Thursday, November 15, 2012

HANDOG SA MGA BILANGGONG POLITIKAL

TIGIL, VIAJERO, ITUGMA ANG IYONG KALENDARYO
SA "BAYAN NG HINAGPIS"


Bawat umaga
binibilang ng militanteng Alan Jazmines kung ilang linggo, buwan, taon na siya     nakapiit at kailan maitutuwid ang baluktot na kalakaran

Abo na lamang ang apoy kagabi sa kampo sa Sierra Madre
ngunit may titis pang umuusok, lumusong-umahon... Sa nagbabagang uling,
sipat ng tanod, may kagampang nakahimlay ang kislap, liyab, sunog
na tutupok sa bulok na bilangguan sa kahinugan ng panahon.

Bawat tanghali
binibilang ng detenidong Maricon Montajes kung ilang araw, linggo, buwan ang     ninakaw sa kanya ng gobyerno, kailan maibabaligtad ang tadhana

Sa gilid ng estero ng kulungan umusbong at bumuko
ang ligaw na halaman, namukadkad ang pulang bulaklak
sa lilim ng mga baril-kanyon ng Estado lingid sa orasan... Umigpaw,
tumakas habang naglalasing, nagsusugal ang mga sundalong nagbabantay.

Bawat takip-silim
binibilang ng aktibistang Tirso Alcantara kung ilang sampal, bigwas, palo, tadyak     at bugbog ang gantimpala sa kanya ng militar-- kailan darating ang ganting    hustisya?

Mula sa bukal sa bundok gumagapang ang batis di pansin ang orasyon....
Sa gubat umaagos sa magdamag, tangay ang dugo't luha ng pakikihamok,
Nilulusaw ng ilog ang inip ng pag-aasam--Sapaw na ang paglalamay sa gabing ito.
Di na mabilang ang masang tumatawid sa dagat. Kabilang na tayo. Naganap na.
    Oras na ng pagtutuos.


                            --E. SAN JUAN, Jr.



Sunday, November 04, 2012

DULOG KAY KASSANDRA

DULOG KAY KASSANDRA:
PAGBUBULAY-BULAY  HINGGIL SA SULIRANIN NG KADAHUPAN NG WIKA



Matagal mo ring hinimay sa magdamag ng Oktubre 31, 2012, Halloween,
Kung ano ang saysay ng liku-likong kasaysayang nagwawakas....
Buto'y maagnas, katawa'y mabubulok--anong bisa ng dasal o dalangin?

Bukas makalawa, di na mabasa ang kalahig ng manok sa lapida.

Sa gabi ng pagninilay, nalula si Pascal sa walang hangganang himapapawid.
Nagulumihanan, napaluhod sa lawak ng kawalan at sumulat:
"Ligaya, Diyos ko!...Di ko malilimot ang iyong Salita."  Petsa 1654.

Nakatingala, pilit kong inaaninaw kung ano ang mensahe ng bituin sa ulap.
Nais kong malaman kung ano ang ipinahahatid ng buntot ng buntala.
Hangad kong makapa ang salitang ipinaaabot ng mapagbirong Lumikha.

Ngunit paano baybayin ng dukhang kataga ang himalang nasumpungan?

Masukal, masalimuot ang kahulugang binalangkas sa bituka ng hayup.
Kassandra, saklolo! Di ko masapol ang pahiwatig, di ko masubukan.
Mapurol ang dila, ngiwi,  duling,  di ko matarok ang mahiwagang panganoring
      kumarinyo kay Pascal.

Sukat ng taludtod ay palpak, indayog ng saknong ay lumpo't pumapalya.

Tila narinig ni Pascal ang malamyos na tinig ng walang hanggang katahimikan;
Nahinuha niya, kahit sumala sa letra, ang pahiwatig at kalatas ng panginoong     mapanlinlang
At sinikap ibahagi ang senyal ng Maykapal na walang mukha o katawan--
Karanasang binibigkas ng pipi, sinisipat ng bulag, at ikinakatwiran ng baliw--

Kassandra, ipag-adya mo kaming mga walang suwerteng mambebersong
Walang sisiw na ambag kundi pawis at laway ng nakunang kaluluwa.

---E. SAN JUAN, Jr.

APOLINARIO MABINI--PAGPUPUGAY

SAN JUAN: Ang Mapagpalayang Praxis ng Rebolusyonaryong UNITAS 52 APOLINARIO MABINI: Ang Mapagpalayang Praxis ng Rebolusyonaryong Sambayanan ...