PAGTUTUOS SA HINULUGANG TAKTAK, ANTIPOLO, RIZAL
---ni E. San Juan, Jr.
Abala tayo pagkaraang dumalaw sa mga kasama't bilanggo sa Camp Bagong Diwa.
Narito tayo sa Antipolo, umaapaw sa takot at pangamba, tinatanaw
ang istatwa ng Birhen ng Immaculate Concepcion Church
nilambungan ng mga higanteng gusali ng SM at Robinson Mall....
Balisa, alinlangang --dahil alanganin? Anong dapat gawin
sa labas ng rehas at pader alang-alang sa mga nakapiit?
Sa loob, mahigpit at ginigipit, walang masagap na huni o saluysoy ng batis.
Sa kasalukuyan, di masukat na hilakbot, iniisip kung ilang libong biktima--
subsob sa agam-agam, walang hanggahang bagabag, pagkabalino....
Sa iyong panimdim, Mahal, di pa naghihingalo ang pag-asa sa gitna
ng mahinahong salimbay ng kawayan sa dapit-hapong ito
sa loob ng hardin ng Birhen, bago tayo lumipat sa Hinulugang Taktak....
Tiyak na gigising tayo sa umaga, masigla, ngunit sila sa seldang siksik--paano?
Alaalang di natigatig, tayo'y nahulog sa bangin ng rehimeng sakim at malupit;,
sinugpo ang pagkatao't sinupil, dinuhagi, inapi--ilang dantaon na....
Sa kung anong kabalighuan, inaasam pa ring makahulagpos, tumalon, tumakas....
Minsa'y napagwaring ubos na ang pagtitiis, nilunod na ng hilahil at ligalig.
Dito sa pampang ng ilog, minamasid ang talong walang pagod....
Kagila-gilalas ang biyaya ng kalikasan, pinapawi ang sindak, balisa't pag-aalaala.
Walang ipinagkakait ang kalikasan, walang pagbabawal, pinagbibigyan,
kahit hindi lumuhod o magdasal.
Payo mo, Mahal, itakwil ang lumbay, itigil ang dalamhati, huwag dumaing.
Nawa'y maiwaksi ang pagkabahala't tanggapin ang idinudulot ng bawat sandali....
Wala ngayon, tapos meron....Di pa ganap sila, tayo....patuloy ang agos, daloy--
Namumutawi doon, ngayon, ang tinig ng kinabukasang kasaliw
ng awit ng ibon at lagaslas ng talon sa bawat buntung-hininga.
Kaakit-akit ang tanawing kumakanlong sa atin, kaalinsabay ng usad ng panahon.
Sa maluwalhating oras na ito, walang ligamgam na gumagambala--at sa gayon,
pabayaan ang inhustisya? Payagan ang kabuktuta't pagmamalabis?
Dito sa Hinulugang Taktak, limot na ang pag-aantabay sa ipinangako ng Birhen.
Di na inaapuhap, ipinagkatiwala sa mga anak at salinlahi
ang ani at kaganapan ng kinabukasang malaya't maligaya...
Walang alinlangan, damhin ang sukdulang malasakit ng araw at bulaklak at agos
alang-alang sa mga ibinilanggo. dinukot, binugbog, pinaslang..
Natalukbungan na ng ulap ang krus ng Simbahan, ang mukha ng Birhen....
Dito sa pampang, hindi talusira't mapanibugho ang damo't halaman... Ngayon,
Nakatambad ang mukha mo sa humahapong sikat, natabingan ng lungkot
ngunit bunyag, nakalantad sa titig ng bulaklak at haplos ng amihan--
Sa gunita ko't panaginip, alaga't hinirang ka ng sanlibutan, bukod-tanging pinagpala....
Bumitaw, bumigay, hiwalay sa anino ng Birheng ligtas sa kilabot ng Estado,
pumipintig ang damdamin sa bawat salimbay ng tubig,
pumipiglas, pinupukaw ng mga bayaning nag-alay ng buhay...
Walang kailangan, matiyagang isakatuparan ang hinihingi ng pagkakataon,
ang anumang napagkasunduang pasiya ng kolektibo sa pakikibaka.
Walang alinlangang magtatagpo muli tayong lahat sa sangandaan ng Antipolo
hanggang may kaluluwang nais umigpaw, bumaklas, umalpas,
diwang nasang yapusin ang hibong pumupulandit sa talong marahas,
lakas ng pangarap at pithayang rumaragasa't dumadaloy
sa ating pinagbuklod na dibdib.
###
Others have given their lives, without doubt or heed...Scaffold or open plain, combat or martyrdom's plight, 'Tis ever the same, to serve our home and country's need. -- JOSE RIZAL, "My Last Farewell" // Sapagkat ang mundo'y bayan ng hinagpis Mamamaya'y sukat tibayan ang dibdib... -- FRANCISCO BALAGTAS, "Florante at Laura" //
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
APOLINARIO MABINI: SA PAGITAN NG DALAWANG IMPERYO
kritike 18, 1 (2024)--UST E-JOURNAL Sa Pagitan ng Dalawang Imperyo: Pilosopiya at Politika sa Ang Rebolusyong Filipino ni Apolinario Mab...
-
KONTRA-MODERNIDAD: PAKIKIPAGSAPALARAN SA PAGTUKLAS NG SARILI NATING MAPAGPALAYANG KABIHASNAN Kung ang katotohanan ay matatagpu...
-
AMADO V. HERNANDEZ : AN INTRODUCTION By E. SAN JUAN, Jr. By general consensus, Amado V. Hernandez (1903-1970) is the most serviceable ...
-
ULIRANG HALIMBAWA NI EFREN ABUEG: Tungo sa Mapagpalayang Sining ni E. San Juan, Jr. Kamakailan, bago ipinawalan ang “Morong 43” na biktima...
No comments:
Post a Comment