TIGIL, VIAJERO, ITUGMA ANG IYONG KALENDARYO
SA "BAYAN NG HINAGPIS"
Bawat umaga
binibilang ng militanteng Alan Jazmines kung ilang linggo, buwan, taon na siya nakapiit at kailan maitutuwid ang baluktot na kalakaran
Abo na lamang ang apoy kagabi sa kampo sa Sierra Madre
ngunit may titis pang umuusok, lumusong-umahon... Sa nagbabagang uling,
sipat ng tanod, may kagampang nakahimlay ang kislap, liyab, sunog
na tutupok sa bulok na bilangguan sa kahinugan ng panahon.
Bawat tanghali
binibilang ng detenidong Maricon Montajes kung ilang araw, linggo, buwan ang ninakaw sa kanya ng gobyerno, kailan maibabaligtad ang tadhana
Sa gilid ng estero ng kulungan umusbong at bumuko
ang ligaw na halaman, namukadkad ang pulang bulaklak
sa lilim ng mga baril-kanyon ng Estado lingid sa orasan... Umigpaw,
tumakas habang naglalasing, nagsusugal ang mga sundalong nagbabantay.
Bawat takip-silim
binibilang ng aktibistang Ericson Acosta kung ilang sampal, bigwas, palo, tadyak at bugbog ang gantimpala sa kanya ng militar-- kailan darating ang ganting hustisya?
Mula sa bukal sa bundok gumagapang ang batis di pansin ang orasyon....
Sa gubat umaagos sa magdamag, tangay ang dugo't luha ng pakikihamok,
Nilulusaw ng ilog ang inip ng pag-aasam--Sapaw na ang paglalamay sa gabing ito.
Di na mabilang ang masang tumatawid sa dagat. Kabilang na tayo. Naganap na.
Oras na ng pagtutuos.
---E. San Juan, Jr.