Saturday, August 22, 2009

BRITNEY SPEARS' ASS "SNEAKING INTO THE PHILIPPINES"



LUWA: HANDOG SA POSTMODERNONG MARIA MAKILING SA INKARNASYON NI BRITNEY SPEARS


I’m Miss American Dream since I was seventeen
Don’t matter if I step on the scene or
Sneak away into the Philippines
they still goin’ puyt pictures of my derriere in the magazine
You want a piece of me?
You want a piece of me?
--BRITNEY SPEARS


Walang hangad sa bahagyang patikim ng maputing ass, nahuli ang buntot mong
“sneaking into the Philippines” sa iyong huling rap/awit

Samantalang ipinaglilimi ang makabagong interpretasyon ng mito ng Mariang babaylan sa
panahon ng malubhang krisis—

Kapirasong puwit nga, Ms, kapiraso lamang!

Nabighani si Rizal at taumbayan sa hiwaga’t “malambot na pusong babae” ng diwata (kaagapay
ng kolektibong danas sa iba’t ibang yugto ng kasaysayan), bininyagang arketipo ng bayang ginahasa’t inalipusta—

Namalikmata sa “binabayaang iwasiwas ng hangin ang mahaba niyang buhok na nagniningning
sa liwanag ng buwan”—bakit hindi?

[Paumanhin, Ka Chari at peministang mandirigma sa GABRIELA at CONTEND at iba pang Medusang nagmamatyag]

Kapirasong puwit nga, Ms, kapiraso lamang!

Pansinin na ang mga lalaking nanibugho’t lumaboy sa MADALING ARAW (ni Inigo Ed.
Regalado) at ipa pang katutubong akda—teka sandali, isipin: ang mga lalaking ito’y kinapon ng mahabang panahon ng pagkaduhagi’t pagsasailalim (Oo, “missionary position” nga, di gawing Kama Sutra)

[Babala lamang: di ito humihingi ng tawad o awa para sa mga walang-hiyang sundalo’t ahente ng rehimeng nagsamantala sa mga kababaihan, sintomas ng malalang sakit ng sitwasyong sekswal at problemang pangkasarian sa bansa, barbarismong walang habag]

Kapirasong puwit nga, Ms, kahit kapiraso lamang!

Tulad ng Aprikanong aliping inilako sa mga plantasyon sa timog-USA at sa Latin Amerika,
paano maisasakdal ang mga lalaking inalipin? Kapiling sila nga mga ina, asawa’t dalagang anak na sinakop at pinagsamantalahan, binusabos ng mga lalaki’t babaeng kolonisador, di iniluwal kundi iniluwa—

Kumpisal itong iluluwa ko: mali rin ang aking sinaunang akala (buti nang maagap sa kritikang
pansarili), mahirap tanggapin na ang kalalakihang sub-alterno, sa pangkalahatan, ay
patriyarkal o kabilang sa dominanteng uri, ayon sa sipat ng kanluraning feminismo.

Kaya titigan ang makiring imahen ni Britney, produkto ng imperyalismong global, kinatawan ng
patriyarkal at kapitalistang lakas ng U.S. Empire, sirena ng makismong unibersal—anong kasarian ang kapirasong pigi ng lakambini ng MTV?

Kapirasong puwit nga, awa mo na, maski kapiraso lamang!

Malasin ang suson-susong talinghagang mahuhugot at mabubulatlat, ngunit para sa may-kulay na
konsumer sa mall, malas lang…. [Luwa nila’y ipinagbili sa migranteng putahan]

Ikintal ito sa puring taglay (di kuno) ng birheng itinitinda sa Quiapo, Baclaran, pati mga
simulakra sa megamall—Malasin, danga’t malas lang…

Huwag mo ‘kong kurutin, pwede ba?— [Iluluwa ko ito bago Biyernes at Sabado ng pasyon ni
‘Pareng Barak na walang amor sa Abu Sayyaf bagamat mabiyaya sa terorismong bomba’t misil]

Kaya balik-tanaw, mga kabarong OFW, iluwa ito:

Ipagdiwang ang pinipintuhong mutya ng Makiling, pinamugaran ng NPA, simbolo ng sawing-
bayang hanggang ngayo’y nagnanasang makapisil ng isang hiwa, isang putol, ng buntot (tatak-USA) ng la belle dame sans merci.

Kapirasong puwit nga, Inaku, OK na kahit kapiranggot!


--ni E. SAN JUAN, Jr.

No comments:

APOLINARIO MABINI: SA PAGITAN NG DALAWANG IMPERYO

kritike 18, 1 (2024)--UST E-JOURNAL Sa Pagitan ng Dalawang Imperyo: Pilosopiya at Politika sa Ang Rebolusyong Filipino ni Apolinario Mab...