Thursday, August 31, 2006

SALAMISIM: Sa gitna ng paglalakbay....




ni E. San Juan, Jr.


Ilang milyang distansiya ang niyebe sa tuktok ng Dolomiti
mula rito sa Piazza Dante Alighieri

datapwat
ang balat ng leeg mo'y mainit sa hipo ko

Anong destinasyon kaya ang mahuhulaan
sa bituka ng mga kalapating umiikot
sa naghahamong
palad ng makata?

Babaylan ng taglamig, Giovanna, pinagdugtong mo ang konsepto at talinghaga
ngunit

saan kayang bilog ng impiyerno ako isasadlak
ng nagsalupang anghel?

Apoy sa utak (bagwis ng metamorposis)
sa pagitan ng pag-ahon

at paglusong, walang gabay na pantas sa paglalagalag
kung hindi si
Antonio Gramsci
(nakaluklok sa yelong purgatoryo ng bilangguan)

tanging patnubay sa laberinto ng komunistang hardin
subalit
sa agwat mula sa niyebeng nakatiwangwang
at nagliliyab na karsel--
palayain mo, Giovanna, aking mutya!--
sa puwang na iyon

hinagkan kita, niyapos, kinulong sa aking bisig

habang naglalagablab ang rebolusyon sa Sierra Madre

(rumaragasang dingas ng paraiso sa iyong dibdib at buhok)--

umalon, humupa--
hanggang sa magkatupok-tupok

ang kapital ng budhi't tubo ng bait
sa iyong mga halik.

No comments:

APOLINARIO MABINI: SA PAGITAN NG DALAWANG IMPERYO

kritike 18, 1 (2024)--UST E-JOURNAL Sa Pagitan ng Dalawang Imperyo: Pilosopiya at Politika sa Ang Rebolusyong Filipino ni Apolinario Mab...