Wednesday, January 23, 2013

PALAYAIN SI ERICSON ACOSTA!

INTRODUKSIYON SA

 "PITONG SUNDANG: MGA TULA AT AWIT" NI ERICSON ACOSTA

--E. SAN JUAN, Jr.



          Malamang na di na kailangang ipakilala pa sa madla ang awtor ng librong ito, si Ericson Acosta (Ka Eric dito), ibinilanggong manunulat, kompositor, mang-aawit, peryodista, at aktibistang intelektuwal. Ngunit walang katiyakan sa buong mundo. Sa kaharian ng Kapital lukob ang neokolonyang Pilipinas na  (sa turing ni Ka Eric) isang malaking "penal colony," lahat ng matatag (ang status quo) ay lumalambot, nalulusaw, nagsasabula. Walang permanenteng sitwasyon saanmang lugar. Nagbabago, nag-iiba ang lahat--katawan, kulungan, gawi, institusyon, ikaw, ako, tayong lahat.

    Gayon ang nangyari kamakailan. Sa tulong ng mga kampanya ng SELDA, KARAPATAN at mga organisasyong internasyonal, pansumandaling nakalaya si Ka Eric, mahigit 23 buwang nakapiit, upang maikonsulta ang kalusugan. Nagkaroon siya ng malubhang sakit na bunga ng tortyur at matinding parusa na ipinataw ng rehimeng Aquino buhat hulihin siya noong Pebrero 13, 2011 nang walang warrant at ilagak sa Calbayog City jail, Samar. Sakdal sa kanya: "illegal possession of explosives," hinalang lihim na nakipagtalik sa kinumpiskang laptop kompyuter.

    Hintay, mga awtoridad ng Estadong palalo, nagsasaliksik noon ang makata tungkol sa karapatang pantao at kondisyon ng pamumuhay sa San Jorge, Samar. Krimen ba 'yon?  Gamit ang kanyang mayamang karanasan at bihasang dunong bilang mamamahayag (UP Collegian; Manila Times; ABS-CBN, atbp), pinag-aaralan ni Ka Eric ang sitwasyon ng mga mamamayan kaakibat ng paglilingkod sa kolektibong pagsisikap umunlad. Ngunit tulad noong panahon ng panananakop ng tropang Amerikano sa Balangiga circa 1901 (tingnan ang tulang "Jacob 1901"), ang pulo'y arena ng madugong tunggalian ng mga uri. Napagitna ang makata; sa gipit at gulo dumagsa ang mga "ibong mandaragit"...  Walang pakundangan sa batas, katuwiran, at karapatang pantao, ikinulong ang iskolar ng bayan at inabuso siya--hanggang sumiklab ang galit at protesta ng libulibong nakiramay, mula Amnesty sa London hanggang PEN International at United Nations, mga samahang inireklamo ang masahol at walang katarungang pagpaparusa sa taong walang sala kundi pag-alay ng kakayahan at talino sa ikabubuti ng bayan.

    Nagmamadali ang takbo ng globalisasyon, ngunit sadyang makupad ang andar ng makina ng hustisya sa ating bansa. Pwede tayong maghintay bago arestohin ang sarili, siyasatin ang prehuwisyo't haka-haka, bago tasahin at lasapin ang nakapaloob. Itinatampok dito ang katotohanan ng danas ng isang tao sa piitan at sa iba't ibang sitwasyon, bago makipagsapalaran sa Samar at laruin doon ng tadhana. Testimonyong personal at pakikipagtalastasang tipikal kapwa ang naihulma dito. Tiyak na makakadaupang-palad natin ang manlilikha, ang protagonista, pati na ang kanyang kinakausap. Di na dapat magpalaboy pa, tuwiran nang sagupain at subuking alamin ang kariktan at gambala ng panitik. Ngunit may ilang habilin na baka makapagpatalas sa pag-unawa't pagkilatis.

 .    Ipalagay na lang itong interbensiyon ko bilang dagdag sa kapanabikan. Lahat tayo'y sabik makibahagi sa anumang naranasan ng kasamang humamon sa dambuhalang imperyalismo at nakaligtas. Ang pakikiksangkot kong ito ay pagpupugay mula sa isang "survivor" ng dekada 1950-1960, panahon ng muling pagbabanyuhay ng nasyonalismo sa patnubay nina Claro Recto, Lorenzo Tanada, Renato Constantino, Teodoro Agoncillo at Amado V. Hernandez (ang dalawang huli'y kolaboreytor ko sa ilang proyekto noon). Saksi ako sa unang sabog ng titis sa Unibersidad ng Pilipinas, ang tagisan hinggil sa Rizal Bill at dokumentong "Peasant War," at unang hakbang tungo sa paglulunsad ng Kabataang Makabayan. At gayundin, sa pagbuo ng kilusan laban sa diktaduryang Marcos sa Estados Unidos at pagsuporta sa masigasig na pagtatanggol at pagtataguyod sa karapatang-pantao, kasarinlan at demokrasyang pambansa sa lupang tinubuan.

    Natagpuan sa pagitan ng lingon-likod sa nakaraan at sulyap-titig sa ibinadhang kinabukasan, ulinigin muli ang paalaala ni Ka Bel (Crispin Beltran) noon mula sa karsel-hospital na kinasadlakan: "Ituloy ang laban!" Nakapupukaw na hudyat ng muling pagsasabalikat ng ating pananagutan sa bayan.

    Sikapin nating isakonteks at timbangin ang magkaagapay na larang ng makata, akda at mambabasa. Mula sa mabulang alimpuyo ng mga pangyayari, ilagom natin ang sitwasyon ng makata sa isang takdang yugto ng kasaysayang pandaigdigan.  Lumundo't pumaimbulog ang krisis sa Pilipinas sa administrasyon nina Arroyo at Aquino. Pagkaraan ng 9/11 at "Global War on Terrorism" ng Estados Unidos na patuloy pa rin ang paghambalos ng mabangis na karahasan sa Iraq, Afghanistan, Yemen, Somalia, at iba pang lupalop, bumagsak ang kapital pampinansiyal noong 2008.  Tumindi ang paghihikahos ng nakararami. At higit na 10 milyong OFW ang nag-abrod (kasama na ilanlibong napinsala sa gyera sa Middle East at Aprika) sa gutom at kawalan ng trabaho sa atin. Idagdag pa ang sigalot ng komprontasyon ng Tsina, U.S., Hapon, Pilipinas, Taiwan at Biyetnam ukol sa hanggahan ng teritoryo (sintomas lamang ng masibang kompetisyon ng mga kapitalista), sunod-sunod na lindol, bagyo at iba pang kalamidad likha ng walang patawad na pandarambong ng mga dayuhang korporasyon, pagpapabaya ng gobyerno, korupsiyon, atbp.  Kapagkwa'y dumating tayo sa isang mapanganib na interegnum ang bansa, naipit sa puwang/agwat mula sa paghihingalo ng bulok na sistema at mahapding pagsilang ng bagong kaayusan.

    Kaalinsabay nito, sumigla ang kilusang makabayan at lumaganap ang kolektibong demanda para sa katarungan, pag-uusig sa krimen ni Arroyo at pasistang militar, at tunay na kasarinlan. Dahil sa matipunong pagsulong ng progresibong kilusan, napilitan ang mga naghaharing uri, kakutsaba ng mga imperyalistang bansa, na palalain ang Oplan Bayanihan at iba pang taktikang katambal ng pagsupil sa mga demokratiko't mapagkandiling pangkat ng binansagang "civil society."  Malinaw ang resulta sa pag-iwas ni Aquino na tanggapin ang karumal-dumal na paglabag sa karapatang-pantao gawa ng kanyang mga bayarang alagad: bukod sa 401 bilanggong pulitikal, nagkaroon ng 114 "extrajudicial killing" at 11 taong dinukot /"enforced disappearances" (isiniwalat ng KARAPATAN).  Walang humpay ang paninila ng kultura ng "impunity," ang pamamayani ng barbarismong kabuktutan ng Estado,  sampu ng galamay ng aparatong ideolohikal-pedagohikal. Tinalakay ito ni Ka Eric sa kaniyang artikulo, "Some notes on people's culture and the International Day of Solidarity with Political Prisoners" (Bulatlat 14 Dec. 2012),

    Ito ang klima't katayuan ng lipunan nang pumalaot ang makata mula sa kampus ng Unibersidad ng Pilipinas. Hinarap ang nag-iiba't nagbabagong mukha ng lipunan  sa pusod ng mga pangyayaring naging pretext/subtext sa mga tulang "Kalampag," "Isang Kontra-Apidabit, "Half Hip-Hop Jailhouse Rap," atbp.  Sa "Dinidiretso," ipinarangalan ang mga biktimang sina Fernando Baldemor, Pops Tenorio at Feliciano Infante. Maigting at nakapupukaw ang paglalarawan ng sakuna, kasawian at pagdurusa ng mga biktima, ngunit bumabalot sa lahat at nagkapagkakawing sa mga detalye ang diwa ng kontradiksiyon, na pangunahing tema ng ilang tula: "Awit ng Kasaysayan," "Pasensya," "Dahil," "Manindigan," "Haranang Bayan," "Magsasama, Magkasama," "Hanggang Huling Patak," "Takipsilim," atbp. Sa "Kawayanan," ang metamorposis ng dalamhati'y tumutumbok sa "sulo" na tangan ng naglalamay. Sa "Astig," "Rehas," "Mula Tarima Hanggang..." at maraming tula, ang bilanggo ay di lamang simbolo ng kahirapan kundi ng katatagan sa paninindigan at pananalig sa katwiran. Laging idinidiin ang "kumulatibong proseso" ng kamalayan, ang "dayalektikal" na pagsulong ng hidwaan at alitan. Ito ang katas-diwa, ang maselang buod ng isinalaysay na aralin, na hindi maihihiwalay sa mabisang multi-determinasyon ng ekonomya at politika sa buhay ng tao.

    Sa pagitan ng kahapon at bukas, umaalimbukay ang kasalukuyang pagtatagisan ng samut-saring lakas. Payo't panawagan ito sa "Alamat": "Mayro'ng katotohanang dapat nating harapin/ Mayroo'ng kasaysayang ating lilikhain / Ngayon din." Gayundin ang pahiwatig sa "Pasensya":  "Pasensya na lang, silang mga halang/ Talagang ganyan, lalaban para mabuhay." Madalas, ironikal na parunggit ang pakikiayon sa mga baligho't balintunang pangyayari.  Mapapansin din ang antig ng testimonyo sa "Isang Minutong Katahimikan":  "Narinig ko/Ang pagmamalaki ng ina sa anak/Na hanggang sa huling hininga ay lumaban."  Nakakintal din ito sa parikala ng "Ang Mga Baliw": "Mga baliw, mga tarantadong/Suwail sa katinuan ng pag-aalipin." 

    Materyalistikong paghimay at pagsanib ang mahihinuhang prinsipyo sa pagbuo ng maraming tula. Mula sa paglalarawan ng hinaharap, nadudukal ang dapat gawin. Mula sa elementong constative, mababakas ang tangkang performative at lagdang imperative.  Mabulas at malusog ang paniniwala ng makata na sa bawat kalagayan, may paglalangkap ng nagtatagisang lakas, may pansamantalang pagbubuhol ng magkasalungat na pwersang siyang motor ng paggulong ng kasaysaysayan at nagbubunsod ng mas malawak na kalutasan sa anumang suliranin. Likas ito sa diwang mapanghimagsik.

    Lampas ito sa paniwalang kapag naibunyag na ang mga kabalintunaan o ipokrisya sa lipunan, tapos na ang tungkulin at pananagutan natin. Tiyak na mag-aakay ito sa pag-aalinlangan at oportunismo;  madalas, dekadensiya at sinisismo ang hantungan ng demistipikasyon kung walang bisyon ng kinabukasang hahalili. Ang kalayaan ay bunga ng pagtanggap at kabatiran sa nesesidad, ang pagkalkula sa papel na ginaganap ng kinakailangan at pangangailangan. Ito ang motibasyong umuugit sa ritmo, talinghaga at paghahanay ng mga salita sa tulang "Pitong Sundang," isang halimbawa ng makatuturang paglalakip ng retorika ng damdamin at didaktikong paghugot ng hiwatig at panuto sa pagsalikop ng kilos at kamalayan, isip at gawa. Suriin ang direksiyon ng haraya sa bigkis ng mga imahen, himig-dasal, at bighani ng talinghagang isiniksik sa mga taludtod na ito :

Sibakin, baklasin natin, mga tulay sa "sang iglap
Tiyaking ang gagatungin, walang aso kung dumiklap....

Tumangan tayong mahigpit sa sundang nating matuwid
Kahit lambong pa nga't hamog ang tangi nating kalasag...

Sablay sa baybay, totoo,
Subalit salatin at silang-sila rin
ang sawing salaysayin
sa siwang ng mga titik na ito--
sumasaludsod sa kalyo at kuko.

    Mapapansin na tahasang taliwas ang gawi ng mga tula't awit dito sa elitistang estilo ng "art-for-art's sake," isang manipestasyon ng komoditi-petisismo. Ang sining ni Ka Eric ay masasabing isang anyo ng praktikang hango sa proseso ng relasyong panlipunan. Hindi ito representasyong muslak o imitasyon ng kapaligiran. Hindi rin repleksiyon ng ulilang kaluluwa, kundi siya mismong produksiyon ng isang kinakailangang porma ng kamalayang sosyal sa isang tiyak na yugto ng kasaysayan (kaugnay ng paghubog ng "tipikal" na karakter at insidenteng isinusog ni Fredrick Engels sa kanyang diskurso tungkol sa estetika ng nobela). Ang birtud ng sining dito ay masisinag sa pakikisangkot ng "Ako" o pansariling atitudo sa kolektibong budhi/bait sa daluyan ng malingap na kolaborasyon at pagdaramayan. Marahil, ang "sikmura ng ina/na nagsubo ng sundang" ang emblematikong sangkalan ng matris ng rebolusyon, ang sisidlan ng nagtagong "explosives," ang hindi nakumpiskang TNT na hitik sa malikhai't mapagpalayang potensyal na kapangyarihan ng sambayanan.

    Ang panitik ni Ka Eric, bagama't nakasandig sa ordinaryong buhay ng mga manggagawa't pesante, ay hindi nakukulong sa taguring "proletarian literature" na kinahumalingan ng mga pangkating "ultra-left' sa Bolshevik rebolusyon. Tinuligsa ni Lenin ang dogmatiko't sektaryang pananaw na bukal ng garapal na kategoryang Tendenzkunst. Natugon ng mapaglarong imahinasyon dito ang hinihingi ng Yenan Forum: popularisasyon ng diwang radikal, pag-angat sa pamantayan. Higit pa rito, ang sintesis ng popular na laman (pabalbal na salita, reperensiya sa operasyong seksuwal, satirikong tawa, makalupang aliw) at realistikong paghahabi (kasanayang halaw sa burgesyang pangitaing empirisista't naturalistiko) ay katibayan na nag-aangkin ng sosyalistang oryentasyon ang mga akdang naiambag dito.

    Walang dudang kumplikado ang paglalakbay ng diwa ng may-akda. Nag-umpisa sa petiburgesyang saray--sino ba ang organikong intelektuwal ng istrukturang neokolonyal na hindi nakaangkla o nakiangkas sa uring ito?--nahulma ang saloobin ng makata sa masalimuot na pakikibaka sa iba't ibang larangan, laluna sa daluyong ng mobilisasyon sa "Nagkakaisang Hanay." Ito ang lohika ng edukasyon ng manunulat sa atin. Gayunman, hindi populista ang katuturan nito sapagkat may tiyak na hangad: pagdurog sa sistema ng pribadong pag-aari ng mga kagamitan sa produksiyon, pag-tanggal sa base ng alyenasyon: lakas-paggawa bilang komoditi (exchange-value). Samakatwid, hindi ito nakabuntot o sumasakay lamang, bagkus namumuno't nagtuturo. Ang importante ay kung saan ka papunta, anong layon o mithiin ang iyong ipinaglalaban sa ngalan ng radikal na transpormasyon ng lipunan, ng pamumuhay ng bawat tao. Laluna, pangunahin ang matalinong pagbubuklod ng teorya at praktika.

    Sa pangkalahatan, matagumpay na naipahayag ng makata ang pananaw ng taumbayan sa isang kongkretong unibersal o multi-determinadong totalidad. Narito ang integridad at dignidad ng paglikha. Sa matalas na diskriminasyon ni Cesar Vallejo, ang bunga ng mga pagsisikap na ito ay sosyalistang likha o akda (lagpas sa antas ng imperyalistang epoka) na nagpapaunlad at umuugnay sa mga komunidad, bansa, kasarian at lahi sa buong mundo.

    Sa antas ng globalisasyong inuugitan ng kapitalismong militaristiko ng Estados Unidos at mga kaalyado, kinakailangan ang sosyalistang sensibilidad ni Ka Eric. Bakit? Sapagkat kamakailan, ang tortyur ay naging upisyal na patakaran ng mga industriyalisadong bansang kumokontrol sa ekonomya't politika ng planeta. Ang danas ng tortyur, pagkapiit, pagkakait ng ordinaryong pangagailangan (tulad ng laptop), pag-quarantine at iba pang pagpapahirap, ay karaniwan o palasak na para sa di-mabilang na mamamayan, sa atin at ibang bansa (ibilang na rito ang Estados Unidos, UK, Alemanya, atbp.). Ang realidad ng tortyur, ang kahulugan at implikasyon nito, ang sinuri't sinipat dito sa pamamagitan ng tayutay, tugma, sagisag at iba pang sangkap ng sining. Naipaliwanag ni John Berger (sa "The Hour of Poetry") na ang sistematikong pagpaparusa ay natatangi, di lamang sa hapding talab ng katawan, kundi sa ispiritwal na impak nito sa komunidad ng diwa sa sanlibutan.  Iyon ay nakasentro sa pagwasak nito sa "assumption on which all languages are based: the assumption of mutual understanding across what differentiates. Torture smashes language: its purpose is to tear language from the voice and words from the truth."

    Sa ganitong perspektiba, paglimiin ang pinakabuod ng ars poetica ng bilanggong politikal dito at sa testimonyo ng iba pang pinagbangisan ng Estado (tulad nina Angie Ipong, Alex Pinpin, Alan Jazmines--di na mabilang ang mga saksi). Bakit makahulugan ang mga akda ni Ka Eric sa paglinang ng ideya't damdamin ng biktima, sa pag-untag at pagpapatingkad ng konsiyensiya, sa artikulasyon ng makatwirang pagbubunyag ng isip at damdamin? Sapagkat sinikap niyang labanan ang obskurantismo, kasamaan at inhustisya na naghihiwahiwalay, sumusugat, pumapaslang. Kuro ni Berger: "The moment of truth is now....Poetry addresses language in such a way as to close  this indifference and to incite a caring" (Selected Essays, 2001, p. 450).

    Ang pinag-uukulang awdyens dito ay walang iba kundi ang komunidad ng mga karaniwang tao saanmang lugar. Kaya hindi ka pwedeng magtago o tumiwalag. Huwag na nating intindihin ang mga kagalang-galang na pantas sa akademya na nagbibigay-pribilehyo sa halaga ng porma at estilo, sa iskolastikong istandard hango sa mga idinikta nina Aristotel, Kant, Arnold, I.A. Richards, Harold Bloom, Northrop Frye at mga disipulo nila. Namamayani pa rin ang neoliberalismong paradigma sa mapanggayumang dikonstraksiyon, sa mga teorya nina Foucault, Deleuze, Negri, atbp. Subalit yumao na sina Derrida at Jose Garcia Villa--hayaang iburol ng patay ang patay.

    Ang sandali ng katotohanan, ang saglit ng pagtutuos, ay dumating na.  Sumabog na ang "moment of truth" sa gitna ng interegnum kung saan nalulusaw ang mga idolo at bulag na ritwal ng pagsunud-sunuran. O kaya'y  nagiging multo o ispiritung nakaluklok sa erotikong kindat ng mga nilalako sa iskaparate sa megamall, sa TV, sa pelikula, sa nakahuhumaling na "ukay-ukay" sa Internet. Pati na ipinagbibiling utak at kaluluwa. Ang komoditi-petisismo, konsumerismo, at pribatisasyon ng kahit anuman ay mahirap takasan. Lahat tayo ay biktima nito, humigit-kumulang. Paano tayo makaiiwas dito, makahuhulagpos, makababalikwas sa egemonya ng anarkistang kapital?

    Natukoy na natin ang pinanggalangin ng awtor, ang organikong saligan ng kanyang pakikitungo sa kapwa. Di lang pakikipagkapwa sa kadugo  (Mabuhay, pantayong pananaw!) kundi taos-pusong solidaridad (sa radikal na pakahulugan sa salitang ito) ng mga busabos, alipin, mga taong pinagmalupitan at pinagsamantalahan saanman. Naibaling na sa unahan ang pagmumuni sa sitwasyong pampolitika at pasistang programa ng mga makapangyarihang may-ari, ang tunay na kriminal sa hatol ng taumbayan. Ipagpaubaya na natin ang masusi't masinop na analisis ng teksto at hugis ng mga akda rito sa ibang kasama, gayundin ang dalubhasang pagbubusisi sa bawat salik ng balangkas ng pagsasalaysay. Pagnilayin natin ngayon ang reaksyon ng mambabasa o awdyens sapagkat kung wala ito, anong halaga ng sining? Sa katunayan, ang sining ay isang produkto/prosesong sosyal, isang praktikang tahasang nakalaan upang ikalugod ng komunidad--ang kaalaman ay ligaya, sabi ng pilosopo--o, kung minarapat, ikabagabag nito. Walang saysay o kabuluhan ang likhang-sining kung hindi magagamit na maiging kasangkapan para sa ginhawa't kasaganaan ng komunidad.

    Sa panahon ng sindak at takot, sa paglusaw ng lahat ng alituntunin at ugaling ipinalagay noong kasingtigas ng marmol na haligi ng mga simbahan at lehislatura, ano ang halaga ng tula? 

    Sinumang nagmamasid sa kalakarang kultural o sumusubaybay sa mga Websites ng Inquirer, GMANews, Interaksyon o Facebook ng mga kababayan, mapupuna na ang pangunahing interes ay mga kaabalahan sa Estados Unidos, Europa at iba pang bansa. Sino ang mga personalidad sa mga kompetisyon sa New York, Paris, London, Berlin, Hong Kong, Tokyo, at iba pang kosmopolitang sentro? Kamusta na sina Angelina Jolie, Eve Ensler, Princess Kate, Beyonce, Obama, Bill Gates, Lance Armstrong? Anong moda rito, moda roon? Kung hindi si Pacquiao o si Miss Universe, mga kabulastugan ng mga trapo at terorismo ng mga pulis at militar. Paminsan-minsan lumulusot ang foto ng mga desaparecidos--Jonas Burgos, Shirley Cadapan, Karen Empeno--o paglilitis sa mga salarin ni Roland Olalia, o kaya ang kaso ng Ampatuan masaker. Bihirang nabanggit ang kaso ni Ericson Acosta sa mga Websites (namumukod ang natatanging Bulatlat at Pinoy Weekly)--ano kaya ang moda ng mga nakahimpil ngayon sa preso sa Taguig, sa Camp Crame, o sa Muntinlupa?

    Lubog sa tindahan ng "world-class" megamall, mausisa natin: may interes pa ba sa mapanuring panitikan, sa anumang matinong katha bukod sa cookbook o katalogo ng kotse, fashion at mga dakilang bayani ng cinema at sports? May interes pa ba sa sining na walang cash-value at taliwas din sa mga gantimpala, awards, titulo, at celebrity cult ng iba't ibang mariwasang sirkulo o grupo?  Idamay na rito ang sangkatutak na komersyalisadong folk-art bilang turistang pang-aliw o propaganda ng administrasyon at mga kasabwat na korporasyong dayuhan. Pati mga OFWs ay panoorin din o exhibit sa TV, pelikula at iba pang midya, laluna kung sila'y inabuso, ginahasa, pinatay. Saan tayo tatakbo at susuot upang mailigtas ang kaluluwa sa salakay ng negosyante't politikong mangingikil na may alok na imported pabango't inuming nakabubuwang?
    
    Sa pabirong panukala, maaaring ipagmalaki na, totoo, walang silbi ang tula para sa ordeng umiiral. Pagkikitaan ba iyon? Bakit pag-aaksayahan ng panahon?  (Magugunita ang tugon ni Balagtas sa "pula't pag-ayop": "Tubo ko'y dakila sa sariling pagod." )  Di mapagkakaila, tayo'y nabubuhay sa gitna ng karahasan at kabulukan, halos matabunan ng naglipanang dokumento ng sibilisasyon at barbarismo na pawang instrumento na rin ng negosyo at burokrasya. Pwedeng tanggapin sa Europa at Norte Amerika na pagkatapos ng Auschwitz at mga "incinerator" ng pasismo (ibilang na rin ngayon ang bantog na bartolina sa Gunatanamo), ayon kay Theodor Adorno, hindi na makasusulat muli ng lirikong awit gaya nang dati. At dagdag pa ni Roland Barthes, patay na ang awtor.

    Diyata? Ngunit sandali lamang, may pagkakaiba: sa mga nasasakop at inaaliping bansa--mga kolonya (halimbawa: Puerto Rico) o neokolonya tulad ng Pilipiinas--nagbabanta pa ang oras ng katotohanan. Malayo pa ang wakas ng naratibo, ang denouement ng dula. Hinagap natin na hindi pa ganap na napawi ang bukal ng matalisik at pagkamaparaang diwa ng mga katutubo't uring pesante, trabahador, kababaihan, artisano--ang nakararami. Ang maalamat na taga-igib at mangangahoy, bumubungkal ng lupa at yumayari ng mga kagamitan--nariyan pa rin sila't nag-iisip, nag-iistratehiya. Sila ang ultimong awtor ng mga akda rito.  Bakit umaasa pa? Sapagkat may lakas-paggawa pang pinipigil, dinuduhagi, umaalsa, bumabaligtad, lumalaban. Oo, nakaimbak pa't nahihimlay ang nagbabagang binhi ng kinabukasan, ang dangal at puri ng sambayanang unti-unting bumabangon.

       Mayaman at malusog ang ating tradisyon ng pakikibaka at pagsisikap na mapalaya't mapaunlad ang ating bayan. Mula pa noong mga rebelyon nina Dagohoy at Gabriela Silang hanggang sa 1896 rebolusyon ng mga Propagandista, Katipunan, at mga gerilya nina Sakay at Ricarte, sampu ng mga Morong nagtanggol sa kanilang tahanan sa Mindanao at Sulu mula noong Digmaang Filipino-Amerikano (1899-1913), walang tigil ang pagpupunyagi ng taumbayan upang mapatalsik ang mananakop. Nagkaisa tayo laban sa rasistang pag-alipusta ng Espanya, ng Estados Unidos, ng Hapon at ngayon, ng korporasyong transnayosnal, World Bank-IMF, kaagapay ng mga taksil sa bayan, ang mga asendero, burokrata-kapitalitasta at malalaking kumprador, at mga bayarang intelektuwal. Ang tradisyong mapanghimagsik ay hindi katumbas ng "holocaust" sa Europa kundi ng rebolusyong anti-pyudal sa Pransiya, mas kahawig ng anti-imperyalistang pakikibaka sa Tsina, Cuba, Algeria, atbp. Naging pagkakataon iyon sa pagsibol at pamumulaklak ng iba't ibang uri ng likhang-sining at panitikan kaakibat ng paglago't paghinog ng kamalayang siyentipiko, mapanuri't mapagpalaya.

         May tradisyon din tayo na isingkaw ang karanasan sa bilangguan sa gawaing pagmumulat at pag-oorganisa sa kamalayang inalipin.  Kabilang na rito ang pakikipagsapalaran nina Balagtas, Rizal, Isabelo de los Reyes, mga mandudulang "seditious," hanggang kina Benigno Ramos, Amado V. Hernandez, Jose Maria Sison, Maria Lorena Barros, atbp. (Kamakailan, nabanggit nga ni Ka Eric, isang  babaeng detenido, si Charity Dino, ay natutong magsulat sa loob ng kulungan.) Sa nangyaring pagkapiit kay Ka Eric, naging partisano na siya sa kapatirang ito. Katibayan siya sa katotohanan ng tortyur at paglapastangan. Saksi din siya sa pagtangkilik ng kapakanan ng mayoryang gumagawa't nagsisilbi. Sa bisa ng pagmamalasakit, kinatawanan niya (sa literal na himaton nito) ang pagsasalita sa panig ng karaniwang tao: isinatinig niya rito ang pangarap, kaisipan at  damdamin ng bayang naghihimagsik. Samakatwid, ang kasaling awtor dito ay kayo rin, madlang sumsubaybay, at ito'y maigting na alegorya ng inyong buhay. Paano naisakatuparan ang adhika't lunggati ng masang anak-pawis?

      Sa dalumat ni Boris Pasternak, ang bigkas ng damdamin ay tahasang alegorikal: "The ineluctable language of all art is the movement of the allegorizing itself, and this language symbolically speaks of force"  (sinipi ni F.D. Reeve, "On Some Scientific Concepts in Russian Poetry," 1966).  Idako muli ang isip sa tulang "Halaw ng Buyonero," o "Isang Minutong Katahimikan" o "Ang Mga Baliw" o "National Geographic Revolution."  Paglimiin kung paano naisaayos at nabuo ang mga kathang ito, anong sagabal at kamyerdahang ginalugad at sinala upang mailuwal ito. Maingat o mapusok man ang indayog ng sensibilidad, masugid o matipid man ang paglinang ng paksain, walang kinalaman ito sa matimping pagsudlong ng tula sa mabagsik na praktika ng araw-araw na paghinga sa selda. Mapapakiramdaman ang saloobin sa "Pagpupugay" na matagumpay na naisakatuparan ang mapagpasiyang eksperimento: ang "kontradiksyong/ang iyong isinabuhay."

    Masaklaw at malalim ang ramipikasyon ng buong proyektong inilunsad ni Ka Eric sa librong ito. Tulad ng "Panata sa Kalayaan" ni Amado V. Hernandez o ng "Bayan Ko" ni Jose Corazon de Jesus (koleksiyong pinamatnugutan ni Monico Atienza), ang militanteng daloy ng mga akda ay hindi limitado ng ideolohiya ng proletaryo o uring petiburgis, hangga't ito'y nagsisikap bumaklas sa kwadro ng minanang kumbensyon at isinuob na ugali't istandard. Bagamat nakatuon sa partikular na karanasan, ang paghabi ng tula ay may di-pangkaraniwang udyok ng lakas na dumadaloy rito, may natatanging sigla at enerhiyang nagbubuhat sa imahen, himig, tugma, talinghaga. Ang mirakulong lakas na iyon ay lumulundag palayo--tungo sa isang mithi, simbuyo ng tuwa, intuwisyon ng alindog sa mukha o panooring kaiba, kakatwa, o nakamamangha. Ang lakas ng imahinasyon ay nakaluklok sa dibdib ng posibilidad, sa pugad ng pagkamaaari. Ito ay katangiang taglay ng di pa nasusubukang kakayahan ng sangkatauhan, nakabungad sa pangil ng lagim ng tortyur at kilabot ng digmaan.

    Maimumungkahi rito ang aksyomang napagnilay na ng sinaunang paham: ang likhang-sining ay isang modelo o huwaran ng kalayaan at kasarinlan, na tahasang inaasam-asam at ninanais ng bawat nilikha, kahit na siya ay sinalanta't ipinagkaitan ng kasukdulang krisis ng kapitalismong global.  Sa gilid ng naisakatuparang mithi ng mga kabihasnang umiiral ngayon, masisilip ang anino ng mga bagay na hindi pa matamo, maabot o makamit ng tao sa kasalukuyang panahon. Panaginip, pantasya sa guniguni, pangarap, alegorikong balak o tangka pa lamang ang mga iyon.  Narito, sa vortex ng galaw/kilos ng kasaysayan, ang ugat ng mapagpalang dunong ng bawat nilalang, na siyang ugat rin ng sining ni Ericson Acosta.  Magkatulong-tulong tayo upang walang takot na mapahalagahan ang mabiyayang okasyong ito. Ipagdiwang at makinabang sa magandang handog na ito ng makatang patuloy na nakikibaka sa detensiyon kapiling ang maraming kababayang nagigipit din, nakapalibot ang maraming kaibigan at kamag-anak at, di magtatagal, walang pasubaling magkakamit ng lubos na kalayaang pinipithaya't idinadasal din ng sambayanang naghihimagsik. --###

                                    --E. SAN JUAN, Jr.
                Fellow, Harry Ransom Center, University of Texas; Emeritus professor of English, Comparative Literature and Ethnic Studies, University of Connecticut & Washington State University

No comments:

APOLINARIO MABINI: SA PAGITAN NG DALAWANG IMPERYO

kritike 18, 1 (2024)--UST E-JOURNAL Sa Pagitan ng Dalawang Imperyo: Pilosopiya at Politika sa Ang Rebolusyong Filipino ni Apolinario Mab...