Others have given their lives, without doubt or heed...Scaffold or open plain, combat or martyrdom's plight, 'Tis ever the same, to serve our home and country's need. -- JOSE RIZAL, "My Last Farewell" // Sapagkat ang mundo'y bayan ng hinagpis Mamamaya'y sukat tibayan ang dibdib... -- FRANCISCO BALAGTAS, "Florante at Laura" //
Thursday, July 27, 2023
SURI NG NOBELANG "SIXTY IN THE CITY" NI LUALHATI BAUTISTA
MALAY 35(2) Hunyo 2023, pp. 1–13
Kamatayan, Pag-ibig, at Himagsik ng Mapagpalayang Diwa ng Kababaihan: Diyalektika ng Kalayaan at Nesesidad sa Sixty in the City ni Lualhati Bautista /
Death, Love, and Rebellion of Women’s Emancipatory Spirit: Dialectics of Freedom and Necessity in Sixty in the City by Lualhati Bautista
E. San Juan, Jr. University of Connecticut philcsc@gmail.com
Sinuri ang pangunahing tema ng nobela at kabuluhan nito sa sitwasy
ong pampolitikang ekonomiya ng kasarian. Sa pagkakaibigan ng tatlong ina, isinadula ang ugnayang sumasalungat sa piyudal-kapitalistang ideolohiya ng reipikasyon: ang magkalakip na diyalektika ng pag-ibig, seksuwalidad, at kamatayan. Pinagsanib ang teorya ni Georges Bataille hinggil sa erotisismo at historiko-materyalismong analisis ng hidwaan ng mga uring panlipunan sa neokolonya. Sa metodong iyon, naisadula ang karanasan ng mapagpalayang diwa ng kababaihan laban sa patriyarkang dominasyon. Kongklusyon ng saliksik ng mga pangyayaring dinalumat hinggil sa tatlong babaeng nagnasang makamit ang pagkilala sa sarili at pagkakilanlan sa kanila ay mailalagom dito: dapat sipatin muna ang trayektorya ng puwersang panlipunan, ang nesesidad pangkasaysayan, na nagtatakda sa ating pagkatao. Pahiwatig ito ng banghay ng nobela: upang mailigtas ang mapanlikhang lakas ng kababaihan mula sa karupukan ng katawan, mapagsamantalang dahas ng maskulinistang kaayusan, at dominasyon ng kalakal/pribadong pag-aari/imperyalistang kapital, kailangang pasiglahin ang komunidad, ang kamalayang kritikal at mapanghimagsik, upang makalaya sa pagka-alipin sa kinagisnang subordinasyon. Ang suliranin ng kasarian ay nakabuod sa kolonisadong gawi/ paniniwala na mababago lamang sa paraan ng rebolusyonaryong praktika at kolektibong sikap ng buong sambayanan.
Mga Susing Salita: kamatayan, kasarian, neokolonya, patriyarka, seksuwalidad
This essay focuses on the main theme of the novel and its significance in clarifying the political economy of gender relations. In the comradeship of three mothers, the narrative dramatizes the intimacies subverting the feudal/capitalist ideology of reification: the complex dialectic of love, sexuality, and death. It combines Georges Bataille’s theory of eroticism with the historical-materialist analysis of class struggle in the neocolony. Using this method, we discern how the narrative allegorizes
Copyright © 2023 by De La Salle University
2 Malay Tomo 35 Blg. 2
the experiences of the emancipatory spirit of women against patriarchal oppression. This inquiry appraises the events surrounding these three protagonists desiring a recognition of their true selves and the recognition of their individual worth. We can sum it up thus: we need to comprehend the trajectory of social forces, the historical necessity behind them, in order to grasp the determinants of our character, our personality as defined by society and history. This idea is suggested by the novel’s structure: in order to redeem the creative force of women from the fragility of the body, the exploitative power of a masculinist order, and the domination of private property and imperialist capital subtending it, we need to revitalize the community, our critical and revolutionary consciousness, in order to free ourselves from oppressive legacies. The problem of gender inequality is tied up with colonized mentality and beliefs that can only be superseded and transformed through revolutionary practice and the collective endeavor of the whole nation-people.
Keywords: death, neocolony, patriarchy, sex, sexuality
Ang usapin ng kasarian ay masalimuot, totoong matinik at nakaliligaw. Bakit? Isang dahilan: kasangkot ang halos lahat ng isyu sa pampolitikang ekonomiya, sa bansag ng progresibong pananaw (Sison & de Lima; Zaretsky). Tinuturol nito ay di lamang hanapbuhay o pagbili ng produktong materyal sa pamilihan, kundi pati buong estrukturang historikal na nakasandig doon: isip, damdamin, paniniwala, memorya, hinagap, adhikain na nakasilid sa katawan at utak. Sa madaling salita, sangkot ang haypotesis ng soberanya ng suhetibidad (partikular, ng kababaihan) at nesesidad ng gawaing pataw ng lipunang pinamamahalaan ng patriyarkang kapangyarihan.
Masugid na dinaliri ni Lualhati Bautista sa Hinugot sa Tadyang at sa In Sisterhood—Lea at Lualhati ang hinanakit ng inaabusong kababaihan. Tumatahak siya sa landas na hinawan sa Kanluran ng mga aktibistang
Sheila Rowbotham, Juliet Mitchell, Barbara Ehrenreich, Gayle Rubin, at iba pang feministang sosyalista. Iginiit ni Ann Ferguson na nakakabit ang dominasyon ng kabababaihan sa “modes of sex/affective production,” sa “sex/gender system” (356). Natalakay din ito ng mga katutubong dalubhasa (Eviota, Aguilar, Torres- Yu). Sa pangkalahatan, ideolohiya at bisa nito ang paksaing aatupagin dito. Pagkakasanib at integrasyon ng sangkap ng lipunan (kapuwa produksiyong materyal at reproduksiyon ng buhay) ang nakataya rito. Kalangkap ang kahulugan ng buhay, ang katuturan ng ating kilos at salita, sa reipikasyon at alyenasyong bunga ng kapitalistang orden at pagkagapos natin sa nesesidad ng akumulasyon na sapilitang sumusugpo sa maramdaming kasarilinan. Sa matalinghagang idyoma, magkalakip ang karisma at corpus, ang espiritu at makamundong laman ng katawan.
Ang buhay ay hindi nagsisimula pagtuntong ng sisenta. Nagsisimula ito sa bawat ngiti ng umaga.
—Guia Rosales, karakter sa nobela
Desire is what transforms Being...into an “object” revealed to a “subject” different from the object and “opposed” to it...It is in and by his Desire that humans are formed and revealed—to himself and to others—as an I that is essentially different from, and radically opposed to, the non-I...In contrast to the knowledge that keeps man in a passive quietude, Desire dis-quiets him and moves him to action.
—Alexandre Kojeve, Introduction to the Reading of Hegel
Kamatayan, Pag-ibig, at Himagsik ng Mapagpalayang Diwa ng Kababaihan E. San Juan, Jr. 3
Lente ng Historiko-Materyalismong Pangitain
Sa pagsisiyasat sa koneksiyon ng ideolohiya at ekonomiya, ang papel na ginagampanan ng katawan at seksuwalidad, hilig ng kalooban o damdamin, ay napakaimportante. Idiniin ni Marx ang halaga ng “sensuous practice” kaakibat ng metabolikong interaksiyon ng tao at kalikasan. Buhay at reproduksiyon nito ang batayan ng etikang materyalistiko (Dussel 55–68). Susog ni Marx: “Man as an objective, sensuous being is therefore a suffering being—and because he feels when he suffers, a passionate being. Passion is the essential force of man energetically bent on its object... Death seems to be a harsh victory of the species over the definite individual and to contradict their unity. But the particular individual is only a particular species being, and as such mortal” (Economic 182, 138).
Babae’t lalaki ay magkamukha ngunit magkaiba. Kapuwa nakapaloob sa kategorya ng espesye-homo sapiens, sa komunidad ng sinaunang panahon, sabi ni Marx: “In the relationship with woman, as the prey and handmaid of communal lust, is expressed the infinite degradation in which man exists for himself, for the secret of this relationship has its unambiguous, decisive, open and revealed expression in the relationship of man to woman and in the manner in which the direct, natural species-relationship is conceived...This relationship reveals in a sensuous form...the extent to which the human essence has become nature for man or nature has become the human essence...The relation of man to woman is the most natural relation of human being to human being...This relationship demonstrates the extent to which man’s needs have become human needs, hence the extent to which the other, as a human being, has become a need for him, the extent to which in his most individual existence he is at the same time a communal being” (Early Writings 347). Samakatwid, walang kasiyaan/identidad ang bawat nilikha kung walang Ibang kikilala, na imperatibong pangangailangan, katugma ng pagnanais o pagnanasa (desire).
Isang hiblang mahuhugot dito sa ideyalistikong pagbubulay-bulay ng 1844 Economic and Philosophic Manuscripts ni Marx ay ito: ang bawat isa ay saklaw ng pangangailangan upang maging ganap na tao. Mula pa sa yugto ng barbarismo hanggang sa modernong siyudad ng kapitalismong global, ang kababaihan ay nagsilbing instrumento sa reproduksiyon ng lakas- paggawa kaalinsabay ng sakripisyo ng masimbuyong
damdamin. Napailalim sa rehimentasyon ang buong katawan na ginawang komoditi—sa surrogate motherhood, prostitusyon, sistemang kerida, beauty contest, at (ayon sa awtor) “pambayad sa utang” (Bautista, Hinugot; konsultahin din sina Minson; Foucault).
Pagmuniin natin ito. Magkaiba ba o magkapareho ang lalaki’t babae sa kapitalistang lipunan? Nakabuod sa linya ng argumentong ito ang prinsipyo ng katarungan at pagkakapantay-pantay. Ang subordinasyon ng kababaihan sa patriyarkang orden ay tandisang politikal—ibig sabihin, kuwestiyon ng poder, awtoridad, at kinabukasan ng komunidad. Kalakip dito ang likas na katangian ng tao: kalusugan ng katawan, lunas sa sakit at pagtanda, pangungulila, kabiguan, pagnanais ng aliw at pagkilala, pagmamahal. Sa usapin ng seksuwalidad at lugod ng kababaihan, na hindi maiging natalakay nina Marx at Engels, gagamitin dito ang teorya ng relihiyon ni Georges Bataille tungkol sa hugpungan ng katawan, seksuwalidad, sakit at kamatayan sa loob ng kaayusang sumusukat ng halaga sa akumulasyon ng yaman (salapi) at di-binayarang oras ng paggawa (profit; tubo ng mamumuhunan).
Materyalismong historikal din ang oryentasyon ni Bataille, lamang ang sentro ng kaniyang diskurso ay iyong “passionate being” o maramdaming nilikhang nasambit na ni Marx ngunit hindi nalinang—sa kalaunan, ideolohiya-kritika nina Rowbotham, Ehrenreich, Frigga Haug, Teresa Ebert atbp., ang nagtangkang punan ang kakulangan.
Ulitin natin ang proposisyong gumagabay sa ating diskurso. Ang buhay ay metabolikong proseso ng kalikasan at tao sa lipunan. Sa paghahanap ng kasagutan sa samotsaring aspekto ng kabuhayan, hindi maiiwasan na harapin ang maigting na kontradiksiyon ng lahat ng bagay sa danas ng tao sa isang tiyak na yugtong pangkasaysayan. Hindi lamang trabaho at materyales na pangangailangan ang kalahok, kundi ang sigla ng katawan, simbuyo ng pagnanais, sandali ng lugod, galak, inggit, kabiguan, pighati, pangamba, balisang pag-iisa, poot, pagpapakasakit, parusang pagkahubad, hiya, kamatayan. Naranasan ito ng tatlong babaeng inabutan ng mapinsalang dahas ng saloobing nagbunyag ng kanilang tunay na hinahanap: kasarinlan, dignidad, pagkilala, ligayang tiwalag sa maternidad at magahasang dikta ng ama/pater familia/patriyarkang asawa.
4 Malay
Tomo 35 Blg. 2
Hinagis sa Arena ng Pakikipagsapalaran
Nakapuwesto ang mapanuring panulat ni Bautista sa sitwasyong pangkasarian, sa kabutihan at kaganapan ng kababaihan. Isang anomalya na pinagtakpan ng doktrinang ang babae ay “ilaw ng tahanan,” manedyer ng kasambahay, presidente ng bansa (tulad nina Cory Aquino at Gloria Macapagal-Arroyo). Si Bautista ay namumukod sa kaniyang masidhing pagbuhos ng talino sa pagtistis sa problema ng inhustisya at pag-alipusta sa kababaihan at ibang biktima ng imperyalismo. Mula pa sa Buwan, Buwan, Hulugan Mo Ako ng Sundang hanggang sa In Sisterhood, Hinugot sa Tadyang at Sonata, sinanay niya ang artistikong sensibilidad sa pagsisiwalat ng tunay na nangyayari sa likod ng madaya’t tagibang na kapaligiran. Napatunayan na ito sa kaniyang pagsisiyasat sa mga maselang problema ng bansa sa mga nobelang Gapo, Dekada ’70, Bata, Bata, Paano Ka Ginawa, at Desaparesidos. Matalisik na kritisismo ng ordeng umiiral ang inilahad niya sa Bulaklak sa City Jail.
Ang masusing imbestigasyon ng mga puwersang umuugit sa kontradiksiyon ng mga uring panlipunan ay sadyang nagpatanyag kay Bautista bilang konsiyensiya ng lahi. Matapang niyang sinuri, dinalumat at tinimbang ang mga tauhan at pangyayaring sumasalamin sa realidad ng buhay sa neokolonyang bayan. Patibay rito ang husga ni Rosario Torres-Yu na ang nobelang Gapo “ay nagsilbing kurot sa gunitang pinamamanhid ng propaganda ng umiiral na kaayusan,” lalo na sa dominasyon at pang-aapi sa kabaihan (109).
Walang pasubaling pinakamahalaga ang posisyon ng babae sa Pilipinas, lalo na sa reproduksiyon ng salinlahi at pag-aalaga ng produktibong lakas ng buong sambayanan. Mahigit 50 porsiyento ang parte ng kababaihan sa bilang ng mga OFW (Overseas Filipino workers) na siyang bukal ng suporta (remitans) sa ekonomiya. Bagsak ang bansa kung wala ito. Gayunman, sa tingin ng ilan, limitado si Bautista sa pagtuon ng pansin sa mga babaeng pinili niya dahil karamihan ay mula sa medya-klase o panggitnang saray. Tampok din ang ilang babaeng binusabos sa Gapo, Desaparesidos, at Bulaklak sa City Jail.
Ipagitna sa ating malay ang kongklusyon ni Frederick Engels sa kaniyang “Origin of Family, Private Property and the State”: “The overthrow of mother right was the world-historic defeat of the female sex” (496). Naipailalim ang kababaihan sa pagyurak ng kanilang kolektibong karapatan. Sa pangkalahatan,
ang problema ng kasarian (relasyong di-patas ng babae’t lalaki) ay hindi maihihiwalay sa ugnayang panlipunan na nakasentro sa pamilyang ginigipit, higit pa sa pakikitungo ng hinlog sa espasyo ng tirahan. Hindi ito aralin ng anatomiya kundi isyu ng pagtrato sa pagkakaiba, kaibhan (ng edad o gulang), ng pagkilala o respeto sa personalidad ng bawat nilalang. Kalahok din ang mga tanong hinggil sa karapatang pantao, politikang seksuwal (sa pag-aasawa’t pagpapalaki ng mga anak), pagtanda at kalusugan, karamdamang pangsikolohiya, at implikasyon nito sa salinlahing susunod.
Hindi na dapat ipaalala sa lahat ang aksiyomang ipinunla ni Simone de Beauvoir matagal na: Ang babae ay hindi ipinanganak kundi ginawa ng lipunan at kasaysayan. Huwag magkamaling maliitin siya sa kaniyang anatomiya, ikabit lamang sa kaniyang “vagina,” suso o anumang bahaging pisikal. Konstruksiyong panlipunan-historikal ang diwa at budhi. Talagang panlalait at paglapastangan iyon, tulad ng asal ng misogynistang ex-pangulong Duterte. Ang tanong ni Freud—“Ano ba talaga ang gusto ng mga babae?”—“Was will das Weib?” (671)—ay sintomas ng barbarikong malisya ng ama ng sikoanalisis (binatikos ni Figes, Ebert). Sa pagbawi, itanong: ano naman ang reklamo ng lalaking asawa?
Mabigat na pagpapalabo ang iginawad ng dogmatikong sikolohiyang limitado ng ideolohiyang maka-burgis. Bakit ibinukod at ipinailalim ang mga babae sa normatibong panukat ng sobinistang pananaw? Sintomas ito ng malubhang sakit ng lipunan sa alyenasyon ng kapuwa-tao dahil sa pagsamba sa komoditi/kalakal at salapi, ang reduksiyon ng karaniwang buhay bilang ugnayan ng mga bagay na sinasamba’t sinusuob—mga idolo’t hiwagang gumagapos sa utak at dibdib ng bawat nilalang (e.g., isipin ang pagkahumaling sa mga bilihin/regalo at mga pag-aari ng mga tauhan sa nobela). Binansagan ito na “terorismo ng pangkaraniwang danas” sa siyudad (Lefebvre). Pati katawan—ang itsura nito ay target ng tindahan—at mga pangangailangan nito, malibuging pagnanais, silakbo ng damdamin, pangarap at panaginip ay lumubog sa kumunoy ng konsumerismo at merkado. Balik-suriin ang pagkabalisa nina Guia, Roda, Menang tungkol sa kosmetiks, kagamitan sa bahay, at mga bagay-bagay na senyas ng uri, istatus, atbp., kaugnay ng mga ari-ariang ipamimigay ni Guia sa sinumang nangangailangan (buklatin ang Kabanata 13, 142–155).
Kamatayan, Pag-ibig, at Himagsik ng Mapagpalayang Diwa ng Kababaihan E. San Juan, Jr. 5
Lagom at Balangkas
Ang nobelang Sixty in the City (sa susunod, Sixty, na pasaring sa magayumang telenobelang Sex and the City sa U.S.) ay plataporma ng engkuwentro ng kalikasan, seksuwalidad at kapalaran ng kababaihan. Pinili kong sipatin ang estruktura ng narasyon upang subukin ang haypotesis na ang usaping pangkasarian— “the woman question,” taguring maskulinista—ay nakasalang sa hiwaga ng alyenasyon sa politikang ekonomiya ng lipunang nasadlak sa paghahari ng pangkating komprador-kapitalista at hegemonya ng heteronormatibidad sa kultura (Foley 67–70; Ebert, Figes). Bagama’t nitong 2015 lamang naipalimbag sa libro ang Sixty, noong 2008 pa nailathala na sa Liwayway ang mga kabanata. Gunitain natin ang ilang pangyayaring naganap sa unang dekada ng bagong milenyo, lalo na ang Setyembre 11 atake sa New York; ang korupsiyon ni Gloria Arroyo na humantong sa madugong masaker sa Mindanao, ang pagbalewala ng kasunduan ng gobyerno at Moro Islamic Liberation Front; at pagwalang-sala kay Imelda Marcos, at iba pang katiwalian. Pagnilayan natin kung itong huli at mga maniobra ni Arroyo ay mahuhulong pahiwatig ng mapanlikhang asersiyon ng kababaihan, na kahit sa larang ng guni-guni at pagkukunwari ay sadyang makapangyarihan.
Sa malas, ang asal, kilos at pasiya ng tatlong babaeng protagonista, kabilang sa uring proletaryo at petiburgis, ay halimbawa ng pakikibaka laban sa sistemang di-makatarungan at mapagsamantala. Dumaan ito sa paraan ng paggamit ng talino, katutubong galing, at kakayahang hango sa kanilang pagka-ina at trabahong pagka-kasambahay (domestic housework). Estilong poliponiko ang pagtahi’t pagsasalabid ng mga estratehiya’t taktika ng mga babaeng ibig kumawala sa pagkabihag sa asawa’t pamilya. Ito ay sagisag na sa diyalektikang pag-inog ng naratibo, ang negasyon ng patriyarkang mapanikil ay nangyari sa pagkakabuklod ng tatlong ina. Nag-ugat sa kanilang matimtimang komunikasyon at mapagkalingang damayan, ang kanilang pagtutulungan ay nagbunsod ng landas tungo sa liberasyon ng buong lipunan.
Mungkahi ng isang makata (W.B. Yeats) na sa panaginip at imahinasyon nagsisimula ang pananagutan, ang responsabilidad natin sa buhay. Totoo kaya ito sa pagyari ng aktuwalidad ng nobela mula sa gunita, pag-aasam, at pangarap/pag-asa ng tatlong ina, at sa mahiwagang aksiyon ni Guia, makatang nailuwal ng kamatayan?
Bago tayo sumabak sa paghimay sa ilang makahulugang tagpo sa nobela, imapa natin ang tema ng nobela at kilatisin ang motibasyon ng mga karakter. Umiinog ang banghay sa mga nangyari sa tatlong babaeng magkakaibigan at kanilang kamag- anak: sina Guia (Guillerma Rosales), Roda (Roderica de los Santos) at Menang (Filomena Ballesteros). Sa pagkamatay ng asawang Crisanto, binalak ni Guia na ipagbili ang bahay nila, lumipat sa isang lihim na tirahan, at isakatuparan ang matagal nang naantalang mithi: ang magsulat at “kagustuhang maikalat at maipabasa ang niyayaring mga tula. Para matupad ang isang buong buhay na pangarap, maipakilala ang sariling pangalan at maging tunay na anak ng sining at lipunan” (320).
Nakakawing ang hangarin ni Guia sa simbuyong sinusugpo, sa tinitimping pagnanais: planong makipagtalik muli sa dating kalaguyo. Nangarap siyang maibabalik ang masayang suyuan nila ni Amante, dating driver. Di naglao’y nagulat si Guia, nabigo—may sariling buhay na ang lalaki. Gayunman, hanggang mamatay, nakuha ni Guia na magtago’t tumakas sa pagsasamantala sa kaniyang lakas/galing ng mga anak. Samantala, umastang ordinaryong tao, biyuda, mapagbiro at magiliw, nakapagpapatawa, sa pakikipagpagdaupangpalad kina Roda at Menang.
Layon ni Guia na ipagtanggol ang sarili sa tangkang sakupin, manduhan at kontrolin siya ng mga anak at apo (125). Buhat pa noong sumulat siya ng kuwento tungkol kay Bono Lardizabal, na dahilang pinilit ng ama na ipakasal kay Carmencito, rebelde na si Guia. Naikumpisal niya ang “affair” niya kay Amante na ikinagulat nina Roda at Menang, “Mas masarap” kung hindi mo asawa.” Nahikayat si Roda na suriin ang kaniyang buhay. Natuliro siya na hindi nahiya si Guia kundi nagkaroon pa ng dangal: “Gabi-gabi niyang pinag-isipan kung paano nangyari na ikarangal pa ng babae ang dapat niyang ikahiya” (51). Binaligtad ni Guia ang panuntunan, binuwag ang tabu hanggang maharang ng katalagahan, ng aktuwalidad.
Kompara kay Guia, si Roda ay naging biktima ng sistemang kerida at nagpasyang humiwalay sa asawang Jovito. Dahil sa kita ng asawa, medya- klaseng estilo ang buhay niya ngunit naghahangad ng respeto’t pagsuyo mula sa iba. Komedya ang resulta ng kaniyang pagkakaibigan kay Cornelio, at sa huli’y mapagbirong nakisama muli kay Jovito sa bisa ng kanilang tuwa sa gunita ng nakalipas. Rekonsilyasyon kaya ito o pasakit na kompensasyon? At sa paglisan
6 Malay
Tomo 35 Blg. 2
nina Guia at Menang, pati ang simbolikong imahen ni Cornelio, naakit si Rodang bumalik sa piling ng asawa’t mga anak. Nakabilanggo pa rin siya, tila walang ibang oportunidad, bagama’t umaangil, umaayaw, dumadamba sa panggigipit ng tradisyon. Senyal ba ito ng awtor na reporma na lamang, hindi ganap na transpormasyon o pagbalikwas ng orden, ang nakasalang sa karamihan? Tiyak na sintomas iyon ng alyenasyon sa masungit at pangit na kapaligiran.
Patnubay ng Tadhana
Paano naman ang talagang sawimpalad? Si Menang, galing sa pulubing angkan sa Samar, ang nalugmok sa mababang saray: walang mabuting hanapbuhay kundi mga panandaliang gawain (masahe, palakad ng papel, atbp.) na hindi sapat sa pagtustos sa paralitikong asawang Toby at mga anak. Iskuwater lamang sila, nanganganib na mapatalsik ng gobyerno o pribadong kapital. Kapalaran ni Menang na maging biktima ng eksploytasyon ng kapital at dominasyon ng pamilya. Subalit sa halip na magmukmok o magalit, matuwain si Menang at handang maglingkod kina Guia at Roda. Buong tiwala siya sa kagandahang-loob at dunong ng dalawa. Gayunman, siya ang nahumaling sa pakikiapid, “walang bukambibig kundi makikiapid” (98), sa pagsunod sa kagustuhang makatikim ng ibang kalaguyo, sa kabanatang kusang naibunyag ni Jovito kay Roda ang keridang Camille Dumalaga.
Nagdulot ng pagkakataon kay Roda ang pagkatuklas ni Camille na mapaglirip na puwede niyang hiwalayan na ang asawa: “Tatanggapin ba niya si Jovito? O ito na ang pagkakataon para baguhin niya ang buhay niya, kulayan ang kaniyang mundo, timplahan kung baga sa ulam, gawing simula ng natitirang panahon ng kaniyang buhay?” (99). Hindi nakuhang tuparin iyon ni Roda. At sa halip si Guia ang tumupad sa paraan ng sakripisyo, paggugol, sa pamimigay ng ari-arian at paggastos sa paglikha ng sining at kawanggawa para sa naghihikahos. Sa punto-de-bista ng burgesya, pagwawaldas iyon, subalit kay Guia iyon ay pagtubos at pagbiyaya sa mga biktima ng sistema—isang banal o sakramentong aksiyon.
Danas ni Menang ang eksploytasyon sa gawain— di patas ang bayad sa kaniyang pagsisilbi—at dominasyon bilang babae. Ngunit mapagkumbaba at mapagsakripisyo para makaraos lamang araw-araw. Walang pakunwari, natural, si Menang ay sagisag ng walang-hupang enerhiya ng kalikasan—kahit anong kalamidad o pinsala, puwede siyang bumangon,
bumawi’t iligtas ang lahat. Tipong karakter sa komedya. Iyon ang ipinakita sa Kabanata 34: ang pagdiriwang ng mga matanda, ang pagyayakapan nina Roda at Cornelio bago maglakbay ang lalaki patungong Amerika, sa payo ng kaniyang mga anak. Magkakabit ang hapdi ng kabiguan at tuwa sa muling pagdaloy ng dating kinagawian, patunay na (ayon kay Bataille): “Eroticism always entails a breakdown of established patterns...of the regulated social order basic to our discontinuous mode of existence as defined and separate individuals” (Death 12–13). Tinutukoy sa huling parirala ang atomistikong paglutang ng monadikong suhetibidad na abala sa konsumerismo’t pagpapalitan ng kalakal sa mapagkunwaring siyudad.
Balewala ang ari-arian kay Guia. Ginugol ang salaping nakuha sa pagbenta sa bahay bilang tugon sa pagnanais. Ituring natin ito na isang metodo ng sakripisyo, paglustay o pagwawaldas, kahawig ng potlatch (Barnouw 112–14). Ang salaping iniwan ni Guia kay Menang ay siyang ginamit upang makabalik sila ni Toby sa probinsiya at makapagtatag ng panibagong buhay. Inihandog din ni Guia ang isang parte ng naiwang salapi sa bakasyon ng matatandang pinaglilingkurang libre ni Menang, at sa pagtulong sa mga kabataang manunulat sa Cordillera. Kawanggawang serbisyo sa matatanda na parang despedida rin kina Menang at Toby sa kanilang paglalakbay pabalik sa mapayapang tinubuang nayon sa Samar, isang imahen ng utopyang kalakip sa haraya ng suyuan at pag-ibig. Ipinamigay rin ng yumaong Guia ang utopya ng kaniyang imahinasyon: ang librong Hardin ng Isang Libong Tula. Paggasta’t pagwaldas ang sagot ng kaluluwa ng makata sa akumulasyon ng pribadong pag-aari at walang-awang tukso ng mamahaling kalakal, luhong umaakit sa madlang laging uhaw at nagnanasa.
Hiwaga at Himala ng Panahon
Lumilitaw na ang problema ni Menang, ang pinakasawing biktimang babae, ay malulutas ng patay. Nakuhang maging mikrokosmong salamin ang buhay ni Menang: sapilitang isinaayos ng sirkunstansiyang minana sa makalalaking tradisyon, tulad ng nangyari kina Guia, Roda at kababaihang ginawang “pambayad sa utang” at ipinagpapalit na kasangkapan sa patriyarkong hegemonya.
Sa Kabanata 13, isiniwalat ni Menang ang sekreto ng kaniyang nakalipas. Kumpisal ni Menang kay Guia: “Bago kami nagkapangasawahan, dinahas ako ng isang
Kamatayan, Pag-ibig, at Himagsik ng Mapagpalayang Diwa ng Kababaihan E. San Juan, Jr. 7
lalaki. Itinaboy kami ng tatang ko...Ayaw ko sanang sumama kay Toby dahil pakiramdam ko nadungisan na ang pagkatao ko” (152–53). Isinaloob ni Guia ang sawing kapalaran ng kaibigan na siyang pumukaw sa kaniyang nakalipas: hindi siya ipinagtanggol ng kaniyang ama noong disisiyete anyos siya at naging biktima ng malisya: “Wala rin namang detalyadong pangyayari sa loob ng motel—puwedeng sabihin na sila lang naman, ’yung maruruming isip lang naman, ang naglagay ng eksena sa pagitan ng pagpasok at paglabas sa motel ng dalawang tauhan” (154). Maaalala na pumasok si Guia sa Mithi’s Apartelle, naging pugad ng ispekulasyon kung may kasama siyang lalaki doon o mag-isa, na pampagkatutong palaisipang iniluhog sa atin ng awtor ng talambuhay.
Maipatlang: Sino ang kasama ni Guia sa Mithi’s Apartelle bago siya pumanaw? Bakit kayo nag- uusyoso? At sino ang tiktik na makikialam?
Samantala, pagkatapos mabatid ang istorya ni Menang, naungkat ang kaniyang sitwasyon. Dinadalaw si Guia ng paghihimagsik, hindi niya kagustuhan ang maging asawa si Crisanto, “na naging mabuting asawa,” bagama’t pinagbawalan siyang magsulat. Subalit patay na si Crisanto, malaya nang gawan niya ng tula si Menang na napinsala rin sa pagkapanginoon ng patriyarkang dahas. Naiwaksi ang arketipong kilabot ng kababaihan: gahasang di inaakala, marahas na dagok sa hinubo’t hinubdang pagkatao.
Sa wakas, nagkaroon din ng rekonsilyasyon sina Roda at Vito sa pagdalaw nila sa nakalipas: memorya ng magkatulong na pag-aalaga sa mga anak. Kaipala’y lumitaw na patas, hindi tagilid, ang distribusyon ng trabaho sa loob ng tahanan. Dagdag pa: hindi inapi si Roda—walang kailangang iwasto o lunasan sa danas nilang dalawa. Nalutas ang problema ng dalawang kaibigang Roda at Menang. Patas na ang dalawang panig—binansagang “equality feminism”—ngunit hintay, hindi ba pagbubulag-bulagan ito at pagsasantabi sa isyu ng pagkakaiba, ang argumentong asimetrikal na dinalumat nina Lise Vogel at Frigga Haug?
Sa ibang okasyon na natin talakayin ang paksa ng kaibahan at kapantayan. Sa pagsusuma, si Guia ay nilikhang di lamang nangangailangan kundi nagnanais, naghahangad—isang protagonistang umaapaw sa kuwadro ng representasyong realistiko, isang penomenang hindi mabigkas, naiwan sa pagpapangalan at pagsudlong ng kaniyang seksuwalidad sa organong uterus/vagina, ayon sa ideolohiya ng merkado at pribadong industriya (Coward). Kababalaghan o
kalabisang trivia lamang? Sa balik-tanaw, si Guia (buhay at patay) ang tumupad ng tungkulin ng sagradong alay o sakripisyo ng makasalanang siyudad.
Krokis ng Kontradiksiyon
Humiram tayo ng konsepto ng relihiyon kay Georges Bataille. Magkasanib ang kamatayan at erotisismo, tabu/batas at paglabag dito sa danas na maituturing na pananampalataya. Nakalakip sa banghay ang tema ng pagsalikop ng kamatayan at sensuwalidad na nakapokus sa ilang insidente. Nagwakas ang daloy ng mga pangyayari sa pagbaligtad sa takbo ng pangyayari (peripeteia), pagkilala sa tunay na motibasyon ng mga tauhan (anagnorisis) at luksang- parangal (pathos; pakikiramay, pighati at tuwa). Tinalunton ang klasikong hagdan ng trahedya, na may kabit na komedya sa pista ng matatanda bago lumunsad sa panibagong buhay sina Menang, Toby, Amante, Cornelio, Roda, at Jovito. Ang pista ang tatak ng paglabag sa batas (sinalungat ni Guia ang tradisyonal na pagsunod niya sa patriyarkang orden; at sindak sa kamatayan). Maituturing din ito na pagdiriwang sa tagumpay ng sigla ng babae na, sa kamatayan, ay nagdulot ng panibagong buhay sa lahat—kakatwang himala ng mapagpalayang galing ng kababaihan.
Sa diskurso ni Bataille, magkasiping ang kamatayan at buhay na nakatampok sa udyok na seksuwal, rahuyong erotika. Ang tabu (hinggil sa sex/kamatayan) ay nilikha bilang kalasag sa bagsik ng dahas na hinaharap ng karaniwang tao araw-araw. Upang manatili ang trabahong produktibo, kailangang magpataw ng batas/tabu sa marahas na puwersa ng mga damdaming galit, takot, inggit, panibugho, libog o makalupang pagnanais. Hinggil sa koneksiyon ng kamatayan at panganganak, panukala ni Bataille: “The death of the one being is correlated with the birth of the other, heralding it and making it possible. Life is always a product of the decomposition of life. Life first pays its tribute to death which disappears, then to corruption following on death and bringing back into the cycle of change the matter necessary for the ceaseless arrival of new beings into the world” (Death 49).
Ang pagburol sa patay ay minanang ugali buhat pa noong yugto ng kabihasnang Neanderthal, na nagsilbing proteksiyon laban sa dahas ng tadhana’t kapaligiran. Sindak ay kinulapulan ng paggalang sa puwersang nagbanta. Dalawang tagpo ng pagpanaw ang nagbigkis sa kaabalahan ng mga tauhan sa nobela. Ang tabu sa pagkamatay ni Crisanto ay unang saklong
8 Malay
Tomo 35 Blg. 2
sa bukana ng salaysay na dinugtungan ng pagkamatay ni Guia, ang saklong sa huli na nagbunga ng (1) pagsilang ni Guia bilang nagsasariling tao, makata, paraluman; (2) pagsisimula ng bagong masaganang buhay nina Menang at Toby at pagbabalik sa tinubuang nayon; at 3) paghuhunos ng relasyon nina Roda at Jovito. Himok ng katawan, udyok ng damdamin, sulsol ng organong seksuwal—mga panganib na hinarap ng awtor/naratibo, lumabag nga sa patriyarkang orden (pakikiapid ni Guia kay Amante, suway ni Camille, hikayat ng pangarap kay Roda) ang dahas na nilambungan ng tabu’t prohibisyong sumasaway at pumipigil.
Naibalik ang relihiyon o pagkakabit-kabit ng ordinaryong buhay. Nakasandig iyon sa sakripisyo, pangunahin ang buhay ni Guia na inialay sa matagal nang nabimbing personalidad. Inihandog din kina Menang at Toby at matatandang binalewala. Sa tingin ni Bataille: “Eroticism is a solitary activity.... defined by secrecy” (249). Ilapat ang konseptong ito sa pagtago ni Guia sa Apartelle, ang sekretong pag- uulayaw nila ni Amante noong buhay pa ang asawa, at pagkamatay rin sa taguan. Ano’t anuman, mabisa ang sakripisyo ni Guia, ang metamorposis niya bilang masunuring asawa (pinagbawalan siyang magsulat) at mabait na ina. Naisakatuparan ang hangarin ng bangkay: matagumpay na pagtupad sa habilin ni Guia at pagtanggap nina Wendy at mga anak na mali sila, paghingi ng tawad, at pagpaparangal sa manlilikha ng Hardin ng Isang Libong Tula.
Sa puntong ito, sapantaha kong inalihan ng panggigipuspos ang militanteng peminista. Sigabong aliw ang nasaksihan sa Kabanata 26–27: ang pagsasama ng tatlong babae ay nagdulot ng “sobrang laya ng pakiramdam ko” (280). Maluwalhating lugod din ang natamo ni Guia nang matanggap ang regalo ng anak at apo. Biyaya ng pagsasama-sama ang naranasan ng mag-asawang Menang at Toby (283–86). Maisisingit dito na kontra-sentimentalismong pagpipinid ng kuwento ang mahihinuha sa opinyon ng awtor tungkol sa sistemang kerida (Bautista, In Sisterhood 15–17).
Nakawiwili ang matinding galak ng mga babae, kapusukang siya ring umuugit sa kanilang kagustuhang makipag-ulayaw sa lalaking tabu (Amante, Cornelio). At sa panig ni Roda, ang pangingimbulo kay Camille ay naging obsesyon ng guniguning bihag ng budhi. Ngunit ang pinakamakatuturang bahagi ng naratibo ay nakapaloob sa pagkilala’t pagkakilanlan. Nagbunga ang kasabikan sa pagbubunyag ng tunay na adhika ni Guia, panaginip nina Menang, at pangarap ni Roda.
Naisiwalat ang lihim ng kababaihan—antagonistikong tuligsa sa panginoong ama at batas ng patriyarkang pamilya. Sa paglabag sa tabu, nailigtas ito. Ang ritwal ng luksang parangal sa burol ni Guia (kung saan kinilala ng mga anak ang kasarinlan ng Ina), pista ng matatanda na sumunod sa regulasyon, at palatuksuhan nina Roda at Jovito—ang mapagbirong katuwaan ng mag-asawa—ang tatak ng kaganapan ng mga tauhan at kahinugan ng pinakasasabikang lihim ni Guia.
Nangangahulugan ba na ang pagtatasa sa kasarian ay sirkulasyon lamang ng aktong paglabag at muling pagsunod sa batas? Paano ang hangaring peminista na ibuwal ang di-makatarungang ayos ng kasariang umiiral? Kung ang ugnayang panlipunan, ang “relihiyon” ni Bataille, ay nakahati sa yugto ng erotisismo (pagsalungat) at sakripisyo (pagsuko), walang napalitan o nabago kundi ang ating kaalaman. Nadulutan ng bagong kabatiran ang mambabasa hinggil sa sistemang kerida, ang sekretong buhay nina Guia at Roda, ang gahasa’t pagdurusa ni Menang, atbp. Pero naibulaos ba ang mithiing palayain ang kababaihan mula sa pagsasamantala at dominasyon ng kalalakihan?
Pagsaliksik sa Birtud ng Manlilikha
Ang alegorya ng pagkakaibigan ng mga babae ay pinagbuklod na tema ng katawan (hindi lamang nasasaktan), ang puwersa’t karupukan nito, sa gitna ng dibisyon ng gawain at kapangyarihan. Ikinulong ang babae sa domestikong larang ng pag-aruga sa anak at pag-alaga sa tahanan. Tinuligsa ni Eviota ang “family- household system” sa atin na “primary site of men’s control of women’s sexuality” (153). Nakasadlak ang babae sa paglilingkod bilang ina, asawa, pangangasiwa sa pangangailangan ng kasambahay, at pagdulot ng serbisyong seksuwal sa monogamyang kasunduan. Naisip nina Guia at Roda na singilin ang mga anak sa kanilang pag-aruga’t pag-aalaga—ang debate ng “wages for housework” ay naurirat muli, kakabit sa argumento ng “social reproduction feminism” (Martinez; Whitehead). Pinagkaitan ng sahod, pinaratangan ng mga lalaki na hangal at mahina ang babae, limitado, mababang uri. Kaugnay nito ang paghihimagsik laban sa patriyarkang paghahari, at pagdulog ng sakripisyong magdudulot ng ligalig sa status-quo patungong transpormasyon, pagtutuwid, pagpapakilala.
Silipin natin ang ilang senyas ng pag-alsa’t pagbangon ng babae sa paghawi ng tabing ng
Kamatayan, Pag-ibig, at Himagsik ng Mapagpalayang Diwa ng Kababaihan E. San Juan, Jr. 9
predikamentong isinadula sa nobela.
Umpisa ang pagkamatay ng lalaki, si Crisanto. Ang
ikinintal na larawan, si Guia na hawak ang metal urn na paglalagyan ng abo ng asawa, kakabit sa utos ng anak at ngitngit ng ina: “Na para bang porke namatay ang tatay nito, wala na siyang karapatang antukin” (1). Naititik agad ang dalawang leitmotif: oposisyon sa anak, pagunita ng limitasyon ng katawan sa kapupuyat, na nagtulak sa kaniyang tumakas sa anupamang katungkulang iniluhog ng pamilya, at linggatong sa paghihintay: “Kaya ginawa niya ang hindi pa niya ginawa sa buong buhay niya. Kahit nahihiya, nag- aalanganin, kinakabahan na baka paghinalaan siyang may katagpo, nag-check in siya sa isang apartelle” (2). Sumuway si Guia sa kinaugalian, inihanda ang katawan sa inaasam na pagdating ni Amante, ang driver na kalaguyo niya, sa harap ng bangkay ng asawa at pagsunod sa ritwal ng paburol.
Bakit ang utusan ang gumagambala sa nabalong babae? Hindi naman kerida ni Amante si Guia—ang babae ang dominante, batay sa uri at istatus. Mahihinuha na ang gunita ng magandang nakalipas ay signos ng pagtubos sa pasakit at pagkatabi: “Masarap lang makita si Amante...Hindi niya talaga makontrol ang sarili sa paghihintay. Wala siyang magagawa. Kasalanan man kay Carmencito, wala siyang magagawa” (4). Naghalo ang hiya (shame) at kasalanan (guilt), ang labas at loob; sa ibang rehistro ng wika, nagtiyap ang makalipunang tibok ng budhi at ang makasariling hibo ng damdamin. Kapagkuwa’y sumalisi ang galit sa mga anak at poot kina Wendy at Jerome, na hindi niya mapapatawad. Nilabag ang magulang, hindi sinunod si Guia. Ang tagpo sa punerarya ay sintomas ng tunggalian sa loob ng pamilya, emblematiko ng atomistikong ikot ng konsumeristang lipunan (tunghayan sa pahina 4–5). Makahulugan ang balitaktakan nina Guia at Wendy tungkol sa regla ng anak. Parunggit ng ina: “Putris namang regla ’yan, hindi ka pa ba menopause. Kuwarenta’y sais ka na, a! Ako nga, kuwarenta pa lang, menopause na!” (6). Nakamamanghang puna iyon sa di-masasagkaang daloy ng panahon.
Mapapansin ang pokus sa katawan at katangiang hindi matatalikuran: ang biyolohikang penomena ng paggulang o pagtanda. Sa sumbat ni Wendy—“Patay na si Papa, gusto n’yo pang iwan!” tugon ni Guia: “Bakit, sino ba ang gustong umalis?” (7) Naulinigan natin ang lihim na motibasyon ng babae na naipahiwatig sa sumbong ni Crisanto na “nagbago na siya, nag-iba na ang ugali” at “pahiging na may kinalaman dito ang
dating driver nila” (8), si Amante Mirasol. Naging karismatikong karakter ang abang driver, na sa saloobin ni Guia ay tutubos sa kaniya: “Araw-araw, gabi-gabi, hinihintay niya ang hinayupak na ito, tapos kung kailan siya wala, saka dumating?”
Naiguhit na ang naging masidhing pagnanais ng babae: ang paglabag sa tabu/batas ng patriyarkang pamilya, ang pagsunod sa libog o simbuyo ng saloobin, pagwawaldas, at pagnanasang makipagniig kay Amante. Ang dating kalaguyo ay simbolo ng pagkalas mula sa ekonomiyang utilitaryanistiko ng pamilihan, at pagpalit dito ng paglustay at paggastos ng labis sa dati. Natulak si Guia sa pagbulalas ng mga bagay na sagwil sa ninanais hanggang ang soberanya ng diwa/ budhi ay makamit sa lubos na galak, di matingkalang lugod, maluwalhating ligaya—tila banal na biyayang sumupling sa pagsalungat sa mundo ng pag-aari-arian. Naipabahagi sa atin, mga mambabasa, ang tunay na saloobin ni Guia na trato niya sa asawa ay parang kapatid lamang, hindi kasuyo. Dinggin ang marahas niyang deklarasyon ng pagbabalikwas sa umiiral na miserableng status quo:
“Pasensiya na, Cito; na umpisa pa man ng pagsasama natin, dinadalaw na ako ng pagsisisi. Sana’y naglayas na lang ako kaysa nagpakasal sa ’yo. Sana kahit nu’ng mag-asawa na tayo, kinaya ng powers ko na makipaghiwalay sa ’yo kahit walang dahilan.
Sana, naiintindihan mo ako, Cito? Wala namang masama sa iyo liban sa hindi mo talaga nabuo ang buhay ko. Hindi ko natikman ’yong sinasabi nilang love is blind, ’yong naglulumukso ang dugo mo para sa isang tao, ’yong magpapakamatay ka pag iniwan ka.
Hinahanap-hanap ko ’yong gano’n” (13– 14).
Lugod, saya, kagalakang ganap, luwalhati—dugong lumulukso ang hangad ni Guia, na hinabol niya kay Amante (Kabanata 16) subalit huli—ikakasal na si Amante. Lumindol at binagsakan ng realidad ang babaeng nangangarap. Nakabilanggo ang buhay niya sa nakalipas, ang panahon niya ng sekretong pag-uulayaw: “’Yong halos itago niya ang mukha niya pagpasok nila sa motel, mabilisang pagpasok, nagmamadali, hindi lang dahil baka may makakita at makakilala sa kotse ni Carmencito kundi dahil nasa mukha nila ang pagitan
10 Malay
Tomo 35 Blg. 2
ng kanilang edad” (182). Pagkatapos nilang magkausap muli, napag-isa’t nagtanim si Guia ng mga halamang kinagigiliwan, at “nang hugasan niya ang mga kamay, hindi na maalis pa ang lupa sa ilalim ng kanyang mga kuko” (190). Senyas ba ito ng konsiyensiya niya o hiwatig ng pangingimbulo?
Diyalektika ng Libog
Ang makalupang pagnanais ay napunta sa kawalan, kapagkuwa’y sumagitsit ang libog na humaplit sa katawan: “...Ipinagkadiin-diin ang mukha sa unan hanggang sa mahalata niya na hindi na yata siya humihinga” (191). Di umano’y nahalinhan ang Eros ng Thanatos, na nagtungo nga sa pangambang mabalik ang kinapupuotang status quo bago namatay ang asawa, “ang sitwasyong nais niyang talikuran...ang pinakapuso ng lahat ng gusto niyang sabihin: sariling buhay, sariling pasiya, kalayaan...Iyon na siguro ang ideal, ’yung maging kaibigan niya ang mga anak pero may galangan, may distansiya, hindi sumasakop o dumadagan kundi gumagalang at nagpapalaya. Mahirap umasa do’n pero hindi siya nawawalan ng pag-asa” (288).
Kilabot ni Guia na dumagsa muli ang mga apo ni Wendy at gawin siyang yaya. Kaya ipinaubaya kay Roda ang pagkomunikasyon sa kanila, at tuloy nawalang bigla sa eksena. Hindi na natin makikitang buhay ang bayani ng salaysay hanggang sa sandaling mahilingan si Roda na kilalanin ang bangkay ni Guillerma Rosales na natagpuan sa Mithi’s Apartelle. Pinaghinalaang nakipag-liaison siya sa isang lalaki, ngunit sino? Isang palaisipang ibinato sa atin ng awtor, o ng multo ng yumaong sinta ng mahiwagang kasuyo?
Samantala, himatong ng panaginip ni Roda na nagpapaalam na ang kaniyang kaibigan: “Dahil pag namatay daw ang tao, kailangan niyang mahanap at mabuksan ang pinto ng liwanag para makakawala ang kaluluwa niya sa katawang-lupa. Ang pinto ng liwanag ang simbolo ng paglaya” (291). Ang pintong nabanggit sa wakas ay “pinto ng convenience store” kung saan nagkasama muli sina Roda at Jovito pagtawid sa makulimlim na daan.
Maaaring itiklop ang aral ni Guia sa hangarin niyang magkaroon ng maunawaing diyalogo at kasunduan ang kamag-anak. Mahuhulong ito ang kinahinatnan ng salaysay, ang pagbabalik ng mundo ng trabaho. Ang masidhing layon ng nobela ay masasalat sa obserbasyon ni Bataille hinggil sa birtud
ng pagkamatay ni Guia, ang mabiyayang kalooban ng babae: “It cannot prevent life’s disappearance in death from revealing the invisible brilliance of life that is not a thing. The power of death signifies that this real world can only have a neutral image of life, that life’s intimacy does not reveal its dazzling consumption until the moment it gives out...That intimate life, which had lost the ability to fully reach me, which I regarded primarily as a thing, is fully restored to my sensibility through its absence. Death reveals life in its plenitude and dissolves the real order” (Theory 47). Iyon ang mabiyayang handog ni Guia sa lahat, sa buong lipunan.
Tanggap na ang masalimuot na saloobin ng babae ay nabunyag sa kamatayan, gayunman ilang tanong ang nakababagabag. Bakit takot ang lipunan sa pagpapahintulot sa paglaganap ng galak, pagtangkilik sa erotikong silakbo ng pag-ibig? Bakit suklam tayo sa laro ng sensuwalidad? Kung erotikong dahas ang lumulunas sa sugat ng pagkakahiwalay ng bawat tao, bakit sumasagwil ang kodigong legal at prehuwisyo ng patriyarkang gawi? Bakit tratong pag-aari ang katawan ng babae na ikinulong sa katungkulan nitong maglingkod sa reproduksiyon ng buong sangkatauhan? Paano ang papel na ginaganap ng katawan na hindi ligtas sa mga kapahamakan o kapinsalaan ng kalikasan? Di na natin pag-aksayahan ang ibang aksidente o pagbabaka-sakaling sumpong ng kapalaran, tulad ng nasaksihan kina Camille at Jovito, Roda at Cornelio, Guia at Amante.
Determinasyon sa Huling Pagtarok
Marahil, sa pakiwari ko, natugon ang mga tanong sa eksenang kapana-panabik: ang identipikasyon ng bangkay ni Guia sa Kabanata 29.
Isaalang-alang natin ang singularidad ng espasyong naikintal dito sa nobela, lahat sa loob ng lungsod ng MetroManila. Patungkol nga sa Amerikanong serye, Sex in the City, pinadaan ng awtor ang tatlong bihasang babae sa medya-klaseng tahanan, restoran, kondominyum, iskuwater, park o liwasang bayan, tagong apartelle, simbahan, bakasyunan, lansangan, punerarya, at ngayon sa morgue. Sina Roda at Jovito ang hinirang na magpatotoo kung sino, o kanino ang bangkay:
...at di pa man sila pumapasok, nakita na niya ang bangkay na nakahiga sa mesa [ng Punerarya Mabuhay]. Nakapatong ang ulo niyon sa bangkito, sa paraan na nakabitin
Kamatayan, Pag-ibig, at Himagsik ng Mapagpalayang Diwa ng Kababaihan E. San Juan, Jr. 11
ang leeg at nakalaylay ang buhok...itsura ng babaing pinalulutang ng madyikero sa mga palabas.
Napahindig si Roda. Pero hindi dahil mistulang babaing pinalulutang ng madyikero ang bangkay kundi dahil wala itong damit, wala man lang kahit kumot. Mabilis na natakpan niya ang mga mata ni Jovito, “H’wag kang tumingin!”
Inalis ni Jovito ang kamay niya. “Ano ka ba! Para naman akong hindi sanay makakita ng katawan ng babae!”
Nakamulagat pa rin siya sa bangkay ni Guia. Ito na ang sandali para humagulgol, pero ang nararamdaman niya, ang paglalatang ng dibdib niya. Hinubaran nila si Guia, hubo’t hubad. Hindi na nila iginalang ang katawan ng kanyang kaibigan!”...
“Bakit nakahubad?” sita niya sa lalaki ng punerarya.
“M’am, eembalsamuhin na ho.”
“....Porke patay na, ginaganyan na? Porke hindi na makakibo, hindi na maipagtanggol ang kanyang sarili? Ano ba naman iyan, Vito!...” (297–98)
Sa sumbat ni Vito na hindi na importante iyon, pakli ni Roda: “Importante iyon, Vito...Lalaki ka kaya hindi mo alam kung gaano kaimportante sa babae ang dignidad niya!” (298). Maipahatid natin dito ang himutok: umaalingawngaw ang protesta ni Roda sa buong kapuluan, kung ilanlibong babae ang hinubaran at pinarusahan sa mga safehouse ng militar at pulisya, mula panahon ng diktadurang Marcos hanggang sa rehimeng Duterte/Bongbong. Mga nilapastangang katawan ng mga babaeng aktibista, hinubaran at binastos at inabuso paulit-ulit. Oo na, umaarte tayong tulad ni Rizal sa nobela niya, na pinatitigil ang takbo ng kuwento upang itaghoy ang hirap ng isang tauhan (gaya ni Kabesang Tales o Elias) sa pagdurusa ng buong komunidad.
Patawad sa patlang, balik tayo sa komentaryo. Ituloy natin ang sindak ni Roda sa bagsik at lupit ng kamatayan, tila mabangis na puwersang sumakop nang walang babala. Ang kilabot ni Roda ay indeks sa paglalapit ng kamatayan at pagkahalay sa katawan, na nakagising sa simbuyong nakaduduwal, nakalulula, na pumupukaw sa ligalig na inilarawan dito—pagmasdan ang iginuhit na katandaan ni Guia, ang hinanakit ni Roda sa inakalang titig ng madla sa inembalsamong bangkay:
Matanda na nga si Guia, laylay na ang suso. Tignan mo, ang laki ng tiyan, parang buntis. Ang dami pa namang stretch mark. Biro mo, eto ngayon si Guia, nakahubo’t hubad, at hindi lang sa harap niya kundi sa harap din ni Jovito, pati sa harap ng lalaking ito na ni hindi nito kakilala. Si Guia, na minsang napasukan niya nang nakahubad, napatili sabay takip ng palad sa dibdib, Naka-bra’t panty pa ito noon!
Tapos, eto at hubo’t hubad. Hinubaran ng kung sino lang. Nakita na nang hubo’t hubad ng kung sinu-sino lang. Napaiyak siya. Kahit naman patay na ang tao, hindi dapat nilalapastangan ang pagkatao niya. Kahit patay na, dapat minamahalaga pa rin ang kanyang kahihiyan.
Hindi siya sure kung nag-iiyak siya dahil patay na si Guia o dahil hindi na nila minahalaga ang kahihiyan nito. Itinakip niya ang kamay sa bibig. (299–300)
Pansinin na kay Roda, buhay pa rin ang katawan, na maaring mahiya. Paniwala niya na “Buong buhay ng babae, itinatago niya ang katawan niya. Hindi nga siya naghuhubad kahit sa harap ng asawa niya” (300). Taglay ng saloobin ang ambivalence ng tao sa patay, magkahalong sindak at mapitagang pagkatakot, na puwedeng maghunos sa pagsambulat ng damdamin— ito ang tuwang “orgiastic” na nakasilid din sa mga tagpo ng saya ng magkaibigan noong nagliliwaliw sa iba’t ibang lugar sa siyudad noong Pasko, at sa lugar ni Menang sa gitna ng nakabibinging putukan noong Bagong Taon (Kabanata 26–27).
Alam natin na magkasalungat ang buhay at kamatayan. Ngunit magkatambal din at magkatalik. Sa masidhing tuwa nalulusaw ang malay, sa aksiyong seksuwal at sa huling kombulsiyon ng katawang naghihingalo, unti-unting pumapanaw. Sa sandali ng agaw-buhay lumalapag ang anghel ng katubusan. Mailalapat dito ang kuro-kuro ni Bataille: “The whole business of eroticism is to destroy the self-contained character of the participators as they are in their normal lives. Stripping naked is the decisive action. Nakedness offers a contrast to self-possesion, to discontinuous existence...It is a state of communication revealing a quest for possible continuance of being beyond the confines of the self. Bodies open out to a state of continuity through secret channels that give us a feeling of obscenity. Obscenity is our name for the uneasiness which upsets the physical state associated
12 Malay
Tomo 35 Blg. 2
with self-possession...Stripping naked is seen as a simulacrum of the act of killing...linking the act of love with sacrifice” (Death 11–12).
Tagubilin ng Budhi
Erotikang pagkamatay—isang parikala ba ito? Taglay rin ang ambigwidad sa opinyon ng awtor tungkol sa kerida system na sinuri niya sa Hinugot sa Tadyang at sa In Sisterhood. Payo niya sa lahat na tutulan ang batas ng ordeng makalalaki: “Bawal magkaroon ng seksuwalidad ang babae!” (138). Hinahamon niyang buwagin na lahat ang tabu at batas na nagbabawal. Kaya kung tutuusin, hindi purong malungkot na trahedya o nakakikiliting komedya ang dating at reaksiyon sa nobela. Sa pagtaya ko, ang Sixty ay siyang pinakamangahas na akda ni Bautista na tumitistis sa suliranin ng ugnayan sa pamilya, ng pakikitungo ng mga magkalapit, ng pakikipagkapuwa ng bata at matanda. Problema ito sa lahat ng nakatira sa siyudad ng neokolonyang bansa na pinaghaharian ng anomie at reipikasyon sanhi sa pagdikta ng rasong instrumental at mistipikasyon ng komoditi- petisismo (Habermas; Ebert; Lefebvre). Itinatakwil ng mapangahas na intriga ni Guia ang hegemonya ng akumulasyon at pagsuob sa pribadong ari-arian.
Makakamit ang adhikang mapalaya ang pagkatao at maisapraktika ang soberanya ng bawat nilalang kung tututulan at disiplinahin ang trabahong akumulasyon, pagpapayaman, paghamig ng tubo (surplus value) na ninakaw sa anak-pawis. Makakamit ang katubusan sa erotikang pagkalas/pagtakas mula sa pagkaalipin sa ari-arian, ang di umano’y pagwawaldas (sa malikhaing sensibilidad ng makata na tutulong sa maralitang kabataan sa Cordillerang gustong sumulat) at pag- abuloy sa ikagagalak ng mga matandang kinalimutan na ng mapag-imbot na lipunan. Sa ultimong hatol, ang paggugol ng labis na halaga (surplus value) upang iligtas ang mga sawimpalad sa miserableng kalagayan ay tagumpay ng imahinasyon at dunong ng kababaihan.
Matapat, matapang, at matalino ang diwang nagpapagalaw sa mga karakter at pangyayari sa nobela. Magusot ang mga temang sinasaliksik at mapanuri ang retorika’t pananagisag na gumabay sa maantig at nakapupukaw na paraan. Testimonyo ito na ang manunulat ay “kunsiyensiya ng kanyang bayan” (Bautista, In Sisterhood 178).
Pinili kong sipatin ang maintrigang nobelang ito upang subukin ang haypotesis na ang usaping pangkasarian—tinaguriang “the woman question”
sa Kanluran—ay nakasalang sa hiwaga ng komoditi- petisismo o alyenasyon sa politikang ekonomiya ng lipunang nasadlak sa paghahari ng pangkating piyudal-komprador-burokrata kapitalista. Ang aksiyon o ginampanang papel ng tatlong babaeng protagonista, sampu ng dalagang anak sa Sonata, ay halimbawa ng pakikihamok laban sa sistemang di-makatarungan at mapagsamantala. Naisagawa ito sa paraan ng paggamit ng talino, katutubong galing, at kakayahang hango sa kanilang pagka-ina at pagkaalipin. Iyon ay sagisag na sa diyalektikang pag-inog ng banghay ng nobela, ang pagsugpo ng kababaihan sa negasyon ng patriyarkang mapanikil ay nagbunsod ng pakikibaka tungo sa liberasyon ng buong sangkatauhan. Ang Sixty in the City, sa tingin ko, ay mapanghamong panawagan sa lahat na magpunyaging matamo at maisapraktika ang “sariling buhay, sariling pasiya, kalayaan” (288) na hinangad ng tatlong babaeng bayani sa nobela. Sandata itong magagamit para sa kolektibong proyekto ng sambayanang lumalaban, anumang kasarian ang gustong pakilusin, tungo sa pagkakamit ng awtentikong soberanya, katarungang panlipunan, at demokrasyang pambansa.
SANGGUNIAN
Aguilar, Delia. Toward a Nationalist Feminism. Quezon City: Giraffe Press, 1998. Print.
---.“Questionable Claims.” In Women and Globalization, eds. Delia Aguilar and Anne Lacsamana. Amherst, NY: Humanity Books, 2004. Print.
Alfaro, Ma. Rita Arce. “Human Rights Behind Bards: The Manila City Jail Experience.” Focus 39 (March 2005). Print.
Barnouw, Victor. An Introduction to Anthropology, Vol. 2. Homewood, IL: The Dorsey Press, 1975. Print.
Bataille, Georges, Death and Sensuality. New York: Ballantine Books, 1962. Print.
---. The Tears of Eros. San Francisco: City Lights Books, 1961. Print.
---. Theory of Religion. New York: Zone Books, 1989. Print. Bautista, Lualhati. “From Rocking the Cradle to Rocking the Boat.” Nasa Sarilaya: Women in Arts and Media, ed. Sr. Mary John Mananzan, et al. Manila: St. Scholastica’s
College, 1989. Print.
---. Buwan, Buwan, Hulugan Mo Ako ng Sundang. Pasig:
Anvil Publishing Co., 1991. Print.
---. Bulaklak sa City Jail. Quezon City: C&E Publishing,
2006. Print.
---. Hinugot sa Tadyang. Quezon City: Dekada Publishing,
2016. Print.
Kamatayan, Pag-ibig, at Himagsik ng Mapagpalayang Diwa ng Kababaihan E. San Juan, Jr. 13
---.“Lualhati Bautista: Tinig ng Pangalawang Henerasyon.” Sarilaysay ni Rosario Torres-Yu. Manila: Anvil, 2000. Print.
---. In Sisterhood. Quezon City: n.p., 1013. Print. Beauvoir, Simone de. The Second Sex. New York: Penguin,
1949. Print.
Coward, Rosalind. Female Desires. New York: Grove Press,
1985. Print.
Ebert, Teresa. “Left of Desire.” Cultural Logic 3.1 (Fall
1999). Web.
Engels, Frederick. “The Origin of the Family, Private
Property and the State.” Selected Works by Marx and
Engels. New York: International Publishers, 1968. Print. Eviota, Elizabeth. The Political Economy of Gender. New
York: Zed Books, 1992. Print.
Ferguson, Ann. “Sex and Work: Women as a New
Revolutionary Class in the United States.” Nasa An Anthology of Western Marxism, ed. Roger Gottlieb. New York: Oxford University Press, 1989. Print.
Figes, Eva. Patriarchal Attitudes. Greenwich, CT: Fawcett Publications, 1970. Print.
Foley, Barbara. Marxist Literary Criticism Today. London: Pluto Press, 2019. Print.
Foucault, Michel. Power/Knowledge, ed. Colin Gordon. New York: Pantheon Books, 1980. Print.
Freud, Sigmund. The Freud Reader, ed. Peter Gay. New York: W.W. Norton, 1989. Print.
Habermas, Jurgen. The Philosophical Discourse of Modernity. Cambridge, Mass: MIT Press, 1992. Print. Haug, Frigga. “Thirteen Theses of Marxism-Feminism.”
Transform Europe (Nov. 16, 2020). Posted in MRonline. Web.
Kojeve, Alexandre. Introduction to the Reading of Hegel. New York: Basic Books, 1969. Print.
Lefebvre, Henri. Everyday Life in the Modern World. New York: Harper and Row, 1971. Print.
Lewinsohn, Richard. A History of Sexual Customs. New York: Harper and Brothers, 1958. Print.
Marx, Karl. Economic and Philosophic Manuscripts of 1844, ed. Dirk J. Struik. New York: International Publishers, 1964. Print.
---. Early Writings, ed. Quintin Hoare. New York: Vintage Books, 1975. Print.
Martinez, Josefina L. “Social Reproduction Femnism or Socialist Feminism?” Left Voice. Web. (May 2021 ).
Minson, Jeffrey. Genealogies of Morals. New York: St Martins Press, 1985. Print.
San Juan, E. “Pagdulog sa Gapo ni Lualhati Bautista: Rasismo, Maskulinistang Ideolohiya, at Himagsik ng Anakpawis sa Isang Alegoryang Pambansa.” Malay xxxiv, 2 (2022): 1–15. Print.
---. Maelstrom Over the Killing Fields. Quezon City: Pantas Press, 2022. Print.
---. “Paano Ginawa ang Bata, Bata...” : Likhaan 15 (2021), 19–38. Print.
---. “Panimulang Pagsubok sa Interpretasyon ng Panulat ni Lualhati Bautista.” Daluyan xxvii, 1 (2021): 60–79. Print.
---. “Lakas ng Feministang Makabayan Laban sa Patriyarkang Diktadurya ng Imperyo: Pagsubok sa Interpretasyon ng Dekada ’70 ni Lualhati Bautista.” Akda 2.1 (April 2022): 1–18. Print.
Sison, Jose Maria and Jullieta de Lima. Philippine Economy and Politics. Quezon City: Aklat ng Bayan Publishing House, 1998. Print.
Torres-Yu, Rose. Alinagnag. Manila: U.S.T. Press, 2011. Print.
Vogel, Lise. Woman Questions: Essays for a Materialist Feminism. New York: Routledge, 1995. Print.
Whitehead, Judith. “Imperialism and Primitive Accumulation.” Marxism and Feminism, ed. Shahrzad Mojab. London: Zed Books, 2015. Print.
Yeats, W.B. The Collected Poems of W.B. Yeats. New York: Collier Books, 1989. Print.
Zaretsky, Eli. Capitalism, the Family and Personal Life. New York: Harper and Row, 1973. Print.
Monday, July 24, 2023
Komentaryo ukol sÄ… nowela ni Lualhati Bautista: SIXTY IN THE CITY
MALAY 35(2) Hunyo 2023, pp. 1–13
Kamatayan, Pag-ibig, at Himagsik ng Mapagpalayang Diwa ng Kababaihan:
Diyalektika ng Kalayaan at Nesesidad sa Sixty in the City ni Lualhati Bautista
/ Death, Love, and Rebellion of Women’s Emancipatory Spirit: Dialectics of
Freedom and Necessity in Sixty in the City by Lualhati Bautista
E. San Juan, Jr. University of Connecticut philcsc@gmail.com
Sinuri ang pangunahing tema ng nobela at kabuluhan nito sa sitwasyong pampolitikang ekonomiya ng kasarian. Sa pagkakaibigan ng tatlong ina, isinadula ang ugnayang sumasalungat sa piyudal-kapitalistang ideolohiya ng reipikasyon: ang magkalakip na diyalektika ng pag-ibig, seksuwalidad, at kamatayan. Pinagsanib ang teorya ni Georges Bataille hinggil sa erotisismo at historiko-materyalismong analisis ng hidwaan ng mga uring panlipunan sa neokolonya. Sa metodong iyon, naisadula ang karanasan ng mapagpalayang diwa ng kababaihan laban sa patriyarkang dominasyon. Kongklusyon ng saliksik ng mga pangyayaring dinalumat hinggil sa tatlong babaeng nagnasang makamit ang pagkilala sa sarili at pagkakilanlan sa kanila ay mailalagom dito: dapat sipatin muna ang trayektorya ng puwersang panlipunan, ang nesesidad pangkasaysayan, na nagtatakda sa ating pagkatao. Pahiwatig ito ng banghay ng nobela: upang mailigtas ang mapanlikhang lakas ng kababaihan mula sa karupukan ng katawan, mapagsamantalang dahas ng maskulinistang kaayusan, at dominasyon ng kalakal/pribadong pag-aari/imperyalistang kapital, kailangang pasiglahin ang komunidad, ang kamalayang kritikal at mapanghimagsik, upang makalaya sa pagka-alipin sa kinagisnang subordinasyon. Ang suliranin ng kasarian ay nakabuod sa kolonisadong gawi/ paniniwala na mababago lamang sa paraan ng rebolusyonaryong praktika at kolektibong sikap ng buong sambayanan.

Subscribe to:
Posts (Atom)
APOLINARIO MABINI--PAGPUPUGAY
SAN JUAN: Ang Mapagpalayang Praxis ng Rebolusyonaryong UNITAS 52 APOLINARIO MABINI: Ang Mapagpalayang Praxis ng Rebolusyonaryong Sambayanan ...
-
PAGSUBO K SA ISANG MAPAGPALAYANG PAGKILALA'T PAGTAYA SA SINING NI JOSE CORAZON DE JESUS by E. SAN JUAN, Jr. Dahil sa ma...
-
KONTRA-MODERNIDAD: PAKIKIPAGSAPALARAN SA PAGTUKLAS NG SARILI NATING MAPAGPALAYANG KABIHASNAN Kung ang katotohanan ay matatagpu...
-
ULIRANG HALIMBAWA NI EFREN ABUEG: Tungo sa Mapagpalayang Sining ni E. San Juan, Jr. Kamakailan, bago ipinawalan ang “Morong 43” na biktima...