Thursday, February 11, 2016

NAGPAPASYAL LAMANG ANG MAKATA

NAGPAPASYAL LAMANG ANG  PILOSOPONG MAKATA SA KANYANG BALWARTE 
ni E. SAN JUAN, Jr.




Damdam ko'y banayad at walang pangamba habang tumatawid
sa lansangang patungo sa hulugan ng koreo
sa tabi ng palengke sa Krus-na-Ligaw, Quezon City.

Payapa, maalwan.  Matimpi't
matimbang ang tikas, maingat. Dahan-dahan ang pagtunton.
Nasulyapan ang mga paskil ng pelikula, mga kandidato sa darating na halalan at grapiti sa maruming pader....

Hinagod ang kapaligiran, Internet Cafe, tindahan, nag-aalok ng kakanin,
tuhog-tuhog, talyer ng eksperto sa tatoo, hain din ang hilot, himas,
nakatatakam na tukso.  Nakalalaway ang amoy ng inihaw,
barbeque raw ng baboy, manok, aso? Singaw ng piniritong bawang, sibuyas, kamatis, konting bagoong....

Napansin kong may mukhang nakangiti sa salamin sa barberyang naraanan, nakangiti sa larawan ng Birhen.  Walang pagsisisi sa pag-iisang ito. Walang pagtitimpi o pagtitika?
Ulila ma'y walang atubili, alinlangan, tiwala sa bawat hakbang.
Sinong maiingit o manghihinayang?

Ulila ma'y nakasandig pa rin
sa matatag na talampakan. Tumawid sa nagsangang landas, lusot sa balag at barb-wire na bakod. Napansin ang palumpon ng bulaklak--rosas, kalachuchi sampagita, nilingon pa ang nawasak na matinik na tarangkahan....

Nakatuwad na ang araw nang lumiko sa matuwid na daan
at sumapit sa palikuran. Hindi na mapigil.  Ay naku!

Isang pilay at duling na babae ang sumilip mula sa taksing humagibis. Lunes ba ngayon o Linggo pa?
Tanda ko pa, napuwing ako, nakapandong na itim
ang babaeng iyon. Isang karaniwang pangyayari. Tanda ko
kahit walang bakas sa gunita, bakas ng paang lumisan
mula sa butas ng sepulkro kung kailan pa iyon.
                                   



APOLINARIO MABINI--PAGPUPUGAY

SAN JUAN: Ang Mapagpalayang Praxis ng Rebolusyonaryong UNITAS 52 APOLINARIO MABINI: Ang Mapagpalayang Praxis ng Rebolusyonaryong Sambayanan ...