KUMANDER PARAGO VERSUS ONE BILLION RISING: POLITIKANG SEKSUWAL SA PANAHON NG TERORISMONG U.S.
-- ni E. San Juan, Jr.
Professorial Lecturer, Polytechnic University of the Philippines
Ang tao ba ay katumbas lamang ng kanyang katawan, o bahagi nito? Ang kasarian ba ay walang iba kundi organong seksuwal? Seks ba ang buod ng pagkatao?
Kung hindi man ito kalakaran, ang tumututol ay siyang nagtatampok ng problema, bagamat salungat sa namamaraling opinyon o doxang pangmadla. Sinomang bumanggit ng seks ay kasabwat na ng mga bastos at mahalay. Sabi-sabi ito. Batikusin mo, ikalat mo't palaganapin. Bakit mali ito?
Ang usapang seksuwal ay di na masagwa o mahalay ngayon. Buhat noong maging sikat, bagamat kontrobersiyal, ang "Vagina Monologues" ni Eve Ensler, tila hindi na nakasisindak tumukoy sa mga maselang bahagi ng katawan ng babae (Wikipedia 2015). Ang estilong bugtong o talinghaga sa seks--gawaing pakikipagtalik--ay itinuturing na sintomas ng neurosis o maselang sakit ng budhi. Paano ang seks ng transgender, hybrid o cyborg?
Ordinaryo na lamang ang seksuwal chitchat sa kontemporaryong praktika sa sining at publikong huntahan. Bakit hindi kung laganap na ang advertisement sa Viagra at iba pang drogang nagpapaudyok sa hindutan? Anong masama sa masarap na "dyugdyugan"? Di ba utos kina Eba at Adan: "Multiply...Magparami kayo!" Kung di kaya, uminom ng pilduras o di kaya'y virgin coconut oil. OK ito sa mga pariseo ng simbahan.
Wala bang sariling ating pukaw-pukyutan? Katutubong pukyotan-putakang pangsarili. Biro ng iba, kung instrumento ng progresibong sektor ang popularidad ni Ensler, bakit di pumatol ang "Penis/Balls Monologue"? Kung sobrang tsobinismo o makismo ito, e di symposium o colloquium ng mga genitalia? O sunod kina Bakhtin at Levinas, diyalogo ng balun-balunan, bukong-bukong at puwit? Demokratikong pagpapalitan ng kuro-kuro at kiliti. May reklamo ka?
Pambihirang Pakulo
Iwan na muna natin ang katawang performative. Dumako tayo sa milyung espirituwal, sa palengkeng neoliberal. Pambihira talaga. Walang clone si Ensler. Isa na siyang korporasyon ng Power Elite ng Global North. Isang haligi ng Imperyong U.S. Naging selebriting burgis si Ensler, kumita ng di-makalkulang yaman at prestihiyo sa di umano'y peministang hamon sa moralidad ng puritanismong lipunan.
Nagsilbing kultural kapital ang cause de celebre, ginawang passport o pretext para isalba ang kababaihan saan mang lupalop tulad ng neokolonyang Pilipinas. Talo pa niya si Mother Teresa. Ililigtas sina Mary Jane Veloso, Andrea Rosal, Wilma Tiamson, at iba pang inaaping babae sa rehiyon ng BangsaMoro at Lumad (San Juan 2015).
Huwag nang idawit ang Birhen, o babaylang Reyna sa TV at pelikula. Hindi biro, naging talisman o magayumang lakas ang seks ng babae. Sino ang may reklamo sa One Billion Rising ni Ensler? Ang Vagina Men sa Quezon City o sa Congo? Pati mga gerilya ng New People's Army ay nagsasayaw sa direksiyon ni Ensler sa tulong ng mga kakutsabang kabaro. HIndi na monologo kundi koro ng mga diwata sa gubat kung saan ang masa ay mga isda, ayon kay Mao.
Magaling! Tuwang-tuwa ang mga hito, talakitok, dilis, bia, tanggigi, bakoko at tilapya. Mabuhay ang rebolusyong umiindak, naglalambing. Kung hindi tayo kasama sa sayaw, sambit ni Mother Jones, bakit magpapakamatay?
Karnibal ng mga Paru-Paro?
Kaalinsabay ang usapang puk# sa liberalisasyon ng diskursong seksuwal sa klimang anti-kapitalistang protesta sa buong mundo. Tampok dito ang Women's Liberation movement (simula kina Simone de Beauvoir o Shulamith Firestone) noong dekada 1960-1970. Bumunsod na nga sa pagturing sa prostitusyon bilang sex work/trabahong makalupa. Ewan ko kung anong palagay ni Aling Rosa at mga Lola ng "Lolas Kampanya Survivor" na naglakbay sa kung saan-saan, salamat sa tulong ni Nelia Sancho, ang coordinator ng grupo (tungkol sa industriyalisasyon ng seks, konsultahin si Barry 1995, pahina 146-51).
Sa ngayon, 300-400 Lola ang buhay pa sa bilang ng 2000 "Comfort Women" sa Pilipinas. Wala pang hustisya sina Lola Julia, Lola Fedencia, atbp hanggang ngayon. Patuloy nilang iginigiit na ang ginawa ng mga Hapon noong giyera ay hindi pag-upa sa babaeng trabahador kundi talagang gahasang tortyur, panggagahis sa sibilyan, isang masahol na krimen laban sa humanidad. Usapang putangna iyon, walang duda. Ang babae ay makinang ginamit upang magparaos ang mga sundalong Hapon, tulad ng mga "hospitality girls" sa Angeles City, Olongapo, at iba pang R & R sentro ng US sa kanilang pandaramong sa Vietnam, Cambodia at Laos noong mga dekada 1960-1980.
Sa kasalukuyan, walang pang artista tulad ni Kenneth Goldsmith na mangagahas sumulat ng isang tula tungkol sa "Katawan ni Lola Rosa, "Comfort Woman." Nang sambitin ni Goldsmith ang kanyang tulang konseptuwal, "The Body of Michael Brown" (Goldsmith 2015), katakut-takot na puna't panunuri ang sumabog sa Internet at mass media. Bakit? Ang katawan ng Aprikano-Amerikanong biktima ng karahasan ng pulis sa Ferguson, Missouri, ay tila naging banal, sagrado, hindi puwedeng gawing paksa sa makalupang aktibidad. "Off Limits," wika nga, sa mga puting naghahari, puting makapangyarihan (White Supremacy).
Akala natin ay nasira na ang mga hanggahan, regulasyon, o bakod na naghihiwalay sa iba't ibang uri, paksa, ugali, kaisipan. Akala natin, kung popular na ang "Vagina Monologues," maaari nang pakialaman ang anumang bagay; wala nang pag-aaring pribado o di kakabit ng espasyong komun o komunidad. Paano mangyayari ito kung umiiral pa ang pribadong pag-aari ng mga kasangkapan sa produksiyon ng ikabubuhay? Umiiral pa ang tubo, salapi, pribadong lupa o espasyo. Binibili pa ang lakas-paggawa, hindi lamang lakas kundi buong katawan at kaluluwa mo. Pati panaginip mo, damdamin, iyong matimtimang pagnanais o pangarap mong kalakip ng iyong puso't budhi. Walang sagrado sa korporasyong multinasyonal, sa palengke ng kapitalismong global. Biniro ni Goldsmith, kaya siya natisod sa apoy ng umaatikabong alitang di lamang kultural kundi tahasang politikal at moral.
May aral kaya ito sa mga alagad ng ONE BILLION RISING? Anong panganib na sumusunod tayo sa modo ng publicity ng isang haligi ng burgesyang imperyo? Paano mababago ang diwa at institusyong mapang-api kung wala tayong kabatiran sa maselan at masalimuot na rasismo't makauring ideolohiyang kaakibat ng patron ng produktong inilalako ni Ensler?
Radikal at Mapanuri? Bawal! Huli 'yan!
Bago sumabog ang peminismong radikal, mahaba na rin ang tala ng rebelyon ng mga alagad-ng-sining laban sa sensura, ipokrisya't pagbabawal sa malayang paglalahad. Historya ito ng ebolusyon ng modernidad. Kasi, laging pinaglalangkap ng Patriarkong Orden ang militanteng sining at pornograpya. Hindi sumusunod sa istandard ng burgesya. Taktikang pagbubusal iyon sa kritikang kamalayan. Isipin na lang ang kaso sa dalawang nobelang Ulysses ni James Joyce at Lady Chatterley's Love ni D.H. Lawrence, o mga libro ni Henry Miller. Pati Catcher in the Rye at Huckleberry Finn ay pinagbabawal sa ilang aklatang pampubliko sa U.S.
Nakakabagot itong ipokrisya, testigo sa paghahati ng lipunang mapagsamantala't makahayup. Huwag na nating balik-tanawin pa ang mga sinaunang halimbawa ng Satyricon ni Petronius, Decameron ni Boccacio, Gargantua at Pantagruel ni Rabelais, at mga akda ni Marquis de Sade. Sinubok nilang sugpuin at pigilin ang pag-unlad ng kamalayan. Laging umiigpaw sa kontrol ng mga naghahari ang lasa at nais ng madla, hindi ng mga awtoridad na umuusig sa mga "ideological State apparatus" ng makauri't mapagsamantalang lipunan.
Sa larangan ng pintura, masilakbo't maengganyo ang balitaktakan. Armadong puwersa ang nakapangingibabaw, hindi argumentong rasyonal. Nakasalalay ang kapangyarian ng Patriyarkong Burgesya. Pwedeng banggitin ang eskandalo tungkol sa "Olympia" (1865) ni Edouard Manet, "The Origin of the World" (1866) ni Gustave Courbet, "Ecstatic Unity" (1969) ni Dorothy Iannone, at mga litrato ni Robert Mapplethorpe. Halimbawa naman ng mga paggamit ng tema o imaheng relihiyoso, mababangit ang eskandalo tungkol sa "Piss Christ" (1987) ni Andres Serrano o "The Holy Virgin May" (1999) ni Chris Ofili (Frank 2015)..
Sa atin naman, magugunita ang pagsasara ng "KULO" exhibit at ang "Politeismo" (2011) ni Mideo Cruz. Kung itinanghal ang "KULO" sa Pransiya o Italya, marahil walang problema. Baka naging mabenta pa ang mga mapangahas na likhang-sning, karibal ng mga milyong dolyar na produkto nina Andy Warhol at De Kooning.
Ngunit sa neokolonyang mahal, ang diskurso ng libog o praktikang pukaw-pukyutan ay tabu pa rin, sa pangkalahatan. Merong pasubali. Sa akademyang sekular, umiiral ang regulasyon sa takdang lugar ng usapang libog. Ngunit nananaig pa rin ang tradisyonal na moralidad ng iba't ibang simbahan--mga ugali, gawi, kostumbre sa kilos, salita, at sentido komun ng bayan.Sino ba ang nakikinabang sa ganitong paghihigpit? Di na tayo makababalik sa hardin ng karinyo't lampungan (hinggil sa kontrobersyang legal at etikal kaugnay sa pornograpiya, konsultahin si Strossen 1995).
Magtiyaga na lang kayo sa kampo ng mga nudist, susog ng mga miron. O pornograpikong eksena/video sa Internet. Mag-ingat ka, ang surveillance ngayon ay di lamang estratehiya ng pulis, kundi maniobra ng mga espiya sa Internet, satellite, drones---wala kang ligtas! Puputaktahin ka ng isang katerbang buwisit at kamyerdahang panghihimasok.
Hamon kina Gabriela Silang at Mga Babaylan
Paano kung ambisyon mo ang tumulad kay Shigeko Kubota? Lalaki ka man, puwede ka ring gumaya kay Kubota.
Sino itong Kubeta? Kubota po, hindi kubeta. Ipinanganak siya sa Niigata, Hapon, noong 1937, kalahi ng mga Budistang monghe (Wikipedia 2015). Naging kasapi siya sa organisasyong Fluxus sa New York noong dekada 1960. Si Kubota ay tanyag na avantgarde video-iskultor, lumilikha ng video installation, sumusuri sa pamana ni Marcel Duchamp, ama ng modernismong sining. Kalahok ang mga maraming likha niya sa Dokumenta 7, Kessel (1982) at iba pang museo't galeri. Naging propesor siya ng teknolohiya ng video/pelikula sa iba't ibang unibersidad at institusyong global. Unang napag-aralan niya ang komposisyon ni John Cago noong 1963 sa pagsasanib niya sa grupong musikero sa Tokyo, ang Ongaku, kasama si Yoko Ono.
Naging tanyag si Kubota sa "Vagina Painting," na ginanap sa Perpetual Fluxus Festival,Cinematheque, New York noong Hulyo 1965. May foto ng akto niya sa libro ni Peter Osborne, Conceptual Art (2002), pahina 71. Subaybayan din siya sa Internet sa dokumentasyon ng "Vagina Painting" at iba pang likhang-sining niya (Godfrey 1998).
Sa pangyayaring ito, inilatag ni Kubota ang isang malapad na papel sa sahig. Doon nagpinta siya nang abstraktong linya sa pulang kulay sa bisa ng galaw ng brotsa. Nakakabit ang brotsa sa singit. Huwag mo nang itanong kung gaano katagal ang aksyon at ano ang reaksyon ng awdiyens noon. Sinasagisag ang kanyang vagina bilang bukal ng inspirasyon. Ang pulang pinta ay kahalintulad ng dugo sa regla na hulog mula sa lugar na tinaguriang kawalan ng phallus (sa metaporikang pakahulugan; ibig pahiwatig, hindi penis o titi). Sa gayong palabas, pinasimulan niya ang isang perspektibang makababae sa tipikal na pagtatanghal ng Fluxus hinggil sa operasyong pagbabakasakali, pasumala o patsansing-tsansing("chance operations").
Iminungkahi ni Kubota sa kanyang akto ang isang alternatibo sa agresibong teknik ng action o drip painting ni Jackson Pollock. Isang hamon din ang ginanap ni Kubota sa papel ng babaeng artista na laging pinapatnubayan, ginagabayan, at inuugitan ng kalalakihan--awtoritaryong disiplina ng mga Patriyarko. Dagdag pa, pinuna ni Kubota ang paggamit sa babae bilang brotsang buhay, nilubog sa pintang kulay asul, na pinagapang sa kanbas, na masasaksihan sa Anthropometrie serye ni Yves Klein noong dekada 1950-1960.
Salungat si Kubota (na asawa ng bantog na si Nam June Paik) sa ganoong paggamit ng katawan ng babae, isang uri ng "human traffiking" ng kababaihan. Kapanalig niya sa krusadang ito sina Yoko Ono at Carolee Schneeman, na hindi masyadong nagustuhan ng kanilang grupong Fluxus (Osborne 2002).
Makibaka, Huwag Magsipsip
Sunod ba ang One Billion Rising sa pintang pukyutan ni Kubota? Aktibo pa rin si Kubota sa New York. I-Google ninyo. Uliran ang kanyang halimbawang napasimulan sa pagpukpok sa pukyutan upang pukawin ang bihag at nakukulong na kamalayan. Isang sandata iyon sa conscientization ng madla.Bakit hindi? Bakit hindi gamitin ang katawan--na siyang lugar ng "Kingdom" ng Tagapagligtas--upang palayain ang pagkatao't kaluluwa (kundi pa naisangla o naipagbili)? Bakit pa nagkaroon ng inkarnasyon kung tayo'y mga anghel na walang puwit o bunganga, walang titi o puk%?
Anong reklamo mo? Manunuod na lang ba tayo ng "Fifty Shades of Grey" at YOUTUBE seryeng pornograpiko, at mga artifaktong pabalbal sa Internet tulad ng "Kakantutin ka lang nila" (mahigit 4,081,933 ang taga-subaybay sa YOUTUBE; Lordganja 2015). Kuntento na ba tayong laging nakatungaga sa mga strip-tease at sirko ng mga egotistikong selebriti sa TV at pelikula? Marami tayong reklamo, sigurado, kaya dapat ipahayag na ito. Pasingawin at ibilad ang mga pasakit, himutok, hinanakit. Kundi, baka magkarambulan sa sikolohiyang pantayo't pambarkada.
Alam nating lahat ang tunay na situwasyon. Tulad ng anumang bagay, puspos ng masalimuot na kontradiksiyon. Lahat ng bahagi ng katawan ay may reklamo, laluna ang sikmura, uhaw sa hustisya. Marami nang pasubali: kaya bang ipahiwatig ang damdamin ng buong body politic sa makitid at partikularistikong paraan ng Vagina Monologue o Vagina Painting? Binugbog at pinarusahang mga katawan ng sambayanan, isinasangkot sa pambansang mobilisasyon ang lahat ng kasariang inaapi. Bukod ito sa One Billion Rising.
Pag-ugnayin muli ang pinagwatak-watak na bahagi ng katawan upang mabuo muli ang kalayaan at pagkakapantay-pantay na winasak ng imperyalismo't kapitalismong global. Usapang mapagpalaya, hindi lang usapang puk%, ang rebolusyong sumusulong, kabilang ang lahat ng nakikiramay ngayon kina Ka Leoncio Pitao at Ka Vanessa Limpag, biktima ng barbarismong kabuktutan ng rehimeng Aquino at US imperyalismo (Dulce 2015). Mabuhay sina Kumander Parago at Ka Vanessa, bayani ng lahi, laging buhay sa puso ng masa.
SANGGUNIAN
Barry, Kathleen. 1995. The Prostitution of Sexuality. New York: New York University Press. Nakalimbag.
Dulce, Leon. 2015. " 'Taytay Parago' and the Defiance of Paquibato." Kalibutan. Nakapost sa Bulatlat (2 July).
<bulatlat.com/main/2015/07/02/tatay-parago> Webpage.
Frank, Priscilla. 2015. "A Brief History of Art Censorship from 1508 to 2014." HuffPost Arts and Culture <www.huffingtonpst.com/2015/01/16/art- censorship_n_646510.html> Webpage.
Godfrey, Tony. 1998. Conceptual Art. New York: Phaidon Press. Nakalimbag.
Goldsmith, Kenneth. 2015. "The Body of Michael Brown." Facebook of Kenneth Goldsmith. Entry for March 15, 2015. Webpage.
Lordganja. 2015. "Kakantutin ka lang nila lyrics." <https://www.youtube.com/watch?v=JVDZWJoFzO> Webpage.
NPA Panay. 2014. "One Billion Rising, by the Red Detachment of Women." YOUTUBE. Webpage.
Osborne, Peter. 2002. Conceptual Art. New York: Phaidon Press Lit. Nakalimbag.
San Juan, E. 2015. Between Empire and Insurgency. Quezon City: University of the Philippines Press. Nakalimbag.
Strossen,Nadine. 1995. Defending Pornography. New York: Doubleday. Nakalimbag.
Wikipedia. 2015. "Eve Ensler." <https://en-wikipedia.org/wiki/Eve_Ensler> Webpage.
Wikipedia. 2015. "Shigeko Kubota." <https//en-wikipedia.org/wiki/shigeko- kubota> Webpage.
____________________________________________________________
E. San Juan, Jr.
Professorial Lecturer, Polytechnic University of the Philippines
E-mail: <philcsc@gmail.com>
Others have given their lives, without doubt or heed...Scaffold or open plain, combat or martyrdom's plight, 'Tis ever the same, to serve our home and country's need. -- JOSE RIZAL, "My Last Farewell" // Sapagkat ang mundo'y bayan ng hinagpis Mamamaya'y sukat tibayan ang dibdib... -- FRANCISCO BALAGTAS, "Florante at Laura" //
Subscribe to:
Posts (Atom)
APOLINARIO MABINI--PAGPUPUGAY
SAN JUAN: Ang Mapagpalayang Praxis ng Rebolusyonaryong UNITAS 52 APOLINARIO MABINI: Ang Mapagpalayang Praxis ng Rebolusyonaryong Sambayanan ...
-
PAGSUBO K SA ISANG MAPAGPALAYANG PAGKILALA'T PAGTAYA SA SINING NI JOSE CORAZON DE JESUS by E. SAN JUAN, Jr. Dahil sa ma...
-
KONTRA-MODERNIDAD: PAKIKIPAGSAPALARAN SA PAGTUKLAS NG SARILI NATING MAPAGPALAYANG KABIHASNAN Kung ang katotohanan ay matatagpu...
-
ULIRANG HALIMBAWA NI EFREN ABUEG: Tungo sa Mapagpalayang Sining ni E. San Juan, Jr. Kamakailan, bago ipinawalan ang “Morong 43” na biktima...