Halos magkandarapa  halos sumubsob
Hindi pa nakaraos
Hindi pa natutuklasan: kutob, ligamgam
Hangin at apoy ang bumuhos
Hindi pa yari ang proyektong idaraos
Pumalaot na sa hanggahang di-abot-tanaw
Humugos sa dalampasigan
Tubig  lupa   hangin   apoy   
Apoy  hangin  apoy



__________________________________________

No comments:

APOLINARIO MABINI--PAGPUPUGAY

SAN JUAN: Ang Mapagpalayang Praxis ng Rebolusyonaryong UNITAS 52 APOLINARIO MABINI: Ang Mapagpalayang Praxis ng Rebolusyonaryong Sambayanan ...