Sunday, September 08, 2019

BAGUHIN NATIN ANG MUNDO!

"HINDI LAMANG IPAKAHULUGAN, KUNDI BAGUHIN DIN ANG MUNDO":

Proyekto tungo sa Paglunsad ng Rebolusyong Pangkultura
LEKTURA SA UPLB SIKLAB PROGRAM, Feb. 6, 2017

ni E. SAN JUAN, Jr.


Sa bisa ng likas na kalakaran ng mga bagay, nasa sambayanan mismo ang lahat ng kapangyarihang nakasasaklaw rito....Kung nasa pagtutugma ng katwiran at karanasan ang katotohanan, nasa pagtutugma ng teorya at praktika ang birtud.
--APOLINARIO  MABINI

It is no longer a matter of bringing death into play in the field of sovereignty, but of distributing the living in the domain of value and utility.
--MICHEL FOUCAULT

The philosophers have only interpreted the world, in various ways; the point is to change it.
--KARL MARX



Nasaan na tayo? Galing saan at patungo saan? Umabot na tayo sa malubhang krisis ng planeta: pagharap ni Trump sa globalisadong krisis ng finance capitalism na pinalala ng giyera laban sa terorismo, at sa ating bakuran ang pag-lunsad ng giyera laban sa droga ni Presidente Duterte na umani ng mahigit 6,000 biktima. Bakit pinayagan ito?
Matindi't umiigting ang mga kontradiksiyon sa buong mundo.  At tumitining o umiigting ito sa neokolonyang bayan natin, na hanggang ngayon ay sakmal ng Estados Unidos at nakayukod sa kapangyarihan ng mga korporasyon at dayuhang kapital. Sa mga bansa sa Asya, kaipala'y tayo ay huli sa lahat, kumpara sa Indonesya't Thailand o Vietnam.
  Mahigit 103 milyong Filipino na tayo, pero mahigit kalahati ay pulubi't nagdaralita, "below the poverty threshold." Hindi na kailangang lagumin ang datos na mababasa sa IBON Webpage. Bakit nakasadlak pa rin ang buong sambayanan sa kahirapan, sa pagsasamantala ng dayuhang kapital, sa korapsyon at kawalang-katarungan, pagkaraan ng Pebrero 1986?
Mahigit 12 angaw na ang OFWs sa iba't ibang sulok ng daigdig, mga 3 libo ang nag-aabrod. Hindi pa naranasan ito hanggang ngayon. Di na ba nakasisindak? Haemorrhage ng body politic, anong triage ang makaliligtas?

Inihudyat ng bagong administrasyon ang islogan ng pagbabago. Manhid na ang marami sa ganitong pangako. Tuwing eleksiyon, ito ang mantra. Anong uri ng pagbabago? Pagpapalit ng personnel lamang? Paano ang mga patakaran, gawi ng pamamahala, layun ng mga palisi? Meron bang pangkalahatang bisyon o pangitain ng alternatibong kinabukasan?

Merong kaibahan. Kahanga-hanga ang pagtuligsa ni Presidente sa imperyalismong Amerikano. Siya lamang presidente, mula pa kina Roxas at Quirino, ang nakapagbitiw ng matinik na puna sa patuloy na dominasyon ng U.S. sa atin, laluna sa foreign policy at militar. Ngunit hanggang ngayon, puro salita. Nariyan pa rin ang JUSMAG, ang VFA at EDCA. Nariyan pa rin ang mga US Special Forces, at ang marahas na Oplan Bayanihan, ngayon binansagang Oplan Kapayapaan, tila parikalang biro. At kamakailan, nagbalita na malaking konstruksiyon ang ibubunsod ng Amerika sa mga base militar upang gamitin ng kanilang mga tropa. Para saan ito kundi counterinsurgency war, pasipikasyon ng masang tumututol at naghihimagsik laban sa korapsyon, dahas ng panginoong maylupa, komprador at burokrata-kapitalistang lumulustay ng kayamanan ng bansa?

Nagdiriwang ang iba sa diplomasya, hindi sa giyera. Katatapos lamang ng pangatlong sesyon ng "peace talks" sa Roma sa pagitan ng NDF at gobyerno. Mapupuri ang Presidente sa pagpapatuloy ng negosasyon na itinigil ng mga nakaraang rehimen. Maselan at masalimuot itong usapan, ngunit patuloy ang lumalalim na paghahati ng lipunan sa minoryang mayaman at nakararaming nagdaralita. Walang tigil ang karahasan ng sistemang ipinamana ng kolonyalismong Espanyol at Amerikano.

Bumabagsik ang class war, ang tunggalian ng mga uri at hidwaang sektor sa lipunan. Nahinto pansumandali ang sagupaan ng MILF at GRP, ngunit patuloy ang sindak sa Abu Sayyaf at iba pang elementong suportado ng ISIS o Al Qaeda. Nariyan pa rin ang mga sindikato ng droga sa loob mismo ng Estado. Nariyan pa rin ang JUSMAG, ahente ng CIA/FBI sa loob ng kampo ng AFP/PNP. Tahasang neokolonya pa rin tayo, kahit may nominal na independence, depende sa tulong na militar mula sa US.
Sa pangkalahatan, masidhi ang mga kontradiksiyong fundamental at istraktural, na nagbuhat pa sa karanasang hindi na magunita ng mga henerasyong millenials ngayon--hindi ko tinutukoy ang diktaduryang Marcos/martial law, kundi ang pagkawasak sa rebolusyonaryong republika natin sa Filipino-American War, 1899 hanggang 1913. Wala ito sa kolektibong memorya ng bayan. Nang ipaalala ni Pres. Duterte ang "howling wilderness" ni Gen. Jacob Smith bilang ganti sa Balangiga masaker, nagulat ang karamihan sa atin sapagkat wala tayong kamulatan tungkol sa ating kasaysayan, mahina o malabo ang ating memoryang publiko. Pagwariin natin ang pagkagumon ng madla sa konsumerismo sa mall, sa gayuma ng midya spectacle at comodifikasyon ng bawat salik ng pagkatao natin, hindi lang katawan kundi pati kaluluwa, panaginip, atbp. Tumagos sa ating loob ang modernismong kaakibat ng industriyalisadong sistema ng pamumuhay at teknolohiya kahit piyudal at kalakalan lamang ang ekonomiya natin. Bakit nagkaganito?

Maganda ang tema ng inyong 5th Anibersaryo, ng SIKLAB:"to showcase the power of culture and the arts as tools for social change."  Klasikong paksa ito na angkop sa ating sitwasyon bilang isang bansang naghahangad pa ng kasarinlan, tunay na kalayaan, pagkakapantay-pantay, demokrasyang pambansa. Dapat ngang maging instrumento sa pagbabago ang sining at kultura. Ngunit kadalasan, hindi. Naudlot ang pag-ahon sa kolonisadong kabuhayan nang lusubin at sakupin tayo ng Estados Unidos, at hanggang ngayon, hindi pa makahulagpos sa neokolonyang kagipitan, naghahangad pa tayo ng dignidad bilang bansang nagsasarili, malayang nakapagpapasiya sa pagbuo ng makataong lipunan at masaganang kinabukasan. Nagsisikap ngunit laging bigo. Sintomas ba ng malubhang sakit ng psyche?
Sa palagay ko, hindi lamang sikolohikal ito sa isang aspeto kundi, kung tutuusin, talagang mabigat na problemang panlipunan at pangkasaysayan. Nararapat ang kongkretong (multi-dimensiyonal) analisis ng kongkretong kondisyon sa perspektibong historikal-diyalektikal.
Pagbabagong panlipunan: ito ang mithiin natin. Anong klaseng pagbaba-----go, paano at tungo saan? Dapat natin linawin ito upang magkasundo kung paano matatamo ang pagbabagong ninanais ng buong sambayanan. Inaadhikang umunlad mula sa tradisyonal na antas ng ekonomiya tungo sa isang modernong kaayusan, ngunit ang balangkas na sinusunod natin ay hango, gagad o ipinataw ng IMF-World Bank at mga teknokratikong tagapayo mula sa Estados Unidos at Europa.

Itampok natin ang alternatibong pananaw. Nais kong ihapag sa inyong dalumat ang ilang mungkahi, ilang proposisyon na marahil kontrobersyal sa marami, kaya iniklian ko ang panayam na ito upang dulutan ng malaking espasyo/panahon ang pagpapalitang-kuro at tanungan sa nalalabing panahon. Hindi upang maging moderno, kundi upang lumikha ng ating sariling landas sa pakikitungo sa kapwa sa gitna ng malalang krisis.

Totoong masaklaw at malalim ang lakas ng sining at kultura sa anumang binabalak na transpormasyon ng lipunan. Balik-tanawin na lamang ang mga makabagong pintor at iskultor ng Renaissance, at mga pilosopo't manunulat noong Enlightenment/Kaliwanagan ng siglo 18 sa Europa, na nagbunga ng Rebolusyong Pranses, sumunod ang tagumpay ng burgesiya at liberalismo sa buong Kanluran, at ang hantungan nito sa 1848 Communist Manifesto nina Marx & Engels. Hindi payapang ebolusyon ang masasaksihan, kundi mga pagluksong marahas, nakamamanghang pagpalit ng sitwasyon ng buong lipunan, pagsira na luma't pagyari ng bago.

Sa balik-tanaw sa kasaysayan, dagling mapapansin na ang kultura, ang nalikha ng mga alagad ng sining, ay bunga ng mga puwersang nagtatagisan sa larangan ng ekonomya at pulitika. Ibig sabihin, ang mga pangyayaring kultural ay resulta ng mga banggaan at salpukan ng mga puwersang materyal sa araw-araw na buhay, repleksiyon ng mga pangyayari sa kabuhayan at reaksyong kasangkot sa pagtulak o pagsagka't paghadlang sa daloy ng mga pangyayari. Nababago ang kaisipan dahil sa prosesong iyon, at sa bisa ng bagong kaisipan, napapabilis ang takbo ng mga pangyayari. Sina Dante,Shakespeare, Rousseau, Voltaire, Goethe, atbp. ay gumanap ng kanilang mga papel sa bisa ng mga institusyong kinasangkutan nila, institusyong politikal at pangkabuhayan. Sa kabilang banda, tumulong sila upang mapasigla ang tendensiyang progresibo at mapukaw ang madla sa pagbabagong tutugon sa kanilang pangangailangan na hindi na binibigyan-kasiyahan ng lumang orden. Mula sa ritwal ng lumang orden sumupling ang karnabal at pista ng taumbayang mapanlikha't masuyo sa inilaang biyaya ng kalikasan. Diyalektikal ang proseso ng pagbabagong luwal ng daloy ng mga kontradiksiyon sa mundo.

Bago natin makaligtaan, sa taong ito ipinagdiriwang ang ika-100 anibersaryo ng Bolshevik Rebolusyon na pinamunuan nina Lenin at mga kapanalig sa Rusya. Ito'y tuwirang naging masiglang inspirasyon sa sumunod na rebolusyon sa mga kolonya--sa Tsina, Biyetnam,Cuba, Algeria, Korea, atbp. Nasagap at tumagos sa diwa ng sambayanan ang alingawngaw ng pagbabagong ito sa atin sa pagtatag ng Partido Komunista ng Pilipinas noong 1938. Bagamat naibalik ang kapitalismo sa Rusya at Tsina noong nakaraang siglo, hindi ganap na mabubura ang naikintal sa kamalayan ng anak-pawis ng buong mundo ang ulirang pakikipagsaparalan ng proletaryado sa Rusya at Tsina, na hanggang ngayon ay naisasapraktika sa rebelyon ng mga inalipin at dinuhagi sa iba't-ibang lugar, halimbawa, sa NIcaragua,Venezuela, Palestina, Nepal, Korea, at sa ating bayan.

Sa gitna ng ganitong mga transisyon, hindi lahat pasulong kundi liku-liko't masalimuot, maitanong natin: Ano ang tungkulin ng mga nag-aaral tulad ninyo, o ng mga intelektuwal (na kabilang sa uring petiburgesya) upang maging kapaki-pakinabang sa transpormasyon ng bansa mula sa neokolonyalismong kapitalismo tungo sa isang demokratiko't nagsasariling lipunan? Anong klase ng partisipasyon sa pagbabagong pambansa ang mapipili o mararanasan ng intelihensiyang tulad natin? Sa malas, nariyan ang huwaran nina Rizal, Bonifacio, Mabini, Crisanto Evangelista, Amado V. Hernandez, Angel Baking, Emmanuel Lacaba, Maria Lorena Barros, at marami pang bayani ng katubusan.

Ang katungkulan ng intelektuwal sa midya't kultura, sa pakiwari ko, ay magsilbing organikong tagapamagitan sa mga uring bumubuo ng mayorya: manggagawa, pesante o magbubukid, kababaihan, propesyonal o negosyante, etnikong katutubo't iba pang sektor na inaapi. Ang grupong ito ay magsisikap bumuo ng isang progresibong bloc o nagkakaisang-hanay upang itaguyod ang programang mapagpalaya. Maaring magkaroon ng maraming partido o organisasyong magtataguyod ng programang napagkasunduan. Ang proyektong babalikatin ng magkasanib na mga partido/kalipunan ay makapagpalaganap ng isang hegemonya o gahum ng masang produktibo, ang pangingibaw ng lideratong moral-intelektuwal ng produktibong lakas, ng sambayanang lumilikha, sa pambansang kilusan.

Ang unang salik sa programang ito ay paglikha ng ahensiya o agency/subjectivity ng rebolusyonaryong puwersa ng masa. Sa palagay ko, ang pasimunong aralin sa pedagohiyang pagsisikap ay pagmulat sa bawat indibiduwal ng isang kamalayang historikal, isang dalumat pangkasaysayan. Sapagkat lubog tayo sa kulturang neokolonyal, kinalupulan ng gawi't saloobing piyudal at mapagsunurin, walang inisyatiba o awtonomiya ang normalisadong mamamayan (nakakulong sa kwadra ng ordeng namamayani) , kaya dapat pagsabayin ang isang pagbabagong kultural--isang rebolusyong kultural na paglalangkapin ang mga natamo sa burgesiyang kultura (siyensiya, sekularisasyon)--at ang radikalisadong pangitain na siyang tutugon sa malaking problema ng alyenasyon, reipikasyon, at komodipikasyong lohikang likas sa nabuwag na kapitalismong sistema. Ito ang tinaguriang permanente o walang-patid na rebolusyon.

Walang pasubali, unang imperatibo ang pawiin ang batayan ng komodipikasyon: ang pribadong pag-aari ng gamit sa produksiyon at pagbibili ng lakas-paggawa ng bawat tao. Mawawala na ang pagbebenta ng sarili upang mabuhay. Samakatwid, pagpawi sa eksplotasyon o pagsasamantala. Sa wakas, sa pagpanaw ng paghahari ng komoditi, halagang nakasalig sa palengke o pamilihan, na siyang nagdidikta kung ano ang pamantayan ng halaga. Pagpawi sa salapi, exchange-value, pagsukat ng halaga batay sa tubo/profit. Pagpawi sa tubo o surplus-value.  Ang ideolohiyang liberalismo, na nakaangkla sa inbiduwalistikong pananaw, ay mawawala kapag napalitan ang pagkilates sa halaga ng isang bagay batay sa kung ito'y mabibili sa pamilihan at makapagtutubo. Sa halip, iiral ang malayang pag-unlad ng bawat indibidwal na nakasalig sa malayang pagsulong ng lahat.

Marahil utopiko o pangarap lamang ito? Subukin natin. Bago matamo ang antas na ito, ang proseso ng himagsikan--ang malawakang mobilisasyong rumaragasa--ang siyang magbubunsod ng mga pagkakataong makagigising sa budhi't kamalayan ng bawat tao sa neokolonyang lipunan.  Ano ang hinahanap nating kahihinatnan sa mga pagkikipagsapalaran ng bawat tao sa proseso ng pagbabago?

Nais kong ilatag ang isang ideya ni Antonio Gramsci, fundador ng Partido Komunsta ng Italya. Karaniwan, kung tatalakayin ang paksa ng kultura, o kung sino ang taong sibilisado, taglay ang dunong at kaalamang naisilid sa memorya, paniwala tayo na "highly cultured" na iyon. Paniwala na ang kultura ay katumbas ng pagsasaulo ng encyclopedia, at ang edukasyon ay walang iba kundi pagsilid ng sambakol na datos at impormasyon sa utak. Kantidad, hindi diskriminasyon sa kalidad, ang mahalaga't magagamit sa paghahanap-buhay. Mabibilang ba ang kaalamang nakuha at mapapagtubuan--iyan ang mentalidad ng madla na kailangang baguhin na namana sa ekonomiya ng komodipikasyon.

Kasalungat nito ang pakahulugan ng kultura kay Gramsci, kung ano ang katuturan at kahihinatnan nito.  Pahayag ni Gramsci: "Culture...is an organization, discipline of one's inner self, a coming to terms with one's own personality. It is the attainment of a higher awareness, with the aid of which one succeeds in understanding one's own historical value, one's own function in life, one's own rights and obligations."
Salin ko: "Ang kultura ay isang organisasyon/pagsasaayos, disiplina ng kalooban, isang pagtataya sa iyong pagkatao. Iyan ay pagkamit ng mas matingkad na kamalayan, at sa tulong nito matatarok natin ang halaga natin sa kasaysayan, ang ating papel na ginagampanan, ang ating karapatan at pananagutan."
Nais kong igiit dito na ang buod ng sarili ay walang iba kundi ang ugnayan nito sa kapwa. Walang pagkatao ang isang inbidwal kapag hiwalay sa lipunang kinabibilangan niya. Samakatwid, ang kultura ay galing at kakayahang pagpasiyahan ang paghubog ng ating kapalaran sa buhay, ang pagkaunawa sa halagang pangkasaysayan ng ating natatangi o namumukod na partikular na pag-iral sa mundo sa isang tiyak na lugar at panahon.

Kung pagninilayin ang naisaad kong imperatibo, ang pagkamit ng dalumat o kamalayang pangkasaysayan--"historical awareness"--hugot sa ating karanasan, edukasyon, pakikisalamuha, ay mahigpit na kaagapay ng pakikilahok sa proseso ng pagbabago. Sa larangan ng sining at midya, ito'y rebolusyong kultural. Ito'y pakikisangkot sa pakikibakang etikal at politikal upang mapamahalaan ang pag-unlad ng kalagayan ng nakararami--mga pesante, manggagawa, kababaihan, Lumad, atbp.--ang produktibong pwersa ng bayan. Mungkahi ni Walter Benjamin: "Sunggaban, pangasiwaan ang mga kagamitan sa produksyon upang makasangkapan sa kapakanan at kapakinabangan ng lahat."
Sa digmaang kontra-imperyalismo, ang mapagpalayang pananaw ng yumayari't lumilikhang masa ang siyang sandatang kakasangkapanin upang maigupo ang indibidwalistikong punto-de-bista ng kapitalistang ideolohiya't ugali. Ang pagbabago ng pagkatao ay hindi bukod, manapay matalik na katambal ng paglahok sa malalim at malawak na transpormasyon ng mga institusyong istraktural ng isang kaayusan sa isang tiyak na yugto ng kasaysayan. Ang teorya at praktika ay kasal sa napagkasunduang proyekto ng sambayanang umaalsa.

Ang tinutukoy rito ay ang neokolonyal na ayos o balangkas ng ating kasalukuyang lipunan, na lubog at lunod sa neoliberal na programa ng kapitalismong global. Paano tayo makauusad mula sa pagkalugmok sa barbarismong laganap ngayon sa krisis ng Estados Unidos at lahat ng ekonomyang nakapako sa tubo, komodipikasyon ng buhay, paghahari ng salapi at akumulasyon ng kapital? Paano tayo kakalas sa pagkabilanggo rito?

Ito nga ang hamon sa ating kolektibong lakas. Tungkulin at responsibilidad ng mga intelektwal tulad ninyo, tulad nating lahat, ang magpunla ng binhi ng kamalayang historikal, ang kaisipang malingap at mapanuri, at linangin ito sa paraang magiging mabisa ang mga ideya ng katarungan at kasarinlan sa bawat kilos at gawa. Kung paano ito maisasagawa, ay depende sa partikular na sirkonstansya ng bawat isa. Walang absoluto't monolitikong gabay sa pag-ugit ng mobilisasyon ng kolektibong lakas. Bawat pagkakataon ay humihingi ng bagong analisis, paghimay ng kongkretong pagsalabat ng sapin-saping determinasyon, at patakaran, estratehiya at taktika sa pagresolba ng mga kontradiksiyon. Bawat okasyon ay may sariling kontradiksiyong dapat masinop na suriin, timbangin, kalkulahin, at kilatesin upang mahagilap kung saan mabisang maisisingit ang interbensiyon ng nagkakaisang lakas ng produktibong masa, ang ahensiya/subhetibidad ng bansang ipinapanganak.

Masahol daw ang suliranin ng ating lipunan, ayon sa ilang dalubhasa. Ang dahilan daw ay ito: nakabilanggo tayo sa pribadong spero ng buhay, nakasentro sa pamilya, kabarkada, sa makitid na espasyo ng ating tahanan, nayon, rehiyon. Hindi ito nakasudlong sa publikong lugar. Samakatwid, mahina o wala tayong publikong diwa, "civil society," sanhi sa personalistikong daloy ng ating pakikipagkapuwa. Kaya atrasado ang bansa dahil sa "damaged culture," umiiral ang pagkakanya-kanya, kompetisyon ng mga dinastiya, oligarkong pangkat, atbp. Tumpak ba itong palasak na diyagnosis ng ating pangkalahatang problema? Lumang tugtugin ba ito na dapat isaisantabi na upang makaakyat sa mataas na baytang ng pagsulong?

Upang maliwanagan ang sitwasyong ito, sa palagay ko, kailangan ang imbentaryo ng bawat buhay, isang kolektibong pagkukuwenta. Una'y balik-tanawin ang ating kasaysayan, mula kina Legaspi at Sikatuna, Dagohoy at Hermano Pule, Burgos at Propagandista, hanggang sa panahon nina Duterte at NDF/NPA. Ano ang mga kontradiksiyong hindi nalutas, na sumukdol sa kasalukuyang krisis? Saan nakadisposisyon ang pwersang reaksyonaryo't pwersang progresibo? Anong bagong ahensiya o suhetibidad ang mabisang makakapag-iba ng obhetibong sitwasyon, ng itinakdang pag-aayos ng mga pwersang nangingibabaw at pwersang kontra-gahum? Ito ang mga katanungang dapat nating harapin--ang asignaturang kailangang bunuin upang maisakatuparan ang tungkulin ng sining at kultura sa transpormasyon ng buong lipunan. Handa na ba tayong suungin ang hamon ng kasaysayan?
Narito ang mapanuksong repleksiyon ni Apolinario Mabini sa kanyang napakamakabuluhang akda, "Ang Rebolusyong Filipino": "Sumuong tayo sa digmaan sa paniniwalang atas ng tungkulin at dangal natin ang magsakripisyo sa pagtatanggol ng ating kalayaan hangga't makakaya natin sapagkat kung wala ito, sadyang hindi mangyayaring magkaroon ng panlipunang pagkakapantay-pantay sa pagitan ng naghaharing uri at ng katutubong mamamayan at hindi mapapasaatin ang tunay na katarungan....Sa bisa ng likas na kalakaran ng mga bagay, nasa sambayanan mismo ang lahat ng kapangyarihang nakasasaklaw rito....Kung nasa pagtutugma ng katwiran at karanasan ang katotohanan, nasa pagtutugma ng teorya at praktika ang birtud.."
Pagmuniin natin ang proposisyon ng dakilang bayani bilang magkasudlong na interpretasyon at pagsubok baguhin ang ating kapaligiran--"not only interpret the world but change it."--###
-------------------------------------------------------------------------------------------------------------
TUNGKOL SA AWTOR


           Kilalang kritiko at manlilikha sa larangang internasyonal, si E. SAN JUAN, Jr. ay emeritus professor of English, Comparative Literature, and Ethnic Studies, University of Connecticut & Washington State University. Siya’y awtor ng maraming libro, kabilang na ang Balikbayang Sinta: An E. San Juan Reader (Ateneo University Press), Kontra-Modernidad (University of the Philippines Press), Tinik sa Kaluluwa; Rizal In Our Time (Anvil Publishing), Bakas Alingawngaw (Ateneo University Press), Salud Algabre (University of San Agustin Publishing House), at Ulikba at mga bagong tula; at Learning from the Filipino Diaspora (U.S.T. Publishing House).

Inilathala ng Lambert Academic Publishing Co., Saarbrucken, Germany, ang kaniyang Critical Interventions: From Joyce and Ibsen to Peirce and Kingston, kasunod ng In the Wake of Terror (Lexington), US Imperialism and Revolution in the Philippines (Palgrave), at Carlos Bulosan: Revolutionary Filipino Writer in the U.S. (Peter Lang). 

Ilulunsad ng U.S.T. Press sa taong ito ang bagong libro niya: Faustino Aguilar: Kapangyarihan, Kamalayan, Kasaysayan, Isang Metakomentary sa mga Nobela ni F. Aguilar--pinakaunang libro ng makabagong panunuri sa mga akda ng isang rebolusyonaryong  tagapagtatag ng panitikang Filipino.

          Naglingkod siya bilang Fulbright professor of American Studies sa Katholieke Universiteit Leuven, Belgium; Fellow, Center for the Humanities, Wesleyan University; visiting professor of literature sa National Tsing Hua University, Hsinchu, Taiwan. Kamakailan, siya ay naging Residential Fellow ng Rockefeller Foundation Study & Conference Center sa Bellagio, Italya, at Fellow sa W.E.B. Institute, Harvard University.  Siya ay kasalukuyang director ng Philippines Cultural Studies Center sa Washington, DC, USA, at katulong na patnugot ng maraming dyornal tulad ng  Cultural Logic, Kultura Kritika, Unitas, at iba pa.  Kasapi siya sa  American Civil Liberties Union, Democratic Socialists of America, at Modern Language Association of America. Kamakailan, naging chair professor of Cultural Studies, Polytechnic University of the Philippines, at visiting professor of English, University of the Philippines.

___________________

E. San Juan, Jr.
3900A Watson Place NW 4 D/E
Washington, DC 20016, USA
<philcsc@gmail.com>


APOLINARIO MABINI--PAGPUPUGAY

SAN JUAN: Ang Mapagpalayang Praxis ng Rebolusyonaryong UNITAS 52 APOLINARIO MABINI: Ang Mapagpalayang Praxis ng Rebolusyonaryong Sambayanan ...