BALINTUNANG KOMEDYA SA MAMASAPANO:
Dulang Algoritmong Potensiyal
(Alinsunod sa paraan ng Ouvroir de Litterature Potentielle)
ni E. SAN JUAN, Jr.
[Paunawa: Lahat ng tauhan sa dulang ito ay pawang likhang-isip; kung sakaling kahawig ng mga personaheng buhay, ituring na aksidenteng pagkakataon lamang iyon at hindi talagang sinasadya--Awtor]
TAGPO 1:
Balisa si Presidente Obama at mga upisyal sa Pentagon, Washington DC..Baka bumagsak ang dolyar at ordeng kapital-pampinansiyal, pag-ulit ng 2008 krisis, kung hindi mahuhuli sina Zulkifli bin Hir at Abdul Basit Usman. Binabalaan na sila ng mga CEO ng Goldman Sachs, JP Morgan, IMF at World Bank na dapat kagyat lutasin ang ugat ng panganib sa Pilipinas. Tulala si Obama dahil sa dalawang bagay, na dapat piliin ninyo:
Walang mahanap na Pinay/Pinay na eskiroll na magkukumpisal kung nasaan ang dalawang terorista (tingnan ang Tagpo 8)
Itinago ni Putin ang dalawang rebelde dahil sa panghihimasok ng U.S. sa Ukraine (tingnan ang Tagpo 9)
TAGPO 2:
Nagsuplong kay P'Noy Aquino ang isang ahente ng Taliban sa Afghanistan kung saan nagtatago ang dalawang kontrabida. Pinatawag si Heneral Alan Purisima na suspindido noon, ngunit nawawala ang heneral. Siya ba ay nakompromiso ni:
Kurt Hoyer, Press Attache ng US Embassy, na sikretong CIA ahente, na naghahanda ng planong Wolverine sa Manila Hotel? (tingnan ang Tagpo 5)
O ni bise-presidente Binay habang nagliliwaliw siya sa isang casino sa Makati? (tingnan ang Tagpo 7)
TAGPO 3:
Pinagpayuan ni Sec. Leila de Lima si P'Noy na dapat sa PNP (Philippine National Police) lamang sumangguni sapagkat hindi maasahan ang AFP
na matakaw din sa pabuyang limang milyong dolyar sa paghuli sa dalawang terorista. Hindi makapagpasiya si P'Noy sanhi sa alin sa dalawang dahilan:
Marami siyang utang kay Heneral Pio Gregorio Catapang, hepe ng AFP (tingnan ang Tagpo 6)
Binantaan na siya ni PNP Heneral Leonardo Espina at Int. Sec. Mar Roxas dahil sa pakikipagsosyo sa isang seksing "socialite" (tingnan ang Tagpo 2)
TAGPO 4:
Enero 25, 2015, lumunsad na ang 6 tropang Amerikano sa TCP (Tactical Command Post) ng Sheriff Aguak sa Manguindanao. Ngunit di nila alam ang tiyak na situwasyon ng Special Action Force ng PNP sapagkat ang planong Wolverine ay hindi katugma sa planong Exodus. Bakit nagkaganoon? Piliiin sa dalawang posibilidad:
Nagsusugal ang dalawang heneral sa Zamboanga AFP Western Command, Rustico Guerrero at Edmundo Pangilinan, nang ipahatid ang utos batay sa utlat ng drone ng mga Amerikano (tingnan ang Tagpo 2 )
Inilihim ni PNP Chief Getulio Napenas ang tunay na sabwatan nila ng MILF at BBP sa gagawing "pintakasi" sa Mamasapano (tingnan ang Tagpo 7)
TAGPO 5:
Sinabi ni P'Noy kay Purisima noong Enero 9 sa Bahay Pangarap--"Ayusin mo na kina Espina at Roxas... Ako na ang bahala kay Catapang." Inutusan niya ang staff sa Malacanang na kontakin ang Coordinating Committee for the Cessation of Hostilities. Bakit hindi nagawa iyon? Piliin ang dahilan:
Okupado sina Mohagher Iqbal sa US Embassy sa pakikipag-ugnayan sa US Institute of Peace at mga kinatawan ng Malaysian Embassy tungkol sa "investments" sa kanilang "ancestral domain" (tingnan ang Tagpo 9)
"Busy" si Chief Napenas sa pakikipag-usap sa isang kaibigan sa Moscow, Russian Federation na nakahimpil sa Teheran, Iran (tingnan ang Tagpo 1)
TAGPO 6
Sumugod na ang 44 na PNP SAF sa Tukanalipao, baryo ng Mamasapano, hindi alam kung ang kalaban nila ay kabilang sa Abu Sayyaf, Al Qaeda, Jemaah Islamiyah, MILF (Moro Islamic Liberation Front), BIFF (Bangsamoro Islamic Freedom Fighters), o NPA (New People's Army), at walang muwang sa posisyon ng kanilang tinutugis. Ano ang rason ng ganitong pagkalito? Piliin:
Pinangakuan na sila ng bahagi ng pabuya sa pagkahuli o pagkapatay kina Marwan at Usman, kaya hindi na kailangan tiyakin kung anong pulitika o prinsipyo ng mga kaaway (Tingnan ang Tagpo 3)
Binigyan sila ng kopya ng VFA (Visiting Forces Agreement), EDCA (Enhanced Defense Cooperation Agreement) at CIA Counterinsurgency Manual laban sa terorismo upang magamit sa pagdumi sa gubat (Tingnan ang Tagpo 8).
TAGPO 7
Iginiit ni Napenas na "iniwan kami sa ere," ibig sabihin, walang ibinigay na "reward money" ang Washington nang makumpirma sa DNA test na napatay nga si Marwan. Naibalita naman sa Al Jazeera na nakapuslit si Marwan sa tulong ng ilang barko ng Tsina patungo sa Spratley/Kalayaan Isla. At si Usman naman ay nakalusot sa tulong ng MNLF ni Nur Misuari patungong Sabah.
Gusto ninyo ba ng masayang wakas? (tingnan ang Tagpo 9)
Gusto ninyo ba ng masaklap na wakas? (tingnan ang Tagpo 6)
TAGPO 8
Tinanggap na ni P'Noy na responsable siya sa palpak na Exodus, ngunit galit siya kay Fidel Ramos sa panawagan na magbitiw. Mula sa Mamasapano, taglay pa ng mga tao roon ang mga regalo nina Usman at Marwan, ayon kina Boyong Unggala at Farhannah Abdulkahar, dalawa sa 72,585 biktima ng giyera ni P'Noy buhat pa noong Pebrero 25. Nitong Marso 10-13, nadiskubre ng Suara Bangsamoro at Kawagib Moro Human Rights Alliance na nagkalat ang mga nilagas na dokumentong VFA at EDCA sa gubat kung saan nasawi ang 44 PNP pulis, 3 sibilyan, at 17 gerilya ng MILF at BIFF.
Nais ninyo ba ng makatwirang wakas? (tingnan ang Tagpo 5 & 7)
Nais ninyo ba ng balighong wakas? (tingnan ang Tagpo 4 & 9)
TAGPO 9
Samantala, nakipagkita ang Ombudsman sa isang sugo ni Putin sa Singapore at ibinalita na may "gantimpala" sina Heneral Catapang at Espina, pati na sina Mar Roxas at Sec. Leila de Lima, sa "fiasco" ng Wolverine/Exodus.
Sa Washington DC naman, binalak ni Obama na tawagan si P'Noy at ipahatid ang Congratulations ng FBI, Nais daw ng FBI na makapanood ng makulay na dulang "moro-moro"....
Samantala, nagpipista ang mga investors sa Wall Street na naglalaway sa pagbukas ng likas-yaman ng Mindanao na may halagang $840 bilyon-$1 trilyon sa mga korporasyong dayuhan, salamat sa napipintong kasunduang Bangsamoro Basic Law. Mabuhay ang mga "bayani" ng Mamasapano!
###
________________________________________________________
TUNGKOL SA AWTOR
Kilalang kritiko at manlilikha sa larangang internasyonal, si E. SAN JUAN, Jr.
ay dating Fellow ng W.E. B. Du Bois Institute, Harvard University at Humanities Center, Wesleyan Uniersity. Emeritus professor of English, Comparative Literature & Ethnic Studies, siya ay kasalukuyang fellow ng Harry Ransom Center, University of Texas, Austin.
Si San Juan ay awtor ng maraming libro, kabilang na ang Balikbayang Sinta: An E. San Juan Reader (Ateneo University Press), Sapagkat Iniibig Kita (University of the Philippines Press), Tinik sa Kaluluwa; Rizal In Our Time (Anvil Publishing), Alay Sa Paglikha ng Bukang-Liwayway (Ateneo University Press), Salud Algabre (University of San Agustin Publishing House), Balikbayang Mahal: Passages from Exile, Sutrang Kayumanggi & Bukas Luwalhating Kay Ganda (amazon.com), Ulikba (UST Publishing House) at Kundiman sa Gitna ng Karimlan (U.P. Press).
Inireprint kamakailan ng U.P. Press ang kalipunan ng mga panunuring pampanitikan niya. Toward a People’s Literature. Inilathala ng Lambert Academic Publishing Co., Saarbrucken, Germany, ang kanyang Critical Interventions: From Joyce and Ibsen to Peirce and Kingston, kasunod ng In the Wake of Terror (Lexington) at US Imperialism and Revolution in the Philippines (Palgrave).--###
Others have given their lives, without doubt or heed...Scaffold or open plain, combat or martyrdom's plight, 'Tis ever the same, to serve our home and country's need. -- JOSE RIZAL, "My Last Farewell" // Sapagkat ang mundo'y bayan ng hinagpis Mamamaya'y sukat tibayan ang dibdib... -- FRANCISCO BALAGTAS, "Florante at Laura" //
Wednesday, April 15, 2015
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
APOLINARIO MABINI--PAGPUPUGAY
SAN JUAN: Ang Mapagpalayang Praxis ng Rebolusyonaryong UNITAS 52 APOLINARIO MABINI: Ang Mapagpalayang Praxis ng Rebolusyonaryong Sambayanan ...
-
PAGSUBO K SA ISANG MAPAGPALAYANG PAGKILALA'T PAGTAYA SA SINING NI JOSE CORAZON DE JESUS by E. SAN JUAN, Jr. Dahil sa ma...
-
KONTRA-MODERNIDAD: PAKIKIPAGSAPALARAN SA PAGTUKLAS NG SARILI NATING MAPAGPALAYANG KABIHASNAN Kung ang katotohanan ay matatagpu...
-
ULIRANG HALIMBAWA NI EFREN ABUEG: Tungo sa Mapagpalayang Sining ni E. San Juan, Jr. Kamakailan, bago ipinawalan ang “Morong 43” na biktima...
No comments:
Post a Comment