Tuesday, January 01, 2013


BAKIT?    Panambitan sa Paraluman ng Isang Lagalag   

-- ni E. SAN JUAN, Jr.


Biglang dagok
Sa hiwang nilagda sa kawalan  sumingit ang dila ng walang hiyang panimdim

Kukurap-kurap
Sumikad sa matris ang budhing pinukaw ng samyong bumalong sa burak

Nagbabakasakali
Bumuko ang kutob at udyok ng panganib sa kaluluwang bumalangkas sa tadhana

Hinimay
Sa pagitan ng kidlat at kislap ng alitaptap ang hinabing balatkayo ng katipan

Pumitlag
Sa guwang ng utak ang kontrabandong kapalaran ng dalubhasang manghuhula

Di inaakala
Bumabangon ang alindog sa madugong pagtitipan ng pangako’t kagampan

Bumukal
Umapaw sa ulirat ang alingawngaw ng batis sa lambak ng pag-asang tumakas 

Paglamay sa gubat
Sumingaw ang  halimuyak sa mabulang salamisim ng  babaylang  nagpupuyos

Sa pilikmata namilaylay
Ang birtud ng guniguning namukadkad sa gayuma’t bangis ng tusong kasiping

Paalam   pangarap
Sa pagitan ng bulong at kulog   hulihin ang tuksong-kindat ng diwatang mailap

Ipinagkalooban
Ng himalang agimat ang taong naulol  sa sayaw ng wika’t makiliting bulong ng damdamin

Sukdulang sabik
Sa pakikipagtalik  nabihag ka ng malanding kilos at tili ng mutyang mapagkunwari

Kumikirot
Sa gunita ang sugat ng pangakong maghihilom sa pagkamulat ng kamalayan

Nasumpungan
Paghalimhim ng habagat ang dampulay ng armadong pintakasi ng dukha’t alipin

Lumalapag sa takip-silim
Ang apoy ng bagwis sa altar   lulan ang buto’t kalansay ng di-matingkalang panaginip

No comments:

APOLINARIO MABINI: SA PAGITAN NG DALAWANG IMPERYO

kritike 18, 1 (2024)--UST E-JOURNAL Sa Pagitan ng Dalawang Imperyo: Pilosopiya at Politika sa Ang Rebolusyong Filipino ni Apolinario Mab...