Saturday, September 27, 2008

PANAMBITAN: Handog kay Ka Leony




Nakahimpil kami noon pansamantala kina Helen nang mabalitaang nangyari nga—
ang dating ng balita'y pagkagulat
sandaling sumalisi ang di pagkapaniwala
sumapot ang lagim at bigat ng panghihinayang....

Nabuwal ka noong 16 Hulyo 2000 sa sitio Bagis, baryo Napoleong, Isabela--
di katulad dito sa hardin ng Root Glen, dating lupaing inaruga ng tribung Oneida,
doo'y tiyak na masukal madawag hitik sa anumang maaaring tumubo
sagana sa araw hayup ganda--kahit ano'y mabubuhay doon sa gubat--
Ngunit bawat kurba ng landas dito'y nagpapagunita ng iyong pagkamatay....

Mariing bira tila matinding sampal
Kumikirot pa rin hanggang ngayon
Di matiis hanggang utak ay namanhid

Sa burol mo'y nagpugay ang madla maraming kasama sa Macliing at iba't ibang dako
Taos-pusong parangal sa iyong kabayanihan
mula sa masang pinaghandugan mo ng buhay
Ngunit maari bang mabatid
ang halaga ng isang inialay na buhay tulad ng sa iyo?
Sinong makatatarok ng iyong paghahandog, ng iyong payak at likas na pagkatao?

Sadyang nagbabago't nag-iiba ang buhay ng isang tao
sandaling sumakabilang-buhay siya
dahil natapos na, binigyan ng kaganapan, ang proseso ng buhay,
at samakatwid ang perspektiba ay naiba na,
sumasaklaw sa buong pag-iral ng tao mula pagsilang hanggang pagkamatay.

Tiyak na lahat tungkol sa iyo, tapos na, lamang di kita makakausap pa o matatanong.
Ngunit bagamat hindi lahat ay malalaman, nasa atin na iyon:
tayo ngayon ang nakataya't dapat sumipat, tumimbang, sumuri,
kumilatis at maghusga kung kailangan--kakailanganin....
Walang sentimentalismo o daya ng relihiyon, pagbigyan natin siya--
nais kong magpahinga ka, kung pwede?

Sa pagpanaw mo, Ka Leony, pagkaraan ng engkwentro. biglang nawala ka--
Gumulong at sumadsad ang katawan mo sa libis ng bundok
nahulog nagtago't sumilong sa pusod ng mga bulaklak at bungang nagkalat...
Itinago ng militar ang bangkay mo--
sugatan ka, walang awang pinaslang ka ng militar--
bago isinuko sa asawa't kamag-anak...
Umuusok pa hanggang ngayon ang punglong bumiyak sa iyong ulo't dibdib.

Kumikirot pa rin habang tinatahak ang balantok ng landas
Mahapding dagok ang balita nakapangingilo
Pasikut-sikot tayo sa daang ito tumutusok ang pighati
Lumilihis pabaling-baling ang lagusan

Kanlungan ng pag-ibig sa kapwa'y natabunan ng sukal at yagit sa laberinto ng gubat....

Sa bawat sulok ng hardin hinahagilap ang katuturan ng iyong nagawa--
Sinisikap masapol sa pagitan ng mga halaman ang kahulugan ng iyong buhay
Sa tanglaw ng krisis ng diktadurang Marcos hanggang sa kasalukuyang kagipitan--
isang saglit ng katotohanan, iglap ng pagtutuos,
kung saan lahat ay makikilala sa sinag at titig ng sambayanan--

Kailangan bang hukayin sa gunita, ramdam pa hanggang ngayon
ang panghihinayang sa iyong pagkasawi--
Bumabagabag itong interogasyon: Ilan pang kasama ang dapat isakripisyo?
Anong bisa ng pagka-martir? Sila ba'y madaling palitan?
Karapat-dapat ba ang hahalili? Sino ang may desisyon? Sino ang may pananagutan?

Nagsisikip sa galit habang lumiliko lumilihis
Kumikirot ngunit sinisikap magtimpi
Sa bingit ng pangamba di maibsan ang dalamhati

Oo, nagpugay ang madla sa iyong libing, di mabilang na kamag-aral kasama kaibigan
Ngunit--tanong ko muli:
maari bang matarok matimbang ang singularidad mo, Ka Leony?
Nasubukan ka na, ngunit sa lipunan natin, lahat ay komoditi at nabibili,
walang pamantayan o kakayahang kumilatis ito sa halaga ng buhay mo,
laluna sa alyenasyo't karahasang namamayani--Wala, wala nga....
Paano masusukat ang iyong nagawa't naisakatuparan sa panahong naglingkod ka sa
kilusan?
Paano makikilatis ang bisa't bunga ng iyong pakikipagsapalaran?

Kumikirot ang sariwang hiwa ng sugat sa alaala
bagamat malayo itong harding dating bukid na pag-aari ng katutubong Iroquois--
lumikas na sila rito
Di matingkalang pagdurusa ng puso't kamalayan
Sa liku-likong landas anino mo'y mahiwagang pumapatnubay....

Sa mga kapatid mo't kamag-anak ikaw pa rin ang dating Cherith, hindi nagbago--
kung baga sa bato, matigas pa rin kung baga sa rosas,
mabango't busilak pa rin--
At tila walang saysay ang partikular na pag-unlad ng iyong isip at konsiyensya
bunga ng ating karanasan sa daigdig na ito--wala nang iba pa--
Ngunit sa kanila, walang kwenta iyon, ikaw ang dating kapatid na laging mahal
at di magbabago magpakailan pa man....

Ngunit bakit pa tayo humihinga kung walang pagbabago't transpormasyon?
Totoong hindi ka lang kapatid o asawa,
ikaw ay partikular na nilalang, namukadkad at namukod, gumagalaw, kumikilos tulad
ng mga bulaklak--
Hayan, hayun--bawa't isa'y partikular sa gitna ng palumpon
at natatangi sa pusod ng kalikasan.....

Hinubog ang iyong isip damdamin budhi sa katawang nakihamok sa lungsod at baryong
larangan ng digmaan ng uri sa Gitna't Hilagang Luzon....
Nagka-ugat at tumubo ang identidad mo
sa isang tiyak na lugar sa isang tiyak na yugto ng kasaysayan ng bansa
at ng progresibong himagsikan ng humanidad laban sa Kapital--
Ibig kong sabihin, sa mundong ito naging Ka Leony ka, nagkaroon ka ng pangalan.

Kumikirot pa rin umaantak sa bawat hakbang
Tinatalunton ang kurba't ikot ng landas sa hardin ng Root Glen
Pulso ng gunita'y umaalingawngaw
Nagpuputok ang puso sa iyong pagkasawi

Sa dalumat ko'y di kita makilala sa ritwal ng pagdakilang dulot ng Partido't kapatid
Gaano man taimtim iyon, nawawala ka pa rin sa lilim ng lipunang nabubulok
Nakatago pa rin ang kasiyaan at identidad mo
sa hiwaga ng gubat, sa himig ng dalit taghoy ng kalungkutan sa iyong pagburol-
Dito sa lupang tinubuan ng Indyang Iroquois na nagninilay ako, ipinaglilirip
kung paano ang isang taong nilikhang tulad mo
ay katulad ng iba, karaniwan ngunit natatangi--
ang konkretong diyalektiko ng partikular at kalahatan--

Kaya nga't bawat taong nakiramay ay may kanya-kanyang impresyon sa iyo,
iba't ibang imahen
at kakintalang mailalagom lamang
sa paraan ng materyalismong diyalektikal at istorikal.

Nawawala--sino? Si Ka Leony? O si Ka Ada? Baka si Ka Eryl o si Ka Chiqui?
Sa antak ng dalamhati, paano hahanapin?
Sa hapdi ng lumbay, saan matatagpuan?
Sa masakit na pangungulila, saan? Paano?

Halika't lakbayin ang agwat ng kahapon at kinabukasan sa liblib na pook sa Root Glen,
Clinton, New York.
Baka matunton ang bakas ni Ka Leony sa aspaltong lansangang bumabagtas dito.
Siyasatin sa likod ng dawag sa labak at dalisdis ng parang at kahuyan
Suriin ang tabing ng mga halaman mga sanga ng punong-kahoy at baging na gumagapang
Imbestigahin ang naiwang labi marka o anumang palatandaan--
kahit bahid ng libag o bakat ng ngipin sa prutas na kinagat--sa pinaghimpilang lugar ng kanyang katawan....
Saliksikin ang mga sulok mga liblib na lagusan
lihim na tawiran nalingid na daan dito sa lupaing napariwara't
sinamsam ng ganid na dayuhan

Nanlilisik ang mga mata sa bawat butas ng tabing at bigkis ng sukal sa ilang na ito
kung saan ang multo ng mga ninuno ng Oneida ay naggala, dumadalaw....
Galugarin sa kaloob-looban ng gubat ang lihim ng pakikipag-ugnay
upang matarok ang ugat ng pagkatao ni Ka Leony...
upang ang nawawala'y matagpuan....

Hanapin si Ka Leony sa gitna ng masidhing kalungkutang umiiral
Hanapin si Ka Eryl sa kabila ng matinding panaghoy
Hanapin si Ka Ada sa gitna ng pananangis
Hanapin si Ka Chiqui sa pusod ng ligalig at hilahil
Nawawala ba si Ka Cherith? Nawawala ba ang katarungan at kalayaan?

Dahil sa budhi umaasa akong matatamo natin ang minimithing adhika
Bagamat sa isip may lambong ng pag-aalinlangan at balisa
Dahil sa determinasyon, batid kong makakamit natin ang kolektibong panaginip ng
kasarinlan pambansang demokrasya radikal na pagkakapantay-pantay
Bagamat sa isip malabo ang pagsulong sa hinaharap
Dahil sa pangangailangan, lumilingap ako sa pagsapit ng maluwalhating katubusan
Bagamat may pasubali na baka di maganap ang ninanais at pinipithaya sa ating panahon.

Gayunpaman--bakit hindi?--
Mahinahon nating abangan ang pagdating niya sa gilid ng baybayin at dalampasigan
Maingat na antabayanan ang pagsungaw niya sa bunganga ng bangin
dito sa teritoryong nawaglit naihiwalay dating lupang tinubuan ng mga Oneida....

Sa bawat kirot nalalaglag ang mga piraso ng belo't kortina
Sa bawat hikbi nahahawi ang tabing
Sa bawat hibik natatanggal ang balatkayo
Sa bawat daing nabubuksan at nakikita

Sa pagkawala mo, Ka Leony, umabot ang iyong pahatid:
Isinisiwalat ang krimen at kabuktutan ng rehimeng imperyalista't komprador--
Ibinubunyag ang kasamaan--916 biktima, 195 dinukot ng Estadong terorista--
Inilalabas ang katiwalian panunulsol panlilinlang ng ordeng naghahari
Sa pagpanaw mo, Ka Leony,
Inilalantad ang kabulukan ng mga nagmamay-aring mapagsamantala--
Sa paglisan mo, Ka Leony,
Itinatambad ang paniniiil pangungulimbat pambubusabos--
Sa pagkamatay mo, Ka Leony,
Itinatampok ang dapat gawin upang maputol ang karahasang naghahari--

Bagamat kumikirot pa rin tumitiim ang hapdi
Ngunit patuloy ang pagtalunton sa mahabang landas
Tumitibok ang pait saklap ngunit sulong pa rin
Bawat hakbang sa matarik na landas
Naisasakatuparan ang nararapat gawin--
)0, nagbago ka nga, ikaw nga si Cherith, kabalikat ngayon, tunay na walang iba!

Kapit-bisig nating ipagdiwang ang giting at kabayanihan ni Ka Leony--
Ang dakilang birtud ng rebolusyonaryong pakikisangkot at pakikihamok--
Naikubli ng kalikasan ang gerilyang nangahas humamon sa ordeng malupit,
Kinupkop at inalagaan ang tumakas na kaluluwa ng pulang mandirigma
Sa bawat liko't indayog ng daan dito kapiling ang bansang Iroquois na lumalaban--
Kaakbay tayo ni Ka Leony sa masalimuot na pakikibaka--Mabuhay ka, tiwalang kabiyak!

Kadaupang-palad
sa hirap at ligaya,
lungkot at saya,
ng mapagpalayang pakikibaka.

--###

APOLINARIO MABINI--PAGPUPUGAY

SAN JUAN: Ang Mapagpalayang Praxis ng Rebolusyonaryong UNITAS 52 APOLINARIO MABINI: Ang Mapagpalayang Praxis ng Rebolusyonaryong Sambayanan ...