Wednesday, February 18, 2015

PAGHAHANAP KAY CIRIO PANGANIBAN/IN QUEST OF CIRIO PANGANIBAN, FILIPINO POET





PAGHAHANAP  KAY CIRIO PANGANIBAN 

ni E. San Juan, Jr.




          Bakit mag-aabala pa tayo sa kung sino ang may-katha ng ating araling tula kung naibalita na, kahapon o malaon na, na patay na ang awtor? Paano, saan matatagpuan siya, ang mga buto o labi man lamang?

          Binabasa natin ang "Three O Clock in the Morning." Ano ang saysay nito, ano ang kinalaman sa atin? Bakit makahulugan ito? Anong kabutihan, kung mayroon man, ang dulot nito?

          Ipagpalagay nating di pa tuluyang utas, kundi naghihingalo pa, ang tinaguriang "awtor," ibig sabihin, ang responsableng taong lumikha ng kulupong na mga salitang ito. Mag-asta tayong usyoso, curiosity-seekers, wika nga. Baka maging Lazaro pa ang ating awtor.  Paulit-ulit sa mga teksbuk ang kauting datos tungkol kay Cirio Panganiban, awtor ng "Three O'Clock in the Morning." Matatagpuan ang tula sa antolohiya, Ang Ating Panitikan (1984), nina Isagani Cruz at Soledad Reyes, at sa inedit ni Efren Abueg na ikatlong edisyon ng Parnasong Tagalog ni A G Abadilla.

            Inulit sa Internet ang naitala na nina J Villa Panganiban at Consuelo-Torres Panganiban sa kanilang Panitikan ng Pilipinas (1954).   Sinilang noong Agosto 21,1895 sa Bocaue, Bulacan, ang awtor ay naging patnugot ng Surian ng Wikang Pambansa (circa 1950s). Bukod sa pagkamanananggol, siya ay makata kwentista, mandudula, mambabalarila, at guro ng wika. Laging binabanggit ang kuwento niyang "Bunga ng Kasalanan" na nalathala sa Taliba na pinagkamit niya ng titulong kwentista ng taong 1920 dahil sa boto ng mga mambabasa ng magasing Liwayway. Napuna ng kritikong Teodoro Agoncillo na sa katibayan ng kuwento ni Panganiban, ang mga manunulat sa atin ay marunong nang "magtagni-tagni ng mga tagpo" sa isang banghay (1949, 17).

          Kilala rin si Cirio Panganiban sa dulang "Veronidia" (1927) na "lumikha ng pagbabago sa kasaysayan ng mga dulang Tagalog" (Panganiban & Panganiban 1954, 203).  Laging tampok siya bilang makata ng mga tulang  "Sa Likod ng Altar," "Karnabal ng mga Puso," "Manika," "Sa Habang Buhay," atbp. Kabilang si Panganiban sa grupo ng mga manunulat ng "Ilaw at Panitik," at nasabi ko nga, sa isang antolohiya ng mga salin sa Ingles, na si Panbaninban ay "link between the bardic style of Huseng Batute and the retrospective self-dramatization of A.G. Abadilla" (San Juan 1974). Kung paano ito nag-ugnay kina Batute at Abadilla, ay isang problemang baka maitalakay sa daloy ng diskursong ito.

Lapit sa Likhang-Sining

          Sa paniniliksik ko, isang sanaysay lamang ang nauukol sa panitik ni Panganiban, ang kay Ben Medina na lumabas sa Philippine Studies (1971), at tungkol naman sa "Three O'Clock in the Morning," ang kay Virgilio Almario (2006). Ang komentaryo ni Medina ay pagpapatunay sa naisaad ng tala sa Wikipedia: "Naging alagad siya ni Balagtas sa pagsulat ng tula. Tradisyunal ang istilo niya sa pagbuo ng tula subalit ng malaunan ay nagbago na rin ng istilo, tulad ng masisinag sa "Manika" at sa "Three O'Clock" (2014). Tungkol sa "Manika," hatol ni Medina: "Napalayo siya sa pinagkaugaliang sukat, subalit pinatibayan niya ang likas na aliw-iw, indayog, ng mga salitang Tagalog..."
(1971, 302). Nakatutok pa rin si Medina sa pagkilates sa sining ayon sa pagsunod nito sa tradisyonal na pamantayan.

        Dalawang beses nang nadalaw ni Almario itong tulang ito, una sa kanyang 1972 libro, Ang Makata sa Panahon ng Makina, at sa pangalawa, sa formalista't Marxistang punto-de-bista sa kanyang  2006 libro, Pag-unawa sa Ating Pagtula.
Makitid ang pagtutumbas ni Almario ng "makauring pananaw" at realistang pamantayan ng Marxismo. Kaya itinuon niya ang "tipo ng buhay na isinasadula sa tula," alalaong baga, "ang dekadenteng buhay na dulot ng modernisasyon" (2006, 283).  Mistipikasyon lamang ito, ayon sa Marxistang kritiko ni Almario, samakatwid: "..ang tula ay isang romantisasyon ng aliw sa ganitong pugad ng mariwasa at hindi nakatutulong sa paglalantad ng bulok na relasyong panlipunan sa loob ng salon" (2006, 284). Batid nating mayaman ang pamilya ng makata, kaya "mambabaw kundi ma'y romantisadong paggamit" ng paksa ang nangyari.
Konklusyon ni Allmario: delikado itong ipabasa sa progresibo (o inaaping) sektor ng lipunan.

        Bagamat maraming partikular na detalye ang nabalik-tanaw ni Almario sa kanyang pormalistang paghimay, lubhang dahop kundi man karikatura ang demonstrasyon niya ng Marxistang pagbasa. Moralista ang tula, ayon kay Almario, ngunit taglay ang angking gayuma o "iwing kamandag."  Hindi naipagkabit-kabit ang masalimuot na aspektong bumubuo sa tula. Bagamat nailugar ni Almario ang panahon ng tula sa kolonyang milyu ng Amerikanisadong lipunan bago sumapit ang WWII, istatiko't walang makatuturang relasyon ang panahong iyon sa nakalipas at sa darating na epoka ng kasaysayan ng bansa. Mas malawak ang tanawing panlipunang nailarawan ni Almario sa pagsakonteksto niya ng tula sa 1984 libro niyang Balagtasismo versus Modernismo, ngunit walang bisa iyon sa pagpapakahulugan sa mapagpasiyang paghahati ng panahon sa dulang itinanghal ng tula.

          Iba naman ang hagod ni Rolando Tolentino sa degenerasyong naturol na ni Almario. Hindi sermon ang tula  kundi pagpapatibay sa indibidwalistikong liberalismong ikinalat ng Amerika sa ilalim ng ideolohiyang demokrasyang liberal. Ipinakita ng tula ang tagumpay ng liberalismo, pakiwari ni Tolentino. Dagdag niya: "Ang pagtula ni Panganiban sa ganitong paksa ay pagbibigay ng lehitimasyon sa degenerasyon bilang kabahagi ng liberal na gawi--na sa hulling usapan, ang indibidwal ang may ahensya ng paglahok, pagpigil at pagwaksi sa kalakarang panlipunan, kahit pa nga nagpapahiwatig ito ng degenerasyon" (2007, 179).  Sa palagay ko, tila kalabisan ang pagbibigay ng ahensiya sa nag-iisang indibidwal, sadyang salungat sa tipikal na representasyon ng dula at tauhan sa tula.

Musika ng mga Aliping Nagbalikwas

          Sa halip na ulilang indibidwal, ang diwa ng solidaridad at dinamikong alingawngaw nito ang kinakatawan ng tula. Ang laman at anyo ng "jazz," genre ng tugtuging "Three O'Clock in the Morning," ay hango sa "call-and-response" ritmo ng mga Aprikanong nagtatrabaho sa mga plantasyon ng bulak sa Katimugang Estado ng Amerikano noong panahong ante-bellum, bago sumiklab ang Giyera Sibil. Kahalintulad ito ng sitwasyon ng kolonya't malakolonyang bansa na sinakop at nilupig ng puting Establisimyentong umangkin sa jazz at kinomodify ito bilang kagamitan sa pagkamal ng kita at tubo sa Amerikanisadong cabaret noong dekada 1920-1942 sa buong kapuluan.

          Mula sa kasaysayan ng mga itim na alipin sumibol ang jazz, katibayan ng kolektibong pananagisag ng pagkakaisa ng mga alipin/esklabo sa kanilang kasawian at pakikibaka. Bagamat may namamayaning temang sinusunod ng lahat ng gumaganap sa orkestra sa paglalaro sa jazz, may kalayaan ang bawat isa na humabi ng kanyang baryasyon o bigyan-kahulugan ang dominanteng tema sa isang partikular na tono't bilis na ekspresyon ng pansariling nais sa loob ng napagkasunduang porma ng musika. Ibig sabihin, ang ahensiya ng indibidwal (musikero, alipin) ay nakakapa sa kolektibong pagsisikap isakatuparan ang layuning bumubuklod sa lahat, ang bukal ng kahalagahan ng partikular na identidad ng kasapi sa orkestra.

          Kawangki ang istruktura ng jazz ang pagsulong ng tatlong eksena sa tula. Ang praktika ng pagsasalit-salit ng indibidwal at lipunan ay naipahiwatig sa transisyon mula sa "lilipad-lipad" na mananayaw hanggang sa pigura ng babaeng humibik, "hinahanap-hanap ang puring nawaglit." Ang mismong senyas/representamen ng jazz ang siyang nagdadala sa pagsulong ng tula mula sa masiglang aliw sa unang saknong, kasunod ng dalumat sa pansamantala't mapaglinlang na uri ng ganda't saya, hanggang sa huling saknong na saksi sa pagtuklas ng kabiguan kaalinsabay ng paglukob ng dilim sa dati'y maaliwalas na kapaligiran.

                    Sa guwang ng kontradiksiyong ito sumingit ang rason/batayan ng pagkakawing ng ikoniko't indeksikal na senyas ng tula at tagpo't aksiyon, ang dahilan na ang hugis ng nadaramang kapaligiran ay di dapat ituring na katotohanan kundi pambungad na hagdan o panimulang palantandaan ng katunayang matutuklasan sa dulo ng takbo ng karanasan. Ito ang lohikang interpretant, ang masaklaw ng kahulugan ng tula. May himatong ng pagsasanib ng realidad at pantasya, ng dalamhati sa katalagahan at ligaya sa fantasya, sa metapora ng pusong naglalaro sa isang sandali, kapagdaka'y nagsisinungaling. Sa natatanging lugar ng cabaret at panahon ng alanganin o biting yugto ng kinaumagahan nasapul ang ethos o chronotope ng kabuhayan sa kolonisadong Pilipinas.. Sa ganitong paraan matagumpay na napagsanib ng makata ang anyo (porma) at laman (tema) ng tula.

Semiotika ni Peirce

          Sandaling ibaling ko ang diskurso se semiotika ni Charles Sanders Peirce.
Naipaliwanag ko na sa isang sanaysay na lumabas sa Daluyan 2014 (pamagat: "Kahulugan, Katotohanan, Katwiran: Pagpapakilala sa Semiotika."  Naipaliwanag ko na rin ang ilang batayang prinsipyo ng teorya ng senyas ni Peirce. Pwedeng idiin muli ang triyadikong paradigma nito: obheto--senyas o representamen--interpretant. Sa lingguwistika ni Saussure, ito ang signifier-signified na binaryong relasyon, tiwalag sa "obheto" o yaong okasyon o dahilan ng signipikasyon. Ang interpretant ang siyang nag-uugnay sa obheto (referent, sa ibang diskurso) at sign/senyas.

          Iniuugnay ng interpretant ang marka o representamen sa bagay na tinutukoy, ang obheto. Sa gayon nagkakaroon ng kahulugan ang senyas para sa isang nagpapakahulugan (hindi laging tao ito).  Pansinin na hindi dekonstruksyonista si Peirce sapagkat ang obheto ng semiotika ang nagtitiyak o nagtatakda sa senyas/salita/marka, kaya hindi arbitraryo ang lahat ng pagpapakahulugan o signipikasyon.  Gayunpaman, hindi lubos na natitiyak o naitatakda ng senyas ang interpretant (Peirce 1991, 253-259). Kaakibat ng interpretant ang obheto na siyang nagbibigay ng kahulugan sa senyas/sign, kaya maraming posibilidad ito--at hindi talagang maiiwasan ang kalabuan, kamalian, ambigwidad, at walang patid na sikap sa trabaho ng unawaan at pagpapaliwanagan.

          Humigit-kumulang, maitutukoy ang tatlong uri ng interpretant: ang kagyat o immediate interpretant, na hindi pa lubos na nakamamalay at nakakikilala kung ano ang ibig isiwalat na senyas. Ito ang reaksyon sa unang basa ng tula: kakaunti lamang ang nasakyan.  Pangalawa, ang dinamikong interpretant. Tinutukoy nito ang lahat ng pormalistiko't moralistikong pagbasa. Ito ang epektong aktuwal ng mapagkawing na punksiyon ng senyas sa ulirat. Nasa ilalim ng kategoryang ito ang nabanggit na kritisismo.  Pangatlo, ang pinal o pinakahuling interpretant. Ayon kay Floyd Merrell, "the final interpretant is that which is accessible only in the theoretical long run and hence outside the reach of the finite interpreter or interpreters" (2000, 128).

          Pinalalim ni Peirce ang pagtalakay sa pag-imbento ng "intentional interpretant" na isang senyas na ginawa ng nangungusap upang magkaroon ng komunikasyon. Maari ring magbuo ang nangungusap o sumusulat ng"effectual interpretant" kung saan nagkabisa o tumalab ang senyas ng inilahad ng nangungusap (Liszka 1996, 90).  Sa palagay ko, ang dalawang ito ay kalakip sa dinamikong interpretant. Kung lalagumin, ang iba't ibang antas ng dinamikong interpretant ay maaaring mapatingkad at mapayaman sa masinsinang pagpapaloob ng porma at nilalaman ng tula sa kuwadro ng mahabang kasaysayan ng bansa na nagkakabit sa rebolusyon laban sa Espanya at sa Amerika hanggang sa pagsakop ng Hapon.

          Sa aking pagbasa, itinuring kong sa likod ng partikular na detalyeng mailalahad sa isang sosyolohistikang ulat, naroon ang intensiyong gamitin ang penomena upang ipaabot ang isang mapanuri't mapaglagom na pangitain: ang karanasan ng kolektibo, ng buong lipunan, Pagpapalawig ito sa literal o denotatibang katuturan. Pagbibigkis iyon sa punto-de-bista hindi ng isang grupo o pangkat kundi ng buong sambayanan. Sisipiin ko ang nailahad ko na sa nabanggit na artikulo:

Sa pakiwari ko, ito ang alegoryang nakalakip sa kategoryang Pangalawahin, binubuo ng indeks ng limitasyon sa kagustuhan o pagnanais ng tao. Malinaw na ang temang nakasentro ay
pagkabigo, kabalintunaan, sakit, at sakuna dulot ng mapanggayumang hibo ng magara’t nakasisilaw na pamilihan/komersyo ng lungsod dala ng Kanluraning kapital. Naranasan ito sa pangyayaring naganap. Ang bayang Pilipino ang natukso ng Amerika, ngunit sa pagitan ng gabi
ng kahirapan at umaga ng katubusan, hindi pa rin makaigpaw sa romansang walang kasasapitan. Ang kaligtasan ay nasa pagmumuni sa takbo ng ating kasaysayan noong bago "liberasyon" sa pananakop ng Hapon (San Juan 2014, 12)..


Pakay at Motibasyon ng Pagtatanong

          Bakit ko naungkat ang rason ng ating pag-aaral at imbestigasyon tungkol sa kahulugan? Ano ang silbi nito sa ating buhay?

          Ipagunita natin sa kalipunan ng mga nag-sisisyasat--tayo ito, ang komunidad ng mga mananaliksik at nagsusuri--ang dahilan ng pag-uusisa sa senyas, wika, sining. Ang kahulugan ay isang proseso ng komunikasyon sa iba't ibang mga ahensiya. Ang produkto nito ay impormasyon, at ang bisa o resulta ng komunikasyon ay pag-uunawan, yaong ibinabahaging pagkakaiintindi na pag-aari ng lahat, kaalamang gamit ng lahat. 

          Samakatwid, ang layon o pakay ng pag-aaral (inquiry, sa kataga ni Peirce) ay pagkakasundo sa isang totoong paniniwala o kaalaman (Liszka 1996, 81). Sa pangkalahatan, pagkakaisa sa opinyong naitatag na.  Ang bunga naman ng tunay na paniniwala, na mataimtim na pinaninindigan, ay pagkontrol sa sarili, disiplina sa sarili; at para sa madla, kilos o ugali o gawi ng nagpapakita ng konkretong pagkamakatwiran (concrete reasonableness). Sa dagling pagsusuma, ang layon ng interpretasyon ay isang makatwirang pagkilos o aksyong taglay ang pagkamakatwiran.

          Sa ganitong perspektib, sikapin nating patalasin at palawakin ang sakop ng interpretant. Bakit? Upang magamit ang pagbasa sa tula sa pagkakamit ng mas mapagpasiyang kabatiran tungkol sa kontribusyon ng tula sa ating dunong, talino, damdamin, kakayahan, sensibilidad. Hindi ito pagkakataong ilahad ang teorya ng interpretasyong iminungkahi ni Fredric Jameson sa kanyang "On Interpretation: Narrative as a Socialiy Symbolic Act," kasama sa The Political Unconscious (1981). Sa halip, tunghayan ang kanyang proposition sa kanyang "Third World Literature in the Era of Multinational Capitalism."

          Naimungkahi ni Jameson pagkatapos sipatin ang halimbawa ni Lu Hsun, ang rebolusyonaryong manunulat ng Tsina, na ang manunulat sa Pangatlong Mundo ay kaiba sa katukayo niya sa industriyallisadong metropolitanong sentro. Kaiba dahil ang relasyon ng pribado at publikong larangan, ang koneksiyon ng pulitika at pansariling kapakanan, ang papel na ginagampanan ng intelektwal sa pulitikong digmaan ng kolonyalismo at sinakop. Ilapat ang obserbasyong ito sa panitik ng mga kapanahon ni Panganiban:  "Third-world texts, even those which are seemingly private and invested with a properly libidinal dynamic--necessarily project a political dimension in the form of  national allegory:  the story of the private individual destiny is always an allegory of the embattled situation of the public third-world culture and society (2000, 320)."

          Maidadag na sa klima ng kulturang kinasangkutan ng mga pagpupunyagi ng kapisanang Ilaw at Panitik, kabilang na si Panganiban, ang usapin ng kalayaan at kasarinlan ng bansa laban sa Estados Unidos ay maigting na adhikain. Laganap ito buhat nang sumuko si Aguinaldo sa Estados Unidos at nagapi ang mga gerilya ni Macario Sakay. Sa isang pulong ng grupo noong Agosto 1915 nasambit ni Panganiban ang pahayag ng dakilang simulain ng manunulat sa panahon ng pananakop na manalig sa sariling pag-iisip, itaguyod ang liwanag ng patnubay na paninindigan "Na ang Laya't Katubusa'y panitik ang nagguguhit, / Ang tao at ang baya'y tinutubos ng panitik" (sinipi ni Almario 2014, 257).

          Samakatwid, ang dula ng "Three O'Clock in the Morning" ay isang alegorya ng bansa. Iyon ay dramatikong pagsisiwalat ng sitwasyon ng bansa sa pagitan ng ilusyon ng hegemonya ng Amerika at malupit na okupasyon ng pasistang lakas-pandigma ng imperyong Hapon. Batay sa bagong kaalamang ito, ano ang nararapat ipagpasiya sa pag-ugit sa pagpapalaya't pagsulong ng buong bansa?

          Kung sisipatin sa ganitong kuwadro ng pagpapahalaga, lilitaw na ang tula ay isang masaklaw ng talinghaga, isang alegorya ng sambayanan, hindi lamang ng ilang indibidwal o pangkat (San Juan 2015). At ang interpretant nito, kung makalilipat mula sa dinamiko hanggang final o effectual na antas, ay mahihikayat magpasiya na, una, ibahin ang sitwasyon ng panitikan at mambabasa; pangalawa, gamitin ang impormasyong nahugot sa tula at ilapat sa hinihingi ng bagong kapaligiran; at pangatlo, sa pagbabago ng ating kamalayang panlipunan at pangkasaysayan, kailangang baguhin ang ayos ng lipunang giinagalawan natin.

          Dapat salungguhitan ang tesis nina Peirce at iba pang pantas (Bakhtin, Althusser) sa Marxistang tradisyon na ang wika, sa panitikan o pasalitang diskurso, ay isang praktikang panlipunan na mahigpit kalakip ng kasaysayan at pulitika. Ang panitikan ay isang tahasang interbensiyon sa tunggalian ng iba't ibang uri, sektor, lakas, isang sandatang pampulitika na bumubuo ng suheto/identidad sa pamamagitan ng interpelasyon o pagtawag sa tao upang maging suheto o aktor sa isang dulang pangkasaysayan(Lecercle 2005, 198).

          Nasa sa inyo, mga mambabasa, ang tungkuling pigilin ang takbo ng panahon, o lumikha ng bagong daigdig na makatutubos sa panahong lumipas. Isang asignatura itong tumitimbang sa katuturan ng panitikan o sining bilang mga pangangailangan sa larangan ng kritika ng ideolohiyang mapaniil at utopyang bumabanaag sa harapan, isang mabisang patnubay tungo sa pagpupunyaging makamit ang isang makatao't makatarungang lipunan (San Juan 2015).

SANGGUNIAN


Abueg, Efren. 1973.  Parnasong Tagalog ni A. G. Abadilla, Ikatlong Edisyon.            Maynila: MCS Enterprises Inc.
Agoncillo, Teodoro,  1972.  Ang Maiklng Kuwentong Tagalog (1886-1948).  Maynila:  Inang Wika Publishing Co.
Almario, Virgilio.  1984.  Balagtasismo Versus Modernismo.  Quezon City: Ateneo University Press.
----.  2006.  Pag-unawa sa Ating Pagtula.  Maynila: Anvil.
---.  2014.  Ang Tungkulin ng Kritisismo sa Filipinas.  Quezon City: Ateneo de Manila University Press.
Jameson, Fredric  1981. The Political Unconscious.  Ithaca: Cornell University Press.
-----.  2000.  The Jameson Reader. Malden, MA: Blackwell.
Lecercle, Jean-Jacques.  2005.  A Marxist Philosophy of Language.  Chicago IL: Haymarket Books.
Liszka, James Jakob. 1990. A General Introduction to the Semeiotic of Charles Sanders Peirce.  Bloomington, IND: Indiana University Press.
Medina, Ben S.  1971.  "Panganiban: Tradisyon at Modernismo."  Philippine Studies 192 (1921): 287-306.
Panganiban, J. Villa & Consuelo Torres Panganiban.  1954.  Panitikan ng           Pilipinas.           Quezon City: Bede's Publishing House. 
Peirce, Charles Sanders.  1991.  Peirce on Signs. Ed. James Hoopes. Chapel           HIll:           University of North Carolina Press.
San Juan, E., ed. 1974.   Introduction to Modern Pilipino Literature.  Boston:           Twayne.
-----.  2015.  Lupang Hinirang, Lupang Tinubuan: Mga Sanaysay sa Politikang           Pangkultura at Teorya ng Panunuri.  Manila: De La Salle University Press.
Tolentino, Rolando B. 2007.  Sipat Kultura.  Quezon City: Ateneo U Press.
Wikipedia.  2014  "Cirio Panganiban."  <http://tl.wikipedia.org/w/index.php?title+Cirio_Panganiban&oldid=1436428>

___________________
 <philcsc@gmail.com>

LESSONS FROM GRAMSCI

12 AntonioGramsci’stheoryofthe “national-popular” and socialist revolution in the Philippines Epifanio San Juan Jr Though in substance, y...