Others have given their lives, without doubt or heed...Scaffold or open plain, combat or martyrdom's plight, 'Tis ever the same, to serve our home and country's need. -- JOSE RIZAL, "My Last Farewell" // Sapagkat ang mundo'y bayan ng hinagpis Mamamaya'y sukat tibayan ang dibdib... -- FRANCISCO BALAGTAS, "Florante at Laura" //
Wednesday, April 27, 2011
PAALAM MAHAL HANGGANG SA MULING PAGTATAGPO
Hintay lang, sandali—
At sa sulok bumulong ang matiisi’t matiyagang kasama:
“Higit na mabuti
ang magsindi ng kandila kaysa isumpa ang dilim…”
Ngunit tanglaw ng bulalakaw sa iyong sulyap, kumaladkad sa ‘king katawan
hanggang sa pampang, hilahod, yapos ko, Mariel,
ang lamang sumabog, lakas ng diwa’t pusong
uminog sa karnabal ng araw bituwin buwan ng ating buhay….
Hintay, sandali, anong ganda—
Apoy sa mata mo’y sulong pumatnubay, pinagtalik ang dilim at liwanag
sa lamang nagnanais,
nagpupuyos sa bawat himaymay ng gunita--
Sa gabing pusikit, kumikislap ang elektrisidad ng iyong hininga—
Sa kabilang pampang ng ilog doon tayo magtatagpo
malayo sa barikada, sa puntod ng Alamogordo at Fukushima—
Bulong ko’y walang kandilang naghihintay, sumpain nawa ako
sa pagbati ng iyong sumbat, Mariel –
Ay, “pasensiya na po….”
Hintay, tila may naiwan—
Walang tiis o tiyagang kailangan, ngunit di ko matandaan kung ano….
Kung anumang natuklasang nakalimutan, puwede ba--
Ipaalam lamang, hindi paalam, Mahal ko, kundi padayon!
--E. SAN JUAN, Jr.
Tuesday, April 05, 2011
BAYANI NG TAGAPAGLIGTAS
BIYAYA NG TAGAPAGLIGTAS
-- E. San Juan, Jr.
1.
Unti-unti umaambon dumagit ang naglambiting
ulap sa panimdim
Patak-patak napigtal ang pangakong nahulog sa matris ng lupa
Naligaw ang umaasong tala sa takip-silim ng pangarap
Dahan-dahan ang pakpak ng guni-guni’y lumilim
humimlay sa iyong bisig
Bumalisbis dumaluyong ang babaeng kagila-gilalas—
Sumasaiyo sumasaatin ang kanyang pusong umiigkas—
Umaapaw ang ligayang biyaya ng tagapagligtas—
2.
Umuulan nang ikaw’y umalis, nakisilong sa mutyang humarap sa panganib
Umaapaw ang batis, lumalagos sa pader ng tadhanang walang mukha
Nagpasiya ka, bulong mo’y dasal na tumalab sa kilabot at hilahil
Unti-unti humupa ang antak ng pagsusumamo, kamao’y bumuka’t bumigay
Bumalisbis dumaluyong ang babaeng kagila-gilalas—
Sumasaiyo sumasaatin ang kanyang pusong umiigkas—
Umaapaw ang ligayang biyaya ng tagapagligtas—
3.
Dahan-dahang tumikom ang labing bumigkas ng pagbati sa nagtanang panaginip
Tigil na ang pangungulila-- Sa wakas ng sigwa, gumigising ang bangkay sa ating pagdamay
Tigil na ang pagtitiis-- Dumulog sa lambing at bagsik hugot sa katawang inialay
Kumanlong sa gunita ang kaluluwang bumabangon, nakaumang ang dibdib sa pagsubok ng umaga.
Bumalisbis dumaluyong ang babaeng kagila-gilalas—
Sumasaiyo sumasaatin ang kanyang pusong umiigkas—
Umaapaw ang ligayang biyaya ng tagapagligtas—
UMBAY PATUNGONG TAGUMPAY -- E. San Juan, Jr.
[Maikling bersyon ng “Biyaya ng Tagapagligtas]
1.
Unti-unti lumilim ang naglambiting araw sa panimdim
Umaasong pangako’y nahulog sa matris ng lupa
Naligaw ang tala sa takip-silim ng pangarap
Apoy ng guni-guni’y humimlay sa iyong bisig
Dumaluyong ang mutyang kagila-gilalas—
Sumasaiyo ang pusong umiigkas—
Umaapaw ang kapalarang tagapagligtas—
2.
Nangahas kang humarap sa panganib,
Sumabog ang pag-asang lumagos sa pader
Utak mo’y tumalab sa hapdi ng pangungulila
Humupa ang kirot, kamao’y bumuka’t bumigay
Dumagsa ang sintang kagila-gilalas—
Sumasaatin ang pusong umiigkas—
Umaapaw ang tadhanang tagapagligtas—
3.
Tumikom ang labing bumati sa nagtanang panaginip
Tigil na ang luha-- Gumising ang bangkay sa ating pagdamay
Tigil na ang lumbay-- Dumulog sa kaluluwang bumabangon
Nakaumang ang dibdib sa pagsubok ng umaga
Dumagit ang diwatang kagila-gilalas—
Sumasalahat ang pusong umiigkas—
Umaapaw ang masang tagapagligtas—
Subscribe to:
Posts (Atom)
APOLINARIO MABINI--PAGPUPUGAY
SAN JUAN: Ang Mapagpalayang Praxis ng Rebolusyonaryong UNITAS 52 APOLINARIO MABINI: Ang Mapagpalayang Praxis ng Rebolusyonaryong Sambayanan ...
-
PAGSUBO K SA ISANG MAPAGPALAYANG PAGKILALA'T PAGTAYA SA SINING NI JOSE CORAZON DE JESUS by E. SAN JUAN, Jr. Dahil sa ma...
-
KONTRA-MODERNIDAD: PAKIKIPAGSAPALARAN SA PAGTUKLAS NG SARILI NATING MAPAGPALAYANG KABIHASNAN Kung ang katotohanan ay matatagpu...
-
ULIRANG HALIMBAWA NI EFREN ABUEG: Tungo sa Mapagpalayang Sining ni E. San Juan, Jr. Kamakailan, bago ipinawalan ang “Morong 43” na biktima...