Friday, August 10, 2007

PAANO KO MAKAKALIMUTAN KAYO?





AY NAKU, MUNTIK NA AKONG MAKALIMOT, KASAMANG MARIE AT RUTH—

ni E. SAN JUAN, Jr.


Habang humihigop ng di-kuno’y malahimalang tubig na bukal sa kanlungan ng Birhen
sa Ephesus, pansamantalang natigil kami sa paglalakbay sa Turkiya,
nakaligtaan kong kilatisin ang bigat ng pagsusumamo ni Lorena Santos
na ilitaw ng rehimeng Arroyo ang kanyang amang dinukot ng ISAFP, si Leo Velasco….

Habang pinanonood ang mga nagsasayaw na dervish sa Konya, pananampalatayang
ipinagbawal ni Kemal Ataturk upang maisulong ang makabagong bansa, sumingit
ang palaisipan ni Rumi— “Kung ikaw ay kasama ng lahat liban sa akin, wala kang kasama;
Kung ikaw ay walang kasama kundi ako lamang, kasama no na ang lahat…”

Walang bisa, patuloy ang pagkawala nina Jonas Burgos, Sherlyn Cadapan, Karen Empeno—
paano ito, Rumi, kahit narito ka, sapilitang pinagwawala pa rin sila?

Nakababad sa alingasngas sa TV sa isang otel sa Izmir tungkol sa halikan nina Richard Gere
at isang aktres taga-Indya (kamukha ba ni Rufa?), o sa orgies nina Paris Hilton at Britney Spears,
halos nawaglit na sa isip ang pagpaslang kina Diosdado Fortuna, Sotero Llamas,
Lizelda Estorba-Cunado, at ilan daang biktima ng terorismo nina Bush-Arroyo….

Ay naku, muntik ko nang malimot sina Alice Claver, Juvy Magsino at Leima Fortu
dahil pinagkakaguluhan ng petiburgis sa Ankara ang Harry Potter & the Deathly Hallows
at mga huling pakulo ni O.J. Simpson sa If I Did It…. Maramdamin ba o tiyak na karamdaman?

At sa Antalya naman, kasiping sina Britney Spears at Catherine Zeta-Jones
at dyugyugan ng mga belly-dancer kaindayog ng makiring alon ng dagat Mediteranyo,
tuluyang napalis sa isip ang sakrispisyo nina Cathy Alcantara, Audie Lucro at
ilan pang susunod--mga bangkay na walang pangalan kundi sa pagsisikap ng KARAPATAN….

At sa lilim ng moskeng asul sa Istanbul, malayo na sa mga mosaic ng mga santo’t anghel
sa kubling yungib sa Cappadocia, sinubok kong baguhin ang bugtong ni Rumi:
Kung kasama mo si Mario Auxilio o si Eden Marcellana, wala nang iba pa,
kasama mo na sa tabi mo ang sambayanang humahatol at dumudurog sa pasistang Estado…

Kahit na isang taong pinagmalupitan, tulad ni Lourdes Rubrico, kahit nagayuma ka ng ngiting
malagkit ng dalawang Medusa sa haliging marmol ng cistern ng Hagia Sophia,

lagi kang gagambalain ng gunitang umaantak, tigib ng hirap at pighating tiniis at titiisin—

lagi kang pupukawin ng mga inulila saan ka man maglagalag, sa guhong imperyo
ng Romano o ng Ottoman, ng Britanya o Pransiya—Ozymandias, igala mo ang paningin—

o saanmang sulok ng imperyo ng kapital ng USA, tutugisin ka ng mga ahas na buhok
ng diwatang umaapaw sa biyaya ng kalikasang walang pag-iimbot at kasakiman,
walang pagmamalabis, armadong diwata ng katarungan at ng bayang naghihimaksik….

No comments:

APOLINARIO MABINI--PAGPUPUGAY

SAN JUAN: Ang Mapagpalayang Praxis ng Rebolusyonaryong UNITAS 52 APOLINARIO MABINI: Ang Mapagpalayang Praxis ng Rebolusyonaryong Sambayanan ...