PAGHAHANAP KAY CIRIO PANGANIBAN
ni E. San Juan, Jr.
Bakit mag-aabala pa tayo sa kung sino
ang may-katha ng ating araling tula kung naibalita na, kahapon o malaon na, na
patay na ang awtor? Paano, saan matatagpuan siya, ang mga buto o labi man lamang?
Binabasa natin ang "Three O Clock
in the Morning." Ano ang saysay nito, ano ang kinalaman sa atin? Bakit
makahulugan ito? Anong kabutihan, kung mayroon man, ang dulot nito?
Ipagpalagay nating di pa tuluyang
utas, kundi naghihingalo pa, ang tinaguriang "awtor," ibig sabihin,
ang responsableng taong lumikha ng kulupong na mga salitang ito. Mag-asta
tayong usyoso, curiosity-seekers, wika nga. Baka maging Lazaro pa ang ating
awtor. Paulit-ulit sa mga teksbuk ang
kauting datos tungkol kay Cirio Panganiban, awtor ng "Three O'Clock in the
Morning." Matatagpuan ang tula sa antolohiya, Ang Ating Panitikan (1984),
nina Isagani Cruz at Soledad Reyes, at sa inedit ni Efren Abueg na ikatlong
edisyon ng Parnasong Tagalog ni A G Abadilla.
Inulit sa Internet ang naitala na nina J Villa Panganiban at
Consuelo-Torres Panganiban sa kanilang Panitikan ng Pilipinas
(1954). Sinilang noong Agosto 21,1895
sa Bocaue, Bulacan, ang awtor ay naging patnugot ng Surian ng Wikang Pambansa
(circa 1950s). Bukod sa pagkamanananggol, siya ay makata kwentista, mandudula,
mambabalarila, at guro ng wika. Laging binabanggit ang kuwento niyang
"Bunga ng Kasalanan" na nalathala sa Taliba na pinagkamit niya
ng titulong kwentista ng taong 1920 dahil sa boto ng mga mambabasa ng magasing Liwayway.
Napuna ng kritikong Teodoro Agoncillo na sa katibayan ng kuwento ni Panganiban,
ang mga manunulat sa atin ay marunong nang "magtagni-tagni ng mga
tagpo" sa isang banghay (1949, 17).
Kilala rin si Cirio Panganiban sa
dulang "Veronidia" (1927) na "lumikha ng pagbabago sa kasaysayan
ng mga dulang Tagalog" (Panganiban & Panganiban 1954, 203). Laging tampok siya bilang makata ng mga
tulang "Sa Likod ng Altar,"
"Karnabal ng mga Puso," "Manika," "Sa Habang
Buhay," atbp. Kabilang si Panganiban sa grupo ng mga manunulat ng
"Ilaw at Panitik," at nasabi ko nga, sa isang antolohiya ng mga salin
sa Ingles, na si Panbaninban ay "link between the bardic style of Huseng
Batute and the retrospective self-dramatization of A.G. Abadilla" (San Juan
1974). Kung paano ito nag-ugnay kina Batute at Abadilla, ay isang problemang
baka maitalakay sa daloy ng diskursong ito.
Lapit sa Likhang-Sining
Sa paniniliksik ko, isang sanaysay
lamang ang nauukol sa panitik ni Panganiban, ang kay Ben Medina na lumabas sa Philippine
Studies (1971), at tungkol naman sa "Three O'Clock in the
Morning," ang kay Virgilio Almario (2006). Ang komentaryo ni Medina ay
pagpapatunay sa naisaad ng tala sa Wikipedia: "Naging alagad siya ni
Balagtas sa pagsulat ng tula. Tradisyunal ang istilo niya sa pagbuo ng tula
subalit ng malaunan ay nagbago na rin ng istilo, tulad ng masisinag sa
"Manika" at sa "Three O'Clock" (2014). Tungkol sa
"Manika," hatol ni Medina: "Napalayo siya sa pinagkaugaliang
sukat, subalit pinatibayan niya ang likas na aliw-iw, indayog, ng mga salitang
Tagalog..."
(1971,
302). Nakatutok pa rin si Medina sa pagkilates sa sining ayon sa pagsunod nito
sa tradisyonal na pamantayan.
Dalawang beses nang nadalaw ni Almario
itong tulang ito, una sa kanyang 1972 libro, Ang Makata sa Panahon ng Makina,
at sa pangalawa, sa formalista't Marxistang punto-de-bista sa kanyang 2006 libro, Pag-unawa sa Ating Pagtula.
Makitid ang
pagtutumbas ni Almario ng "makauring pananaw" at realistang
pamantayan ng Marxismo. Kaya itinuon niya ang "tipo ng buhay na
isinasadula sa tula," alalaong baga, "ang dekadenteng buhay na dulot
ng modernisasyon" (2006, 283).
Mistipikasyon lamang ito, ayon sa Marxistang kritiko ni Almario,
samakatwid: "..ang tula ay isang romantisasyon ng aliw sa ganitong pugad
ng mariwasa at hindi nakatutulong sa paglalantad ng bulok na relasyong
panlipunan sa loob ng salon" (2006, 284). Batid nating mayaman ang pamilya
ng makata, kaya "mambabaw kundi ma'y romantisadong paggamit" ng paksa
ang nangyari.
Konklusyon
ni Allmario: delikado itong ipabasa sa progresibo (o inaaping) sektor ng
lipunan.
Bagamat maraming partikular na detalye
ang nabalik-tanaw ni Almario sa kanyang pormalistang paghimay, lubhang dahop
kundi man karikatura ang demonstrasyon niya ng Marxistang pagbasa. Moralista
ang tula, ayon kay Almario, ngunit taglay ang angking gayuma o "iwing
kamandag." Hindi naipagkabit-kabit
ang masalimuot na aspektong bumubuo sa tula. Bagamat nailugar ni Almario ang
panahon ng tula sa kolonyang milyu ng Amerikanisadong lipunan bago sumapit ang
WWII, istatiko't walang makatuturang relasyon ang panahong iyon sa nakalipas at
sa darating na epoka ng kasaysayan ng bansa. Mas malawak ang tanawing
panlipunang nailarawan ni Almario sa pagsakonteksto niya ng tula sa 1984 libro
niyang Balagtasismo versus Modernismo, ngunit walang bisa iyon sa
pagpapakahulugan sa mapagpasiyang paghahati ng panahon sa dulang itinanghal ng
tula.
Iba naman ang hagod ni Rolando
Tolentino sa degenerasyong naturol na ni Almario. Hindi sermon ang tula kundi pagpapatibay sa indibidwalistikong
liberalismong ikinalat ng Amerika sa ilalim ng ideolohiyang demokrasyang
liberal. Ipinakita ng tula ang tagumpay ng liberalismo, pakiwari ni Tolentino.
Dagdag niya: "Ang pagtula ni Panganiban sa ganitong paksa ay pagbibigay ng
lehitimasyon sa degenerasyon bilang kabahagi ng liberal na gawi--na sa hulling
usapan, ang indibidwal ang may ahensya ng paglahok, pagpigil at pagwaksi sa
kalakarang panlipunan, kahit pa nga nagpapahiwatig ito ng degenerasyon"
(2007, 179). Sa palagay ko, tila
kalabisan ang pagbibigay ng ahensiya sa nag-iisang indibidwal, sadyang salungat
sa tipikal na representasyon ng dula at tauhan sa tula.
Musika ng mga Aliping Nagbalikwas
Sa halip na ulilang indibidwal, ang
diwa ng solidaridad at dinamikong alingawngaw nito ang kinakatawan ng tula. Ang
laman at anyo ng "jazz," genre ng tugtuging "Three O'Clock in
the Morning," ay hango sa "call-and-response" ritmo ng mga
Aprikanong nagtatrabaho sa mga plantasyon ng bulak sa Katimugang Estado ng
Amerikano noong panahong ante-bellum, bago sumiklab ang Giyera Sibil.
Kahalintulad ito ng sitwasyon ng kolonya't malakolonyang bansa na sinakop at
nilupig ng puting Establisimyentong umangkin sa jazz at kinomodify ito bilang
kagamitan sa pagkamal ng kita at tubo sa Amerikanisadong cabaret noong dekada
1920-1942 sa buong kapuluan.
Mula sa kasaysayan ng mga itim na
alipin sumibol ang jazz, katibayan ng kolektibong pananagisag ng pagkakaisa ng
mga alipin/esklabo sa kanilang kasawian at pakikibaka. Bagamat may namamayaning
temang sinusunod ng lahat ng gumaganap sa orkestra sa paglalaro sa jazz, may
kalayaan ang bawat isa na humabi ng kanyang baryasyon o bigyan-kahulugan ang
dominanteng tema sa isang partikular na tono't bilis na ekspresyon ng
pansariling nais sa loob ng napagkasunduang porma ng musika. Ibig sabihin, ang
ahensiya ng indibidwal (musikero, alipin) ay nakakapa sa kolektibong pagsisikap
isakatuparan ang layuning bumubuklod sa lahat, ang bukal ng kahalagahan ng
partikular na identidad ng kasapi sa orkestra.
Kawangki ang istruktura ng jazz ang
pagsulong ng tatlong eksena sa tula. Ang praktika ng pagsasalit-salit ng
indibidwal at lipunan ay naipahiwatig sa transisyon mula sa
"lilipad-lipad" na mananayaw hanggang sa pigura ng babaeng humibik,
"hinahanap-hanap ang puring nawaglit." Ang mismong
senyas/representamen ng jazz ang siyang nagdadala sa pagsulong ng tula mula sa
masiglang aliw sa unang saknong, kasunod ng dalumat sa pansamantala't
mapaglinlang na uri ng ganda't saya, hanggang sa huling saknong na saksi sa
pagtuklas ng kabiguan kaalinsabay ng paglukob ng dilim sa dati'y maaliwalas na
kapaligiran.
Sa
guwang ng kontradiksiyong ito sumingit ang rason/batayan ng pagkakawing ng
ikoniko't indeksikal na senyas ng tula at tagpo't aksiyon, ang dahilan na ang
hugis ng nadaramang kapaligiran ay di dapat ituring na katotohanan kundi
pambungad na hagdan o panimulang palantandaan ng katunayang matutuklasan sa
dulo ng takbo ng karanasan. Ito ang lohikang interpretant, ang masaklaw ng
kahulugan ng tula. May himatong ng pagsasanib ng realidad at pantasya, ng
dalamhati sa katalagahan at ligaya sa fantasya, sa metapora ng pusong naglalaro
sa isang sandali, kapagdaka'y nagsisinungaling. Sa natatanging lugar ng cabaret
at panahon ng alanganin o biting yugto ng kinaumagahan nasapul ang ethos o
chronotope ng kabuhayan sa kolonisadong Pilipinas.. Sa ganitong paraan
matagumpay na napagsanib ng makata ang anyo (porma) at laman (tema) ng tula.
Semiotika ni Peirce
Sandaling ibaling ko ang diskurso se
semiotika ni Charles Sanders Peirce.
Naipaliwanag
ko na sa isang sanaysay na lumabas sa Daluyan 2014 (pamagat:
"Kahulugan, Katotohanan, Katwiran: Pagpapakilala sa Semiotika." Naipaliwanag ko na rin ang ilang batayang
prinsipyo ng teorya ng senyas ni Peirce. Pwedeng idiin muli ang triyadikong
paradigma nito: obheto--senyas o representamen--interpretant. Sa lingguwistika
ni Saussure, ito ang signifier-signified na binaryong relasyon, tiwalag sa
"obheto" o yaong okasyon o dahilan ng signipikasyon. Ang interpretant
ang siyang nag-uugnay sa obheto (referent, sa ibang diskurso) at sign/senyas.
Iniuugnay ng interpretant ang marka o
representamen sa bagay na tinutukoy, ang obheto. Sa gayon nagkakaroon ng
kahulugan ang senyas para sa isang nagpapakahulugan (hindi laging tao
ito). Pansinin na hindi dekonstruksyonista
si Peirce sapagkat ang obheto ng semiotika ang nagtitiyak o nagtatakda sa
senyas/salita/marka, kaya hindi arbitraryo ang lahat ng pagpapakahulugan o
signipikasyon. Gayunpaman, hindi lubos
na natitiyak o naitatakda ng senyas ang interpretant (Peirce 1991, 253-259).
Kaakibat ng interpretant ang obheto na siyang nagbibigay ng kahulugan sa
senyas/sign, kaya maraming posibilidad ito--at hindi talagang maiiwasan ang
kalabuan, kamalian, ambigwidad, at walang patid na sikap sa trabaho ng unawaan
at pagpapaliwanagan.
Humigit-kumulang, maitutukoy ang
tatlong uri ng interpretant: ang kagyat o immediate interpretant, na hindi pa
lubos na nakamamalay at nakakikilala kung ano ang ibig isiwalat na senyas. Ito
ang reaksyon sa unang basa ng tula: kakaunti lamang ang nasakyan. Pangalawa, ang dinamikong interpretant.
Tinutukoy nito ang lahat ng pormalistiko't moralistikong pagbasa. Ito ang
epektong aktuwal ng mapagkawing na punksiyon ng senyas sa ulirat. Nasa ilalim
ng kategoryang ito ang nabanggit na kritisismo. Pangatlo, ang pinal o pinakahuling interpretant. Ayon kay Floyd
Merrell, "the final interpretant is that which is accessible only in the
theoretical long run and hence outside the reach of the finite interpreter or
interpreters" (2000, 128).
Pinalalim ni Peirce ang pagtalakay sa
pag-imbento ng "intentional interpretant" na isang senyas na ginawa
ng nangungusap upang magkaroon ng komunikasyon. Maari ring magbuo ang
nangungusap o sumusulat ng"effectual interpretant" kung saan nagkabisa
o tumalab ang senyas ng inilahad ng nangungusap (Liszka 1996, 90). Sa palagay ko, ang dalawang ito ay kalakip
sa dinamikong interpretant. Kung lalagumin, ang iba't ibang antas ng dinamikong
interpretant ay maaaring mapatingkad at mapayaman sa masinsinang pagpapaloob ng
porma at nilalaman ng tula sa kuwadro ng mahabang kasaysayan ng bansa na
nagkakabit sa rebolusyon laban sa Espanya at sa Amerika hanggang sa pagsakop ng
Hapon.
Sa aking pagbasa, itinuring kong sa
likod ng partikular na detalyeng mailalahad sa isang sosyolohistikang ulat,
naroon ang intensiyong gamitin ang penomena upang ipaabot ang isang mapanuri't
mapaglagom na pangitain: ang karanasan ng kolektibo, ng buong lipunan,
Pagpapalawig ito sa literal o denotatibang katuturan. Pagbibigkis iyon sa
punto-de-bista hindi ng isang grupo o pangkat kundi ng buong sambayanan.
Sisipiin ko ang nailahad ko na sa nabanggit na artikulo:
Sa pakiwari ko, ito ang
alegoryang nakalakip sa kategoryang Pangalawahin, binubuo ng indeks ng
limitasyon sa kagustuhan o pagnanais ng tao. Malinaw na ang temang nakasentro
ay
pagkabigo, kabalintunaan,
sakit, at sakuna dulot ng mapanggayumang hibo ng magara’t nakasisilaw na
pamilihan/komersyo ng lungsod dala ng Kanluraning kapital. Naranasan ito sa
pangyayaring naganap. Ang bayang Pilipino ang natukso ng Amerika, ngunit sa
pagitan ng gabi
ng kahirapan at umaga ng
katubusan, hindi pa rin makaigpaw sa romansang walang kasasapitan. Ang
kaligtasan ay nasa pagmumuni sa takbo ng ating kasaysayan noong bago
"liberasyon" sa pananakop ng Hapon (San Juan 2014, 12)..
Pakay at Motibasyon ng Pagtatanong
Bakit ko naungkat ang rason ng ating
pag-aaral at imbestigasyon tungkol sa kahulugan? Ano ang silbi nito sa ating
buhay?
Ipagunita natin sa kalipunan ng mga
nag-sisisyasat--tayo ito, ang komunidad ng mga mananaliksik at nagsusuri--ang
dahilan ng pag-uusisa sa senyas, wika, sining. Ang kahulugan ay isang proseso
ng komunikasyon sa iba't ibang mga ahensiya. Ang produkto nito ay impormasyon,
at ang bisa o resulta ng komunikasyon ay pag-uunawan, yaong ibinabahaging
pagkakaiintindi na pag-aari ng lahat, kaalamang gamit ng lahat.
Samakatwid, ang layon o pakay ng
pag-aaral (inquiry, sa kataga ni Peirce) ay pagkakasundo sa isang totoong
paniniwala o kaalaman (Liszka 1996, 81). Sa pangkalahatan, pagkakaisa sa opinyong
naitatag na. Ang bunga naman ng tunay
na paniniwala, na mataimtim na pinaninindigan, ay pagkontrol sa sarili,
disiplina sa sarili; at para sa madla, kilos o ugali o gawi ng nagpapakita ng
konkretong pagkamakatwiran (concrete reasonableness). Sa dagling pagsusuma, ang
layon ng interpretasyon ay isang makatwirang pagkilos o aksyong taglay ang
pagkamakatwiran.
Sa ganitong perspektib, sikapin nating
patalasin at palawakin ang sakop ng interpretant. Bakit? Upang magamit ang
pagbasa sa tula sa pagkakamit ng mas mapagpasiyang kabatiran tungkol sa
kontribusyon ng tula sa ating dunong, talino, damdamin, kakayahan,
sensibilidad. Hindi ito pagkakataong ilahad ang teorya ng interpretasyong
iminungkahi ni Fredric Jameson sa kanyang "On Interpretation: Narrative as
a Socialiy Symbolic Act," kasama sa The Political Unconscious
(1981). Sa halip, tunghayan ang kanyang proposition sa kanyang "Third
World Literature in the Era of Multinational Capitalism."
Naimungkahi ni Jameson pagkatapos
sipatin ang halimbawa ni Lu Hsun, ang rebolusyonaryong manunulat ng Tsina, na
ang manunulat sa Pangatlong Mundo ay kaiba sa katukayo niya sa
industriyallisadong metropolitanong sentro. Kaiba dahil ang relasyon ng pribado
at publikong larangan, ang koneksiyon ng pulitika at pansariling kapakanan, ang
papel na ginagampanan ng intelektwal sa pulitikong digmaan ng kolonyalismo at
sinakop. Ilapat ang obserbasyong ito sa panitik ng mga kapanahon ni
Panganiban: "Third-world texts,
even those which are seemingly private and invested with a properly libidinal
dynamic--necessarily project a political dimension in the form of national allegory: the story of the private individual destiny is always an allegory
of the embattled situation of the public third-world culture and society (2000,
320)."
Maidadag na sa klima ng kulturang
kinasangkutan ng mga pagpupunyagi ng kapisanang Ilaw at Panitik, kabilang na si
Panganiban, ang usapin ng kalayaan at kasarinlan ng bansa laban sa Estados
Unidos ay maigting na adhikain. Laganap ito buhat nang sumuko si Aguinaldo sa
Estados Unidos at nagapi ang mga gerilya ni Macario Sakay. Sa isang pulong ng
grupo noong Agosto 1915 nasambit ni Panganiban ang pahayag ng dakilang simulain
ng manunulat sa panahon ng pananakop na manalig sa sariling pag-iisip, itaguyod
ang liwanag ng patnubay na paninindigan "Na ang Laya't Katubusa'y panitik
ang nagguguhit, / Ang tao at ang baya'y tinutubos ng panitik" (sinipi ni
Almario 2014, 257).
Samakatwid, ang dula ng "Three
O'Clock in the Morning" ay isang alegorya ng bansa. Iyon ay dramatikong
pagsisiwalat ng sitwasyon ng bansa sa pagitan ng ilusyon ng hegemonya ng
Amerika at malupit na okupasyon ng pasistang lakas-pandigma ng imperyong Hapon.
Batay sa bagong kaalamang ito, ano ang nararapat ipagpasiya sa pag-ugit sa
pagpapalaya't pagsulong ng buong bansa?
Kung sisipatin sa ganitong kuwadro ng
pagpapahalaga, lilitaw na ang tula ay isang masaklaw ng talinghaga, isang
alegorya ng sambayanan, hindi lamang ng ilang indibidwal o pangkat (San Juan
2015). At ang interpretant nito, kung makalilipat mula sa dinamiko hanggang
final o effectual na antas, ay mahihikayat magpasiya na, una, ibahin ang
sitwasyon ng panitikan at mambabasa; pangalawa, gamitin ang impormasyong
nahugot sa tula at ilapat sa hinihingi ng bagong kapaligiran; at pangatlo, sa
pagbabago ng ating kamalayang panlipunan at pangkasaysayan, kailangang baguhin
ang ayos ng lipunang giinagalawan natin.
Dapat salungguhitan ang tesis nina
Peirce at iba pang pantas (Bakhtin, Althusser) sa Marxistang tradisyon na ang
wika, sa panitikan o pasalitang diskurso, ay isang praktikang panlipunan na
mahigpit kalakip ng kasaysayan at pulitika. Ang panitikan ay isang tahasang
interbensiyon sa tunggalian ng iba't ibang uri, sektor, lakas, isang sandatang
pampulitika na bumubuo ng suheto/identidad sa pamamagitan ng interpelasyon o
pagtawag sa tao upang maging suheto o aktor sa isang dulang
pangkasaysayan(Lecercle 2005, 198).
Nasa sa inyo, mga mambabasa, ang
tungkuling pigilin ang takbo ng panahon, o lumikha ng bagong daigdig na
makatutubos sa panahong lumipas. Isang asignatura itong tumitimbang sa
katuturan ng panitikan o sining bilang mga pangangailangan sa larangan ng
kritika ng ideolohiyang mapaniil at utopyang bumabanaag sa harapan, isang
mabisang patnubay tungo sa pagpupunyaging makamit ang isang makatao't
makatarungang lipunan (San Juan 2015).
SANGGUNIAN
Abueg,
Efren. 1973. Parnasong Tagalog ni A.
G. Abadilla, Ikatlong Edisyon. Maynila: MCS Enterprises Inc.
Agoncillo, Teodoro, 1972.
Ang Maiklng Kuwentong Tagalog (1886-1948). Maynila: Inang Wika
Publishing Co.
Almario, Virgilio. 1984.
Balagtasismo Versus Modernismo.
Quezon City: Ateneo University Press.
----. 2006. Pag-unawa sa
Ating Pagtula. Maynila: Anvil.
---. 2014. Ang Tungkulin ng
Kritisismo sa Filipinas. Quezon City:
Ateneo de Manila University Press.
Jameson, Fredric 1981. The Political Unconscious. Ithaca: Cornell University Press.
-----. 2000. The Jameson
Reader. Malden, MA: Blackwell.
Lecercle, Jean-Jacques. 2005.
A Marxist Philosophy of Language. Chicago IL: Haymarket Books.
Liszka, James Jakob. 1990. A
General Introduction to the Semeiotic of Charles Sanders Peirce. Bloomington, IND: Indiana University Press.
Medina, Ben S. 1971.
"Panganiban: Tradisyon at Modernismo." Philippine Studies 192 (1921):
287-306.
Panganiban,
J. Villa & Consuelo Torres Panganiban.
1954. Panitikan ng Pilipinas. Quezon City: Bede's Publishing House.
Peirce,
Charles Sanders. 1991. Peirce on Signs. Ed. James Hoopes.
Chapel HIll: University of North Carolina Press.
San Juan,
E., ed. 1974. Introduction to
Modern Pilipino Literature. Boston:
Twayne.
-----. 2015.
Lupang Hinirang, Lupang Tinubuan: Mga Sanaysay sa Politikang Pangkultura at Teorya ng Panunuri. Manila: De La Salle University Press.
Tolentino,
Rolando B. 2007. Sipat Kultura. Quezon City: Ateneo U Press.
Wikipedia. 2014
"Cirio Panganiban."
<http://tl.wikipedia.org/w/index.php?title+Cirio_Panganiban&oldid=1436428>
___________________
<philcsc@gmail.com>