Friday, July 20, 2012

ALAY SA KASAMANG MAITA GOMEZ, BAYANI NG LAHING FILIPINO AT NG SANGKATAUHAN

ALAY  KAY  KASamang MAITA GOMEZ,   Armadong  Paraluman. bayani ng lahi

 

 --E. SAN JUAN, Jr.

 

 

Mahal,

Nagliliyab ang lansangan ng Islang Puting Bato nang ikaw’y  lumisan

Sa iyong balintataw  nagtalik ang liwanag at dilim

Nagtipan ang luha’t ngiti sa hanggahan ng pangako’t alaala

Saang likong landas tayo naghiwalay, nakipagsapalaran?

 

Pumalaot ka sa lagim ng lungsod, napigtal sa diwa’t nakintal sa dibdib

Patnubay ang masang kumalinga, sabik sa paglaya’y naglakbay

 

Bagwis sa budhi’y pumailanlang  sa madugong larangan

Sa gilid ng bangin  naglamay, sa gubat ng gunita naghintay

            sa tukso ng  mapagkandiling bituin….

 

 

Sa bawat pintig ng iyong kaluluwa, sa bawat himaymay

Nagpupumiglas ang sinag ng kinabukasan—

Luningning ng pag-asa, halimuyak at alindog ng panaginip

         ng armadong diwatang  kusang   naghandog, kumalas, nagligtas—

 

 

Mahal,

Nilambungan ng usok at apoy ang gayuma ng iyong pilik-mata

Humagip ang bagwis ng guniguning lumipad   lumapag

Lumusong ka’t tinahak ang tulay sa nilunggating ligaya

Sa dusa’t aliw ng busabos, binalangkas mo ang hiwaga ng darating.

 

Saang dulo ng landas kaya tayo magtatagpo, abot-tanaw?

Binaybay mo ang ilog, dumaramay sa udyok ng mapagpaubayang       

             batis  sa lambak

 

Sa takipsilim gumapang ang sugatang katawan sa dalampasigan

Sinasalubong ang luwalhating biyaya, agos ng bukang-liwayway.

 

Sa bawat pintig ng iyong kaluluwa, sa bawat himaymay

Nagpupumiglas ang sinag ng kinabukasan—

Luningning ng pag-asa, halimuyak at alindog ng panaginip ng armadong    

    diwatang kusang naghandog, kumalas, nagligtas—

 

Mabuhay ka, armadong paraluman, bayani ng sambayanan.

No comments:

APOLINARIO MABINI--PAGPUPUGAY

SAN JUAN: Ang Mapagpalayang Praxis ng Rebolusyonaryong UNITAS 52 APOLINARIO MABINI: Ang Mapagpalayang Praxis ng Rebolusyonaryong Sambayanan ...