BAKAS: Dalumat ng Gunita’t Hinagap, Memorya ng Kinabukasan
— ni E. SAN JUAN, Jr.
- AVENIDA RIZAL, STA. CRUZ (1938-1944)
Buhay ay pakikipagsapalaran, lihis sa iyong pagnanais o pagnanasa
Pook na dinatnan ay hindi nakaguhit sa dibdib, balintunang hinala
Pook na binagwis ng alaala’t pag-aasam
Tumatawid sa agwat/puwang ng panahong gumugulong sa buhangin
Nakalingon habang dumudukwang sa agos ng alon—
anong kahulugan ng pagsubok at pangakong itinalaga ng panahon?
Tayo ba ang umuugit sa daluyong ng kapalaran?
Lumilihis sa bawat liko, sa bawat sandali nag-iiwan ng bakas ang katawan
Sa bawat sulok, matatagpuan ang uling/alabok ng buong kasaysayan—
Bumabagtas sa bawa’t yugto ang tunggalian ng uri, saan kang panig makikisangkot, kaya kailangang magpasiya
Upang masunggaban ang sungay ng tadhana, ikawing ito
sa ating adhika’t pangangailangan ng komunidad—
Tanong mo’y saan? Sagot ko’y kailan? Bibingka ng hari, di mahati-hati….
Tuwing umaga’y nalalanghap ang anghot ng ihi’t dumi ng kabayo
sa kuwadra ng San Lazaro tabi ng Oroquieta Ospital ang kinagisnan—
Agwat/puwang ng panahon, kaluluwang humibik
sa pagitan ng Tayabas at Batangas, bininyagan sa Iglesiya Espiritu Santo
Kapagkwa’y tumawid at naipit sa riles ng Blumentritt at estero ng Dimasalang
malapit sa pugad ng pampang si Marina noong 1945….
—“dala-dala’y buslo…pagdating sa dulo”—
Sa mga eskinita lumalagos ang bango ng piniritong isda’t ginisang bawang sibuyas kamatis luya
Sa bingguhan asaran biruan ng mga kamag-anak
Amoy ng dura’t pawis masangsang na putik sa harap ng 2121 Avenida Rizal
kung saan napanood ang prusisyon ng libing ni Manuel Quezon
Kakatwang estranghero ang sumaksi sa tahanang
ginawang motel para sa ‘short-time” tipanan ng magtatalik—
Agwat ng umaga’t dapithapon sa naghihintay na musmos, binibilang ang patak ng ulan
Puwang ng paglalaro sa lansangan ng Tayuman at Bambang, inaabangan—
Sakaling wala ang ina’t ama, “buhok ni Adan hindi mabilang,”
himutok ng ulilang musmos
Sagisag na walang lakas hubugin ang daloy ng karanasan, biktima ng pangyayaring
matagal ang panahon ng pagkagulang, nabulabog sa bawat gulong ng trapik….
Gayunpaman, nabaluktot sa balisa’t di-pagkakapalagay, stigmata sa gunita:
Unti-unting nahuhulog kumpol-kumpol ang dilawang bulaklak ng punong-akasya
sa harap ng dungawang tila masamyong dibdib ni Nena, nag-alagang katulong, mangyaring pagpalain ng Inang Kalikasan
ang kaniyang mairuging kaluluwa.
2. MONTALBAN, RIZAL (1945-1950)
Bukal ang kinabukasan sa iyong gunita, sa tukso ng pag-asa
Sa guni-guni, tila huni ng ibon sa bulaos ng kalabaw tungo sa ilog Pasig
Bumubuhos sa Montalban, agos ng panahong sumusukat sa isip
Tinutugis ang kaganapang bulong at anasan ng mga nagdarasal
sa sementeryo ng La Loma…
Lalakarin daw ang haba ng dinulang, doon masusulyapan ang Irog
bago manampalok—Sinampal muna bago inalok?
Halinghing ng kabayo sa gubat ungol ng baboy aso’t manukan
Pangarap ng paglalayag habang nakadukwang sa estero ng Reina Regente
gumagapang gumagala sa Binondo San Nicolas Dibisorya
Takas, pumipiglas—
Pinaulanan ng bala ng gerilyang Huk ang PC istasyon sa munisipyo ng Montalban
—hindi lamang pito ang baril nila, di lamang siyam ang sundang—
Taginting ng salapi’y hungkag sa hinagap ng Boddhisatvang umakyat
sa lambak doon sa Wawa kung saan
nagkublli sina Andres Bonifacio’t at mga gerilyang Katipunan….
Umahon mula sa kabilang ibayo ang kamalayang sumasagap sa tinig ng panata
hindi mula sa Benares o Herusalem kundi sa Sierra Madre
upang humabi ng sutrang kayumanggi mula sa tadhanang gumugulong….
Sunggaban ang suwag ng kapalarang naligaw sa rumaragasang unos
Malayo na sa kilabot ng mga Hapong umurong sa Wawa
Pinaligiran ng tropang Amerikano, sindak ng imperyalismong sumasabog…
Gumising doon sa bukang-liwayway ng Liberasyon at tuloy sa dagundong
ng magulong Maynila, sunog sa Korea at Arayat
mabilis pa sa alaskuwatrong tumungo sa sinehang Lotus at Noli
Kung saan narinig ang “Fascination” nina Dinah Shore at Belle Gonzales—
Bigkasin mo ang pangalan ng mga kolaboreytor at bayaning nagbuwis ng buhay….
Ngayon ay alingawngaw ng panahong
Lumikha sa mga pangyayaring
Lihis sa iyong pangarap at panimdim
Kapwa ninais at pinilit
Kapwa tinaggap at tinanggihan: kailan? saan?
Sa pag-inog ng pakikipagsapalarang tila walang simula’t katapusan.
3. BALINTAWAK, QUEZON CITY (1951-54)
Pangangailangan ang umuusig sa pagkikipagsapalaran, gumaganap ang bulag na simbuyo
Sa daluhong ng kasaysayan, hindi maiiwasan o maitatakwil
Kaya ang sumunod sa nesesidad ay malaya’t magpapalaya
sa kahinugan ng panahon, pahiwatig ng mga pantas….
Sumisingit sa baklad ng gunitang balintuwad:
Minsan tinapos ko ang Crime and Punishment ni Dostoevsky
isang hapong maalinsangan
Di ko malilimutan ito, gabi na ng ibaling ang paningin sa bintana
Lihim na pagkahumaling ko kay Esther Deniega (lumisan na) ay iburol sa balong
malalim, punong-puno ng patalim, balong hindi malingon
Tulad ng pagsasama namin nina Ernie at Pete Daroy
Sa limbo ng mga pagliliwaliw, sa impiyerno ng mga pag-aalinlangan at agam-agam
Mabuhay kayong mga itinapon,
Nakarating na kayo sa ipinangakong himpilan, ipinaginip na himlayan.
“Dalawang pipit, nagtitimbangan sa isang siit, sumusungit ng bituin”
Di nagluwat, sumabak sa pakikibaka laban sa US-Marcos diktadurya—
Minagaling ang basag kaysa baong walang lamat
Sapagkat sa kaibuturan ng aksidente, pagbabakasakali, namumutawi
ang siglang pagbubuhatan ng tagumpay ng ating minimithi,
Hindi salita kundi hibo’t hikayat ng panaginip at guniguni, matris ng himagsikan,
ang lugar ng panahong nahinog sa yapos at aruga
ng mga magulang at mga gurong nagmalasakit…
Huwang mong basahin ito
Tatak ng titik titik ng tiktik
Huwag tingnan huwag sipatin
Huwag silipin huwag sulyapan
Tatak ng titik titik ng tiktik
Huwag mong titigan baka ka malikmata’t maalimpungatan….
Asul ang kulay ng langit sa parang at lambak ng Diliman—
Aso ko sa pantalan, lumukad ng pitong balon, humugos sa pitong gubat
bago natanaw ang dagat—
Walang katuturan ang panahon kung walang pangarap o pag-asa
Pagnanais ang matris ng pangyayari, pagnanasa ang ina ng katuparan
Kabiyak na niyog, magdamag na kinayod,
Naghasik ng mais, pagkaumaga ay palis—
Huli ng balintataw ang mailap na buntala ng iyong mithing talinghaga,
pangarap ng pithayang alumpihit pumaimbulog sa kawalan.
4. CRAIG, SAMPALOC, MAYNILA (1955-60)
….Subalit ang kalayaang magpasiya’y nagkabisa
Sa isang tiyak na pook at itinakdang pagkakataon
Bagamat limitado ang kapangyarihang umalsa’t bumalikwas
Walang pangyayaring magaganap kung wala ka,
Sintang itinapon sa gitna ng maburak na Pasig.
Bumagsak ang eruplano ni Magsaysay ngunit nkalimutan
na ang CiA ahenteng Lansdale, sa gayon
Neokolonyang teritoryo pa rin tayo hanggang ngayon….
Agos de pataranta sa Palomares at Gardeniang dinalaw ng mga GI
pagkatapos sumuko si Aguinaldo’t nawala si David Fagen
Magkabalikat kami nina Ernie at David Bunao sa bilyaran sa Quiapo
Di inalintana kung may hirap, hanapin ang ginhawa
Aralin ng pakikipag-ugnayan sa Culi-Culi, Marikina, massage parlor sa Raon
Walang matimtimang birhen sa lagalag na kaluluwang naghuhunos
Di bumibilang ng bukas-makalawa upang paraanin ang nagparaan—
Walang matiyagang hayup sa magayumang kalapating sumasayad sa pampang….
Shantih Shantih Weiilala leia Wallala leialala
Bago umakyat sa Baguio, tumawid kami sa Tayug, Pangasinan, nina Mario Alcantara
at Pablo Ocampo, kumakampanya para kina Recto-Tanada
Hindi ko batid noon na malapit sa Binalonan, bayan ni Carlos Bulosan….
Noong 1972 ko na lang napag-alaman ito sa lilim ng Pulang Bandila
Lumangoy at lumutang sa usok sa Luneta’t daungan ng Manila Bay
Tudyo’t halakhak ng mga kaibigang nakausad mula sa Tundo hanggang Sta Cruz & Quiapo
Tatlong bundok ang tinibag bago dumating nang dagat
Walastik, para kina T.S. Eliot Joyce Nietzsche Sartre, tapos ang boksing sa Sarili
Walastik, naghalo ang balat at tinalupan sa turo ng pilosopong galing sa Popular Bookstore
Di naglaon, tumubo ang sungay at tumindi ang pagnanasang makahulagpos
—“karga nang karga, kahit walang upa” ang islogan ng anarkista
bago sa engkuwentro kina Marx Engels Lenin Lukacs noong dekada 1965-72…
Pumalaot na mula sa daungan ng Subic Bay
Lupa’t tubig ang nakalunsad
Apog at asin sa lagusan
Tinalunton ang landas pabulaos mula sa Ilog Montalban
Halos magkandarapa halos sumubsob
Hindi pa nakaraos
Hindi pa natutuklasan: kutob, ligamgam
Hangin at apoy ang bumuhos
Hindi pa yari ang proyektong idaraos
Pumalaot na sa hanggahang di-abot-tanaw
Humugos sa dalampasigan
Tubig lupa hangin apoy
Apoy hangin apoy
___________++++++++++++++++++++++++______________
PROYEKTO SA PAGBUO NG KOLEKTIBONG MEMORYA NG NAGKAKAISANG-HANAY
O, BAKIT WALANG PAHINGA ANG PAKIKIBAKA KAHIT NAGAYUMA SA INTERLUDE NG AWIT?
Ilang Pagninilay sa “Bakas” ni E. San Juan, Jr.
Sa puwang ng ilang pahina, hiniling ng patnugot na ipahayag ko ang ars poetikang nakatalik sa tulang “Bakas.” Balighong hinuha, ngunit sa tangkang paunlakan, sinubok ng makata ang interpretasyong sumusunod na bukas sa anumang pasubali, pagwawasto, at pagpapabulaan.
Pambungad na gabay muna: Huwag kalimutan na nakapaloob sa kolonyalismong orden ang lahat ng intelektwal sa ating bayan, mula 1899 hanggang 1946, at sa neokolonyalistang istrukturang saligan ng Estadong nakapailalim sa imperyalismong U.S. Dahil sa kapangyarihan ng pribadong pag-aari (kapitalista, piyudal) at di-makatarungang dibisyon ng trabaho, patuloy ang digmaan ng mga uri’t iba’t ibang sektor ng lipunan. Mistipikasyon at obskurantismo ang namayani sa klima ng panahon ng pagkagulang ng makata (1938-1948), at utilitaryanismong neoliberal mula 1949 hanggang sa ngayon. Samantala, maigting din ang paglago ng mga puwersang sumasalungat sa hegemonya ng kapitalismong global.
Walang tabula rasa sa naratibo ng talambuhay. Masasaksihan doon ang suliranin ng “Unhappy Consciousness” (Hegel) na diyalektika ng ugnayan ng alipin at panginoon sa islang sinakop. Kolonyalisadong mentalidad ang minana ng makata hanggang magkaroon ng kabatiran sa panahon ng anti-imperyalismong pag-aalsa laban sa U.S. interbensiyon sa Vietnam at pagsuporta sa diktaduryang Marcos (1972-1986). Ang katotohanan ng kolonisasyon/neokolonisasyon ng isang subalterno at kung paano maitatakwil ito’t makahuhulagpos sa nakasusukang bangungot ng pang-aapi’t dominasyon—ito ang tema ng “Bakas.” Sa trabaho ng negasyon, sa pamamagitan ng gawaing subersyon ng umiiral, bumubukal ang kinabukasan na siyang katubusan ng nakalipas. Ililigtas din nito ang Rason/Ideyang ipinagtanggol ng mga bayaning nagbuwis ng buhay upang mapalaya ang sambayanang lumilikha ng pagkataong Filipino at kalinangang batayan ng sosyalismong hinaharap.
Mapa ng Salaysay
Di na dapat sabihin na matatarok lamang ang buod ng karanasan kung pagdurugtungin sa banghay ng naratibo ang proseso ng pagsulong at kinahinatnan. Mauunawaan sa gayon ang Konsepto (Begriff) ng kolektibong kamalayang nagbabanyuhay. Kaya susubaybayan natin ang detalye ng panahon at lugar na sumasagisag dito. Bawat nilalang ay nakaangkla sa isang espasyong partikular, lunan o pook kung saan nakaluklok ang Ideyang Unibersal (“Geist,” bansag ni Hegel; ang kooperatibang humanidad, sa isip ni Marx-Engels). Ngunit walang kabuluhan ito kung hindi nailalakip sa daloy ng kasaysayan.
Naimungkahi ni Henri Lefebvre na ang produksiyon ng espasyo ay isang usaping kaugnay ng buhay o kamatayan para sa bawat lahi. Naisusog niya na walang makaiilag sa “trial by space—an ordeal which is the modern world’s answer to the judgment of God or the classical conception of fate” (The Production of Space, 1991, p. 416). Adhikain ng tula ang himaymayin ang ideolohiyang minana sa kolonisadong kultura ng Commonwealth at neokolonyang Republika sa paraan ng paghahalo’t pag-uugnay ng iba’t ibang kontradiksiyon ng karanasan, paghahalintulad ng pira-pirasong yagit ng gunita, alanganin, pagsisisi, panimdim, pangarap, pagkabigo, mapangahas na pagsabak sa daluyong ng pakikipagsapalaran. Makikilatis ang tunguhin ng bawat tagpo sa tula: ang balak na lumikha ng identidad mula sa metapisikal na indibidwalistikong ego tungo sa isang konsepto ng budhi ng pagkatao. Sa kabilang dako, layon din na makalinang ng isang diwa o matris ng kolektibong ahensiya ng uring gumagawa o yumayari—sa ibang salita, ang ahensiyang istorikal ng mga manggagawa’t pesante, ang bayang pumipiglas sa kadena ng imperyalismo’t burokratang kapitalismong namamayani hanggang ngayon. Ito ang protagonistang uugit sa transpormasyong radikal ng bansa.
Sinikap dito na isatinig ang kolektibong memorya sa pagbabay sa mga kontradiksiyong masisinag sa karanasan ng makata. Kailangang ilugar ang nangungusap na aktor sa isang takdang yugto ng kasaysayan. Kung walang katawan, walang mararamdamang pangyayari, walang bisa’t katuturan ang pontensiyal ng kaluluwa—ang birtud ng inkarnasyon. Sino ang bumulong ng balitang isisilang na ang Mesiyas? Kinakasangkapan ng sining ang ilusyon ng anyo o hitsurang nadarama upang maibunyag ang katotohanan, ang sintesis ng sangkap at kaakibat na totalidad. Sa gayon, hindi matatakasan ang araw-araw na pakikihamok, tuwa’t daing ng mga katawang magkabalikat. Bawat pulso ng wika’y siya ring pulso ng body politic, ang komunidad na kinabibilangan ng makata. Artikulasyon ng katutubong wika (hindi Ingles) ang mabisa’t mabungang medyasyon ng bahagi at kabuuan.
Mobilisasyon ng Pagnanasa
Nasaan tayo ngayon? Patungo saan? Balitang nakatambad sa Internet: Martial law sa Mindanao, patayan sa Marawi City ngayon, mistulang katuparan ng binhing naipunla noong dekada 1972-1986 kung saan namulat ang makata sa realidad. Paano maipangangatwiran ang sining/panitikan sa gitna ng gulo’t ligalig, malagim at nakasisindak na paghahari ng terorismong gawad ng imperyalistang globalisasyon? Paano maikikintal sa konsiyensiya ng lahi ang balangkas ng buhay na nakagapos sa anomie at alyenasyong naibunsod ng komodipikasyon ng bawat bagay—panggagahis o pagbebenta sa karanasan, pag-ibig, seks, panaginip? Lahat ay nalusaw sa fantasmagorya ng salapi at bilihing lumamon sa dugo’t espiritu ng bawat tao. Saan ang lunas sa malubhang salot na nagbuhat pa sa pagsakop ng Estados Unidos nang mabuwag ang proyekto ng himagsikan ng 1896 at nalubog tayo sa barbarismong laganap ngayon? Nabalaho ang kasaysayan natin sa gayuma ng komoditi/bilihin, sa diskursong burgis ng pamilihan/salapi at indibidwalistikong pagpapayaman.
Ituring na alegorya ang imahen, tayutay o talinghagang ikinabit dito sa ilang pook ng MetroManila kung saan nagkaroon ng kamalayang sosyal ang makata. Isinilang bago pumutok ang WW2, nasagap pa ang huling bugso ng nasyonalismo ng Philippine Commonwealth (Avenida Rizal). Nagbinata noong panahon ng Cold War, panahon ng Korean War at pagsugpo sa Huk rebelyon—rehimen nina Quirino, Magsaysay at Carlos Garcia (Montalban, Rizal). Tinalunton ang landas tungo sa pagpasok sa Jose Abad Santos High School noong nakatira sa Balintawak; at sa paglipat sa Craig, Sampaloc, nasabit sa mga anarkistang pulutong sa Unibersidad ng Pilipinas.
Di sinasadya itong makitid na ruta ng uring petiburgis. Paniwala ito ng aktor/suheto ng pansaliring pagnanais. Natambad sa positibismong pilosopiya nina Dr. Ricardo Pascual at mga kapanalig—sina Cesar Majul at Armando Bonifacio—at nakisangkot ang awtor sa kampanya nina Recto-Tanada noong dekada 1954-58. Nakilahok din sa praxis ng diskursong sekular laban sa panghihimasok ng ilang reaksyonaryong kleriko sa akademya. Nakakawing sa mga pook na naitala ang ilang pangyayaring nagsilbing konteksto sa paghubog ng diwang mapagpalaya’t makabayan, diwang tumututol sa umiiral na ordeng puspos ng pagsasamantala’t korapsiyon, ng walang tigil na tunggalian ng uri, kaalinsabay sa pagsigla ng pambansang pagsisikap makalaya’t makamit ang tunay na kasarinlan at pambansang demokrasya.
Salungat sa pormalistikong estetikong iginigiit ng akademikong institusyon ang buhay ng makatang tinalunton dito. Litaw na nagbago ang kamalayan sa pamamagitan ng ugnayan ng praktika at teorya, hindi lang pragmatikong pakikilahok at pakikiramay. Maraming balakid, natural, ang ruta ng gitnang klase sa lipunan. Tubo sa petiburgesyang uri—guro sa haiskul at pamantasan ang mga magulang, na naging kamag-aral nina Loreto Paras-Sulit at henerasyon nina Jose Garcia Villa at Salvador P. Lppez—naging huwaran ang mga intelektuwal sa milyu ng Komonwelt. Unang pumukaw sa imahinasyon sng mga pelikulang Hollywood, mga huntahahan ng tiyo’t tiya sa Blumentritt, ang mga kuwento ng kaiskuwela sa Jose Abad Santos High School sa Meisic, Reina Regente, na ngayo’y higanteng mall sa Binondo. Nagpasigla rin si Manuel Viray, tanyag na kritiko, at naglaon sina Franz Arcellana, Rony Diaz, Ernie Manalo, Pete Daroy, Gerardo Acay, Carlos Platon, Ruben Garcia, atbp. Huwag nang banggitin ang palasintahing pagpaparaos ng panahon na pwedeng suriin sa isang nobelang education sentimental—tila kalabisan na ito, mangyari pa.
Naligaw na Mapa ng Paglalagalag
Bagamat kabilang sa mga petiburgesyang etsa-puwera, hindi biglang naging maka-kaliwa ang awtor—matinding impluwensiya sa simula ang Existentialismong naisadula nina Sartre, Camus, Marcel, Nietzsche, Kierkegaard. Ginagad sina Villa, T.S. Eliot, Wynhdam Lewis (tingnan ang “Man is a Political Animal” at iba pang detalye sa Kritika Kultura #26 ) at mga awtor na tinangkilik ng mga kaibigang kalaro sa bilyaran at kainuman sa Soler, Sta. Cruz, Quiapo at Balara. Tanda ko na laging bitbit ko noong katulong ako sa Collegian ang libro ni Sartre, What is Literature? Hihintayin pa ang dekada 1965-1975 bago mapag-aralan sina Mao, Lenin, Lukacs, Marx, Engels, Gramsci, atbp. Nauna si Mao noong huling dako ng dekada 1960, at sumunod si Georg Lukacs sa antolohiya kong Marxism and Human Liberation (1972). Mapapansin ang indibiduwalistikong himig ng tula, na hango kina T.S. Eliot, Ezra Pound, at W.B. Yeats, mga manunulat na naging ulirang padron noong aktibo sa UP Writers Club at sa krusadang anti-obskurantismong pinamunuan nina Pascual, Alfredo Lagmay, Augstin Rodolfo, Leopoldo Yabes, Elmer Ordonez, at iba pang guro sa pamantasan. Nakaimpluwensiya ang mga sallita’t kilos ng mga iskolar-ng-bayan, at naging tulay ang tradisyong humanistikong iyon sa pakikipagtulungan ko kina Amado V. Hernandez at Alejandro Abadilla noong mga dekada 1960-1967. Hindi dapat kaligtaan ang pakikisama ng awtor kina Ben Medina Jr., Rogelio Mangahas, Ave Perez Jacob, Efren Abueg, at ibang kapanalig sa kilusang makabayan.
Bakit panitik o sining ang napiling instrumento upang maisatinig ang mailap na katuturan/kahulugan ng buhay? Anong saysay ng tula sa harap ng mabilis na transpormasyon ng lipunan—ang pag-unlad nito o pagbulusok sa lusak ng barbarismo ni Duterte at oligarkong kasabwat? Noon, masasambit bigla ang pormularyo ng Talks at the Yenan Forum ni Mao. Sapantaha kong nakausad na tayo mula sa dogmatikong gawi. Sukat nang sipiin ang bigkas ni Amado Hernandez sa panayam niya tungkol sa sitwasyon ng mga manunulat noong 1968: “Ang kanilang mga katha ay hindi na bungangtulog kundi mga katotohanang nadarama, kaugnay at kasangkot sa mga pakikibaka ng lipunan at taongbayan at ng pagbabalikwas ng uring dukha laban sa inhustisya sosyal ng mga manghuhuthot at mapanlagom” (Panata sa Kalayaan ni Ka Amado, ed. Andres Cristobal Cruz, 1970).
Salungguhitan ang Sangandaan
Nasa kalagitnaan na tayo ng pagtawid sa ibayong pampang, bagamat naudlot ang usapang pangkapayaan sa pagitan ng gobyerno at National Democratic Front (NDFP). . Inaasahan kong naisaulo na natin ang prinsipyo ng materyalismong istorikal: ang konkretong analisis ng masalimuot na paglalangkap ng sari-saring dimensiyon ng anumang krisis sa kasaysayan. Umpisahan natin ang mapanuring pagtalakay ng kasaysayan sa metodong Marksista: malawak ang imbak na posibilidad ng sambayanan, ngunit ito’y binhi pa lamang ng kinabukasang nahihimbing sa pusod ng kasalukuyan (ayon kay Ernst Bloch). Gayunpaman, hindi natin mahuhulaaan ang tiyak na oras o sandali ng kagyat na pagsalimbay at pagdagit ng anghel ng Katubusan.
Ito ang dahilan sa pagdiin ng makata sa kontradiksiyon ng di-maiiwasang pangangailan at libertad, ang larangan ng contingency at ng nesesidad. Naitanghal na ito ng mga suryalistikong artista at nina Pablo Neruda, Bertolt Brecht, Lu Hsun, Aime Cesaire, atbp. At naipaliwanag din ito sa pilosopiya nii C.S. Peirce (ang polarisasyon ng tadhana at aksidente; tychism, synechism). Sa paglagom, ang kalayaan ay nagmumula sa pagkabatid sa batas ng kalikasan (tendensiya, hindi istriktong batas, batay sa galaw o kilos ng produktibong lakas ng komunidad).
Sa masinop na imbestigasyon, masisilip din ito sa Tao Te Ching, o sa akda nina Clausewitz at Sun Tzu hinggil sa arte ng digmaan. Kaugnay nito, pag-isipan din natin ang turo na ang sining ay hindi tuwirang salamin ng realidad kundi simbolikong praktika. Sa pamamagitan ng retorika, talinghaga, sagisag, binibigyan ng solusyong ideolohikal o pang-imahinasyon ang kongkretong kontradiksiyong pulitikal-sosyal sa lipunan. Tungkulun ng manapanuring aktibista ang pagsiyasat at pagsaliksik sa subtexto na mga kontradiksiyong pinoproblema sa karaniwang buhay ng madla sa lipunan.
Pahimakas sa Patnubay ng mga Bathala
Sa larangan ng malikhaing panulat, desideratum sa makata ang paghabi ng makabagong artikulasyon sa loob ng parametro ng sistemang lingguwistika, at sa musikero ang pagyari ng baryasyon sa tema sa loob ng kumbensyonal na kuwadrong sonata o fugue, halimbawa. Lumisan na ang Musang maipagbubunyi. Naiwan na lamang ang gumuhong labi ng malungkuting alingawngaw ni Maria Makiling sa Pinagbuhayan ng bundok Banahaw. Marahil, bukas, makikipag-ulayaw tayo sa mga Pulang Mandirigmang nagdiriwang sa liberated zone ng Sierra Madre.
Balik-aralin ang proposisyon ni Sartre: Kanino mananagot ang manunulat? O sa pagtatasa ni Brecht: dapat bang mang-aliw o magturo ang manunulat? Maari bang pag-isahin ang naihiwalay sa aksyomang klasikong dulce et decorum, ang responsibilidad na magpataas ng kamalayan habang nagliliwaliw at nagsasaya? Maibabalik ba ang gintong panahon nina Balagtas at Lope K. Santos?
Sa panahon ng kapitalismong neoliberal, at madugong militarisasyon ng bansa (sa ironikal na taguring Oplan Pangkapayapaan), paano maisasakatuparan ang pagbabalikwas sa lumang rehimen at pagtatag ng makatarungang orden? Paano mapupukaw ang manhid na sensibilidad ng gitnang-uri na nabulok na sa walang-habas na komodipikasyon? Hindi na matutularan ang huwarang kontra-modernismo ng makatang Charles Baudelaire, halimbawa, na nagsiwalat ng kabulukan ng burgesyang lipunan noong ika-1800 siglo (ayon kay Walter Benjamin,The Writer of Modern Life, 2006).
Ano ang dapat gawin? Malayo na tayo sa milyung inilarawan ni Ka Amado noong 1968. Sa ngayon, ang katungkulan ng mandirigmang makata (mithiin ng awtor ng “Bakas”) ay makisangkot sa pagbuo ng hegemonya ng proletaryo’t magbubukid bilang organikong intelektuwal ng nagkakaisang-hanay (tagubilin ni Gramsci) sa panahon ng imperyalismong sumasagka sa pagtatamasa ng kasarinlan at kaunlaran ng bansa. Huwag kalimutan ang Balanggiga? Oo, subalit huwag ding kalimutan ang Maliwalu, Escalante, Mendiola, Marawi! Itampok ang bumabangong kapangyarihan ng sambayanan! Sa halip na mag-fokus sa egotistikang talambuhay, ibaling ang isip sa mabalasik na bugso’t pilantik ng kolektibong gunita na mauulinigan sa musika ng “Bakas.” Sukat na itong magsilbing pahimakas sa kabanatang ito ng paglalakbay ng manlilikha sa mapanganib na pakikisalamuha (hindi pakikipagkapwa) sa digmaang-bayang rumaragasa’t patuloy na gumigimbal at bumabalantok sa buhay ng bawat nilalang sa milenyong ito. —##