Sunday, October 02, 2016

BONG BONG PARA KANINO TUMUTUGTOG BONG BONG BONG

 BONG BONG  BONG —  PARA KANINO — BONG  BONG —TUMUTUGTOG?
[Pagmumuni-muni ng isang matandang magulang]

ni E. San Juan, Jr.


Ewan ko’t nalimutan ko na’ng 50,000 libong mamamayang inaresto simula ideklara ang martial law
Ewan ko’t nalimutan ko ang baho’t nakasusukang selda sa Fort Bonifacio
Ewan ko ba’t nalimutan ko ang bagsik ni Lt. Arturo Castillo ng Constabulary Anti- Narcotic Unit nang dakpin si Liliosa Hilao, edad 21 anos, noong April 1973
Binugbog ginahasa’t pinatay si Liliosa—Ay, ewan namin, sabi ng militar kina Alice at Josefina Hilao

Hindi ko na maalala na inabuso rin ang magkapatid Amaryllis at Josefina 
Hindi ko maalala kung si Santiago Arce, Katolikong lider ng magsasaka sa Abra, ay kasangkot sa NPA—iyon ang bintang
Hindi ko maalala kung apat na araw siyang tinortyur bago barilin noong 7 Setyembre 1974
Sumigaw at tumiling nakatutulig habang kinukulata ang mukha’t katawan

Wala akong gunita sa paghuli kina Fr. Manuel Lahoz at Fr. Edicio de la Torre noong Disyembre 1974
Wala akong gunita sa pagparusa sa aktibista, ayon sa Amnesty International 
Wala akong gunita kung sa Metrocom Fort Bonifacio o Camp Crame nilapat ang electric shock truth serum Russian Roulette at ibang marahas na—-
Maski bigwasan o buntalin nila ako, di ko kabisado ang kabuktutan ng diktador

Pinilit kong tandaan kung paano sinaktan si Maria Elena Ang, edad 23 anos
Pinilit kong tandaan kung sina Polly Caramel & Vic Ambao ng MIG AFP ang bumiktima sa kanya
Pinilit kong tandaan kung paano pinaslang si Purificacion Pedro noong 23 Enero 1976
Binigti siya sa kubeta, hindi ko matiyak kung si Col. Miguel Aure ng 5th Constabulary Security Unit ang berdugong tumampalasan

Nawaglit sa memorya ang aklasan ng mga bilanggong pulitikal sa Camp Olivas noong Marso 1976
Nakuhang maisip sina Isabelita del Pilar-Guillermo’t Elita Ponce-Quitong nagpapasuso sa mga sanggol—may bakas ng lupit kayang naiwan?
Aksidenteng sumaglit sa malay ang tinig nina Armando Teng Julius Giron  Agaton Topacio, pati sina Lt Amante Bersamin at puta’ngnang Juan  Ponce Benrile
Ay naku, wala pong tangkang ipaghele pa ang kasuklam-suklam na alipustang dinanas ng mga kaibiga’t kasama

Banggitin na lamang sina Iluminada Papa  Josefina Hilao  Eugenia Magpantay  Linda Taruc-Co  Nelia Sancho  Violeta Sevendal-Hilao sa Bicutan, huwag kaligtaan sina Hilda Narciso  Judy Taguiwalo & maraming biktimang lumaban sa diktaduryang Marcos-US imperyalismo

Di kinukusang dumadaluhong ang mga gunita’t alaalang dumadamba sa panaginip gumigiit gumigipit ibig makahulagpos

Kaya paano ko pahihintulutang ilibing ang bangkay ng halimaw kung minumura’t tinatadyakan 
Ang kaluluwa’t katawan hanggang ngayon— Narinig kong may pagbabagong darating sa rehimeng Duterte—hustisya? katarungan?  hanggang 
Kumalembang muli sa Balangiga—Bong! Bong!—Bong!  Bong!
gumigising sa budhi’t kamaong duguan ng buong sambayanan….—##


No comments:

APOLINARIO MABINI: SA PAGITAN NG DALAWANG IMPERYO

kritike 18, 1 (2024)--UST E-JOURNAL Sa Pagitan ng Dalawang Imperyo: Pilosopiya at Politika sa Ang Rebolusyong Filipino ni Apolinario Mab...