Monday, February 08, 2010

EARTH WIND FIRE WATER : Metamorposis ng Kalikasan -- E. San Juan, Jr.


LUPA TUBIG HANGIN APOY:
LUPA HANGIN APOY TUBIG


Metamorposis at Balat-kayo sa Daigdig ng Pakikipagsapalaran



1. LUPA

Nagulat namangha nang bumangga ang balikat natin—aksidente o itinadhana?--
sa pagsalikop ng Blumentritt at Misericordia, pook
ng aking kasibulan at paniningalang-pugad, di sinasadya.

Naligaw ng landas pauwi. Kundanga’y namulat sa ilang, iniilag-ilagan. Sa guhit-
tagpuan, nagkabungguan. Kaibigan, ito’y himutok ng kapus-palad.

Nakapangangalisag--nasa loob pa ba ako ng utak ng kung anong bathala,
binabalak pa, kung sakali. Gayunpaman, dapat magpasiya. Di bale, nawala sa gitna ng paglalakbay. Nasaan ang lagda, palatandaan habang inaabangan ang kagampan?

Buhay ko’y dapat isauli, tanggap ko. Dapat sundin, talimahin: muhon dito, bakod
doon. Ngayon, pagkaraan. Sapagkat gumanap na, aanhin pa ang bukang-liwayway? Ipagbilinan: subaybayan.

Ipinagmumuni: tigil na muna. Pag-aralan ang dahilig na tarundon, baluktot na
pilapil pasikut-sikot sa laberinto ng alabok luwad burak. Suriin ang talibis, tugaygayan ang likaw ng serpiyenteng nagkabuhol-buhol.

Ngunit di nagulo ang hanay ng mga bato sa daan. Orden vs. Anarkiya. Kung anong
mangyayari. Kahapon, ngayon na, hinaharap. Anong kahulugan ng kasaysayan? Tarukin sa kinalawang na ugat sa pusod ng gunita.

Samakatuwid, bawat hibla ng sinulid na sinukat, pulutin at ihabi ng sagisag sa
gulanit na talaarawan. Ngayon, kahapon, bukas.

Hinanap ang muhon bakod tanda lagda bakas na nakaukit sa tinataluntong
landas sa tanikala ng liku-likong panimdim.

Kronolohiya ng pintakasi’t pithaya. Bawat guhit o linya’y umiigting sa lambat ng
pagbubulay-bulay sa lansangang maalikabok. Nagpuputok ang dibdib, budhing mabalasik. Di masayod ng dunong o talino.

Huwag ituring na maligaya hanggang di ka natatalisod. Magulo pa sa sangkwaltang
abaka ang direksiyong naihayag. Walang tiyak na destinasyon, pinuluputan—totoo ba o hindi? Nagkukunwari lang?

Bawat hakbang ay lumilikha ng daan, saan ka man naroroon, kahit bumanggat
bumara sa binuksang tabing. Masdan mo: hiwa’y naghilom at di naglaon, lupa’y sumasalamisim, bumalong.

Kaluluwang nagkatawan, bagong ahon ako’t bagong salta, ngunit nabalaho sa
masukal na kalyeng tinahak, walang biro, habang namamaluktot ang malay sa gilid ng bangin, inaaninaw ang tulay sa dako po roon,

hinihimok bumalangkas ang teorya sa praktika, upang tuloy ilangkap at iugnay ang
kutob at hinuha sa bato’t putik ng katalagahan dito sa lupang kinagisnan.


2. TUBIG

Pinaglilirip ko kung bakit mabaho ang dagat sa baybayin ng Laguna Bay na
umaapaw sa basura’t dumi—sagisag ng kaunlaran ng bansa?

Di na sumasalpok ang alon sa batuhan ng pampang, at may pagkakataong nangyari
na di mo makuhang pumihit o bumalik—“One-way Street” lamang—ngunit disyertong lagusa’y dinidilig din ng alimuom ng daing at bumubugang hamog ng dalamhati

at sa sinumang makatagpo sa pagkakataong pambihira, para kang natuklaw ng kung
anong pangil na kumagat at bumaon sa ulirat, kaya hindi ka tuloy nakaabot sa kabilang baybay na laging inaasam-asam.

Tila ulol habang tumatawid sa tulay—Adyahan mo kami, Anghel ng ligalig at hilahil,
umahon, lumusong, umakyat, bumaba—humingi ng saklolo—

Umalalay ka, irog, sa pagsusumamo ng nawindang na muslak, kung pwede’y
ipamanhik--

Bakit di mapigtal sa isip ang larawan mong sumalampak doon sa matris ng unawa,
sumupling sa antig ng pagsuyo, imaheng kinulong sa inarugang dalumat, agimat o anting-anting laban sa ditang kay pait,

at kung saan sumupling ang tadyang ng libog at hibo ng pagnanais, doon sa langib
ng sugat, lapida ng kaluluwang naligaw habang sinusukat ang talim ng guniguning suwail taksil mapagkunwari, bakit hindi?

Sige, walang atras, bagamat sa salaming umaagos, mahirap maaninag kung sino,
kung ano—Adyahan mo kami, Anghel ng malikmatang pag-asang nilunod sa imburnal ng pangimpan at pagdidili-dili,

tanong ko sa iyo: Mapipigil ba ang daloy ng pangyayari at agos ng along
bumubuwag sa balakid baradong lagusan—hayan, masdan mo--nalulusaw ang anumang sagwil hanggang bakas na lamang ang masagap sa yapos ng inandukhang bait ng kayumangging lipi—

Galugarin ang masukal na loob bagamat nagiyagis, at baka doon nagtatago ang
lihim ng pagbabago—kilabot sa panimdim ang problema kung makababalik pa ang musmos na paglingap samantalang umaanti-antilaw ang sipat ng natisod na ulirat.

Harayang madaya, mapagparaya-- nagbabakasakali, labis sa hinagap lagpas sa
alulod ng kaluluwang inabot ng tabsing sa dagat—iwing hulagway na lumihis sa kinagawiang paghahambing at pagtatambal.

Bawat saglit nalululusaw hanggang bakas na lang ang maabot mo—sukat nang
sagipin, gumaod at sagipin ang nilumot na timbulan ng minimithing pagbabago

Dalangin ko’y matupad ang nais at atas ng puso, sukdang buhay ay ihandog sa
tunggalian ng uri, umahon, lumusong, ilunsad ang pita hanggang sa kandungan ng nagkubling kalaguyo (sumalingit sa gulo’t hinagpis) humimlay,

At doon, kung saan tumitibok pa ang lihim at lakas ng paglikha, ipalasap ang
luwalhati’t galak sa biyayang nadukal sa mga nabuwal, di magtutugot sa gitna ng kabuktutan at terorismo ng Estado, doon kung saan tumitining humihinahon unti-unti ang luntiang usbong ng pakikibaka at biyayang buko ng pulang dalampasigan.


3. HANGIN

Anong multo sa dibdib ang tumangis nang tumulak ang tren? nang umalis ang
bapor?

Di na abot-tanaw Sumasalimbay ang langay-langayan at doon naglambitin sa agiw
ng gunita kapagkwa’y biglang umulan winalis ang labi ng handaan sa hardin ng huling panambitan at inilibing sa hungkag na utak

Umihip bumuga ang libog sa buntot ng malikot na banog-lawin na nakaangkla sa
nakalalangong buhok ng mutyang nilalangit—habulin, labnutin, ikintal doon ang taimtim na pangako nilagom sa pagniniig

Itaob ang mga haliging humaharang sa aliw ng pakikibaka Hayun, nakatanod doon
ang kasapakat ng tadhana’t panahong nagunaw sa luhang nalaglag sa titig ng kwago ni Minerva

Lumipad na ang habilin at kung saan napadpad ang mensahe kung saang pook
naligaw hanapin at sunggaban ang hiyas ng sakripisyo upang makapagtawid-buhay hanggang di matagpuan kung saan ibuburol ang pinipintuhong diwata

Sinukat ng lasog na pakpak ang lugar ginagay ginalugad hinalungkat binunot ang
tinik sa noo ng sawimpalad tinanggihan kapagkwa’y
hinabol upang harapin ang balighong parabula ng kontradiksiyon

Baligtarin ang bakod na humahadlang sa angil at simbuyo ng kamalayan Walang
pasubaling nabagabag ang isip sa paghuhunos ng
talinghaga—Liksi, loobin ang pambihirang pagkakataon

Itaob ang dulang tapos na ang pista Baligtarin ang mangkok Pagtaklubin ang
taliwas at magkasalungat na nilalang sakmal ng pag-aalinlangan—Magpasiya sukdang ikasawi ng buhay!

Bawat oras bumibigat ang bagwis ng batu-bato Bumabalisbis ang ideyang
nagliwaliw—anong bilis ng pitlag ng balahibong inalagwa sa malayang himapapawid

Sumingaw ang bughaw na alimuom sa pusod ng gabing pawisan hapo sa
pakikipagtalik at di inaakalang makabubuntis kaya tuloy nagising ang mga impaktong malagkit ang hipo sa tarangkahan ng gunita at naninibasib

Sugo ng amihan: baliktarin ang batas ng kapalaran, bumalikwas sa utos ng tadhana

Huwag mag-alinlangan o mag-atubili tumingala’t tanawin kung ang buwa’y di
natinag ng lumalambong na buhawi’t unos ng mangungulimbat at sa dulo ng hagdan hudyatan tulungan ang mga nakiramay

Batiin ang nakasisilaw na buntung-hininga ng umaga habang pumapaimbulog ang
pulang bagwis ng panaginip lulan ang mga pangako hinala sapantaha hula—narinig ko iyon, maniwala ka, nasaksihan nang tumulak ang tren at umalis ang bapor at lumipad ang eruplano sa gawing kanluran



4. APOY

Pinukaw ang naglalatang na ningas ng aliw sa isang bar sa Pasay noong
nanininagalang-pugad—wika nila, krisis ng pagkatao-- hinahanap ko pa ang agham ni Siddhartha sa lupang tiniubuan

Di pa batid ang palaisipan ng paglimot sa sarili-- mula sa pusod at puyo ng
mapagbalat-kayong lungsod ng arkipelago sumibol ang diwang bumulas sa dingas at lagablab ng karanasan

Kailangan ang tiwala kung matutuklasan ang birtud ng imahinasyon sa daang
masalimuot sa tulong ng bantas pahiwatig titik ng sining sa tipanan nilagom sa aral ng paglalagalag

Katipan sa gubat ng utak itambad mo ang hubad na dibdib sa laro ng guniguni
upang makilala ang hulo’t luwasan ang direksiyon ng agos ng kabalantukang daan malayo sa hardin ng pagsisisi’t pagsasalawahan

bagamat kinulapulan ng pulang abong umuusok pa tinukso inudyakan subalit
ipakita ang noong sugatan sa Anghel ng hilahil at pakikipagsapalaran habang mitsa ng pulbura’y sumiklab at nag-alapaap sa kamalayan

habang sumisidhi ang pagnanasa sumikdong paghahangad ang bumighani’t
sumakop sa budhing naligaw sa pagitan ng kidlat at kulog malapit na sa dulo ng landas nakatutok sa gilid ng bangin

Hindi tinangkang matagpuang nakagulantang ang bangkay dugong dumanak sa
kurbadong lansangan ng Maynila Kinakailangang bang alamin kung sinong nasawi’t sinong pumaslang? Pakiramdaman lang, giliw, sa halip na timbangin

At tuloy nahubaran nanuot sa buto ang katotohanan habang agaw-dilim
pumapanaw ang kristal na bahag-haring lumubog-lumutang sa laot palaisipang kaleidoscope na sinuyo sa isip hanggang takip-silim

Ulilang nakipagsapalaran, nakipagdebate sa mga diwatang nalipasan ng gutom sa
pampang— Itigil ang panangis, tapos na ang laro’t paligsahan

Ikaw, taglay ang lason sakit na walang lunas pumipihit sa turnilyo’t banog-lawin
ng peti-burgesyang kontradiksiyon—

Itigil ang daing at huwag aksayahin ang panahon kahit mapariwara masdan ang
napigtal na ulap na namukod at hiwalay na lumangoy, nag-iisa, lubhang mapangahas. ulilang mandirigma

Hinablot sa matris ng paglalayag at pagsisiyasat ginahasa ng dahas ng dayuhang
sumakop—dapat tayong kumalas bumalikwas sa gabing nalugmok sa gilid ng dagat na binalot ng balatkayong ambil ng talinghaga mapagkunwaring salitang hitik sa gayuma

tumagos ang tawag mo ang bigkas mo nasilayan kita’t nagbago ang
panganorin—ipagpatawad mo, malikmatang paraluman, naidlip sa silong ng kabalintunaang haliparot, di ko mapagwari kung paano nahuli’t nagapos ang mayumi’t busilak na daliri ng umaga, samantalang

Hayun! buntalang bumagsak kislap ng bituing bukal sa titis ng iyong balintataw,
at sa dako pa roon, sunog ng salamander ng kababalaghang humahagibis sa daungan ng ating pagtatalik bago tayo nagkahiwalay

Hayun! tumatawid sa nabuwal na tulay sa ibabaw ng kinalawang na daang-riles sa
Blumentritt ng aking pagkabata umuusad lumalakad habang tulog -- balahibong nangalisag, huwag sanang pagdamutan--

Ikaw ba o siya? tayo, lahat -- ang somnambulistikong propeta ng iyong natupok na
kamusmusan at muling pagkabuhay.

_________

No comments:

APOLINARIO MABINI: SA PAGITAN NG DALAWANG IMPERYO

kritike 18, 1 (2024)--UST E-JOURNAL Sa Pagitan ng Dalawang Imperyo: Pilosopiya at Politika sa Ang Rebolusyong Filipino ni Apolinario Mab...